Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 7/22 p. 11-14
  • Dapat Ba Kaming Maghiwalay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Ba Kaming Maghiwalay?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Lagi Kaming Nagtatalo’
  • Mga Lamat sa Baluti
  • Pagtingin sa Kabilang Panig
  • Paglalagay ng Iyong ‘Mata sa Iyong Ulo’
  • Paglutas sa Iyong mga Pag-aalinlangan
  • Papaano Ako Magtatagumpay sa Pakikipagligawan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paghahanda Para sa Matagumpay na Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Matagumpay na Pagliligawan—Gaano Kahalaga?
    Gumising!—1989
  • Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 7/22 p. 11-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat Ba Kaming Maghiwalay?

‘Kami’y nagdi-date mula pa noong Hulyo at pinag-uusapan namin ang tungkol sa pagpapakasal. Subalit napakarami kong pag-aalinlangan tungkol sa kaniya . . . ’

HABANG ang pag-iibigan ay lumalapit sa sangandaan ng pagpapasiya, karaniwan nang lumilitaw ang mga pag-aalinlangan. Ang pag-aasawa ay marangal sa mga Kristiyano​—isang seryosong bagay. (Hebreo 13:4) At bagaman ang pag-aasawa ay maaaring magdala ng “kagalakan” sa mag-asawa, maaari rin itong magdala ng “kirot at dalamhati.” (Kawikaan 5:18; 1 Corinto 7:28, The New English Bible) May mabuting dahilan kung gayon na maingat na harapin ang pag-aasawa.

Gayunman, kung minsan, higit pa kaysa nerbiyos ang nasasangkot; ang pag-aalinlangan ay nagmumula sa maselang mga kapintasan ng taong idini-date mo o mula sa kaugnayan mismo. Kung handa ka nang pasanin ang mga pananagutan ng pag-aasawa, ano ang dapat mong gawin kung masumpungan mo ang iyong sarili na pinahihirapan ng gayong mga pag-aalinlangan?

‘Lagi Kaming Nagtatalo’

Ito ang karaniwang ikinababalisa ng lalaki’t babaing nagdi-date. Gayunman, marami ang nag-aakala na ang away ng mga magsing-irog ay hindi dapat ikabalisa. Totoo na kahit na nga ang mga taong nagmamahalan sa isa’t isa ay maaaring magkasundo kung minsan​—marahil nang lubhang matindi. (Ihambing ang Genesis 30:2; Gawa 15:39.) Subalit kung kayo ay hindi nagkakasundo sa halos halos lahat ng bagay, kung ang bawat pag-uusap ay nauuwi sa sigawan, o kung ang inyong kaugnayan ay isa na walang-katapusang siklo ng galit-bati, mag-ingat! Maaaring ipahiwatig nito ang isang seryosong kakulangan ng espirituwal o emosyonal na pagkamaygulang sa bahagi ng isa o ninyong dalawa. Ang mga Kristiyano ay pinagsasabihang iwaksi ang “poot, galit, . . . abusadong pananalita.”​—Colosas 3:8.

Isiniwalat ng isang surbey ng 400 mga manggagamot na ang laging pag-aaway ay isang malakas na pahiwatig ng “emosyonal na pagiging hindi handa sa pag-aasawa,” marahil ipinahihiwatig pa nga ang “di na maipagkakasundong mga away ng mag-asawa.” Isa pa, babala ni Dr. Judson T. Landis, “ang pag-aaway . . . ay tiyak na nagpapahiwatig nang kung ano ang susunod sa pag-aasawa.”a

Mga Lamat sa Baluti

Isa pang dahilan ng pagkabalisa ay maaaring ang pagkatuklas mo sa nakababalisang mga katangian sa personalidad ng taong ito. Sa pasimulang yugto ng pagliligawan, natural lamang na itago ang mga pagkukulang ng isa at magpakita ng kabaitan at pagkamakonsiderasyon. Gayunman, sa malao’t madali, “ang lihim na pagkatao ng puso” ay nahahayag. (1 Pedro 3:4) Maaaring mapansin mo ang nakababalisang mga pahiwatig ng kasakiman, hindi pagkamaygulang, pagkasumpungin, katigasan ng ulo​—karahasan pa nga.

Kung ano ang nahahayag ay baka gayon na lamang kagrabe anupa’t ikaw ay nagtatanong kung nanaisin mo kayang makasama ang taong ito habang buhay. “Napakarami kong pag-aalinlangan tungkol sa kaniya dahil sa kaniyang nakaraan [kahina-hinalang paggawi] at sa mga bagay na nangyari sapol nang kami’y lumalabas na magkasama,” sabi ng isang dalagita tungkol sa kaniyang kasintahan. “Kapag kami’y lumalabas, wala siyang pagpipigil-sa-sarili.” Paano magiging matatag ang pag-aasawa sa isang lalaki na “walang pagpipigil-sa-sarili”?

Gayunman, determinadong gawing matagumpay ang ugnayan anuman ang mangyari, hindi pinapansin o binibigyang-matuwid ng marami ang kitang-kitang mga pagkukulang.

Pagtingin sa Kabilang Panig

Bakit napakarami ang tumitingin sa kabilang panig pagdating sa mga kamalian ng isang minamahal? Yamang ang pagliligawan ay isang seryosong bagay sa tunay na mga Kristiyano​—gaya ng nararapat​—ang ilan ay napipilitang pakasalan ang taong kanilang idini-date. Ikinatatakot nila na harapin o marahil ay saktan ang tao na kanilang idini-date. Ikinatatakot naman ng iba na sila ay hindi na makasumpong ng mapapangasawa.

Gayunman, wala sa mga kadahilanang ito ang mabuting dahilan upang pahabain ang punô-ng-problemang panliligaw. Sa isang bagay, bagaman ang palagay o damdamin ng iba ay dapat igalang, ikaw ang makikipamuhay sa iyong napiling kabiyak. Ang layunin ng panliligaw ay upang suriin ang posibilidad ng pag-aasawa sa isa​—hindi ito katulad ng pag-aasawa mismo. Kung may pagtitiwalang sisimulan ng isang Kristiyano ang isang kaugnayan, siya ay hindi obligadong ipagpatuloy ang kaugnayan ito kung ito ay totoong may mga kapintasan. Ni matalino man kaya o maibigin na itago ang iyong mga pag-aalinlangan sa isa na binabalak mong pakasalan.

Tandaan din, na maraming maaaring mapiling kabiyak sa loob ng kongregasyong Kristiyano​—hindi lamang isa. Yamang tayo’y pinapayuhan ng Bibliya na ‘tingnan hindi lamang ang inyong sariling kapakanan,’ hindi ba mali at isang kasakiman na pahabain ang isang humihinang kaugnayan sa pangunahing saligan na ‘bakâ hindi na ako makakita ng iba’? (Filipos 2:4) Kaya mahalaga na harapin mo​—huwag iwasan​—ang inyong mga problema bilang magkatipan.

Paglalagay ng Iyong ‘Mata sa Iyong Ulo’

Sabi ni Solomon: “Kung tungkol sa sinumang pantas, ang kaniyang mata ay nasa kaniyang ulo; ngunit ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman.” (Eclesiastes 2:14) Ang pagwawalang-bahala sa maliwanag na mga depekto sa kaugnayan ay katumbas ng paglalakad “sa kadiliman.” Gayunman, sa taong pantas, ang ‘mga mata niya ay nasa kaniyang ulo’ at nakikita ang mga bagay-bagay nang malinaw, makatuwiran. Isinasaalang-alang niya kung paano nakaaabot ang magiging kabiyak sa mga pamantayan ng Bibliya.

Halimbawa, may katibayan ba na ito ay isang babae na magiging mapagpasakop, may kakayahang asawang babae? (Kawikaan 31:10-31) May katibayan ba na ito ay isang lalaki na magpapakita ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig at magiging isang mahusay na tagapaglaan? (Efeso 5:28, 29; 1 Timoteo 5:8) Ang isang tao ay maaaring magsabi na siya ay isang masigasig na lingkod ng Diyos, subalit may mga gawa ba upang patunayan ang gayong pag-aangkin ng pananampalataya? (Santiago 2:17, 18) “Ang nakalipas na sampung taon ay . . . lubos ng kahirapan,” sabi ng isang babae na napangasawa ang isang lalaki na walang gayong mga gawa ng pananampalataya. “Napangasawa ko ang isa . . . na hindi umiibig kay Jehova na gaya ko.”

Ang pananaliksik sa mga publikasyong salig-Bibliya tungkol sa paksa na pag-aasawa ay makatutulong sa iyo na malaman kung ano ang pangmalas ng Diyos sa bagay na ito. Isa pa, ang iyong mga magulang ay maaaring makatulong sa iyo na kilatisin ang isang magiging kabiyak. “Isinama ko sa bahay ang isang babae,” gunita ng isang binata, “at sabi ng nanay ko, ‘Alam mo, hindi ko sinasabing ayaw ko sa kaniya, subalit hindi ko siya maunawaan. Para bang mayroon siyang itinatago.’ ” Hindi pinansin ng binata ang mga obserbasyon ng kaniyang nanay. Subalit nang dakong huli ay nasumpungan niya sa kaniyang pagkasiphayo na ang babae ay mayroon ngang itinatago​—imoral na ugali. “Alam mo, magaling kumilatis ang nanay ko,” sabi ng lalaki nang dakong huli.

Paglutas sa Iyong mga Pag-aalinlangan

Ang matatag na pagharap sa inyong mga problema bilang magkatipan ay pasimula lamang. Kung ikaw ay gumugol ng maraming panahon at damdamin sa isang kaugnayan, huwag maging mabilis na tapusin ito dahil lamang sa natuklasan mo na siya ay hindi sakdal. “Tayong lahat ay malimit natitisod,” paalaala ng Bibliya. (Santiago 3:2) Kaya walang kabiyak ang magiging sakdal. (Roma 3:23) Tinitingnan ang mga bagay na makatuwiran, maaaring maghinuha ka na ang mga kapintasan ng taong iyon ay kay mong pamuhayan.

Sa kabilang dako naman, kumusta kung hindi mo kayang pamuhayan ito? Ang paghihiwalay ay maaaring napakaaga pa. Una muna “mag-usap kayong dalawa” at sikaping lutasin ang iyong mga pag-aalinlangan. (Kawikaan 15:22) Hindi sa layuning sirain ang inyong kaugnayan, ang pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay ay maaaring magsiwalat ng potensiyal na taglay nito para sa pagsulong sa hinaharap! Ang matagumpay na pag-aasawa ay nakasalig sa pagtitiwala. Hindi ba matalino, kung gayon, na alamin kung ikaw ay makagagawa ng isang huwaran ng matapat na komunikasyon bago ka magpakasal? Isang tanda ng maygulang na kaugnayan ay ang kakayahang lutasin ang mga suliranin.

Kung ang madalas na pag-aaway ay isang problema, kung gayon maaari ninyong alamin kung bakit kayo hindi magkasundo. May mahalagang mga pagkakaiba ba sa pagitan ninyo kung tungkol sa mga tunguhin o mga palagay? O nagkaroon ba ng mga di pagkakaunawaan? Ito kay ay isang kaso lamang ng pag-aaral ninyo kapuwa na ‘pigilin ang inyong espiritu’ at lutasin ang mga bagay-bagay nang mahinahon? (Kawikaan 25:28) Kung ikinababalisa mo ang nakaiinis na mga katangian ng personalidad, mapakumbabang inaamin ba niya ang pagkakamali at siya ba ay nagpapakita ng pagnanais na sumulong? May pangangailangan ba sa iyong bahagi na maging hindi gaanong sensitibo, hindi gaanong maramdamin? (Eclesiastes 7:9) ‘Magtiisan kayo sa isa’t isa nang may pag-ibig’ ang buhay ng isang mabuting pag-aasawa.​—Efeso 4:2.

Kung ang pag-uusap ay magbubunga lamang ng isa pang nakasisiphayong paglayo, huwag waling-bahala ang malinaw na mga tanda ng nalalapit na kapahamakan. (Kawikaan 22:3) Ang mga bagay-bagay ay malamang na hindi bubuti pagkatapos ng kasal. Ang pagputol sa panliligaw ay maaaring siyang pinakamabuti para sa inyong dalawa. Sa kabilang panig, ang pagharap sa inyong mga problema ay maaaring magbunga ng paglalatag ng pundasyon para sa isang maygulang, nagtatagal na pag-aasawa.

[Talababa]

a Waring ganito rin ang kalagayan kung tungkol sa karahasan sa panahon ng ligawan. Sa isang pag-aaral ng 82 inabusong asawang babae, natuklasan na “30% ang sa dakong huli ay nag-asawa sa isa na umabuso sa kanila noong panahon ng ligawan.”

[Blurb sa pahina 14]

Ang palaging pag-aaway ay isang malakas na pahiwatig na may depekto ang kaugnayan

[Larawan sa pahina 13]

Hindi pinapansin o binibigyang-matuwid ng iba ang maliwanag na mga kapintasan ng personalidad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share