Sino Bang Talaga ang May Lunas sa mga Problema ng Sangkatauhan?
“INA ng sangkatauhan”—ganito ang ipinaliwanag ni John Paul II si Maria sa kaniyang ensiklikal na liham kamakailan, inuulit ang mga salita ng Ikalawang Konsilyong Vaticano. Maraming Katoliko ang naniniwala na pinapatnubayan at tinutulungan ni Maria ang bawat nananampalataya, tinutulungan sila sa bawat sandali ng kanilang buhay. Sa dahilang ito, marami sa kanila ang masikap na tumatawag sa kaniya para sa proteksiyon. Kumbinsido sila na sa maraming pagkakataon ang “Madonna” ay tuwirang namagitan upang baguhin ang landasin ng mga tao.
Sang-ayon sa aklat na Un anno di grazia con Maria (Isang Taon ng Grasya Kay Maria), ang mga panalangin ay inialay kay Maria sa mga pananalitang: “Alalahanin mo po, Oh maawaing Birheng Maria, na hindi kailanman sinasabi sa daigdig na yaong mga humahanap ng iyong proteksiyon, sumasamo ng iyong tulong, at humihingi ng iyong pagtangkilik, ay kailanman pinabayaan mo.” Kapansin-pansin na hindi kukulangin sa dalawang kapistahan para kay Maria sa “liturhikal na kalendaryo”—yaong tungkol sa “Pangalan ni Maria” at tungkol sa “Maria ng Rosaryo”—ay nagpapagunita sa mga tagumpay ng militar, dahil sa sinasabing pamamagitan ni Maria. Ibig bang sabihin niyan, kung gayon, na si Maria ay nasyonalistiko?
Totoong normal na mauunawaang bagay na humingi ng tulong at proteksiyon sa isa na makatutulong sa paglutas sa ating mga problema. Subalit kasuwato ba ito ng kalooban ng Diyos at ng Bibliya na ilagak ang tiwala kay Maria, hinihingi ang kaniyang tulong?
Sino ang May Lunas?
Ang mga kabalisahan at mga takot ng ating salinlahi ay, gaya ng nasabi na, kabilang sa mga dahilan ng pagproklama ng papa ng isang Taon para kay Maria. Inaasahan ng Iglesya Katolika na dahil sa ang isipan ng mga tao ay nakabaling kay Maria, ang kapayapaan at pagkakaisa ay babalik sa sangkatauhan at na, sulat ng isang teologong Katoliko, “sa ganitong paraan ang tunay na drama sa daigdig na ito ay malulutas.”
Kahit na si Jesus sa isa sa kaniyang bantog na hula ay bumanggit tungkol sa panahon kapag ang mga tao ay “mamamatay sa takot habang hinihintay nila ang nagsasapanganib sa daigdig.” (Lucas 21:25, 26, The Jerusalem Bible) Ipinakikita ng katibayan ng kasaysayan na tinutukoy ni Jesus ang ating panahon. Tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5, JB; Mateo, kabanata 24; Lucas, kabanata 21) Mayroon bang lunas sa kritikal na kalagayang ito? Kanino tayo dapat magtiwala upang makasumpong ng lunas sa nakaliligalig na mga problema ng sangkatauhan? Dapat ba tayong maglagak ng ating tiwala kay Maria?
Ang Tunay na Lunas
Napakaliwanag ng sinabi ng Diyos tungkol sa bagay na iyan. Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, sinasabi niya na hindi tayo dapat magtiwala sa lalaki o sa babae. (Awit 49:6-9; 146:3) Ang payo niya sa mga naghihirap ay: “Magtiwala kayo kay Jehova, kayong mga tao, sa lahat ng panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Batong walang-hanggan.”—Isaias 26:4.
Subalit paano lulutasin ng Diyos na Jehova ang mga suliranin ng sangkatauhan? Sa pamamagitan ng kaniyang pamahalaan, ng kaniyang Kaharian sa mga kamay ni Kristo Jesus. Ito ang Kaharian na itinuro ni Jesus na idalangin ng mga tao sa panalanging “Ama Namin.” (Mateo 6:9, 10) Nasa isipan ni Jesus ang Kaharian nang, nagsasalita tungkol sa katakut-takot na mga kalagayan sa “mga huling araw,” ay sinabi niya: “Ngunit pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”—Lucas 21:28-32.
Ano ang gagawin ng Kahariang ito? Magkakaroon ba ng isang pansansinukob na kombensiyon ng lahat ng mga tao, gaya ng inaasahan ng ilang mga kilusang Katoliko? Hindi, ang Bibliya ay maliwanag sa puntong ito. Ipinakita ni Jesus na hindi lahat ay maliligtas, ni magkakaroon man ng isang pangkalahatang kombersiyon ng mga tao. Binanggit niya ang tungkol sa isa lamang “daan na patungo sa buhay” at sinabi niya na “kakaunti” lamang ang makasusumpong nito.—Mateo 7:13, 14.
Makikialam ang Kaharian ng Diyos upang lubusang alisin ang mga problema ng sangkatauhan, gaya ng mga digmaan, kakapusan ng pagkain, sakit, krimen, maling pamamahala, at polusyon. (Awit 46:9; 67:6; Kawikaan 2:22; Isaias 33:24; Daniel 2:44) Sa ilalim ng pamumuno ng Kahariang iyon, magkakaroon ng “saganang kapayapaan.” (Awit 72:7) Ito ang lunas ng Diyos sa mga problema ng sangkatauhan, at gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Mapalad ang may malakas-na-katawang tao na tumitiwala kay Jehova, at ang pag-asa ay si Jehova.”—Jeremias 17:7.
Hindi sa pamamagitan ng paglalagak ng tiwala sa isang nilikhang tao na gaya ni Maria, gaano man siya katapat, maaasahan nating malutas ang malubhang mga problema ng ating daigdig. Kailangang-kailangan na ilagak natin ang ating tiwala kay Jehova, sa pamamagitan ni Kristo Jesus, at tanggapin ang Kaniyang pagtutuwid sa mga bagay-bagay. Ang kaligayahan ay darating lamang sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos.
Subalit ano bang talaga ang Kahariang ito? Paano ito kumikilos? Anong nakikitang mga resulta ang nagawa na nito? Malalaman mo ito sa pamamagitan ng pagtatanong doon sa mga nagdala sa iyo ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 10]
Ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang lunas sa mga problema ng sangkatauhan