Ang “Iron Lady” ay Pinaganda
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pransiya
SIYA’Y matanda na ngunit wala siyang kulubot. Sa tuwina’y alagang-alaga siya. Tuwing ikapitong taon siya ay pinagaganda. At kamakailan lamang siya ay pinagdiyeta na nagbalik ng kaniyang kabataan. Talagang kailangan niya ito.
Mula sa kaniyang kapanganakan noong 1889, ang Eiffel Tower, na kilala sa tawag na “Iron Lady,” ay dumanas ng maraming sakuna. Kongkretong mga sahig ang ibinuhos anupa’t sumobra sa timbang ang unang palapag, at pangit na mga tindahan at mga kubol ang itinayo sa iba’t ibang palapag nito. Ang mga tahilan ay bumaluktot dahil sa ekstrang karga. Kinailangan ding alisin ang mga tubo ng gas na nagtutungo sa mga restauran sa una at ikalawang palapag. Hindi na ito nakaaabot sa modernong mga pamantayan sa kaligtasan.
Maaga noong 1980’s, ang lungsod ng Paris ay nagbigay ng pahintulot para sa kinakailangang gawaing pagkumpuni na dapat gawin. Ang layon ay isauli ang buhay at prestihiyo sa dating “Iron Lady” at gawing madali ang pagbati sa angaw-angaw na mga bisita na dumadalaw upang makita siya taun-taon.a Ang pag-alis sa animo’y parasitong mga kayarian ay nakatulong sa kaniya upang “magbawas ng timbang”—mahigit na isang libong tonelada. Gayunman, ang pagbabago ay nagpahintulot sa karagdagang bagong mga tindahan, isang makabagong silid para sa komperensiya, isang video na museo na tinutunton ang kaniyang kasaysayan, isang tanggapan ng koreo, at mga restauran na karapat-dapat sa tanawin at nagsisilbi ng pagkain sa iba’t ibang klase ng mga suki.
Ang dating haydrolikong elebeytor sa pagitan ng ikalawa at ikatlong palapag (na naghahatid sa mga turista mula sa gitna ng tore tungo sa tuktok) ay inalis. Sa napakalamig na panahon, kinakailangang ihinto ang paggamit nito. Kaya, ang mga turistang dumadalaw sa Paris kung taglamig ay kadalasang bigo sapagkat sila’y hindi makapunta na mas mataas pa sa ikalawang palapag. Ngayon, apat na mabibilis na mga elebeytor na pinatatakbo ng kuryente ay makapaghahatid sa ilalim ng lahat ng lagay ng panahon. Lubhang binabawasan nito ang mga linya ng taong naghihintay na makapunta sa tuktok.
Ikinalulungkot ng ibang tao na sa mga pagbabago kamakailan, nawala niya ang kaniyang paikid na hagdan na nag-uugnay sa ikalawa at ikatlong palapag. Subalit siya ay binigyan ng bagong liwanag. Daan-daang mahusay ang pagkakalagay na malalaking ilaw ay nakaragdag sa kaniyang magandang kayarian at nagpangyari sa kaniya na ipasikat ang lahat niyang kariktan sa gabi.
Ang “Iron Lady” ay isang daang taóng gulang na sa taóng ito. Bagaman siya ay lubhang kontrobersiyal noong kaniyang kapanganakan, walang sinuman ang nagnanais na siya ay maglaho sa tanawin ng Paris. Siya pa rin ang pinakabantog na sagisag nito sa buong daigdig.
[Talababa]
a 3.4 na milyong mga bisita noong 1979 at 4.2 milyon noong 1987 pagkatapos ng ginawang pagbabago.
[Mga larawan sa pahina 10, 11]
Milyun-milyong turista ang nasisiyahang masdan ang Paris mula sa itaas ng Eiffel Tower