Si Maria sa Simbahan at sa Bibliya
BINATIKOS ng marami, kahit na sa pangkat ng mga Katoliko ang pagdami ng mga titulong ipinatutungkol kay Maria, at ikinatatakot ng ilan na ang kasalukuyang papa, pagkatapos ng kaniyang ensiklikal na liham kamakailan, ay magbibigay-kahulugan sa isang bagong doktrina tungkol kay “Maria, tagapamagitan ng lahat ng grasya.” Kinikilala ng maraming iskolar na Katoliko na sa nakalipas na mga dantaon, habang dumarami ang kulto para kay Maria, dumami rin ang kaniyang mga titulo. (Tingnan ang gitnang pitak.)
Gayunman, sa aklat na La Vergine Maria (Ang Birheng Maria), pinatutunayan ng teologong Pranses na si René Laurentin, itinuturing na pinakamagaling na eksperto tungkol sa Mariolohiya, na noong ikalawang siglo C.E., si Maria ay talagang hindi binabanggit at na sa sinaunang daigdig, bago ang ikatlong siglo, walang anumang kapistahan o mga panalangin sa kaniyang karangalan. At, ang iba’t ibang doktrinang Katoliko tungkol sa kaniya ay lumitaw sa dakong huli ng kasaysayan at walang anumang pundasyon sa Bibliya.
Mga Halimbawa:
Itinuturo ng Simbahan na si Maria ay Theotokos (“tagapagdala-sa-Diyos,” o “Ina ng Diyos”), isang titulong ibinigay sa kaniya pagkatapos ng ikaapat na siglo. Hindi ito lumilitaw sa Bibliya.
Sinasabi ng Simbahan na siya ay laging birhen. Samantalang espisipikong binabanggit ng Bibliya mismo na si Maria ay “isang birhen” bago niya ipanganak si Jesus, “ang pagiging birhen pagkatapos niyang manganak ay hindi ipinakikita sa Bagong Tipan,” sulat ng teologong Katoliko na si Laurentin. Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na siya ay nagkaroon ng mga anak kay Jose.—Lucas 1:27; Mateo 13:53-56, The Jerusalem Bible.
Kung tungkol sa doktrinang Imaculada Concepcion, sinabi ni Laurentin na noong sinaunang mga panahon “maraming Ama [ng Simbahan] ang hindi nahirapan sa pagkasumpong . . . ng mga kasalanan sa Ina ni Jesus.” Noong ika-17 siglo, nasumpungan kahit na ng Inkisisyong Romano ang doktrinang ito na pinag-aalinlanganan. “Ang doktrina ng imaculada concepcion ni Maria ay ipinahayag nang walang patotoo mula sa Bibliya,” sabi ng Jesuitang si John McKenzie.
Tungkol sa turong Asuncion, sinasabi ni Laurentin na, gaya ng naunang turo, ito ay ‘walang malinaw na saligan sa Bibliya.’ Ang turong ito ay batay sa “ideya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, na nagmula sa turo ni Plato,” sabi ng magasing Concilium.
Subalit ano ba ang pangmalas ng Bibliya? Si Maria ba ay dapat na ituring na isang ‘di-maabot na huwaran’? Si apostol Pedro ay nagsasabi na ang huwaran na dapat sundin ng mga Kristiyano ay si Kristo. (1 Pedro 2:21) Inilalarawan ng Bibliya si Maria bilang isang tapat na babae, handang makinig sa Diyos, inuuna ang espirituwal na mga kapakanan. Pinahalagahan niya ang kalinisang moral at napakaingat sa pagtuturo ng Salita ng Diyos sa kaniyang mga anak.—Lucas 1:26-38; 2:41, 42, 46-49; Gawa 1:14.
Gayunman, hindi siya maaaring ilarawan bilang ang “Ina ng Diyos” sa simpleng kadahilanan na si Jesus ay hindi “Diyos Anak,” kundi “Anak ng Diyos.” Ang doktrina ng Trinidad ay hindi bahagi ng sinaunang Hebreong paniwala at hindi itinuturo sa Bibliya.—1 Juan 4:15; Lucas 1:35; Juan 14:28; 1 Corinto 11:3; 15:27, 28.
Tama bang sabihin ang tungkol sa walang-hanggang pagkabirhen ni Maria? Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “mga kapatid na lalaki” at “mga kapatid na babae” ni Jesus. (Mateo 13:53-56) Sinasabi ng Simbahang Katoliko na ito’y kaniyang mga pinsan. Subalit sinasabi ng Katolikong manunulat na si Jean Gilles na ginagamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang iisang termino sa pagtukoy sa mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae sa ibang mga tauhan sa Bibliya, gaya nina Pedro at Andres, gayundin sina Lazaro, Marta, at Maria, at na “sila ay tunay na mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae. Hindi kailanman inihaharap ng Simbahan ang mga ito nang kakaiba.” Bakit, kung gayon, dapat silang tawaging mga pinsan ni Jesus gayong ang Kasulatan ay bumabanggit sa kanila na “mga kapatid na lalaki” at “mga kapatid na babae”?
Si Maria ba ay imaculada, o walang kasalanan, sa panahon ng paglilihi sa kaniya? Ipinaliliwanag ng mga teologo na ito ay posible dahil sa kaniyang “patiunang pagkatubos.” Sa ibang pananalita, ang mga pakinabang ng pantubos ni Kristo ay ikinapit sa kaniya nang patiuna, bago pa man ipinaglihi at inihain si Jesus. Subalit ito ay salungat sa turo ng Bibliya na “malibang may ibuhos na dugo ay walang nangyayaring kapatawaran.” (Hebreo 9:22) Kaya hindi wastong sabihin ang tungkol sa isang “patiunang pagtubos.” (Roma 5:12; ihambing ang Lucas 2:22-24 sa Levitico 12:1-8.) Ang turong ito, hinuha ni Laurentin, “ay hindi nasasalig sa Bibliya.”
Ang katawan ba ni Maria ay dinala sa langit? ‘Hindi pinatutunayan ng Kasulatan ang Asuncion ni Maria,’ sabi ng Nuovo dizionario di teologia, at hindi nga maaaring magkagayon yamang binabanggit ng Bibliya na “ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 15:50, JB.
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Ilang mga Titulo ni Maria
Ina ng Diyos
Reyna ng Langit
Reyna ng mga Martir
Reyna ng Daigdig
Reyna ng Awa
Reyna ng mga Anghel
Reyna ng Paraiso
Reyna ng Sansinukob
Reyna Imaculada
Maria Imaculada
Soberanong Prinsesa
Pinagpalang Birhen
Ating Pinagpalang Birhen
Pinagpalang Reynang Birhen
[Credit Line]
Mula sa Cathedral Stained Glass Coloring Book/Dover ni Ed Sibbett, Jr.
[Larawan sa pahina 12]
Ang ina at mga kapatid ni Jesus ay naghahanap sa kaniya