Nasa Panganib ba ang Iyong Pribadong Buhay?
EWAN lang kung paano sana naapektuhan ang huling hati ng ika-20 siglong ito kung ang ilang mahahalagang pangyayari ay nalaman nang patiuna—ang pagsalakay ng Hapón sa Pearl Harbor noong 1941, kung saan sa Europa susunod na sasalakay si Adolf Hitler; kung nalaman lamang ni Hitler na ang Britaniya, Pransiya, at ang Estados Unidos ay sasali sa digmaan; ang mga balak ni Fidel Castro sa Cuba pagkatapos ibagsak ang nagpupunong kapangyarihan nito noong 1959; ang mga balak ng mga pinuno sa hilagang Korea noong Hunyo 1950 at yaong sa Hilagang Vietnam noong 1957, upang banggitin lamang ang ilan. Sapagkat ang mga balak na ito ay iningatang lihim, ang daigdig ay nabigla.
Ipinakita ng kasaysayan na ayaw ng mga bansa ang mga sorpresa buhat sa ibang bansa. Yamang ang elektronikong teknolohiya ay maaari na ngayong maniktik sa mga balak ng ibang kapangyarihan at pinananatili ang magastos na mga sorpresa sa pinakakaunti, ang lihim na labanan sa pagmamanman ay isinasagawa ng karamihan sa mga bansa upang tiktikan ang isa’t isa. Iniulat na “53 mas mahinang mga gobyerno sa daigdig” ang araw-araw ay nag-aalis sa mga tanggapan ng kanilang opisina ng mamahaling mga kagamitan sa paniniktik na maaaring humanap sa nakatagong nakikinig na “bugs.”
Noon pa mang 1952, sinasabing ang embahadang Amerikano sa Moscow ay tinitiktikan sa pamamagitan ng isang pambihirang uri ng “bug” na inilagay sa loob ng Tatak ng Amerikano na nasa likuran ng mesa ng embahador. Noong 1985, iniulat ng mga opisyal ng E.U. na ang mga Sobyet ay naglagay ng maraming makinilya na may nakakabit na “bug” sa embahada ng E.U. sa Moscow.
Ang mga Ruso naman, sa kanilang bahagi, ay nagsabi na nasumpungan nila ang maraming elektronikong “bugs.” Ang mga ito ay sinasabing kinabibilangan ng isang ladrilyong may kawad ng isang transmitter, natuklasan sa embahadang Sobyet sa Washington, D.C. Gayundin, sinasabi ng mga kinatawan ng UN na isang saket para sa antena ng kaniyang telebisyon ay kinabitan ng “bug.” Sa gayon ang paniniktik ay nagpapatuloy sa isang internasyonal na lawak.
Paniniktik sa Dako ng Trabaho
“Ang isa ay nag-aakala na puwedeng manghimasok sa pribadong buhay ng tao,” panangis ng isang abugado. “Nakapangingilabot ang nakikita ko,” komento ng isa pa. “Tayo ay naging isang bansa ng mga espiya.” Sa katunayan, tayo ay naging isang daigdig ng mga espiya. Ang mabilis na pagsulong ng teknolohiya sa komunikasyon—ang mga computer, napakaliit na mga transmitter ng radyo, pag-uugnay ng telepono sa pamamagitan ng microwave at mga satelayt—ay nakatulong sa paggawa nito. Naunahan ng bagong teknolohiya ang mga batas na nangangalaga sa pribadong buhay ng indibiduwal at ng korporasyon.
Halimbawa, sa pag-iinstala ng karagdagang programa sa computer sa isang umiiral nang sistema ng computer, maaari na ngayong subaybayan ng mga amo ang halos lahat ng kilos na ginagawa ng isang gumagamit ng mga video-display terminal—mga sekretarya, mga kawani sa pagpapareserba ng tiket sa mga eruplano, mga manggagawa sa koreo, at yaong nagtatrabaho sa mga checkout counter sa groseri. Ang talaan ay walang katapusan. Tinataya ng mga eksperto na mahigit na 13 milyong mga Amerikano lamang na nagtatrabaho sa gayong mga terminal ng computer ay sinusubaybayan, at ang bilang ay dumarami. Sa taóng 2000, pinag-iisipan nila, na magkakaroon ng 30 milyon hanggang 40 milyong gumagamit ng video-display terminal, at kasindami ng 50 hanggang 75 porsiyento sa kanila ay susubaybayan. Habang ang sistema ay nagiging higit at higit na masalimuot, sabi ng magasing U.S.News & World Report, “kahit na ang mga inhinyero, mga accountant at mga doktor ay inaasahang haharap sa elektronikong masusing pagsisiyasat.”
Mayroon na ngang matinding sama ng loob sa pagitan ng pangasiwaan at ng manggagawa tungkol sa kawalan ng pribadong buhay dahil sa elektronikong paniniktik na ito. Isang pabrikante ng programa sa computer na gumagawang posible sa pagmamanman na ito, ay nagsasabi: “Ipinahihintulot nito ang pagmamanman sa lahat ng mga gumagamit, sa lahat ng panahon.” Ang mga report na lumalabas sa dako ng trabaho ay nagpapahiwatig na ang pagyayabang na ito ay totoo. “Pati nga ang pagpunta ko sa kasilyas ay minamanmanan,” reklamo ng isang opereytor ng telepono. Ganito naman ang sabi ng isang direktor ng isang pambansang samahan ng mga babaing nagtatrabaho, “Maraming gawain ng mga amo ang lantarang panghihimasok sa pribadong buhay.” “Ninerbiyusin ka. Ang kaigtingan ay hindi kapanipaniwala,” sabi ng isa pang galit na manggagawa. “Ito’y isang napakalupit na paraan ng pagtatrabaho. Ang ikaw ay subaybayan sa isang iskrin ng computer anupa’t hindi ka halos makakilos ay nakayayamot kung minsan,” sabi pa ng isa. Kataka-taka ba kung ang iskrin ng computer na ginagamit mo sa trabaho ay bumabaling sa iyo, pinagagalitan ka sa pamamagitan ng paglalabas ng mga salitang, “Hindi ka kasimbilis magtrabaho ng taong katabi mo.” Ang pribadong buhay ba sa dako ng trabaho ay naglalaho na sa mga manggagawa?
Paniniktik sa Korporasyon
Magulo rin sa pangasiwaan ng korporasyon. Ang isang maliit na mikroponong itinago sa opisina nito o sa silid ng komperensiya ay maaaring mangahulugan ng milyun-milyong dolyar na papasok na pera o pagkalugi. Nang ang isang malaking kontratista na awtorisadong gumawa ng sandata ay matalo sa subasta sa dalawang-milyong-dolyar na kontrata sa isang karibal na kompaniya ng ilang libong dolyar lamang, ipinatawag ang isang pangkat na mag-aalis ng nakatagong mikropono. Isiniwalat ng isang paglilinis ang isang mikroponong itinago sa kisame ng silid ng komperensiya. Ang bawat salita ay nasagap ng isang tape rekorder sa kasilyas ng mga lalaki sa bulwagan.
Sa daigdig ng negosyo, ang elektronikong paniniktik ay naging napakapalasak anupa’t tinatayang 100,000 mga “bug” ang inilagay nitong nakalipas na limang taon ng magkaribal na mga kompaniya; upang maniktik sa lahat ng bagay mula sa mga subastang kontrata, mga sekreto ng negosyo, at bagong mga produkto hanggang sa lihim na mga negosasyon sa trabaho. Iniulat na “daan-daang kompaniya na kasama sa Fortune 500” ay nakakakuha sa kanilang mga opisina at mga silid ng komperensiya sa araw-araw ng kagamitan sa paniniktik. “Sa palagay ko mayroon talagang labis-labis na paghihinala sa mga korporasyon sa ngayon,” sabi ng bise presidente ng isang malaking kompaniya sa New York na nag-aalis ng “bug,” “isang damdamin na wala nang ligtas ng dako.”
Ang iyo bang pribadong buhay, bilang isang pribadong mamamayan na walang gaanong kaugnayan sa daigdig ng negosyo o sa gobyerno, ay malamang na panghimasukan ng ilang anyo ng sistema sa pagmamanman? Narito ang ilang mga bagay na dapat isaalang-alang. Ipinakikita ng mga ulat na pito sa sampung mga kalagayan kung saan natuklasan ang ilegal na mga gamit sa pakikinig o wiretap ay may kaugnayan sa pribadong mga partido. Palasak sa mga ito ang mga kalagayan sa loob ng mga pamilya, karaniwan nang ang di pagkakasundo ng mag-asawa. Maraming beses, ang pribadong mga imbestigador ay inuupahan upang magtipon ng katibayan tungkol sa pangangalunya, katunayan ng pagiging isang di-nababagay na magulang, o ilang katibayan ng pagtataksil. Sang-ayon sa isang report, “Walumpung porsiyento ng mga kagamitan na natutuklasan ng mga kompaniya ng telepono sa bawat taon ay nasa mga tirahan.”
Gayundin, isang manunulat pa ang nagsabi na maaari kang tiktikan mismo ng isang kompaniya ng telepono, at ipinakilala niya ang mga kompaniya ng telepono bilang “ang pinakamalaking maysala sa panghihimasok sa pribadong buhay sa pamamagitan ng telepono.” Ganito ang sabi ng isang dating tagasuri ng CIA: “Ang mga pulis na sumasagot ng telepono, sa loob lamang ng limang-taón kung saan makukuha ang mga estadistika, ay nakinig nang walang anumang mandamyento sa 1.8 milyong mga pag-uusap sa telepono, umano’y sa layuning hulihin ang mga nagdaraya sa bayad.” Ang mga maniniktik na ito, sabi niya, ay may malapit na kaugnayan sa lokal, pang-estado, at pederal na mga opisyal ng pulisya na kung minsan ay pinakikipagpalitan nila ng impormasyon.
Mayroon ding mga ahensiya sa pagpapatupad ng batas mismo. Mayroon o walang mandamyento, ang iyong telepono ay baka lagyan ng kagamitan sa paniniktik. Natuklasan na isang pulis sa isang lunsod sa E.U. ay ilegal na nagkabit ng kagamitan sa paniniktik sa mahigit na 3,000 katao sa loob lamang ng ilang taon. Mayroon ding kahawig na mga akusasyon tungkol sa ilegal na pagkakabit ng kagamitan sa paniniktik ng mga pulis sa maraming iba pang lunsod. Sabi ng isang manunulat, “Hindi lamang kilalang mga tao o mga radikal o mga masasamang-loob ang kinakabitan ng ‘bug,’ kundi pati na ang ordinaryong mga tao.” Ikinalulungkot na pati na nga ang Iglesya Lutherano ay kabilang sa mga tiniktikan. Ang iba pang mga relihiyon ay napasa-ilalim din ng elektronikong pagsusuri.
Sa wakas, ganito ang sinabi ng isang propesor sa sosyolohiya: “Sa kakaibang gobyerno at sa isang mas hindi mapagparayang publiko, ang gayunding mga kagamitan [sa paniniktik] ay madaling magagamit laban doon sa ‘maling’ pulitikal na ideolohiya, sa etnikong mga pangkat, sa relihiyosong mga minoridad, o doon sa ang mga istilo ng buhay ay nakagagalit sa marami.”
Kung ikaw ay kabilang doon sa nagpapahalaga sa iyong pribadong buhay, na nagnanais mapag-isa, tamasahin ito ngayon. Marami ang naniniwala na ito ay isang nanganganib na kalayaan.
[Larawan sa pahina 7]
Ang kaniyang iskrin sa computer ay nagsasabi, “Hindi ka gaanong nagtatrabaho na gaya ng mga kamanggagawa mo”
[Larawan sa pahina 8]
Kung minsan ang mga miting ng lupon sa isang silid ay kinakabitan ng “bug”