Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 10/8 p. 19-21
  • Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Pribadong Buhay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Pribadong Buhay?
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iyong Magulang​—Nababahala o Mausyoso Lamang?
  • Ang Kamangmangan ng Pandaraya
  • ‘Pagbibigay ng Iyong Puso’ sa Kanila
  • Kung Kailangang May Kasama Ka sa Silid
  • Pagkakapit ng Ginintuang Tuntunin
  • Gamitin sa Mabuting Paraan ang Pribadong Buhay!
  • Bakit Hindi Ako Magkaroon ng Higit na Pribadong Buhay?
    Gumising!—1988
  • Ano Ba ang Pribadong Buhay?
    Gumising!—1988
  • Isang Timbang na Pangmalas sa Pribadong Buhay
    Gumising!—1988
  • Hindi ba Ako Puwedeng Magkaroon ng Kaunting Privacy?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 10/8 p. 19-21

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Pribadong Buhay?

“Inay!” ang sigaw mo, nagkukumamot sa pag-abot ng isang bata. “Mga isang daang beses ko nang sinabi sa inyo na kumatok muna kayo!” Subalit inaakala ni Inay na ang iyong hindi kaaya-ayang kalagayan na katawatawa. Upang dagdagan pa ang pinsala, minsan pang pinakialaman niya ang iyong aparador at ang sabi’y “inaayos ko lamang ito para sa iyo.” Pagkatapos nariyan pa ang kapatid mong babae na may akalang mayroon siyang hindi matatanggihang karapatan na hiramin ang lahat ng pag-aari mo​—mayroon o wala mang pahintulot.

‘Wala na bang gumagalang sa aking pribadong buhay?’ naitatanong mo.

ILANG bagay ang nakaiinis na gaya ng panghihimasok sa pribadong buhay ng isa. Oh, hindi mo pinag-aalinlanganan ang bagay na ang iyong mga magulang ay may karapatan na pamahalaan ka. Subalit kailangan ba silang manubok sa bawat detalye ng iyong buhay? At bagaman bale wala sa iyo ang makasama sa isang silid ang isang kapatid na lalaki o babae, hindi ba’t ikaw man ay may karapatan na masiyahan sa pag-iisa sa silid kung minsan?

Sa kabutihang palad, ang larawan ay maaaring hindi gaanong madilim na gaya ng tingin mo rito. Taglay ang kaunting kasanayan at imahinasyon, maaaring dagdagan mo nang kaunti ang iyong pribadong buhay.

Ang Iyong Magulang​—Nababahala o Mausyoso Lamang?

Ang mga magulang ay may karapatang malaman kung ano ang nangyayari sa buhay ng kanilang mga anak. Nais nilang “layuan mo ang masasamang pita ng kabataan” at maging ligtas ka sa kapahamakan. (2 Timoteo 2:22) Nalalaman nila kung paanong napahamak ng kahandalapakan at ng pag-aabuso sa droga ang buhay ng ibang mga kabataan at nais nila ang mas mabuting bagay para sa iyo.

Natural lamang, kung gayon, sila’y nababahala kung paano ka gumagawi kapag wala ka sa kanilang paningin. Kaya kapag ang isang magulang ay nanghihimasok sa iyong kuwarto o sumisilip sa iyong talaarawan, ito ay hindi basta pag-uusyoso lamang kundi malamang na ito ay isang kapahayagan ng tunay na pag-ibig at pagkabahala. Nang ang isang kabataang babae ay nagreklamo sa isang kolumnista sa pahayagan na hinihiling ng kaniyang ina na iwan niyang bukas ang kaniyang pinto kapag siya ay nag-iisa na kasama ng isang lalaki, ang kolumnista ay tumugon: “Pasalamatan mo ang iyong ‘pakialamerang’ ina sapagkat gayon na lamang ang pag-aalala niya sa iyo upang gawin kung ano ang dapat gawin ng isang ina​—bawasan ang mga tukso ng tao na sa dakong huli ay nakakaharap ng lahat ng normal na kabataan.”

Ang Kamangmangan ng Pandaraya

Gayunman, ano ang dapat na maging reaksiyon mo kung ipatupad ng iyong mga magulang ang sa wari’y isang di-makatuwirang paghihigpit sa pribadong buhay? Ganito ang sabi ng manunulat na si Andrea Eagan: “Ang pagsigaw sa iyong ina sapagkat inaakala mong siya ay hindi makatuwiran ay baka hindi siyang pinakamabuting bagay na dapat mong gawin. Malamang na hindi ka kumikilos nang mahusay kapag may sumisigaw sa iyo, at hindi mo dapat asahan na kikilos din nang mahusay ang iyong ina kung sisigawan mo siya.”

Gayundin ang masasabi kung ikaw ay magdaraya o magsisinungaling. “Ang mandaraya ay kasuklam-suklam kay Jehova.” (Kawikaan 3:32) Isa pa, ang pandaraya ay kadalasang tumatalbog sa iyo. Isang kabataang babae na pinagbawalan ng kaniyang mga magulang na makipagkasintahan sa isang tin-edyer na lalaki ay lihim na nakipagsulatan sa lalaki, ginagamit ang tirahan ng isang kaibigang babae upang doon bumagsak ang mga sulat sa kaniya. Wala siyang kamalay-malay na sinusuri ng mga magulang ng kaniyang kaibigang babae ang mga sulat ng kanilang anak na babae!

Sa kanilang aklat na Options, ang mga awtor na sina Diana Shaw at Caroline Franklin Berry ay nagbigay ng mabuting payo nang kanilang sabihin: “Ang pagsisinungaling [sa iyong mga magulang] kung kailan nais mong magtiwala sila sa iyo ay katulad ng pagnanakaw upang patunayan mo kung gaano ka katapat. Kapag nahuli ka nila, malamang na higpitan ka nila, dahilan sa pagiging malihim.”

‘Pagbibigay ng Iyong Puso’ sa Kanila

“Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso,” sabi ng manunulat ng Kawikaan 23:26. Walang alinlangan na pahahalagahan ng iyong mga magulang ang iyong katapatan at mahinahong pakikipag-usap sa kanila. Kung kailangan mo ng ilang pribadong panahon upang mag-aral o basta magpahinga, huwag kang umingit o umiyak. Tulungan mo ang iyong mga magulang na maunawaan kung gaano kahalaga sa iyo ang pribadong buhay. Bawasan mo ang anumang takot na taglay nila sa pagsasabi sa kanila kung paano mo binabalak na gugulin ang panahong ito. Kung nalalaman nila ang iyong mga panahon ng pag-iisa ay kinabibilangan ng makabuluhang mga gawain, gaya ng paggawa ng araling-bahay, paglilinis ng iyong silid, o makabuluhang pagbubulay-bulay, malamang na malasin nila ito na panahong ginugol na mainam.

Kabilang sa ‘pagbibigay ng iyong puso’ ang tapatang pagsasabi ng iyong mga problema at mga pagkabahala sa iyong mga magulang. Kung ginagawa mo ito nang walang pagbabago, hindi sila maghihinala na mayroon kang itinatago sa kanila at mas malamang na ipahintulot nila ang iyong pag-iisa. Mangyari pa, ang isang matatag na rekord ng matuwid na paggawi ay malaki ang nagagawa sa pagtiyak sa isang magulang na ikaw ay mapagkakatiwalaan. “Ang batang lalaki [o babae] man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa kung ang kaniyang mga gawa ay magiging malinis at matuwid.”​—Kawikaan 20:11.

Sa katapusan, ang ‘pagbibigay ng iyong puso’ sa kanila ay nangangahulugan ng paggawa ng mga bagay sa kanilang paraan. Halimbawa, ang iyo bang nanay ay gumagawa ng biglaang pag-iinspeksiyon ng kuwarto​—kaagad sinusundan ng isang pangaral tungkol sa kalinisan? Ganito ang sabi ng aklat na The Private Life of the American Teenager: “Maraming magulang ang tumatangging igalang ang pagiging pribado ng silid ng bata malibang ang silid ay malinis.” Oo, baka mas gusto mo ang ‘lived-in’ na tingin ng iyong silid sa mas malinis na istilo ng iyong nanay. Subalit hindi ba ang higit na pribadong buhay ay sulit upang gawin ang mga bagay sa paraan ni inay?

Kung Kailangang May Kasama Ka sa Silid

Ang pagkakaroon ng kasamang isang kapatid na lalaki o babae sa isang silid ay maaaring gumawa sa pagkakaroon ng pribadong buhay na lalo pang mahirap. Ang kalagayan ay maaaring maging sensitibo kung ang kasama mo sa silid ay isang bagong kapatid na lalaki o isang bagong kapatid na babae ng pangalawang magulang. Gayunman, ang Bibliya ay humihimok sa mga Kristiyano: “Huwag magkaroon ng paligsahan at personal na banidad sa gitna ninyo, bagkus mapakumbabang kilalanin ninyo ang iba na mas mabuti kaysa inyo. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba at hindi lamang ang sa inyong sarili.” (Filipos 2:3, The New English Bible) Oo, ang mga Kristiyano ay dapat na “handang magbigay.”​—1 Timoteo 6:18.

Kaya sa halip na makipag-away, subuking makipag-ayos sa iyong kapatid na kasama sa kuwarto. Marahil ay makapagsasaayos kayo ng isang iskedyul kung saan ang bawat isa ay magpapahintulot ng ilang panahon na mapag-isa sa silid. Maliwanag na sabihin kung anong mga bagay ang maaaring gamitin o hiramin at kung aling mga bagay ang hindi maaaring gamitin. Ang basta pag-aayos muli ng mga muwebles (marahil ay paggamit ng isang halang sa silid) ay maaaring lumikha ng higit na espasyo o sa paanuman ng impresyon ng pribadong buhay. Nasumpungan din ng maraming kabataan na ang paggising nang maaga ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na mag-aral, gumawa ng isang libangan, o kahit na mag-ehersisyo sa kaaya-ayang pag-iisa!

Pagkakapit ng Ginintuang Tuntunin

Ang tunay na susi sa pagkakaroon ng pribadong buhay ay ang magpakita ng konsiderasyon. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Lahat ng bagay . . . na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapag tayo’y nagpakita ng konsiderasyon sa pribadong buhay ng iba, malamang na tayo man ay pagpakitaan ng konsiderasyon.

Kaya kung ang pinto sa silid ng iyong mga magulang ay sarado, kumatok muna bago pumasok; marahil gayon din ang kanilang gagawin. Kung nais ng iyong kapatid na mag-aral o magbulaybulay, magpatugtog ka ng iyong musika sa ibang gabi kung nais mong ikaw man ay pagpakitaan ng gayunding kabaitan sa dakong huli. Naiinis ka ba kung ang iba ay tumitingin sa iyong talaarawan? Kung gayon igalang mo ang personal na mga pag-aari ng ibang membro ng pamilya. “Mientras pinagkakatiwalaan ka ng iyong pamilya, lalo kang magkakaroon ng pribadong buhay,” sabi ng magasing Seventeen.

Gamitin sa Mabuting Paraan ang Pribadong Buhay!

Gayunman, paano mo gagamitin ang iyong bagong tuklas na pribadong buhay? Bakit hindi tiyaking gamitin ang iyong personal na panahon sa mabuting paraan? Marami kang mabubuting bagay na magagawa. Ang pag-iisa ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na linangin ang bagong mga kasanayan, gaya ng pagtugtog ng isang musikal na instrumento o pag-aaral ng ikalawang wika. Sa 18-anyos na si Lynn, ang pribadong buhay ay nangangahulugan ng “pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay o paggawa ng mga disisyon nang hindi ipinagagawa ito sa iba.” Sabi pa ng beinte-anyos na si Paula na “ang pribadong buhay ay nangangahulugan din ng pagkakaroon ng panahon at dako upang gawin ang mga bagay na mag-isa, gaya ng pagbubulaybulay at pananalangin kay Jehova nang walang abala.”

Isaalang-alang ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Narito ang isang guro at kilalang tao na araw-araw ay kahalubilo ng pulutong na mga tao. Gayunman, alam niyang gamitin ang pag-iisa sa mabungang paraan. Sa Marcos 1:35 tayo ay sinasabihan na “madaling-araw pa, samantalang madilim pa, [si Jesus] ay nagbangon at lumabas at napasa isang dakong iláng, at doo’y nanalangin.” Ang personal na pananalangin ay nagpatibay sa pananampalataya ni Jesus at naghanda sa kaniya sa mga pagsubok na nakatalagang harapin niya. Ang ating pananampalataya sa Diyos at ang pagpapahalaga sa pag-ibig niya sa atin ay maaari ring palakasin sa pamamagitan ng paghahanap ng panahon upang magbulaybulay at manalangin.

Oo, ang mga posibilidad ay marami. Taglay ang pagsisikap, ang pagkukusang makipag-usap, at ang pagpapakita ng taimtim na konsiderasyon sa iba, maaari mong makamit ang lahat ng pag-iisang kailangan mo.

[Blurb sa pahina 20]

Ang pagsigaw at pagngangawa ay kaunti ang nagagawa. Sa pamamagitan ng mahinahong pakikipag-usap, tulungan ang iyong mga magulang na maunawaan ang iyong nadarama

[Larawan sa pahina 21]

Ang pag-aayos ng iyong silid, gaya ng pagdaragdag ng isang halang sa silid, ay isang paraan upang dagdagan ang pribadong buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share