Pagmamasid sa Daigdig
Kamatayan Dahil sa Dote
Pinulaan kamakailan ng India Today ang gawain ng uhaw-sa-salaping mga nobyo na paghingi ng napakamahal na mga dote mula sa magiging mga biyenan, inilalarawan ito bilang “ang pinakatusong kasamaan ng lipunang Indiyan.” Ang komentong iyan tungkol sa gawaing ito ay bunga ng tatlong trahedya na kamakaila’y humampas sa isang katamtamang-uring pamilya sa Kanpur, India. Tatlong magkakapatid na babae ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ng kanilang sarili nang makaharap ng kanilang ama ang napakamahal na mga kahilingan para sa dote na nagkakahalaga ng hanggang Rs80,000 ($7,000 U.S.). Gaya ng sabi ng India Today: “Ang ultimong trahedya ay na yaong may pananagutan ay hindi nakadarama ng pagkakasala—ito ay pananagutan ng 800 milyon katao.”
Salaping Plastik
Ang Australia ay nakagawa ng isang sampung-dolyar na pera na inimprenta sa isang sekretong halo ng mga hibla ng polymer. Sang-ayon sa The Times ng London, sinasabi ng Australian Reserve Bank na ang salaping plastik ay mas matibay kaysa perang papel, lalo na para sa gamit sa mainit at maalinsangang mga bansa. Gayunman, ang pang-akit ng pera ay nasa mga salik nito sa seguridad. Karagdagan pa sa inilagay ritong watermark, ang pera ay may natatanging OVD (optical variable device) na naglilihis sa mga silahis ng liwanag tungo sa mga kulay na bahaghari sa bawat pagbago ng anggulo, ipinakikita ang iba’t ibang padron ng kulay. Upang palsipikahin ang pera ay mangangahulugan ng pag-iimprenta at paglalagay ng isang OVD, “at iyan,” sabi ng opisyal ng bangko, “ay napakamahal sapagkat ang teknolohiya ay totoong masalimuot.”
Isang Malas Taon para sa mga Bangko
Ang pagbagsak ng mga bangko sa Estados Unidos ay umabot sa “isang mataas na bilang pagkatapos ng mahinang negosyo noong 1987,” at inaasahan ng mga opisyal “ang kaunti lamang pagsulong sa taóng ito,” sabi ng report sa Daily News ng New York. Sang-ayon sa FDIC (Federal Deposit Insurance Corporation), na siyang nagbibigay ng seguro sa komersiyal na mga bangko ng bansa, 184 sa mga ito ay bumagsak noong 1987, at 19 pang mga bangko ang nangailangan ng tulong upang makapanatili sa negosyo. Tinawag ni chairman L. William Seidman ang taon na “isa sa pinakamahirap at pambihirang taon sa pagbabangko sapol nang matatag ang korporasyong ito.”
Mas Marumi—Mas Maraming Balahibo
Kamakailan, ang mga mananaliksik sa University of New England sa Australia ay nagsabi na sila ay nakagawa ng isang kataka-takang tuklas. Samantalang nahahanap ng isang paraan upang labanan ang isang grabeng sakit sa sikmura na karaniwan sa mga tupa sa Australia, nasumpungan nila na “ang kaunting likas na luwad, na tinatawag na bentonite, na inihahalo sa iniinom na tubig ng tupa” ay hindi lamang nakatulong sa panunaw ng tupa kundi kumapal din ang balahibo nito, ulat ng The Australian. Isa sa mga mananaliksik, si Propesor Ron Leng, ay nagsabi na ang araw-araw na dosis na labinlimang gramo ng bentonite na inihalo sa kanilang inuming tubig ay nagbunga ng pagkapal ng balahibo ng tupa na hanggang halos dalawang gramo sa isang araw. Inaasahan na ang paggamit na ito ng halong bentonite sa mga tupa sa buong bansa ay magdadala ng pagdami sa produksiyon ng lana na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar.
Halaga ng Banidad
“Ang liposuction ay naging ang pinakakaraniwang anyo ng pag-ooperang pangkagandahan (cosmetic surgery) na isinasagawa sa Estados Unidos,” ulat ng The New York Times Magazine. Ano ba ang liposuction? Ito ay isang paraan ng operasyon na dinisenyo upang sipsipin ang taba buhat sa mga bahagi ng katawan na gaya ng mukha, puwitan, hita, tuhod, at tiyan. Ang mga pasyente ay karaniwang mga taong ang edad ay nasa pagitan ng 20 at 40 na nagnanais pumayat bagaman hindi naman sila matatawag na mataba. Halos isang daang libong liposuction ang isinagawa noong 1986. Bagaman sinasabing “ligtas at mabisa” ng ilang awtoridad, ang mga taong napasasailalim ng liposuction ay nanganganib na lubhang maubusan ng likido sa katawan, mamuo ang dugo, maimpeksiyon, mapinsala ang panloob na kayarian ng katawan at mamatay. Ipinakikita ng report na 11 kamatayan ang ipinalalagay na dahilan sa pamamaraang ito sapol nang dumating ito sa Estados Unidos mula sa Pransiya mga anim na taon na ang nakalipas.
Mataas Lumipad
Isang otso-anyos na batang babae ang kamakailan ay itinaas sa himpapawid samantalang nagpapalipad ng saranggola, ulat ng The New York Times. Maliwanag, ang 90-kilo-ang-bigat na kaya ng pising nylon na ginamit bilang tali ng saranggola ay nahagip ng isang dalawang-makinang eruplano na kalilipad lamang mula sa Palo Alto Airport mga 50 kilometro sa timog ng San Francisco. Sinabi ng piloto na ang kaniyang eruplano ay tumaas ng halos 240 metro nang ang saranggolang parang glayder na may lapad na 3.7 metro ay masabit sa isa sa mga propeler ng eruplano. Ang batang babae ay itinaas ng 3 metro sa himpapawid at tinangay sa layong halos 30 metro. Siya sa wakas ay bumitiw nang siya ay halos babangga sa isang puno. Ang batang babae ay nakaligtas sa grabeng pinsala.
Bagong Pamamaraan
Ang paglusob ng mga balang ay karaniwang tinutugon sa pamamagitan ng pag-iisprey ng maraming pestisidyo. Subalit gaya ng binabanggit ng ilan, ito ay kapaha-pahamak kapuwa sa tao at sa hayop habang ang mga pamatay-insekto ay napupunta sa pagkain. Kaya bakit hindi anihin ang mga balang? tanong ng ibang awtoridad. Ito ay masustansiya kapuwa sa tao at sa hayop. Kinakain ito ng mga Aprikano sa loob ng mga dantaon, at ginamit ito ng ilang magsasaka na pagkain ng manok at baka. “Kilalanin natin ito bilang proteina na nasa anim na paa at gamitin ito sa halip na abusuhin ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga kemikal,” sabi ni Dr. John Ledger, direktor ng Endangered Wildlife Trust sa Timog Aprika. Sumusulat sa babasahing African Wildlife, inaasahan niya na magkakaroon ng isang “pagsulong tungo sa isang bagong panahong pagkaunawa tungkol sa hiwaga ng planetang Lupa at ng lahat ng mga kinapal, malalaki at maliliit, na nabubuhay sa ibabaw nito.”
Tawag na Pampatulog
Isang anestisiyologo sa Roodepoort, Timog Aprika, ay may bago gayunma’y kontrobersiyal na paraan ng pagpapakalma sa mga bata sa silid ng operasyon. Samantalang nasa kuwarto pa, ang bata ay nakikinig sa mga rekording sa tape ng popular ng mga rimang pambata sa pamamagitan ng isang laruang telepono. Kapag ipinaliliwanag ng doktor sa munting pasyente kung ano ang mangyayari sa silid ng operasyon, sinasabi rin niya na ang telepono ay naroroon din upang mapakinggan ng bata ang mga tape. Gayunman, hindi niya sinasabi na ang gas na pampatulog ay lalabas sa mouthpiece ng telepono!
Tuwang-tuwa ang mga bata sa laruang ito anupa’t kumukuha lamang ng halos isang minuto upang magkabisa ang gas. “Mahusay ito sa mga bata na ang edad ay nasa pagitan ng tatlo at 10 taon,” sabi ng anestisiyologo, “at maraming bata ang gustong bumalik.”
Bagong Salinlahi ng Hapón
Ang mga Haponés ay kilalang-kilala sa buong daigdig sa pananatili sa isang kompaniya sa buong buhay nila at na mas pinipili pa nila ang kanilang trabaho kaysa paglilibang, buhay sa pamayanan, at pagsasarili. Subalit ang mga bagay-bagay ay unti-unting nagbabago kung tungkol sa bagong salinlahi. “Dahil sa kayamanan na pinaghirapan ng kanilang mga magulang, hindi nadarama ng mga kabataan ang gayunding pangangailangan na puspusang magtrabaho o manghawakan sa isang kompaniya para sa seguridad,” sabi ng International Herald Tribune. Ganito ang paliwanag ng isang 23-anyos na empleado: “Binibigyan kami ng aming mga magulang ng pera. Ngayon kami ay nagtatrabaho para sa aming sarili. Iniisip muna namin ang tungkol sa aming sarili, at iyan ang malaking kaibhan sa pagitan namin.” Pinatunayan ng dalawang surbey kamakailan na isinagawa sa gitna ng mga kabataang Haponés ang opinyong ito. Iniuulat ng Tribune na “ 38 porsiyento lamang ang inuuna ang trabaho kaysa pamilya” at “55 porsiyento ang isinasaalang-alang ang kanilang kapakanan bago ang kapakanan ng lipunan.”