Mula sa Aming mga Mambabasa
Medikal na Tulong
Maraming salamat sa artikulong “Mga Nagbibilad sa Araw Mag-ingat!” (Setyembre 22, 1987). Mga ilang panahon na mayroon akong isang maliit na nunal sa aking paa subalit hindi ko ito pinansin. Pagkatapos basahin ang artikulo, nagpatingin ako sa isang dermatologo, at ito pala ay isang grabeng melanoma ng ikatlong antas. Kumuha ng 29 na mga tahi upang isara ang sugat pagkatapos na alisin ang kanser, at ako’y nagpapagaling pa. Ako’y labis na nagpapasalamat sa inyo para sa impormasyon.
D. S., Brazil
Kailangan naming bigyan ng iniksiyon dalawang beses isang araw ang aming nanay, na mayroong nakamamatay na kanser. Napakasakit nito para sa kaniya, yaon ay, hanggang mabasa namin ang Awake! (Hunyo 22, 1987) na ang paglalagay ng yelo sa dakong iyon ay magpapamanhid rito at pinangyayaring mabilis ang pagtusok at hindi gaanong masakit. Kung nakakalimutan namin, hihilingin niya ito. Madali siyang maubusan ng tubig sa katawan, at ang “maalat na inumin na nagliligtas buhay” (Setyembre 22, 1985) ay nakatulong sa kaniya na bumuti ang kaniyang pakiramdam at makaligtas hanggang sa maisugod namin siya sa ospital. Ito lamang ang iniinom niya.
D. A., Estados Unidos
Masamang Asal ng Klero
Ako at ang aking mga kaibigan ay lubhang nasaktan sa inyong artikulo ng Hunyo 22, 1987, na “Homoseksuwalidad at ang Klero.” Ano ba ang punto sa pagsasabi sa iba na ang ilang klerigo, lalo na ang klerigong Katoliko, ay mga homoseksuwal? Natitiyak ko na ang mga klero ng mga Saksi ni Jehova ay tinatablan din ng impluwensiya ng seksuwal na kasalanan sa ating lipunan.
Inaamin ko na ang bawat pari ay hindi isang santo. Subalit pupusta ako na ang Simbahan ay may maraming rekord tungkol sa katapatan sa kalinisan at sa kahulugan ng seksuwalidad na gugulat sa maraming tagalabas. Bilang isang Katoliko, kung minsan itinuturo ko ang mga pagkakamali ng iba pang relihiyon. Subalit hindi ko inaatake ang personal na katapatan ng kanilang mga ministro. Iyan ay pagkapanatiko.
L. B., T.O.P., et al
St. Martin de Porres Dominican Community, Estados Unidos
Ang punto ng pagsasabi sa iba na ang ilang klerigo ay imoral ay katulad niyaong ginawa ni Jesus sa pagsasabi sa ilang klero noong kaniyang panahon na sila ay “katulad ng mga libingang pinapuputi na magaganda sa labas, ngunit sa loob ay punô ng . . . lahat ng uri ng kabulukan. Ganiyan nga kayo sa mga tao na sa labas kayo ay parang mga taong tapat, subalit sa loob ay punô kayo ng pagpapaimbabaw at katampalasanan.” (Mateo 23:27, 28, Katolikong “Jerusalem Bible”) Tama ka na ang hinirang na mga matatanda na mga Saksi ni Jehova ay tinatablan din ng impluwensiya ng seksuwal na kasalanan. Subalit yaong nagkakasala ay agad-agad na inaalis sa gayong tungkulin. Sa kabilang dako, ang masamang asal na mga klero sa maraming relihiyon ay kadalasang nauuwi lamang sa “paglilipat” o “pagdisiplina” malibang ito ay maging totoong iskandaloso. Ito ay inilarawan kamakailan sa isang artikulo sa “New York Times” ng Hunyo 12, 1988, tungkol sa ilang mga pari na pinaratangan ng panghahalay sa bata, na ang isa ay “dinisiplina sa loob ng 10 taon” samantalang naglilingkod pa rin sa mga parokya.—ED.
Walang Kinikilingang “Bintana”
Pinahahalagahan ko ang internasyonal na mga punto de vista at katangian at makasaysayang paghahanda ng Gumising! Hanga ako sa nilalaman nito. Ang pagkamaalalahanin nito ay nag-uudyok ng kabatiran at muling nagbibigay tiwala sa akin. Akala ko ang inyong organisasyon ay punô ng mga pagkiling na karaniwan sa ngayon. Natutuwa ako’t maingat akong nagsuri bago ako sumuko. Ang dalangin ko para sa aking pamilya at mga kaibigan na hindi pa binubuksan ang bintanang ito na sumilip.
A. R., Estados Unidos