“Ang Pangunahing mga Biktima ng Relihiyosong Pag-uusig”
ANG relihiyosong pag-uusig ay umiral na sa buong kasaysayan. Ang pagpatay ni Cain kay Abel ay inudyukan ng relihiyosong mga pagkakaiba. Hindi naibigan ni Cain ang bagay na sinang-ayunan ng Diyos ang hain ni Abel subalit hindi sinang-ayunan ang kaniyang hain. Nagalit siya at sa wakas ay pinatay niya ang kaniyang kapatid.—Genesis 4:3-8.
Inihula ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay pag-uusigin, lalo na sa panahon ng kawakasan. Siya’y nagbabala: “Kayo’y . . . ipagsasakdal upang pahirapan at patayin; at kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa katapatan ninyo sa akin.”—Mateo 24:9, The New English Bible.
Sa nakalipas na mga milenyo, pinag-usig ng pangunahing mga relihiyon ang isa’t isa dahil sa nakikita ng bawat relihiyon na ang monopolyong pamamahala nito sa mga tao ay nanganganib. Ang mga Katoliko, Protestante, Hindu, Muslim, Judio, at iba pa ay nagpatayan sa isa’t isa. Sa ngalan ng tinatanggap, di-nagkakamaling katotohanan, at ng kaligtasan ng kaluluwa, ang pag-uusig ay pinawalang-sala. Ang mga Judio ay pinag-usig dahil sa kanilang relihiyon at sa kanilang lahi. Sa ibang bansa sa ika-20 siglong ito, ang ateistikong komunismo ay bumaling laban sa relihiyon bilang ‘ang opyo ng bayan.’
Gayunman, sa siglo ring ito, may isang grupo na pinag-usig sa lahat ng panig—relihiyoso man o pulitikal. Sino sila, at ano ang mga motibo?
“Ang Pangunahing mga Biktima”
Sa kaniyang bagong aklat na The Court and the Constitution (1987), ang dating pantanging tagausig sa Watergate na si Archibald Cox, ay sumulat: “Ang pangunahing mga biktima ng relihiyosong pag-uusig sa Estados Unidos sa ikadalampung siglo ay ang mga Saksi ni Jehova.” Ano ang nagbunsod sa kalagayang ito? Sabi pa niya: “Sila’y nagsimulang tumawag ng pansin at pumukaw ng pagsupil noong 1930s, nang ang kanilang pangungomberte at bilang ay mabilis na dumami. Kumukuha ng kapahayagan ng Diyos mula sa Bibliya, sila ay tumatayo sa mga kanto sa lansangan at nagbabahay-bahay, nag-aalok ng mga pulyeto ng Watchtower Bible and Tract Society at nangangaral na ang masamang tatluhang-pangkat ng organisadong mga relihiyon, negosyo, at ang mga Estado ay mga instrumento ni Satanas.”
Habang ang mga bansa ay napapasangkot sa Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ay naging mga biktima at mga martir ng laganap na diwa ng nasyonalismo na hinikayat ng naglalabanang mga gobyerno. Sa ibang bansa ang sapilitang pagsaludo sa bandila ay iginiit sa mga paaralan. Naging tuntunin ang sapilitang paglilingkod sa militar. Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala sa pagbibigay kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar—at marahil iilang grupo lamang ang matapat na sumusunod sa batas ng bansa—ibinibigay rin naman nila sa Diyos ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang hinihiling niya, yaon ay, ang pagsamba sa sukdulang katapatan. Iginagalang nila ang mahusay na mga simulain na kadalasa’y kinakatawan ng bandila ng isang bansa, subalit sa kanila ang pagsaludo sa bandila ay pagsamba sa larawan. Ang paninindigang iyan ay naglagay sa kanila sa kaligaligan sa Estados Unidos noong 1930’s at ‘40’s.
Daan-daang mga bata ang pinaalis sa paaralan dahil sa pagtangging sumaludo sa bandila. Gaya ng sabi ni Propesor Mason sa kanilang aklat na Harlan Fiske Stone: Pillar of the Law: “Ang pagtanggi nila ay hindi nangangahulugan na sila ay hindi makabayan o na hindi nila mahal ang kanilang bansa. Ito’y basta nangangahulugan na, gaya ng nababasa nila sa Kasulatan, ang pagsaludo sa bandila ay labag sa utos ng Bibliya laban sa pagyuko sa inanyuang larawan.”
Ang usapin ay dinala sa Korte Suprema ng E.U., at noong 1940, sa boto na 8 sa 1, ang pag-apela ng mga Saksi ay tinanggihan. Ang nag-iisa at matapang na tumutol ay si Hukom Harlan Fiske Stone. Ipinaliwanag ni Propesor Mason kung ano ang naging reaksiyon ng iba: “Si John Haynes Holmes, tagapangulo ng American Civil Liberties Union, ay nagsabi na ang pagtutol ni Stone ay ‘maituturing na isa sa dakilang pagtutol sa kasaysayan ng Amerika.’ Ang komento ng pahayagan ay napakabuti. Agad na tinuligsa ng isang daan at pitumpu’t isang pangunahing mga pahayagan ang pasiya; kakaunti lamang ang sumang-ayon dito.” Subalit ano ang nangyari noon?
Ipinagpatuloy ni Propesor Cox ang kaniyang ulat: “Ang pag-uusig sa mga Saksi ay dumami. Sa ibang bahagi, lalo na sa Texas, ang mga Saksi ay sinalakay ng mga mang-uumog dahil sa pagtanggi nilang sumaludo sa bandila, at kung minsan sila ay ikinukulong bilang ‘mga ahente ng Nazi.’ ” Sa Maine, isang Kingdom Hall ang sinunog. Sa isang bayan sa Illinois, “sinalakay ng lahat ng mamamayan ang animnapung mga Saksi.” At ano ang ginawa ng mga awtoridad? “Sa kalakhang bahagi, ang mga pulis ay walang ginawa o aktibong nakibahagi.” Gaya ng komento ni Propesor Mason: “Tinunton ng Kagawaran ng Katarungan ang daluyong na ito ng karahasan sa pasiya ng Hukuman sa unang kaso tungkol sa Pagsaludo sa Bandila. Sa gayon ang Hukuman mismo ang naging sandata sa pakikipagpunyagi sa mga isipan ng tao.”
Isang Kapana-panabik na Pagbaligtad ng Hatol
Sa kabila ng buktot na pag-uusig na ito, ang mga batang Saksi, katulad ng tatlong tapat na Hebreo, ay tumangging sumaludo sa isang pambansang emblema, sa kasong iyon ay sa bandila. (Daniel, kabanata 3) Ipinagpatuloy ng Legal Department ng Samahang Watchtower ang pag-apela ng mga kaso tungkol sa pagsaludo sa bandila sa mga hukuman. Sa katunayan, “Patuloy na iginiit ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pag-aangkin nang gayon na lamang kasigasig anupa’t si [Hukom] Stone ay nagsabi na sila ay ‘dapat bayaran dahil sa tulong na ibinigay nila sa paglutas sa mga suliraning legal tungkol sa mga kalayaang sibil.’ ”—Harlan Fiske Stone: Pillar of the Law, pahina 598.
Pagkatapos noong Hunyo 14, 1943 (Araw ng Bandila), ang Korte ng E.U. ay gumawa ng pambihirang hakbang. Bumaligtad ito kung tungkol sa isang ibang kaso ng pagsaludo sa bandila (West Virginia State Board of Education v. Barnette) at pinawalang-sala ang mga Saksi. Nang araw ding iyon, sa isa pang kaso na kinasasangkutan ng mga Saksi ni Jehova, ang mga hukom ay nagsabi: “Gaya ng pagkakapit sa mga umaapela [mga Saksi] ito [ang batas] ay nagpaparusa sa kanila bagaman ang ipinakikipag-usap nila ay hindi sinasabi o ipinakikita na ginawa na taglay ang masama o nagbabantang layunin, na nagmungkahi o nag-udyok ng subersibong pagkilos laban sa bansa o estado. . . . Sa ilalim ng ating mga pasiya ang kriminal na parusa ay hindi maaaring igiit sa gayong pakikipag-usap.”
Isinama ni Hukom Jackson, bilang tagapagsalita ng Hukuman, ang opinyon ng tulad-Gamaliel na karunungan: “Kung mayroon mang permanenteng bituin sa ating konstelasyon sa konstitusyon, ito ay ang bagay na walang opisyal, mataas man o mababa, ang maaaring magsabi kung ano ang tinatanggap sa pulitika, nasyonalismo, relihiyon, o iba pang mga opinyon o pumilit sa mga mamamayan na tanggapin sa pamamagitan ng salita o isagawa ang kanilang pananampalataya roon.” Ang disisyong ito ay tinawag na “isa sa pinakakapana-panabik na pagbaligtad ng hatol sa kasaysayan ng Hukuman.”—Ihambing ang Gawa 5:34, 38, 39.
Bakit makatuwiran lamang na ang mga Saksi ay hindi dapat pilitin sa pamamagitan ng batas na pagpitaganan ang bandila? Ganito ang paliwanag ni Propesor Cox: “Ang kasalanan sa mga anak [ng Saksi] na sina Gobitis at Barnette ay ang pamimilit ng Estado na ipahayag ang isang pulitikal na kaugalian na hindi nila pinaniniwalaan.” Ang ginawa lamang ng mga Saksi ay sundin ang simulain ng Bibliya: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”—Gawa 5:29.
Bakit Ipagtatanggol ang Minoridad?
Sa kaniyang pagsusuri sa mga kasong ito, si Cox ay nagbabangon ng isang mahalagang tanong: “Bakit tayo mag-aalala tungkol sa espirituwal na kalayaan ng munting minoridad na iyon na ayaw sumaludo sa bandila? O tungkol sa pagtatanggol sa mga pagkakataon ng mga manggugulo na gaya ng ebanghelikong mga Saksi ni Jehova?” Sagot niya: “Ang bahagi ng kasagutan ay nakasalalay sa batayan ng dangal ng indibiduwal na kinasasaligan ng ating lipunan, isang karangalan na kapuwa nasa tinatanggap at hindi sumasang-ayon. Ang bahagi ay nakasalalay sa kabatiran na kung maaaring patahimikin ng Estado ang pagsasalita ng mga Saksi ni Jehova . . . , ang sa atin ay maaaring susunod na patahimikin.”
Oo, ang pagsugpo sa kalayaan ng pagsamba ng isang di-popular na minoridad ay maaaring pagmulan ng pagsugpo sa iba pang mga kalayaan para sa lahat ng mamamayan. Subalit mayroon pang kawili-wiling salik na inilakip si Propesor Cox:
“At isa pang bahagi ay nasasalalay sa kabatiran na ang ilan sa lubhang minoridad ay baka bumabangga sa katotohanan—isang katotohanan na inantala o naiwala dahil sa pagsugpo rito.” At kabilang sa mga katotohanan na sinusugpo ay yaong ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova, yaon ay, na ang tanging pag-asa ng sangkatauhan sa kapayapaan at kaligtasan ay ang pamahalaan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
Kristiyanong “mga Manggugulo”
Nang tukuyin ni Cox ang mga Saksi bilang “mga manggugulo,” alalahanin kung paano inilarawan ang sinaunang mga Kristiyano ng mga sumasalansang sa kanila: “Ang mga taong ito na nanggulo sa buong daigdig ay naparito ngayon . . . Silang lahat ay lumalabag sa utos ni Cesar, sinasabi nilang may ibang hari, ang isa na tinatawag na Jesus.” (Gawa 17:6, 7, New International Version) Anong laking pagkakatulad sa kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa! At bakit gayon? Sa katulad na mga kadahilanan na dinanas ng sinaunang mga Kristiyano—ang katapatan nila kay Kristo Jesus, ang kanilang Hari, at sa kaniyang Kaharian.
Ang matagumpay na pangangaral ng mga Saksi ay nag-uudyok sa mga klerong orthodoxo na humingi ng tulong sa sekular na mga awtoridad. Ito ay katulad ng nangyari pagkatapos ng matagumpay na ministeryo ni Pablo. Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “Ngunit sa inggit ng mga Judio ay tinipon nila ang mga palaboy sa liwasang-bayan, inudyukan ang magulong pulutong ng mga tao, at ginulo ang lunsod. . . . Kinaladkad nila si Jason at ilan sa mga membro ng kongregasyon sa harapan ng mga mahistrado.”—Gawa 17:5, 6, NEB.
Ang mga Saksi ni Jehova ay dumanas ng hindi makatarungang pag-uusig sa maraming bansa, sa panahon ng digmaan o ng kapayapaan. Sa maraming pagkakataon ang mga promotor ng gayong pag-uusig ay ang mga lider ng relihiyon na ginamit ang kanilang impluwensiya sa kanilang mga kakilala sa kasalukuyang namumunong mga mahal na tao upang sugpuin ang mga gawain ng mga Saksi. Isang litaw ng halimbawa ay ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Katolikong Espanya noong yugto ng panahon mula noong 1950 hanggang 1970. Ang mga lalaki, mga babae, at mga bata ay tinugis, pinagmulta, at ibinilanggo dahil lamang sa pag-aaral ng Bibliya sa kanilang sariling tahanan. Daan-daang mga kabataang lalaki ang bawat isa’y gumugol ng mahigit na sampung taon sa piitang militar dahil sa pag-iingat ng Kristiyanong neutralidad.”a
Ang kaso ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya ay napakabantog anupa’t isang kilalang abugado, si Señor Martín-Retortillo, ay sumulat: “Habang pinag-aaralan ng isa ang sampung taóng abogasyá, at pinagmamasdan ang mga batas ng pamahalaan alang-alang sa kaayusan ng madla na nakakaapekto sa relihiyosong paggawi, mayroong isang bagay na nakatatawag ng pansin: Ito’y ang bagay na sa halos lahat ng kasong isinaalang-alang, yaong mga [nasangkot] ay mga membro ng iisa lamang relihiyosong grupo . . . ang ‘mga Saksi ni Jehova.’ ”
Hindi Napahinto ng mga Pag-uusig ang mga Saksi
Mula noong 1970, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinikilala sa Espanya, at sa halip ng 10,000 na mga aktibo noon, mayroon na ngayong mga 70,000 na kaugnay sa halos isang libong mga kongregasyon! Isang kahawig na bilis ng pagsulong ay nangyayari rin sa Estados Unidos. Sa mga yugto ng panahon na binabanggit ni Propesor Cox (1930’s-1940’s), mayroon lamang 40,000 hanggang 60,000 mga Saksi sa Estados Unidos, at isang kabuuang bilang na 115,000 sa buong daigdig. Ngayon, mayroon nang mahigit na 770,000 mga Saksi sa Estados Unidos, at 3,400,000 sa buong daigdig sa 55,000 mga kongregasyon. Hindi napahinto ng pag-uusig ang pagsulong ng kanilang pambuong-daigdig na gawaing pagtuturo.
Kapag nakakaharap ang pag-uusig, isa lamang ang sagot ng mga Saksi: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo kaysa Diyos, kayo na ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi kami makatitigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.”—Gawa 4:19, 20.
[Talababa]
a Para sa isang detalyadong ulat tungkol sa pag-uusig na sa Espanya, tingnan ang 1978 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 164-247.
[Larawan sa pahina 23]
Ipinasiya ng mga Hukuman na ang hindi pagsaludo sa bandila ay hindi kawalang-galang
[Larawan sa pahina 24]
Si Hukom Stone lamang ang sumuporta sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa pasiya ng Korte Suprema noong 1940
[Credit Line]
Tanggapan ng Curador, Ang Korte Suprema ng Estados Unidos
[Larawan sa pahina 25]
Sa pamamagitan ng boto ng nakararami, ang mga hukom na ito ay nagpasiya nang pabor sa mga Saksi sa usapin tungkol sa pagsaludo sa bandila
[Credit Line]
Tanggapan ng Curador, Ang Korte Suprema ng Estados Unidos