Nagtagpo ang Sinaunang Manuskrito ng Bibliya at ang Teknolohiya ng Panahon ng Kalawakan
ANG computer enhancement, ang teknolohiyang ginagamit sa paggawa ng malinaw na mga larawan ng ibabaw ng Buwan o Mars, ay ginamit upang ibalik sa dati ang malabong mga sulat sa isang sinaunang manuskrito ng Bibliya.
Ang manuskritong pinag-uusapan ay natuklasan noong 1892 sa monasteryo ng St. Catherine sa paanan ng Bundok Sinai. Ito ay isang kopya noong dakong huli ng ikalawang-siglo o maagang ikatlong-siglong salin ng apat na Ebanghelyo sa Syriac, isang diyalektong Aramaiko, ang wikang karaniwang sinasalita noong kaarawan ni Jesus. Ang ibang iskolar ay naniniwala na ang salin ay malamang na ginawa kasing-aga noong pagtatapos ng unang siglo.
Sa loob ng maraming taon, ang mga pagsisikap na basahin ito ay naging hindi matagumpay. Ang problema ay na ito ay isang naburang manuskrito, o isang palimpsest. Ang manuskrito ay nabura ng mga eskriba noong dakong huli at isang bagong dokumento ang isinulat sa ibabaw nito. Gayunman, sa paglipas ng panahon ang natirang mga kemikal buhat sa tinta ay nag-iwan ng malabong bakas ng kung ano ang ang dating nakasulat.
Pagtulong ng Panahon ng Kalawakan
Dito pumapasok ang teknolohiya ng computer-enhancement. Una, ang bawat pahina ng manuskrito ay nilitratuhan. Pagkatapos ang mga larawan ay ginawang digitized. Sinusuri ng isang computer ang isang maliit na piraso ng larawan nang isa-isa at nilalagyan ito ng isang numero na katumbas ng densidad nito. Halimbawa, ang puting dako—sero ang densidad—ay binigyan ng numerong sero, at ang mas matingkad na dako ay binigyan ng mas mataas na numero. Minsang ito’y matapos, ang anumang bahagi ng larawan ay maaaring gawing madilim o maliwanag sa pagbibigay rito ng isang bagong numero. Sa gayo’y naging posible na palabuin ang sulat na nasa ibabaw at paitimin ang sulat sa ilalim. Sa pamamagitan ng gayong paraan, kung ano ang naitago sa loob ng mga dantaon ay nakita sa wakas.
Ano ba ang Makikita Roon?
Ano ba ang inaasahang matatamo ng mga mananaliksik sa masalimuot na proyektong ito? Mangyari pa, ang anumang manuskrito ng Ebanghelyo na kasintanda nito ay laging lubhang kawili-wili sa mga iskolar na Bibliya. Marahil ay magbibigay ito ng ilang bagong liwanag tungkol sa teksto ng Bibliya na taglay natin ngayon.
Ang isang kawili-wiling punto ay ang pagwawakas ng Marcos. Ito ba’y nagwawakas sa Marcos 16:8, o mayroon bang karagdagang mga talata gaya niyaong sa maraming sinaunang mga manuskrito? Kung ang Marcos 16:8 ay lumilitaw sa dulo ng isang pahina, kung gayon masasabing mayroon pang mga talata sa isang nawawalang pahina. Ang pahinang ginamitan ng computer-enhancement ay nagpapakita na ang Marcos 16:8 ay nasa gitna ng kaliwang hanay. Pagkatapos ay may isang hanay ng maliliit na mga bilog na sinundan ng isang maliit na espasyo at sa ilalim niyaon ang pasimula ng Lucas. Malinaw na ipinakikita nito kung saan nagtapos ang aklat. Walang pahina o mga talata ang nawawala.
May mga ilang pagkakaiba sa teksto na maaaring makatulong sa pag-aaral ng Kasulatan. Subalit, sa kalakhang bahagi, walang mga sorpresa. Ito, gayunman, ay hindi isang kalugihan. Ipinakikita lamang nito na ang teksto ng Bibliya na taglay natin sa ngayon ay totoong katulad niyaong orihinal na isinulat ng mga manunulat. Pinagtagpo ng teknolohiya ng panahon ng kalawakan ang agwat na mga 19 na siglo upang ipakita sa atin na ang Diyos na Jehova ay hindi lamang Dakilang Tagapagkasi ng Banal na Kasulatan kundi ang Tagapag-ingat din naman nito.