Pagtulong sa mga Bata na Manatiling Buháy!
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
ANG maruming tubig, limitadong suplay ng pagkain, malaganap na sakit at impeksiyon—ang mga kalagayang ito ay karaniwan sa nagpapaunlad na mga bansa. Gayunman, si Dr. Chizu Okudo, isang pediatrician (espesyalista sa pangangalaga at sa mga sakit ng ng bata) ay nagsabi sa Gumising!: ‘Ang kawalang-alam at hindi pag-iintindi [sa wastong kalinisan] sa bahagi ng mga magulang ay lumilikha ng mga kalagayang pabor sa sakit.’
Sabi pa ni Dr. Okudo: ‘Ang mas matatandang salinlahi ay kadalasang nagpapayo sa mas nakababatang mga magulang na ang pagtatae ay naglalabas ng karumihan at dapat pabayaan.’ Sinusunod ang gayong maling payo, hindi ginagamot ng mga magulang ang kanilang maysakit na mga anak. Kadalasang ang nagiging resulta ay kamatayan.
Ang buhay, gayunman, ay mahalaga sa lahat ng gumagalang sa “bukál ng buhay.” (Awit 36:9) Sa gayon, hindi hinahayaan ng mga magulang na may takot sa Diyos na isapanganib ng mga pamahiin o ng lokal na mga kaugalian ang buhay ng kanilang anak. At, sabi ng panlahat na direktor ng kalusugan sa Malaysia, “ang pag-iingat sa sakit . . . ay dapat magsimula sa tahanan.”
Napakaraming Bibig na Pakakanin?
Ang “kakapusan ng pagkain” ang makikita sa ating panahon, at ang nagpapaunlad na mga lupain ay lalo pang apektado nito. (Mateo 24:7) Nakadaragdag pa sa problema ang bagay na “pagkapalaanakin—mahigit sa anim na mga anak sa bawat babae—ay umiiral pa rin sa buong Aprika at sa Gitnang Silangan,” sabi ng Planning the Global Family, isang report ng Worldwatch Institute.
Bakit, kung gayon, hindi takdaan ng mga mag-asawang Aprikano ang laki ng kanilang mga pamilya? Ang report ng Worldwatch Institute ay nagsasabi: “Ang katayuan sa kabuhayan at sa lipunan ng isang [Aprikanong babae ay nagpaparami sa bilang ng kaniyang iniaanak, lalo na yamang ang mga anak ay kumakatawan sa ekstrang kamay na tutulong sa pagsasaka, pamimili, at iba pang gawain.” Ganito pa ang sabi ng aklat na Africa in Crisis: “Ang mataas na posibilidad na ang mga bata ay hindi mabubuhay ay humihikayat sa mga magulang na Aprikano na magkaroon ng malaking pamilya.” Sa ibang bansa sa Aprika, halos sangkalima ng lahat ng mga sanggol ang namamatay sa kanilang unang taon! Balintuna, gayunman, ang pagkakaroon ng maraming anak ay kalimitang lumilikha ng masamang siklo ng siksikan, maruruming kuwarto at di-sapat na sanitasyon o kalinisan—ang mismong mga kalagayan na may pananagutan sa pagpatay sa maraming bata.
Sinasabi pa nga ng mga doktor na kailangan ng isang babae ng panahon na makabawi mula sa pagdadalang-tao at panganganak bago maglihing muli. Kung hindi, ang kaniyang kakayahang magkaroon ng malusog na mga sanggol ay maaaring lubhang mapinsala.
Sa kabila ng mga bagay na ito, waring tinatanggihan ng mga Aprikano ang ideya tungkol sa pagpaplano ng pamilya.a Gayunman, hindi dapat waling-bahala ng mga indibiduwal ang bagay na ito. Maaaring isaalang-alang ng mga Kristiyano na bagaman hindi hinahatulan ng Bibliya ang pagkakaroon ng mga anak, sinasabi naman nito sa 1 Timoteo 5:8: “Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.” Dahil sa pagkakaroon ng napakalaking pamilya maaaring imposibleng paglaanan ng mga magulang ng sapat na pagkain, pananamit, at tirahan ang kanilang mga anak. Bagaman ito ay isang personal na bagay, gayunman natutuhan ng ilang mag-asawa ang pagsasagawa ng kontrasepsiyon at iwasan ang pagkakaroon ng higit pang mga anak na maaari nilang wastong mapangalagaan.
Pagsuso sa Ina Laban sa Pagsuso sa Bote
“Ang malnutrisyon na dahil sa hindi mabuting kaugalian sa pagpapakain ng bata ay sumasawi ng 10 beses na mas maraming buhay kaysa aktuwal na taggutom,” sabi ng mananaliksik na si William Chandler. “Kasama na ang pagkaubos ng tubig sa katawan dahil sa pagtatae, ang malnutrisyon ang nangungunang mamamatay-tao sa daigdig.” Karaniwan na, ang ‘hindi mabuting kaugalian sa pagpapakain’ ay nagsisimula sa pagkasanggol.
Ang gatas ng ina ang tamang-tamang pagkain para sa karamihan ng mga sanggol sapagkat ito ay nagtataglay ng lahat ng kinakailangang nutriyente. Madali itong tunawin. Lagi itong bago at nasa tamang temperatura. Naglalaman ito ng antibodies na nagsasanggalang at tumutulong sa sanggol na magkaroon ng resistensiya sa mga impeksiyon. Ang pagsuso sa ina ay nagbibigay rin sa isang sanggol ng maibiging atensiyon, na mahalaga sa emosyonal na paglaki.
Gayunman, habang ang mga babae ay pumapasok sa sekular na mga trabaho, ang pagsuso sa ina ay humihina sa maraming nagpapaunlad na bansa. Dahil dito, maraming Aprikanong sanggol ang pinasususo ng itinimplang gatas. Ang gayong mga gatas ay masustansiya kung wastong inihahanda sa ilalim ng malinis na mga kalagayan. “Sa mahihirap na dako ng daigdig, gayunman,” ulat ng magasing Time, “iyan kung minsan ay imposible. Maaaring walang kamalay-malay na itinitimpla ng mga ina ang gatas sa maruming tubig o, upang makatipid, napakalabnaw naman ng timpla dito.” Ang resulta ay maaaring maging nakamamatay.
Nagugunita ni Queen, isang ina ng pitong anak na taga-Nigeria, na ipinakilala ng mga nars sa ospital sa kaniyang mga sanggol ang pagsuso sa bote mula sa simula. Ipinagpatuloy ni Queen ang pamamaraang ito sa bahay. Gayunman, ang kaniyang anim na anak ay pawang dumanas ng grabe at paulit-ulit na pagtatae—ang isa ay halos mamatay. Sabi ng asawa niya: “Natanto namin na ang aming ikaanim na anak ay nagkasakit dahil sa pagsuso sa bote, kaya inihinto namin ang paggamit nito, at siya ay gumaling. Ngayon pinasususo ni Queen ang aming ikapitong anak sa unang mga ilang buwan.”
Ang mensahe? Pasusuhin ang inyong anak karaka-raka hangga’t maaari! Ikaw mismo ay kumain ng timbang na pagkain upang ikaw ay makagawa ng malusog na gatas. Ang kasamang pakinabang ng pagpapasuso ay na waring inaantala nito ang pagsisimula ng regla pagkatapos isilang ang sanggol. Ito sa gayon ay tinatawag na kontraseptibo ng kalikasan.
Pakanin Sila Nang Tama!
Gayunman, kung minsan tanging gatas lamang buhat sa ina ang ipinakakain sa mga batang Aprikano hanggang sa kanilang ika-18 buwan ng buhay. “Kapag inaawat,” sabi ni William Chandler, “maraming bata ang binibigyan ng pagkain ng adulto na hindi nila manguya o matunaw, o na hindi masustansiya.”
Ang tanggapan ng UNICEF sa Côte d’Ivoire ay gumawa ng isang poster na nagpapayo sa mga ina: “Pagkalipas ng limang buwan, bigyan ng higit pa kaysa gatas ng ina.” Ang gatas ng inay ay dapat dagdagan ng prutas, kanin, at mga gulay na niluto at sinala at sa gayo’y sapat ang lambot upang nguyain at lunukin ng isang sanggol. Isang ina na taga-Nigeria na nagngangalang Ijeoma ang nagpasuso sa bawat isa sa kaniyang apat na anak noong kanilang unang apat na buwan. Patuloy niya silang pinasuso hanggang 12 buwan, unti-unting hinahalinhan ito ng pagkain na kinukutsara o pinasususo sa bote na mga katas ng prutas, malalambot na pagkain, at iba pang paghahanda. Sinusunod niya ang mahigpit na kalinisan sa paghahanda ng pagkain. Ang resulta? Ang kaniyang mga anak ay nagsilaking malusog hindi gaanong nagkakasakit.
Habang lumalaki ang bata, ang timbang na pagkain ay tutulong sa kaniya na manatiling malusog. Ang pagkain lamang ng mga carbohidrato, na gaya ng tugi, kamoteng kahoy, o kanin, ay hindi magbibigay ng sapat na nutrisyon. Kailangan din ng kaniyang katawan ang mga proteina, bitamina, at mineral, na masusumpungan sa karne, itlog, gatas, balatong, mais, at sarisaring gulay at prutas.
Mahalaga rin kung paano pinangangasiwaan at itinatago ang pagkain. Maaaring nakatutuksong gamitin ang napapanis na tiráng pagkain ng mga ilang araw, ngunit HUWAG ITONG GAMITIN! “Ang maruming pagkain ay kadalasang hindi ligtas kanin at maaaring mauwi sa paulit-ulit na pagsalakay ng pagtatae at ng iba pang nakahahawang sakit.” Kaya, (1) maghugas ng kamay bago hipuin o ihanda ang pagkain. (2) Kainin ang pagkain karaka-raka pagkaluto—huwag itong patatagalin sa temperatura ng silid. (3) Panatilihin ang inyong kusina, ang inyong mga gamit sa pagluluto, ang inyong damit, at ang inyong sarili na malinis at maayos sa lahat ng panahon.—Magasing World Health.
Ang mga mikrobyo at mga parasito ay sagana sa maruming tubig. Kaya salain o pakuluan ang tubig bago gamitin ito. Banlawan ang mga gamit sa pagkain ng kumukulong tubig, at maghugas ng kamay bago humawak ng pagkain.
Oo, marahil ang pinakapayak na kaligtasang pangkalusugan ay panatilihin ang isang mataas na pamantayan ng kalinisan. Sa nagpapaunlad na mga bansa, gayunman, ito ay maaaring maging isang tunay na hamon.
[Talababa]
a Isinisiwalat ng isang surbey sa nagpapaunlad na mga lupain na sa Latin Amerika, ang karamihan ng mga ina ay ayaw na ng karagdagang mga anak. “Tanging sa Aprika lamang na isang disididong minoridad ng mga babae ang may ganitong opinyon.”—State of the World 1985, Worldwatch Institute.
[Kahon sa pahina 5]
Ilang Sintomas ng Malnutrisyon
◼ Walang sigla—iniiwasan ng bata ang masiglang laro
◼ Walang gana—ayaw kumain ng bata, mahinang kumain
◼ Mabagal na paglaki—napakaliit ng bata sa kaniyang edad
◼ Mahinang resistensiya—madalas na pagkakasakit dahil sa maliliit na karamdaman
Ilang Sanhi ng Malnutrisyon
◼ Kakulangan ng pagkain
◼ Saganang pagkain subalit maling uri ng pagkain
◼ Pagpapasuso sa bote na malabnaw ang timpla o hindi malinis na pangangasiwa
◼ Mga impeksiyon
◼ Mga parasito sa bituka na nagiging dahilan ng pagtatae o pagsusuka
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Iba Pang Nagliligtas-Buhay na Hakbangb
Mahigit na 2,000 bata ang namamatay araw-araw dahil sa mga sakit na gaya ng tigdas, polio, tuspirina, diphteria, tetano, at tuberkulosis—lahat ng ito, sabi ng mga doktor, ay madaling maiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna. Maraming magulang sa gayon ang nagpasiyang pabakunahan ang kani-kanilang mga anak laban sa mga sakit na ito. Ang Nigeria, halimbawa, ay mayroong EPI (Expanded Programme on Immunization). Marahil ang kahawig na programa ay umiiral din sa inyong bansa.—Tingnan ang Awake! ng Agosto 22, 1965, para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagbabakuna.
Gayunman, tandaan na upang ang isang bata ay tumanggap ng ganap na proteksiyon, baka kailangang bumalik para sa pagbabakuna. Kadalasan ang mga magulang ay nag-aalala tungkol sa sinat at mga sakit na maaaring mangyari pagkaraan ng unang bakuna ng bata. Gayunman, maraming magulang ang nangangatuwiran na ang gayong mga kaabalahan ay maliit na halaga lamang upang ibayad para sa proteksiyon ng bata mula sa nakamamatay na sakit.
Gawin ding pamilyar ang iyong sarili sa ORT (Oral Rehydration Therapy).c Sa nakalipas na sampung taon, mga 30 milyong bata ang namatay dahil sa pagkaubos ng tubig sa katawan at malnutrisyon dala ng pagtatae. Gayunman, isang simpleng timpla ng glucose o asukal, asin, at tubig ay maaaring magligtas sa buhay ng inyong anak kung humampas ang pagtatae. Ibinibigay bilang isang inumin, pinararami nito ang kakayahan ng katawan na tumanggap ng likido upang halinhan ang nawalang tubig dahil sa pagtatae at pagsusuka. Kung hindi kayo makabibili ng nakaimpakeng asin, sundin ang simpleng resipe: Haluin ang isang kutsaritang asin, walong kutsaritang asukal, at isang litrong tubig. “Sinasawata ng ORT ang kamatayan ng 90 porsiyento ng mga kaso ng nauubusan ng tubig dahil sa pagtatae.”
Sa kabila ng lahat ng mga pag-iingat, ang mga bata ay maaari pa ring magkaroon ng mga impeksiyon at mga parasito sa bituka. Paano mabibigyang babala ang isa sa pagkakaroon ng gayong mapanganib na mga kalagayan? Ang weight-progress chart, na madaling makukuha sa maraming bansa, ay makatutulong. Basta timbangin ang inyong anak buwan-buwan at itala ang timbang sa isang tsart na nagpapakita ng bilis ng normal na paglaki. Ang paghahambing ng dalawang timbang ay magpapakita ng anumang pag-udlot sa kaniyang paglaki.
[Chart]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Weight-Progress Chart
average healthy child
may indicate poor diet (visit doctor or clinic)
1 Kg. = 2.2 lb.
20
18
16
14
12
10
8
6
4
2
kg 0
Unang taon, Ika-2 taon, Ika-3 taon, Ika-4 taon, Ika-5 taon
[Mga talababa]
b Ito ay ibinibigay lamang sa kadahilanang magbigay ng impormasyon. Ang Gumising! ay hindi nagrirekomenda ng isang uri ng medikal na paggagamot kaysa ibang uri.
c Tingnan ang “Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas Buhay! sa Setyembre 22, 1985, na labas ng Awake!