Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Bakit Hindi ang Teolohiya sa Pagpapalaya ang Lunas
ANG teolohiya sa pagpapalaya ay isang bagong ideya. Ito ay binuo dalawang dekada ang nakalipas ng mga paring Romano Katoliko sa Timog Amerika na nasiphayo dahil sa labis na kahirapan ng kanilang mga kawan. Inaakala nila na ang basta pagsasalita sa mga dukha tungkol sa espirituwal na mga bagay ay hindi talaga nakatutulong sa kanila. Sa halip, inaakala nila, ng mga klero, na kailangang itaguyod nila ang radikal na mga pagbabago sa lipunan kung nais nilang bumuti sa espirituwal ang mga tao. Itinaguyod pa nga ng iba ang rebolusyon.
Mangyari pa, hindi masama na magnais pagbutihin ang kalagayan ng mga mahihirap. Si Jesus mismo ay nakadama ng matinding pagkahabag sa mga tao noong kaniyang kaarawan. Ating mababasa: “Nang makita niya ang karamihan ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) Oo, si Jesus ay nangako ng kalayaan sa mga tumutugon sa kaniyang salita, na ang sabi: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Kaya ang teolohiya sa pagpapalaya ba ang paraan ng Bibliya upang tulungan ng isang ministrong Kristiyano ang mahihirap?
Isang Maling Teoriya
Hindi, sa maraming dahilan. Sa isang bagay, ang pangunahing pananagutan ng isang ministrong Kristiyano ay ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang kawan, at walang katibayan na kung bubuti ang pamumuhay ng isang mahirap na tao, siya ay malamang na sumulong sa espirituwal. Sa katunayan, ang mas mayamang mga bansa sa Hilagang Amerika at Europa, sa kabila ng kanilang mataas na pamantayan sa buhay, ay dumaranas ng matinding espirituwal na mga problema. Ang kawalang-katapatan, imoralidad, pag-abuso sa mga bata at sa may edad na, at kasakiman—upang banggitin lamang ang ilan—ay palasak. At sa ibang dako ang interes sa Diyos ay pawang walang-wala.—2 Timoteo 3:1-5.
Isa pa, ang teolohiya sa pagpapalaya ay hindi ang paraan ni Jesus ng pagtulong sa mahihirap, at si Jesus ang Dakilang Halimbawa para sa tunay na mga Kristiyano. (1 Pedro 2:21) Nang si Jesus ay nasa lupa, namuhay siya sa gitna ng mga tao na sakop ng isang kolonyal na kapangyarihan at nagdurusa sa mga kamay ng madayang mga maniningil ng buwis. Ang pinakawalang kaya sa kanila ay karaniwang binibiktima ng masakim na mga membro ng uring namumuno. (Mateo 22:21; Lucas 3:12, 13; 20:46, 47) Gayunman, si Jesus ay hindi nakisangkot sa pulitikal na pagpapaliwanag o sa paggigiit sa lipunan upang pagbutihin ang kanilang kalagayan. Sa halip, ipinangaral niya “ang mabuting balita ng kaharian.”—Mateo 4:23.
Sa wakas, ang mga ministro ng relihiyon na nagtataguyod sa teolohiya sa pagpapalaya ay humahanap ng pulitikal na lunas sa isang problema na maaari lamang lutasin sa paraan ng Diyos. Bagaman ang kanilang teoriya ay tinatawag na isang teolohiya, ito ay hindi salig sa Bibliya. Ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko naman na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Imposibleng pasiglahin ang pagiging aktibo sa pulitika nang hindi nagiging “bahagi ng sanlibutan.”—Santiago 4:4.
Ano bang Talaga ang Tumutulong sa Mahihirap?
Tunay, kung ang mga teologo sa pagpapalaya ay walang espirituwal na mensahe na may kaugnayan sa mahihirap, masasabi natin na ipinangangaral nila ang maling mensahe. Tinulungang lubha ni Jesus ang tumutugong mahihirap noong kaniyang kaarawan, at gayunding bagay ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ngayon habang sila ay nakikibahagi sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.”—Mateo 24:14.
Ano ba ang mabuting balita na ito? Para sa ating panahon, ito ay ang katotohanan na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa mga langit at malapit na nitong alisin ang lahat ng kabalakyutan at pang-aapi sa lupang ito. (Apocalipsis 11:15, 18) Sa ganitong paraan, lulutasin magpakailanman ng Kaharian ng Diyos ang mga problema ng karalitaan at pang-aapi. Tungkol sa epekto ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang Bibliya ay nagsasabi: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:4) Anong pagkaganda-gandang pag-asa para sa matuwid-pusong mga tao!
Subalit paano ba natutulungan ng katotohanang ito tungkol sa Kaharian ng Diyos ang mahihirap ngayon? Bueno, tandaan na sinabi ni Jesus: “Inyong makikilala ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ang katotohanan ay tumutulong sa isa na magtamasa ng kalayaan mula sa isang budhing nakadarama ng pagkakasala, kalayaan buhat sa takot sa kinabukasan, at kalayaan buhat sa relihiyosong pamahiin.
Isa pa, ang taong natututo ng katotohanang ito ay nagkakamit ng dalawang pagkalalakas na mga Kaibigan. Ang isa ay si Kristo Jesus, na ngayo’y nagpupuno na bilang Hari sa Kaharian ng Diyos. Ang isa pa ay ang Diyos na Jehova mismo, na tungkol sa kaniya ay sinasabi ng Bibliya: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo. Hindi niya tutulutang gumiray-giray ang matuwid.” (Awit 55:22) Kahit na kung ang isang mahirap na tao ay nakatira sa ilalim ng isang mapang-aping pamamalakad sa pulitika o sa kabuhayan, ang dalawang madamaying mga Kaibigang ito ay makatutulong sa kaniya na magtiis sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano.
Karagdagan pa, ang pagtugon sa katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos ay umaakay sa isang tao na iwasan ang masasamang ugali at gawin ang pinakamabuti sa anumang taglay niya. Hindi, ang mahirap na tao ay hindi naman nagiging mayaman dahil sa pamumuhay ng buhay Kristiyano. Ngunit kung inuuna niya ang Kaharian ng Diyos at namumuhay ayon sa Kaniyang matuwid na mga pamantayan, sa paano man ang pisikal na mga pangangailangan sa buhay ay inilalaan. Ito’y gaya ng pangako ni Jesus: “Kung gayon, patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:33.
Si Haring David ay nagbigay ng makabagbag-damdaming patotoo sa paraan ng pangangalaga ng Diyos sa mga panig sa Kaniya. Sabi niya: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpalimos ng tinapay.” (Awit 37:25) Mayroong di-mabilang na mga halimbawa sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ngayon na nagpapatunay rito.
Kaya, sa halip na maghangad ng panandaliang ginhawa sa pamamagitan ng mga teoriya at mga teolohiya ng tao, ang lahat, pati na ang mga dukha, ay pinatitibay-loob na tamasahin ang tunay na mga pakinabang na nagmumula sa paglilingkod sa Diyos. Yaong mga gumagawa ng gayon ay sumasang-ayon, kasama ni apostol Pablo, na “ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos ang tanging lunas sa kahirapan ng daigdig