Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 1/22 p. 29-30
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Bansa ng mga Patay”
  • Musikal na Pagsalakay
  • ‘Pagpukpok ng Tabak Upang Maging Tabak’
  • Binago ang mga Batas ng Simbahan
  • Pagkahaling sa Metal
  • Tinitiktikang Bubuyog
  • Mga Robot na Gumugupit-Tupa
  • Paggamot sa Bato sa Apdo
  • Pantanging Bendisyon
  • Ikawalo sa Kalawakan
  • Bubuyog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kilalanin ang mga Pukyutan na Walang Tibo sa Australia
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 1/22 p. 29-30

Pagmamasid sa Daigdig

“Bansa ng mga Patay”

Sa isang artikulo sa JAMA (Journal of the American Association), yaong dumaranas ng “gawang-taong kamatayan” mula sa mga digmaan, pulitikal na karahasan, at nauugnay na mga kasalatan ay itinulad sa “bansa ng mga patay.” Ang sinasabing populasyon ng bansang ito ay may bilang na ngayon na “halos isang daang milyon,” subalit ang “tunay na paglaki ay nagsimula noong 1914.” Kung ang “digmaan” ay isang nasasandatahang labanan na kinabibilangan ng isa o mahigit pang mga gobyerno at nagdudulot ng isang libo o mahigit pang mga kamatayan taun-taon, kung gayon, binabanggit ng artikulo, “nagkaroon na ng 471 mga digmaan sapol noong 1700, na nagbunga ng hindi kukulanging 101.6 milyong mga kamatayan. Mahigit na 90% ng mga kamatayang iyon ay naganap sa ika-20 siglo.”

Sa makasaysayang paraan, halos 50 porsiyento ng mga namatay sa digmaan ay mga sibilyan. Subalit noong 1970’s, iyan ay dumami tungo sa 73 porsiyento, at noong 1980’s, ito ay umabot ng 85 porsiyento. Ang gawang-taong mga kamatayan ay bunga ng nasyonalismo, na gumagawa ng “anarkiyang internasyonal at sibil” sa ilalim ng “modernong sistema ng bansa-estado,” sabi ng artikulo. Ang nasyonalismo ay nagpapangyari rin sa mga bansa “na bigyan-matuwid ang pagpatay sa kanilang mga mamamayan,” sinasabing isinasapanganib nila ang “pagkasoberano ng bansa.” Inihambing ng artikulo sa JAMA ang lawak ng gawang-taong kamatayan sa “lawak ng kamatayan noong unang panahon dahil sa epidemyang sakit” at tinawag itong “ang pinakanakatatakot na parusa ng ika-20 siglo.”

Musikal na Pagsalakay

Ang isang tsuper ay maaaring maging agresibo kung siya ay nakikinig sa musikang alam niya ang mga liriko, sabi ng isang mananaliksik sa musika sa Kanlurang Berlin. “Ang dahilan ay sapagkat ang dalawang bahagi ng utak (ang kaliwang panig ay nagtatala sa salita, ang kanang panig naman ay sa musika) ay sabay na nahihirapan,” sabi ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Yamang ang musikang instrumental ay walang liriko, at ang mga awitin sa banyagang wika ay hindi nauunawaan ng karamihan ng mga tsuper, mas mabuti ang gayong musika. Gayunman, isinisiwalat ng pag-aaral na ang lakas ng musika ay nakaiimpluwensiya rin sa ugali sa pagmamaneho: Mientras mas malakas ito, lalo namang nakapipinsala sa tsuper.

‘Pagpukpok ng Tabak Upang Maging Tabak’

“Ang Kasunduang INF (Intermediate-Range Nuclear Forces),” na nilagdaan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet noong nakaraang taon, “ay hindi bumabawas sa dami ng mga bombang nuklear na taglay ng bawat bansa sa arsenal nito ng kahit isa” sabi ng Parade Magazine. Bagaman ang kasunduan ay humihiling ng pagsira sa 2,612 mga missile, ang bawat panig “ay pinapayagan munang alisin ang nuklear na mga warheads mula sa mga missile at ilipat ito sa bagong mga sistema ng mga sandata . . . o iakma at gawin itong mga panudlang artilyerya o sarisaring mga bomba.” Ang paggawa ng gayon ay katulad ng “pagpukpok ng tabak upang maging tabak” at nangangahulugan na “walang pangmatagalang pagsulong ang magagawa sa pagbaligtad sa paligsahan sa armas,” komento ng Manchester Guardian Weekly ng Britanya. At ang pag-iiwan ng sumasabog na materyal na makukuha para sa isang posibleng “bagong salinlahi ng mga sandata” ay “siyang kabaligtaran ng kung ano ang inaasahan nating makamit sa pamamagitan ng isang kasunduan sa pagbabawas-armas.”

Binago ang mga Batas ng Simbahan

“Ang Iglesya ng Diyos, ang pinakamatandang denominasyong Pentecostal sa Amerika, ay nagpasiya na ang pagsusuot ng alahas, paggamit ng kosmetiks at kahit na ang panunood ng sine ay maaaring maging kasuwato ng personal na kabanalan,” sabi ng The Christian Century. Ito ay isang malaking pagbabago sa kodigong moral ng simbahan, ibinalangkas noong 1911, na nagbabawal din sa maiikling buhok para sa mga babae at ang paglangoy na kasama ng mga taong hindi kasekso na hindi kabilang sa miyembro ng pamilya. Bakit ang pagbabago? Sapagkat habang ang simbahan ay lumalawak sa ibang bansa, sabi ng report, ang “mga pagbabawal sa hitsura at gawi ay hindi naunawaan sa mga kapaligiran ng lungsod at sa banyagang mga kultura.” At sa kanilang 9,200-miyembrong simbahan sa Atlanta, “kung gabi ng Biyernes inaanyayahan ng simbahan ang born-again na mga tin-edyer upang pakinggan ang mga bandang rock sa mga auditoryum nito.”

Pagkahaling sa Metal

Palibhasa ang halaga ng aluminyo ay tatlong beses na tumaas sapol noong 1986, literal na “kinakalas ng mga magnanakaw ang mga haywey sa Amerika,” ulat ng The Wall Street Journal. Sabik na ipagbili sa napakalaking halaga, noong nakaraang taon ninakaw ng mga magnanakaw ang halos $200,000 halaga ng mga materyal mula sa mga haywey ng California. Ang mga tanda at mga barandang panangga sa haywey na yari sa aluminyo ay kabilang sa mga bagay na kinuha at ipinagbili na mga pira-piraso sa halagang 55 sentimos isang libra. Ang mga piyesa ng pambomba ng Hukbong Panghimpapawid, mga tubo ng patubig sa bukid, at aluminyong kinuha sa bakanteng mga tahanan, gayundin ang mga andamyo sa mga lugar ng konstruksiyon, ay iniulat din na ninanakaw. Ang Journal ay nagbabalita na isang tagapagsalita para sa kagawaran ng transportasyon sa Illinois ay nagsabi: “Kung ang mga tripulante ay hindi darating kaagad sa lugar ng aksidente pagkatapos na matumba ng isa ang isang poste ng ilaw, [ang mga poste ng ilaw] ay nawawala rin.”

Tinitiktikang Bubuyog

Paano mo susubaybayan ang isang kuyog ng Aprikanong “pumapatay” na mga bubuyog? Lagyan mo ito ng elektronikong aparato. Iyan ang binabalak na gawin ng mga entomologo sa agresibong mga bubuyog na nandarayuhan pahilaga mula sa Mexico patungo sa Estados Unidos. Idinisenyo ng mga inhinyerong Amerikano, ang aparatong microprocessor ay may sapat na liit upang ikabit sa likod ng isang bubuyog na magpapangyari sa mga siyentipiko na “subaybayan ang mga kilos ng bubuyog mula sa layo na isa hanggang dalawang kilometro,” ulat ng New Scientist. Isang scanning receiver na sinusubaybayan ng isang pangkat ng mga siyentipiko ang tumatanggap ng infrared na mga hudyat na ipinadadala ng munting chip. Ginagawa sila nitong alisto sa progreso ng bubuyog at nagpapangyari rin sa kanila na babalaan ang mga populasyong tuwirang nasa landas ng mga bubuyog. Ang pangwakas na bersiyon ng chip ay inaasahang titimbang ng halos 35 miligramo​—halos kalahati ng kung ano ang nabubuhat ng isang karaniwang manggagawang pukyutan.

Mga Robot na Gumugupit-Tupa

Pagkatapos ng 11 taóng pananaliksik sa halagang $4 na milyon, ang mga siyentipiko sa University of Western Australia ay nakagawa ng isang automatikong paraan ng paggupit sa mga tupa, ulat ng The Sydney Morning Herald. Ang eksperimental na robot ay makagugupit sa isang tupa na kasimbilis ng isang taong sanay gumupit ng balahibo ng tupa​—halos apat na minuto. “Ito’y binubuo ng isang panggupit na kamay, na may mga sensor na bumabasa sa hubog ng bawat tupa,” sabi ng Herald. Ang hayop “ay matatag na hinahawakan sa isang duyan, na naglalagay rito sa posisyon sa panahon ng paggupit.” Ang paggupit sa tupa ay sinasabing isang mabigat na trabaho na humihiling na ang matatag na manggugupit ay maging “malusog na gaya ng isang atleta sa Olimpik.” Palibhasa ang modelo para sa komersiyal na gamit ay ginagawa na, ang mga robot ay mabibili na sa 1992 sa halagang A$500,000 ($400,000, U.S.) ang bawat isa. Isang tagapagsalita para sa Unyon ng mga Manggagawang Australiano ang nagsabi na ang mga manggugupit na tao ay patuloy na “hindi naniniwala” na ang mga robot ang hahalili sa kanila.

Paggamot sa Bato sa Apdo

Pagkatapos ng sampung taon ng matagumpay na pagsubok, sinang-ayunan ng U.S. Food and Drug Administration ang isang pildoras na maaaring tumunaw sa karamihan ng mga bato sa apdo, ulat ng New York Post. Sa mga pagsubok ang gamot, na pinangalang ursodiol, ay sinasabing naging matagumpay sa paggamot sa “60 hanggang 70 porsiyento ng mga pasyenteng may kolesterol na bato sa apdo,” nang walang masamang epekto. Ang paggamot ay maaaring humiling ng paggamit sa gamot ng hanggang 12 buwan sa halagang $1,400. Kung ihahambing, sinasabi ng Post na ang “isang operasyon ng bato sa apdo ay maaaring magkahalaga ng $10,000.”

Pantanging Bendisyon

Ang Cathedral of St. John the Divine sa New York City ay naging sentro ng isang taunang tanawin​—ang bendisyon ng mga hayop. Kabilang sa mga hayop na binendisyunan ng obispong Episcopal na si Paul Moore ay isang pabo, isang agila, isang ulupong, isang llama, isang raccoon, isang pagong, isang 3,600 kilong elepante. Binendisyunan pa nga niya ang sampung bilyong algae sa isang sisidlan! Ang kaugalian ay mula sa kuwento tungkol kay “santo” Francis, na, gaya ng sabi ng kuwento, ay nangaral sa mga ibon. Sa bawat taon dinadala ng daan-daang may-ari ng mga alagang hayop sa buong lungsod ang kani-kanilang mga hayop sa katedral para sa isang pantanging bendisyon.

Ikawalo sa Kalawakan

Ang matagumpay na paglulunsad ng Israel ng kauna-unahang satelayt nito sa kalawakan ay gumawa ritong ikawalong bansa na may gayong kakayahan (ang iba pa ay ang Estados Unidos, Unyong Sobyet, Pransiya, Tsina, Hapón, India, at Britaniya). Ang satelayt na ito ng Israel, tinatawag na Ofek-1, ay sinasabing idinisenyo para mangolekta ng impormasyon tungkol sa magnetic field ng lupa at sa mga kalagayan sa kalawakan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share