Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 9/8 p. 7-12
  • Mga Magulang na Ginawa ang Kanilang Araling-Bahay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Magulang na Ginawa ang Kanilang Araling-Bahay
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Halaga ng Papuri
  • Paglalaan ng Alalay sa Iba Pang Paraan
  • Pagpapaunlad sa Pagiging Malapit ng Pamilya
  • Paglutas sa mga Problema
  • Pakikipagtulungan sa Pamamalakad ng Paaralan
  • Hindi Madaling Atas
  • Sulit ang Lahat ng Pagsisikap
  • Paano Ako Makasusumpong ng Panahon Para Gawin ang Aking Araling-Bahay?
    Gumising!—2004
  • Paano Ko Tatapusin ang mga Assignment Ko?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Ang mga Susi sa Isang Mabuting Edukasyon
    Gumising!—1995
  • ‘Ang Dami Ko Pang Gagawin!’
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 9/8 p. 7-12

Mga Magulang na Ginawa ang Kanilang Araling-Bahay

ANG mga magulang na ginagawa ang kanilang araling-bahay ay nagbibigay sa kanilang mga anak ng mga bagay na talagang kailangan nila. Maliwanag, ito ay nagsasangkot ng higit pa sa basta pagbabayad ng kuwenta. Tinutulungan din ng gayong mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng tamang mga pagpapahalaga at mga tunguhin sa buhay, at kanilang binibigyan sila ng maraming panahon at maibiging pagmamalasakit.

“Nang ang mga bata ay maliliit pa, kami ay gumagapang sa sahig na kasama nila, kinakalantog ang mga kaldero, sinusuot namin ang mga takip ng kaldero na parang helmet, at ikinakampay namin ang mga sandok sa isa’t isa upang iarte ang kilalang mga tauhan sa Bibliya sa makasaysayang mga pangyayari,” sabi ni Wayne, ama ng apat na anak. “Naiibigan ito ng mga bata.”

Habang lumalaki ang mga bata, binago ni Wayne at ng kaniyang asawa, si Joanne, ang kanilang paraan ng pagtuturo; gayunman patuloy nilang pinukaw ang imahinasyon ng kanilang mga anak at ang pagnanais na matuto. Sa gayo’y isinagawa nila ang ilan sa pinakamagaling na mga simulain ng pagtuturo. Si Julie M. Jensen, pangulo ng U.S. National Council of Teachers of English, ay naniniwala na hindi kailanman nalilimutan ng isang mahusay na guro ang kaniya mismong katuwaan sa pag-aaral noong kaniyang kabataan, at binubuhay niya ito sa kaniyang mga estudyante.

Ang Halaga ng Papuri

Sina Wayne at Joanne ay gumawa ng paraan upang tulungan ang kanilang mga anak sa kanilang mga gawain sa paaralan. May isang “in” basket sa kusina kung saan inilalagay ng mga bata ang kanilang may markang mga papel pagdating ng bahay mula sa eskuwela. Nirirepaso ni Joanne ang mga papel samantalang ang mga bata ay naglalaro o gumagawa ng kanilang mga araling-bahay, at sa hapunan karaniwang pinag-uusapan ito ng pamilya. Ang mas matataas ang marka ay idinidispley sa palamigan at sa mga dingding sa kusina, na animo’y isang magulong galeriya ng sining.

“Ito ang aming paraan ng pagpuri sa aming mga anak,” sabi ni Joanne, “at sila’y lumalaki rito.” Sa sala, ang pamilya ay may “out” basket kung saan inilalagay ang tapos nang mga araling-bahay bago matulog. “Sa ganitong paraan,” sabi ni Joanne, “hindi na namin kailangang tingnan ito sa umaga kapag ang mga bata ay nagmamadali patungo sa paaralan.”

Pinalalamutian din ni Beatrice, ina ng dalawang batang babae, ang kaniyang kusina ng mga gawang-paaralan ng kaniyang mga anak. Sabi niya: “Ginagawa ko ito sapagkat ipinagmamalaki ko ang aking mga anak at nais kong malaman nila ito.”

Kinikilala ang kahalagahan ng papuri, pinasisigla ng Independent School District ng Dallas, Texas, ang boluntaryong mga tagapagturo nito na saganang gumamit ng nakapagpapatibay-loob na mga salita, gaya ng: Napakahusay! Mas mabuti. Ipagpatuloy mo ito! Magaling. Matalino. Tama. Mapanlikha. Mahusay na pag-iisip. Ekselenteng gawa. Ngayon nakuha mo ito. Pinahahalagahan ko ang pagsisikap mo.

Kung ikaw ay isang magulang, makapagbibigay ka ba ng pampatibay-loob nang mas madalas?

Paglalaan ng Alalay sa Iba Pang Paraan

Karagdagan pa sa pagpuri sa mga pagsisikap ng kanilang mga anak, nililinang ng mga magulang na ginagawa ang kanilang araling-bahay ang isang kapaligiran sa tahanan na tumutulong sa pag-aaral. Ginagawa nilang maging interesado ang kanilang mga anak sa pagbabasa at pag-aaral tungkol sa daigdig sa paligid nila.

“Inalalayan ako ng aking mga magulang,” sabi ni Julie, “sa paglalagay ng pinaka-bakod sa aking panahon ng pag-aaral. Mayroon akong partikular na dako sa bahay upang gawin ang aking araling-bahay, at hindi ako pinakikialaman ng iba pa sa pamilya hanggang sa matapos ito. Sa panahon ng aking pag-aaral, hindi ako hinihiling na gumawa ng mga gawaing-bahay. Ang mga pag-abala sa aking pagtutuon ng isip ay naiiwasan.”

Sinasabi naman ni Mark kung paano siya at ang kaniyang mga kapatid na babae ay inalalayan ng kaniyang mga magulang: “Tinitiyak nila na kami ay laging may magagamit na diksiyunaryo at iba pang aklat upang tulungan kami sa aming pag-aaral. Pinasigla nila kami na magkaroon ng personal na mga aklatan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa amin na bumili ng mga aklat na interesado kaming basahin nang hindi namin binabayaran ang mga ito buhat sa aming alawans.”

“Sinimulan namin ang aming programa sa pagbabasa na kasama ng mga bata nang sila ay mga tatlong buwang gulang,” sabi ni Althea, ina ng apat na anak. “Mahirap itong panatilihin sapagkat, katulad ng maraming kababaihan ngayon, kailangan kong magtrabaho. Upang magawa ito, kailangan kong kunin ang ibang panahon mula sa ibang gawain. Ang mga bata ay mayroong mahigit 300 mga aklat​—mga nursery rhyme, mga aklat tungkol sa siyensiya, lahat ng klase. Dadalhin nila sa akin ang kanilang paboritong mga aklat upang basahin ko sa kanila. Kung minsan nilalagtawan ko ang mga bahagi upang paikliin ang sesyon, subalit hindi iyan uubra. Sa tuwina’y nalalaman ng mga bata ang nawawalang bahagi at ipinaaalaala nila ito sa akin sa pamamagitan ng pagbanggit dito mula sa memorya!”

Sabi ni Johan buhat sa Finland na binabasahan siya ng kaniyang mga magulang ng 10 hanggang 15 minuto gabi-gabi bago siya matulog. “Ako ang pumipili ng kuwento,” sabi ni Johan. “Gagampanan ni Inay ang bahagi ng mga tauhan sa kuwento. Gustung-gusto namin ng kapatid kong babae ang kaayusang ito anupa’t kahit na kung ang aking mga magulang ay walang panahon, kukuha kami ng isang aklat at susubukin naming gawin ito sa ganang amin. Ito ay tumulong sa amin na magkaroon ng napakabuting ugali sa pagbasa. Ginawa nito ang aming gawain sa paaralan na mas madali at pinalawak ang aming daigdig.”

Gustung-gusto ni Ravindira mula sa Sri Lanka na siya ay pinatutulog ng kaniyang tatay dahil sa istilo ng pagbabasa ng kaniyang tatay. “Ang paborito kong kuwento bago matulog ay Kung Paano Nagkaroon ng Umbok sa Likod ang Kamelyo. Si Itay ay papadyak, bubomba, tatawa, at gagawin ang lahat ng bagay habang nagbabasa. Iyan ay dapat na magpatulog sa akin, subalit lalo lamang akong hindi makatulog at nais ko pa ng higit na kuwento. Kunwari’y hindi niya alam ito, ngunit alam niya kung ano ang ginagawa niya. Nang malaunan, nang ako’y mas malaki na, ipinasasauli niya sa akin ang mga aklat sa aklatan. Iyan ay nagpangyaring madama ko na ako’y mahalaga at lalo pang nagpasigla sa akin na masiyahan sa pagbabasa.”

Inilalarawan kung paano siya tinulungan ng kaniyang ama, sabi ni Susan: “Magustuhin si Itay sa pamamasyal. Dadalhin niya ako kung saan-saan​—sa mga museo, sa mga kanlungan ng mga ibon, sa mga aklatan, mamitas ng mga ligaw na berries sa gubat. Kung minsan basta ginagalugad namin ang di-kilalang mga dako sa kagubatan. Umuuwi kami ng bahay na may mga galos, subalit ito’y nakatutuwa. Ang mga paglalakbay na iyon ay nagbigay ng layunin sa mga pag-aaral ko sa eskuwela.”

Ganito naman ang nagugunita ni Emilo mula sa Puerto Rico: “Nais ng nanay ko na malaman namin na kami ay laging natututo. Pagdating ko ng bahay mula sa paaralan, siya ay magtatanong, ‘Bueno, ano ang natutuhan mo ngayon?’ Kung sasabihin ko, ‘Ah wala po,’ siya’y magtatanong, ‘Anong ibig sabihin ng, wala po? Tiyak na mayroon kang natutuhan.’ Hindi siya titigil ng katatanong hanggang sa masabi ko kung ano ang aking natutuhan. Gayundin ang ginagawa niya sa aking dalawang kapatid na lalaki. Nais niyang malaman namin na napakahalaga namin sa kaniya at na siya’y nagmamalasakit sa amin. Ito ang nagpangyari sa amin na maging isang nabubuklod na pamilya.”

Pagpapaunlad sa Pagiging Malapit ng Pamilya

Ang matagumpay na mga pamilya ay nagkakasundong mainam, subalit ito ay nangangailangan ng pagsisikap. Kaya sinisikap ng mga magulang na ginagawa ang kanilang araling-bahay na paunlarin ang espiritu ng pagtutulungan sa pamilya.

“Pinag-uusapan namin ang gawain ng pamilya nang tapatan at halos ay sa araw-araw,” sabi ni Carol, isang nagsosolong magulang ng dalawang tin-edyer na babae. “Kung minsan sasarilinin ng mga bata ang kanilang mga problema dahil sa inaakala nilang mayroon akong sapat na mga problema sa ganang akin. Nahahalata ko kapag ginagawa nila ito, dahil sa nagtatalo sila sa maliliit na bagay. Kailangang paalalahanan ko sila na ang kaayusan ng pamilya ay pinakamahusay na gumagana kung sinasabi namin ang aming mga problema sa isa’t isa nang tapatan.”

Ang salapi ay isang pinagmumulan ng mga problema sa maraming pamilya, ngunit sinasabi ni Carol na ang hindi niya paglilihim sa mga batang babae tungkol sa pinansiyal na kalagayan ng pamilya ay nagtamo ng kanilang suporta. Sabi niya: “Hinimok ko sila na humanap ng trabaho upang kumita sila ng kanilang sariling pera para sa ekstrang mga bagay na gusto nila. Iginagalang ko sila sa pagkita nito at ipinaaalam ko sa kanila na ito ay pera nila.”

Ginagamit naman ng ibang mga magulang ang pinansiyal na kalagayan ng pamilya upang turuan ang kanilang mga anak ng pagbabadyet, pagbabangko, at mga kasanayan sa matematika. “Isa pang leksiyon na naituro namin sa pamamagitan ng kaayusang ito,” sabi ni Henry, ama ng tatlong anak na lalaki at isang babae, “ay ang pagtutulungan sa gawain ng pamilya sa pamamagitan ng pakikisangkot.”

Subalit saan ba masusumpungan ng mga magulang ang panahon para sa gayong araling-bahay? Si Audrey, ina ng dalawang anak, ay nagsasabi na dahil sa kaniyang mahigpit na iskedyul, niyayaya niya ang mga bata na sumama sa kaniya samantalang ginagawa niya ang kaniyang gawain. Ginagamit niya ang panahong ito sa pakikipag-usap sa kanila.

Paglutas sa mga Problema

Upang gawing mainam ang kanilang araling-bahay, ang mga magulang ay kailangang matutong makinig na maingat sa kanilang mga anak. Gaya ng sinasabi ng isang kawikaan ng Bibliya: “Ang taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit na tagubilin.” (Kawikaan 1:5) Ang atentibong pakikinig ay nagtatayo ng pagtitiwala, at ito ay mahalaga sa matagumpay na paglutas sa mga problema.

Halimbawa, nang malaman ni Leon at ni Carolyn na ang kanilang panganay na anak na babae, si Nikki, ay nagbubulakbol sa klase at bagsak sa ilang kurso, ang unang reaksiyon ni Carolyn ay sisihin ang masamang impluwensiya ng mga kaibigan sa paaralan. Gayunman, sabi ni Leon: “Iminungkahi ko na ilaan namin ang hatol pagkatapos na malaman namin ang lahat ng katotohanan.”

“Gayumpaman bago niyan,” sabi ni Leon, “nangailangan ng isang linggo ng pagtitiyaga, mahinahong pagtatanong at pakikinig bago namin narating ang pinaka-ugat ng problema ni Nikki. Nabigla kami! Inaakala ni Nikki na hindi kami interesado sa kaniya, yamang kami’y abalang-abala sa aming sariling mga gawain! Kami ni Carolyn ay gumawa ng mga pagbabago, at si Nikki ay tumugon sa pagiging higit na alisto sa kaniyang mga pananagutan sa bahay at sa paaralan.”

Sina Dan at Dorothy ay may walong anak. Ang mga bata ay gumugugol ng isa at kalahating oras sa mga bus ng eskuwela araw-araw, at isang malaking problema ang sumasamang mga kalagayan doon. “Nang ang mas matandang mga bata ay nasa eskuwela, madaling bagay na gamitin ang panahon sa bus na gawin ang araling-bahay o magbasa,” sabi ni Dan. “Gayunman, sa loob lamang ng nakalipas na 12 taon ang lahat ng iyan ay nagbago. Ngayon napakaraming hindi kanais-nais na mga pang-abala​—masamang salita, maingay na musikang rock, at usok mula sa mga sigarilyo at marijuana, karaniwan na sa gawing hulihan ng bus.”

Sinabi ni Dan na kanilang nilutas ang problemang ito na kasama ng mga bata. “Dalawang ideya ang lumabas,” sabi niya. “Maupo ng malapit sa tsuper hangga’t maaari, at sangkapan ang bawat bata ng magaang na mga headphone na nakakabit sa isang personal na AM/FM na mga cassette. Sa gayon naibubukod ng mga bata ang kanilang mga sarili mula sa gulo, nasisiyahan pa sila sa magandang musika samantalang nagbabasa o gumagawa ng mga araling-bahay. Ang lunas ay para bang simple, subalit ito ay gumana!”

Pakikipagtulungan sa Pamamalakad ng Paaralan

Sa taon ng eskuwela, ang mga estudyante ay gumugugol ng halos anim na oras isang araw sa ilalim ng pangangasiwa ng mga guro. Titiyakin ng mga magulang na nagpapahalaga sa kung ano ang ibig sabihin niyan sa potensiyal na pagkatuto ng kanilang mga anak na ang panahong iyon ay guguling mainam. Sinabi ng isang ina ng tatlong mga anak kung paano tiniyak nilang mag-asawa na ito nga ay panahon na ginugol na mainam.

“Kung kami ni John ay hindi nasisiyahan sa isa sa mga klase ng aming mga anak,” sabi niya, “nagtutungo kami sa paaralan at nagsasaayos ng isang angkop na pagbabago na kasama ng guidance counselor, ng guro, o ng punong guro. Talagang kasangkot kami sa pormal na edukasyon ng aming mga anak mula sa pasimula hanggang sa wakas. Ngayon na ito ay tapos na, nasisiyahan kami na nakuha nila kung ano ang nakalaan sa kanila.”

Ang mga bata ay baka nangangailangan ng tulong sa kanilang mga gawain sa paaralan, at bahagi ng araling-bahay ng mga magulang ay ang maging kasangkot. At, ang magulang ay matalinong nakikipagtulungan sa pamamalakad ng paaralan. “Ang isang bagay na natatandaan ko sa aking mga magulang,” sabi ni Wesley, “ay na hindi sila kailanman nakialam sa mga estratehiya ng guro sa klase. Batid nila na sarisari ang paraan ng pagtuturo.

“Halimbawa, kapag ako’y nalilito sa paraan ng pagkuha ng sagot sa isang problema sa math, ibibigay sa akin ni Itay ang sagot at hahayaan niya akong subukin ang pamamaraan hanggang sa makuha ko ito. Alam ko na nakuha ko ito kung ang sagot ko ay katulad ng sagot ni Itay.”

Hindi Madaling Atas

Ang sinumang bata ay magsasabi sa iyo na ang ilang atas na araling-bahay ay mahirap kaysa iba. Subalit ang araling-bahay ninyo mga magulang ay mas mahirap kaysa anumang araling-bahay ninyo noon sa paaralan. Oo, ang matagumpay na pagpapalaki ng mga anak ay isang masalimuot, mahabang-panahong atas. Tinawag ito ng ilan na isang 20-taóng proyekto.

Kabilang sa susi sa tagumpay ang pagiging atentibo, palakaibigan, maunawaing magulang, isa na lubusang nakakakilala sa mga anak at tumutugon sa kanila bilang mga indibiduwal. Tandaan, ang talagang kailangan ng inyong kabataang mga anak ay personal na atensiyon na ipinakikita sa pamamagitan ng maibiging pagmamalasakit sa kanilang kapakanan. Palakihin sa kanila ang pagkauhaw sa pag-aaral, at tulungan silang gawing isang kasiya-siyang karanasan ang pagtatamo ng kaalaman.

Sulit ang Lahat ng Pagsisikap

Kayong mga magulang na gumagawa ng inyong araling-bahay ay mapagsakripisyo-sa-sarili, hindi mapagpalayaw-sa-sarili. Handa kayong gumawa ng mga pagbabago. Batid ninyo na upang tulungan ang inyong mga anak, dapat ay ‘naroroon’ kayo, at gugulin ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagbibigay ng panahon, pag-ibig, at pagmamalasakit na talagang kailangan ng inyong mga anak.

Kung ginagawa ninyo ang inyong araling-bahay, ang mga bunga ay maihahambing sa ani ng isang magsasaka na inihahanda ang lupa at saka nagtatanim, nililinang, at dinidilig ang kaniyang tanim. Kayo ay maaaring gantimpalaan ng isang kasiya-siyang ani. Ito ay gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sanayin mo ang batang lalaki [o babae] sa daan na dapat niyang lakaran; at kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”​—Kawikaan 22:6.

[Kahon sa pahina 11]

Ano Pa ang Magagawa ng mga Magulang?

Sa modernong lipunan, ang mga guro at mga paaralan ay mahalaga sa matagumpay na pag-unlad ng mga bata. Hindi iyan nangangahulugan na magagampanan nila ang papel ng mga magulang, kundi sila ay maaaring maging isang mahalagang katulong sa matagumpay na pagpapalaki ng mga bata. Kaya ang isa pang atas ninyong mga magulang ay hangga’t maaari’y puspusang makipagtulungan sa pamamalakad ng paaralan na pinapasukan ng inyong mga anak.

At, kumusta naman kung may pantanging gawain o programa sa paaralan? Halimbawa, sa isang paaralan sa Massachusetts, mayroong programang Student Awards Achievement Presentation. “Ako’y nagtungo roon sapagkat nais kong malaman ng aking mga anak na ipinagmamalaki ko sila,” sabi ni Joanne, ina ng apat na lalaki. Dalawampung estudyante ang tumanggap nang araw na iyon ng pantanging gantimpala dahil sa pambihirang mga gawa, gayunman karamihan ng mga magulang ay hindi dumating. Sa palagay mo kaya ang kanilang hindi pagkanaroroon ay magpapasigla sa kanilang mga anak na gumawa nang mas mahusay sa paaralan? Hindi!

Isaalang-alang din ang mga guro. Kalimitan ang mga paaralan ay nagtatakda ng mga gabi upang itanghal ang mga gawa ng mga estudyante at upang repasuhin ang kanilang pag-unlad sa kanilang mga magulang, at maraming guro ang isinasakripisyo ang personal na panahon upang ihanda ang mga gawaing ito. Ganito ang sabi ng isang guro: “Mayroon kaming sariling mga pamilya at sariling buhay na dapat ding pamuhayan. Nakapanghihina ng loob kapag ginugol mo ang napakaraming panahon sa paghahanda para sa pantanging mga pangyayari at makita lamang ang isa, dalawa, o tatlong mga magulang sa buong gabi.”

Bilang mga magulang, kung minsan baka inaasahan ninyo ang paaralan at mga guro na gumawa ng mga pagbabago upang matugunan ang pantanging mga pangangailangan ng inyong mga anak. Hindi ba dapat ay handa rin kayong gumawa ng katulad na mga pagsasakripisyo upang tangkilikin ang mga pagsisikap ng pamamalakad ng paaralan, lalo na yamang sinisikap nito na tulungan ang inyong mga anak na maging matagumpay na mga adulto?

Binabalangkas ng brosyur na “School and Jehovah’s Witnesses,” inilathala upang magkaroon ng pagkakaunawaan at pagtutulungan sa pagitan ng mga magulang at mga guro, ang sumusunod na araling-bahay para sa mga magulang na mga Saksi ni Jehova: “Mahalaga na makilala ng mga magulang ang mga guro ng kanilang mga anak​—gumagawa ng mga kaayusan na makilala at makausap sila. . ..

“Sa gayong pagkikilala dapat ipaalam ng ama o ina na Saksi sa guro na inaasahan ng mga magulang ang wastong Kristiyanong paggawi ng kanilang mga anak, at na kung ang mga bata ay gumawa ng kalokohan, nais nilang ipaalam ito sa kanila. Dapat din tiyakin ng mga magulang na itataguyod nila ang anumang makatuwirang disiplina na isasagawa ng guro, ipasusunod pa nga ito sa bahay.

“Ang iba pang paraan na makakatulong ang mga magulang: Tiyakin na ang kanilang mga anak ay nag-aagahan bago pumasok. Tingnan na ang kanilang araling-bahay ay kompleto at na dala nila ang lahat nilang aklat. Laging magpakita ng paggalang sa mga patakaran ng paaralan at asahang igalang din ito ng mga bata. Pagsalitain ang mga bata sa bahay tungkol sa mga gawain sa paaralan at sa anumang problema na maaaring makaharap nila roon.”

Hindi ba kayo sasang-ayon na ito ay mahusay na mga mungkahi? Ikinakapit ba ninyo ang mga ito bilang mga magulang? Bahagi ng inyong araling-bahay ay gawin iyon.

[Kahon sa pahina 12]

Mga Tanong para sa Pagsusuri-sa-Sarili ng mga Magulang

1. Ako ba’y nagpapakita ng tunay na interes sa pag-aaral ng aking mga anak?

2. Kilala ko ba ang kanilang guro?

3. Alam ba ng mga guro na pinahahalagahan ko ang kanilang pagsisikap?

4. Tinitiyak ko ba na seryoso sa pag-aaral ang aking mga anak?

5. Tinitiyak ko ba na ang kanilang araling-bahay ay wasto ang pagkakagawa at nasa oras?

6. Ang akin bang saloobin sa kaalaman at pag-aaral ay positibo?

7. Ako ba ay nakikita ng aking mga anak na nag-aaral?

[Larawan sa pahina 7]

Ang pagbabasa ay pumupukaw sa pagkamausisa at imahinasyon ng mga bata

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga magulang na gumugugol ng panahon sa pagbabasa sa kanilang mga anak ay pinatitibay ang buklod ng pamilya

[Larawan sa pahina 9]

Ang mga paglalakbay ng pamilya sa isang museo o sa lalawigan ay maaaring maging isang tunay na katuwaan para sa pamilya​—at isang karanasang nakapagtuturo

[Larawan sa pahina 10]

Ang inyong mga anak ay nangangailangan ng personal na atensiyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share