Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/22 p. 21-25
  • Ang Paglalakbay Ko sa Paghahanap ng Isang Layunin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paglalakbay Ko sa Paghahanap ng Isang Layunin
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsimula ang Aking Paglalakbay
  • Unang Himpilan, Indonesia
  • Thailand, Burma, at India
  • Pagkatapos, Pababa sa Sri Lanka
  • Pagbabago ng Plano
  • Isa Pang Hula na Natutupad
  • Ang Aking Unang Pakikipagkita sa mga Saksi
  • Ang Kaalaman ay May Bisa
  • Pagkasumpong ng Layunin sa Buhay
  • Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Tinulungan Siyang Magbago ng mga Simulain sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kaniyang ‘Inalaala ang Kaniyang Maylikha sa mga Kaarawan ng Kaniyang Kabataan’
    Gumising!—1994
  • Nasapatan ang Pagkauhaw Ko sa Diyos
    Gumising!—1993
  • “Talagang Hindi Kami Magkaunawaan!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/22 p. 21-25

Ang Paglalakbay Ko sa Paghahanap ng Isang Layunin

AKO’Y nasa isang nayon ng pangingisda sa Sri Lanka sa loob halos ng isang buwan. Ito ay tahimik, tiwasay, at totoong payapa. Mayroon akong munting kubo, at sa halagang 70 cents (U.S.) lamang isang araw, ako ay pinaglalaanan ng isang kapitbahay ng kanin at gulay at kung minsan ay isda.

Isang umaga, para bang wala sa saanman, isang nangitim na Caucasian ang lumakad sa ibayo ng buhangin patungo sa akin. Ang unang reaksiyon ko ay na baka siya ay isang kapuwa tag-New Zealand, ngunit ang kaniyang pagbati ay nagsabi agad sa akin na siya ay taga-Australia.

“Mayroon ka bang matutuluyan?” tanong ko, nakakagulat kung paanong ako ay nahawa sa mga taga-Silangan sa pagiging mapagpatuloy.

Waring may katuwaang tinanggap niya ang aking paanyaya, kaya sinimulan niyang ilabas ang ilan niyang mga dala-dalahan upang manirahan na kasama ko. Nakita ko ang isang berdeng pinabalatang aklat.

“Ano iyon?” tanong ko.

“Isang Bibliya.”

Bueno, ako ay galing sa isang pamilya na nagsisimba, at akala ko alam ko na ang lahat ng bagay na iniaalok ng “Kanluraning relihiyon.” Isa pa, itinakwil ko na ito bilang isang lubusang pagpapaimbabaw.

“Bakit ka pa nag-aabalang magdala ng isang mabigat na bagay na gaya niyan?” mapang-uyam na taong ko.

“Naglalaman ito ng pambihirang mga bagay,” sagot ni Adrian. “Binabanggit pa nga nito ang tungkol sa katapusan ng mundo na gaya ng nalalaman natin!”

Ako ay hindi naniniwala. “Maipakikita mo ba iyan sa akin?”

Ipinakita niya ito sa akin. At ako’y natigilan!

Nagsimula ang Aking Paglalakbay

Ano ba ang ginagawa ko, isang 21-anyos na taga-New Zealand, sa Sri Lanka noong Nobyembre 1976? Bueno, ako’y naglalakbay sa paghanap ng kaalaman, at dinala ako nito sa maraming lugar: mula sa kaaya-aya, mga gabing maliwanag ang buwan sa tropikal na mga dalampasigan ng Asia hanggang sa madilim na mga kublihan sa Penang; mula sa halos pagkawasak ng bapor sa baybayin ng Aprika hanggang sa siksikang mga palengke sa Port Sudan.

Noong 1975, ako’y nagpaalam sa aking mga magulang at sa aking uring-karera na trabaho at ako’y nagtungo sa Australia. Ang plano ko ay kumita ng pera sa minahan sa Australia upang tustusan ang isang paglalakbay sa buong daigdig. Ang lahat ay naging maayos ayon sa plano. Ako’y nakapagtrabaho sa isang minahan ng uranium, at malaki ang kita. Subalit bago ko pa simulan ang aking paglalakbay, nagbago ang aking isip. Ako’y binagabag ng mga katanungan tungkol sa kahulugan ng buhay. Kaya sa pag-asang masumpungan ang mga kasagutan, ako’y nagsimulang magbasa ng mga aklat tungkol sa pilosopya at relihiyon.

Unang Himpilan, Indonesia

Nang inaakala kong kumita na ako ng sapat na salapi sa minahan, nagtungo ako sa aking unang himpilan, ang Indonesia. Dito ako ay nagkaroon ng pagkagiliw sa paraan ng pamumuhay ng taga-Asia. Ang hindi nito gaanong pagdiriin sa materyal na mga bagay at ang hindi gaanong gipit na istilo-ng-buhay ay nakaakit sa akin. Mangyari pa, para sa akin ito ay madali​—hindi ako apektado ng malnutrisyon, mahinang pangangalaga sa kalusugan, at labis na kahirapan na pinagtitiisan ng karamihan ng tao roon.

Ako’y naglakbay sakay ng bus, tren, bapor, kariton, at naglakad sa mga isla ng Indonesia, pati na sa Bali, Java, at Sumatra. Mientras mas matagal akong naglalakbay, para sa akin ang Kanluraning paraan ng pamumuhay ay nagiging mas mababaw at hungkag. Gayunman, hindi ko talaga makita ang Silanganing paraan​—bagaman hindi gaanong materyalistiko​—bilang siyang sagot sa aking mga katanungan.

Mula sa kapuwa mga naglalakbay, bumili ako ng LSD. Hindi ko ginagamit ang droga para lamang sa katuwaan. Hinahanap ko ang ilang natatagong kaalaman, ilang anyo ng kaliwanagan. Samantalang nasa ilalim ng impluwensiya nito, sandaling inaakala kong nakita ko ang buhay gaya ng kung ano nga ito taglay ang sakdal liwanag at unawa. Subalit ito ay sinusundan ng isang damdamin ng labis na alibadbad, at pagkatapos nito, natanto ko na wala akong nasumpungang matibay na kasagutan.

Nililisan ko ang Sumatra, ako’y naglakbay patungong Malaysia​—isang magandang bansa na may palakaibigang mga mamamayan. Sa gitna ng Peninsulang Malay ay ang estado ng Pahang, isang kataasan ng mga kakahuyan na may ligaw na mga orkidya na tumutubo sa tabing-daan, lumalaki sa malamig, mamasa-masang hangin. Tuwang-tuwa ako habang ako’y naglalakad sa gitna ng likas na kagandahan ng kalikasan.

Thailand, Burma, at India

Buhat sa Malaysia nagtungo ako sa Thailand at pagkatapos ay sa Burma. Ang bawat bansang ito ay nakalugod at nakaakit sa akin dahil sa sarili nitong mga katangian, pagkain, kaugalian, at mga tao. Datapuwat bagaman ang mga ito ay nakatatawag-pansin, hindi ko nasumpungan ang anumang tunay na kasagutan sa marami kong mga katanungan. Kaya pagkatapos ng sandaling pagtira sa Burma, ipinasiya kong tumawid patungo sa India.

Ah! Sinauna, mahiwaga, relihiyosong India! Marahil dito ko masusumpungan ang hinahanap ko. Ang siksikang mga lunsod ay nakapanlumo sa akin, kaya agad akong nagtungo sa kanayunan ng India. Ang buhay ko rito ay para bang hindi gaanong naapektuhan ng ika-20 siglo; ang malakas na impluwensiya ng relihiyon ay nasa lahat ng dako.

Nahahalinang pinagmasdan ko ang nagdaraan na prusisyong Hindu. Ang lahat ay nadaramtan ng mga kasuotang kulay saffron. Ang mga tagapagdala ng bulaklak ay nagsasaboy ng mga talulot ng kalasutsi sa unahan ng prusisyon. Hinahalikan ng mga tao ang lupa. ‘Mga taong banal’ na nakasuot lamang ng bahag, na ang mga katawan ay kumikinang dahil sa pahid ng mabangong langis, walang-lubay na pag-oorasyon. Subalit, minsan pa, ako’y nakadama ng kabiguan. Kahit na hinahangaan ang debosyon ng mga taga-India, hindi ko pa rin nasumpungan ang hinahanap kong mga kasagutan.

Pagkatapos, Pababa sa Sri Lanka

Ang mga buwan ng mahirap na paglalakbay, pati na ang matinding init at mahinang pagkain, ay nakaapekto sa akin sa pisikal na paraan. Kailangan ko ng isang dakong mapagpapahingahan. Higit pa riyan, kailangan ko ng isang dahilan sa kung ano ang ginagawa ko, tunay na isang dahilan sa paggawa ng anumang bagay​—isang dahilan upang mabuhay.

Nabalitaan ko na ang tungkol sa kagandahan ng Sri Lanka, isang hugis-peras na isla sa dulong timog ng India. Inilarawan ito sa akin bilang isang tropikal na isla na may maraming dalampasigan, mga batuhan ng korales sa malakristal na mga tubig, malamig na mga talampas na taniman ng tsa, at matataas na tuktok ng bundok. Anong inam na dako para magpahinga at higit pang magbulaybulay!

Ang silangang baybayin ay inirekomenda na nababagay sa aking mga pangangailangan, kaya ako ay nanirahan doon sa isang munting nayon ng pangingisda. Dito ko nakilala si Adrian. Subalit bakit ba ako natigilan nang basahin ni Adrian buhat sa Bibliya ang sagot sa aking katanungan? Sapagkat ang dalawang sipi na ipinakita niya sa akin ay mula sa ika-24 na kabanata ng Mateo 24 at sa ika-3 kabanata ng 2 Timoteo 3. Hindi ko narinig na binasa ito sa simbahan. Aba, dito ay inihula para sa “mga huling araw” ang paglago ng krimen, paglamig ng pag-ibig, walang tigil na mga labanan sa gitna ng mga bansa, ang mga tao’y nagiging matatakutin, at iba! Hindi ko mapigil ang aking labis na pagtataka.

Natawa si Adrian. “Oh, marami pa,” sabi niya.

Naupo kami sa dalampasigan sa ilalim ng mabituing langit at pinagmasdan namin ang pagsikat ng napakalaking kulay dalandan na buwan sa dagat. Ipinaliwanag ni Adrian kung ano ang nalalaman niya tungkol sa dakilang layunin ng Maylikha para sa ating planeta. Bagaman ang layuning iyon ay naantala sa ilang kadahilanan, ito ay mangyayari, at sa malapit na hinaharap.

Hindi ko naunawaan ang lahat ng sinabi ni Adrian, subalit may isang bagay tungkol sa buong pag-uusap na ito na nakaantig sa akin sa isang paraan na hindi ko naranasan noon. Kinabukasan isinulat ko sa aking talaarawan: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa lahat ng mga pakikitungo ko sa Kristiyanismo, nadama ko ang katotohanan. Ang mga hula ay malinaw; ang wakas ng sistema ay malapit na.”

Nagliwanag sa akin na kung ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ay may layunin at kung tayo ay kikilos kasuwato ng layuning iyon, tayo man ay maaaring magkaroon ng layunin sa ating buhay. Ang ideya na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa​—bagaman tila malayo pa​—ay tiyak na magiging isang dakilang layunin, kaya’t ako’y nagpasiya na pag-aralan pa ito nang higit.

Isa pang teksto ang nakabigla sa akin. Sinabi sa akin ni Adrian na ang Diyos ay may personal na pangalan, at ipinakita niya sa akin ang Awit 83:18: “Upang kanilang maalaman, na ikaw lamang na ang pangalan ay Jehova, ay Kataas-taasan sa buong lupa.” Ngayon ko naunawaan na ang Maylikhang ito ay hindi lamang isang puwersa kundi isang tunay na persona na may personal na pangalan.

Pagbabago ng Plano

Nagbalak akong bumalik sa India kapag bumuti na ang aking kalusugan, pagkatapos ay dadalawin ko ang Himalayas at titingnan ang Nepal. Subalit kami ni Adrian ay sumang-ayon na tulungan ang isang retiradong mag-asawang Amerikano na maglalayag sa buong daigdig. Kailangan nila ng tulong sa paglalayag ng kanilang 17 metrong yate sa susunod na bahagi ng kanilang paglalakbay-dagat, sa ibayo ng Indian Ocean patungo sa Kenya. Maligaya ako sa pagkakataon na maglayag at upang matuto rin nang higit mula sa Bibliya sa pakikipag-usap kay Adrian.

Subalit saan ba natutuhan ni Adrian ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ipinakikita niya sa akin mula sa Bibliya? Ipinaliwanag niya na siya ay nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova sa Australia. Hindi siya sumulong hanggang sa punto na maging Saksi ni Jehova, subalit inaasahan niya na maging Saksi balang araw. Sa likod ng kaniyang Bibliya, may talaan ng mga direksiyon kung saan makikita ang mga Saksi ni Jehova. Sinuri naming mabuti ang talaan.

“Ito,” sabi ko. “Nairobi, Kenya. Pupuntahan ko sila pagdating na pagdating natin sa Aprika.”

Isa Pang Hula na Natutupad

Isang umaga bumangon ako gaya ng dati at umakyat sa kubyerta upang tingnan ang karagatan. Sa halip na makita ang karaniwang matingkad na asul, nahintakutan akong makita na ang tubig ay kulay matingkad na kapeng-tsokolate. Malalaking kimpal ng dumi na kulay kayumanggi ay nasa lahat ng dako. Isang manipis na suson ng maruming grasa ay tumatakip sa ibabaw ng karagatan hanggang sa maaabot ng tanaw. Kami ay naglayag sa natapong langis ng krudo!

Ang kulay kayumangging dumi ay dumikit sa waterline ng yate. Naglayag kami rito nang buong araw at bahagi ng kasunod na araw. Seguro mga isang daan animnapung kilometro ito. Ipinaliwanag ng kapitan na itinatapon ng mga malalaking tangker na naglalayag sa palibot ng Cape of Good Hope patungo sa Persian Gulf ang kanilang mga ballast tank bago dumating. Marami sa basurang langis na ito ay inaanod patimog tungo sa rehiyon ng Antartica, pinipinsala ang plankton, ang pangunahing kawing ng pagkain sa karagatan.

Sinamantala ito ni Adrian upang ipakita sa akin ang mga talata ng Bibliya na nagsasabi na ‘ipapahamak [ng tao] ang lupa’ sa mga huling araw at na “ipapahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) ‘Ano pa kaya ang hindi sinasabi ng Bibliya?’ naitanong ko sa sarili.

Ang Aking Unang Pakikipagkita sa mga Saksi

Pagkatapos ng pagtigil sa Maldive at sa Seychelles, kami ay dumaong sa Mombasa, isang malaking daungan. Pagkalipas ng ilang araw dinalaw namin ang tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Nairobi, Kenya. Kami ay masiglang binati at ipinasyal sa mga gusali. Sa isang dingding ay may malalaking mapa ng Silangang Aprika, na may mga aspiling de-kolor sa iba’t ibang dako. Ipinaliwanag ng Branch Committee coordinator na ang buong dako ay sistematikong nalalaganapan ng mga Saksi, na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos.

“Subalit iyan ay bansang pinamumugaran ng tsetse-fly!” tutol ko. “At dito naman ay wala kundi ang pagala-galang mga tribong Masai!”

“Tama iya,” aniya. “Sinasaklaw naming lahat iyan.”

Pagkatapos ay binanggit niya sa akin ang Mateo kabanata 24, ang unang bahagi nito ay natatandaan kong ipinakita sa akin ni Adrian. Ipinabasa niya sa akin ang Mat 24 talatang 14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” ‘Bueno,’ naisip ko, ‘waring gayon nga ang ginagawa ng mga taong ito!’

Ang Kaalaman ay May Bisa

Dahil sa natututuhan ko, ang paglilibot sa globo ay nawalan ng pang-akit. Gayunman, kami ni Adrian ay nagpatuloy, dumadalaw sa Sudan, Ehipto, at sa wakas ay dumating kami sa Israel. Ngayon ay Mayo 1977 na, at naipasiya naming huwag nang sumama sa yate. Mabuti na lamang at ginawa namin iyon sapagkat pagkaraan ng sandaling panahon ito ay lumubog.

Ipinasiya ni Adrian na magbalik sa Australia, nadarama ang pangangailangan na higit na mapasangkot sa mga Saksi ni Jehova. Sa paanuman ang mga bagay ay hindi na gaya ng dati na wala na siya. Hinahanap-hanap ko ang kaniyang pakikipagkaibigan nang higit kaysa inaasahan ko. Dinalaw ko ang Cyprus, Gresya, Italya, at Alemanya. Bagaman ang lahat ng lugar na ito ay nakatatawag ng pansin, ang walang tigil na paglalakbay ay para bang hindi na gaanong nakasisiya sa akin. Natanto ko na hindi ito ang paraan upang magkaroon ng layunin sa buhay.

Isang bagay lamang ang dapat gawin: bumalik sa matatag na istilo-ng-buhay at masikap nasimulan na matuto nang higit tungkol sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Sa wakas ay dumating ako sa London, Inglatera, at bumili ako ng isang tiket ng eruplano patungong Australia. Hindi nagtagal balik na naman ako sa pagtatrabaho sa minahan ng uranium​—at gayundin sa pag-aaral. Minsan isang linggo isang Saksi ang nagmamaneho ng 60 kilometro mula sa pinakamalapit na bayan upang idaos ang isang pag-aaral sa akin.

Pagkasumpong ng Layunin sa Buhay

Maaga noong 1979, nagkaroon ako ng kasiyahan na muling makasama si Adrian, sa pagkakataon ito ay sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Woy Woy sa gitnang baybayin ng New South Wales. Noong Hulyo ng taóng iyon kami ay parehong nabautismuhan. Mula na noon kami ay sumulong sa Kristiyanong pamumuhay. Kami kapuwa ay nag-asawa ng mahuhusay na mga babaing Kristiyano. Pagkatapos ang asawa ko, si Julie, at ako ay nakibahagi sa buong-panahong gawaing pangangaral bilang mga payunir, at ang asawa ni Adrian ay pumasok din sa paglilingkurang payunir.

Mahigit na walong mabungang espirituwal na mga taon ang lumipas mula nang aming bautismo. Natulungan namin ang marami pang iba na magkaroon din ng layunin sa kanilang buhay. Halimbawa, isang pag-aaral sa Bibliya sa mga membro ng isang rock band at sa ilan nilang mga kaibigan ay nagbunga anupa’t lima sa kanila ay tumanggap sa katotohanan at sabay-sabay na nabautismuhan.

Noong 1986 kami ni Julie ay lumipat upang maglingkod sa isang bahagi ng New South Wales kung saan kakaunti ang mga Saksi. Doon ay nagkaroon kami ng pagkakataon na ipalaganap ang kaalaman tungkol sa tunay na Diyos na si Jehova sa mga Aborigine, sa mga may-ari ng bukid, at sa mga taong nakatira sa maliliit na bayan. Ito’y nangahulugan ng malaking pagbabago para kay Julie, na kailangang lumipat nang malayo sa kaniyang mga magulang at pitong mga kapatid na lalaki at babae. Gayunman, naliligayahan siyang malaman na limang membro ng kaniyang pamilya ay nakibahagi rin sa buong-panahong paglilingkod sa Kaharian. Noong 1987 kami ay tuwang-tuwa na maanyayahang maging membro ng pamilyang Bethel sa Australia sa Ingleburn upang makibahagi sa pagtatayo ng mga karagdagang gusali sa palimbagan at Tahanang Behel.

Kami ni Julie ay mahilig pa ring maglakbay. Subalit kami ay tumitingin sa hinaharap na panahon kapag ang lupa ay naging isang magandang tahanang halamanan. Doon magkakaroon ng panahon para sa paglalakbay na higit na kapaki-pakinabang kaysa anumang bagay na mararanasan natin ngayon. Samantala, patuloy naming nararanasan ni Julie ang mayamang pagpapala ng Diyos habang kami ay nagpapatuloy, tiwasay sa kapaki-pakinabang na layunin sa lahat​—paglilingkod kay Jehova, isang Diyos ng layunin at pag-ibig.​—Gaya ng inilahad ni David Moffatt.

[Larawan sa pahina 23]

Ang nayon sa Sri Lanka kung saan nakilala ko si Adrian

[Larawan sa pahina 24]

Kasama ng aking asawa sa aming atas payunir sa Moree, New South Wales

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share