Dugo: Kaninong Pagpili at Kaninong Budhi?
Muling inilimbag sa pahintulot ng New York State Journal of Medicine, 1988; 88:463-464, karapatang magpalathala sa pamamagitan ng Medical Society of the State of New York.
Ang mga manggagamot ay nangakong ikakapit ang kanilang kaalaman, kasanayan, at karanasan sa pakikipagbaka sa sakit at kamatayan. Gayunman, ano kung ang pasyente ay tumatanggi sa isang iminungkahing paggamot? Ito ay malamang na mangyari kung ang pasyente ay isa sa mga Saksi ni Jehova at ang paggamot ay buong dugo, nakaimpakeng pulang selula ng dugo, plasma, o platelets.
Pagdating sa paggamit ng dugo, baka ipalagay ng manggagamot na ang pagpili ng pasyente sa paggamot na walang dugo ay hahadlang sa paggamot ng dedikadong mga tauhan ng medisina. Isa pa, hindi dapat kaligtaan ng isa na karaniwang pinipili ng mga pasyenteng hindi mga Saksi ni Jehova na huwag sundin ang mga mungkahi ng kanilang doktor. Sang-ayon kay Appelbaum at Roth,1 19% ng mga pasyente sa mga ospital na nagtuturo ang tumatanggi sa hindi kukulangin isang paggamot o pamamaraan, kahit na 15% ng gayong mga pagtanggi “ay lubhang nagsasapanganib sa buhay.”
Ang panlahat na palagay na “nalalaman ng doktor ang pinakamabuti” ay nagpangyari sa karamihan ng mga pasyente na igalang ang kakayahan at kaalaman ng kanilang doktor. Subalit magiging gaano kapanganib ito para sa isang manggagamot na magpatuloy na para bang ang pariralang ito ay isang siyentipikong katotohanan at alinsunod dito ay gamutin ang mga pasyente. Totoo, ang ating pagsasanay, pagkuha ng lisensiya, at karanasang pangmedisina ay nagbibigay sa atin ng kapuri-puring mga pribilehiyo sa larangan ng medisina. Gayunman, ang ating mga pasyente ay may karapatan. At, gaya ng nalalaman natin, ang batas (kahit na ang Konstitusyon) ay nagbibigay ng mas mabigat na timbang sa mga karapatan.
Sa dingding ng karamihan ng mga ospital, makikita ng isa na nakadispley ang “Patient’s Bill of Rights” (Karapatan ng mga Pasyente). Isa sa mga karapatang ito ay ang may kabatirang pahintulot, na maaaring mas tamang tawaging may kabatirang pagpili. Pagkatapos na ipagbigay-alam sa pasyente ang maaaring resulta ng sarisaring paggamot (o hindi paggamot), ang pipiliin niya ang siyang gagawin sa kaniya. Sa Albert Einstein Hospital sa Bronx, New York, isang burador na patakaran tungkol sa pagsasalin ng dugo at ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasabi: “Ang sinumang adultong pasyente na hindi baldado ay may karapatang tumanggi sa paggamot kahit na ito ay nakapipinsala sa kaniyang kalusugan.”2
Bagaman maaaring ipahayag ng mga manggagamot ang kanilang pagkabahala tungkol sa etika o panganganib, idiniin ng mga hukuman ang kahigtan ng pinili ng pasyente.3 Ang New York Court of Appeals ay nagsasabi na “ang karapatan ng pasyente na tiyakin ang kaniyang sariling paggamot [ay] mahalaga . . . Ang [isang] doktor ay hindi masasabing nilalabag ang kaniyang legal o propesyonal na mga pananagutan kung iginagalang niya ang karapatan ng isang may kakayahang adultong pasyente na tumanggi sa medikal na paggamot.”4 Sinabi rin ng hukumang iyon na “ang etikal na integridad ng medikal na propesyon, bagaman mahalaga, ay hindi nakahihigit sa pundamental na karapatan ng indibiduwal na ipinahahayag dito. Ang mga pangangailangan at pagnanais ng indibiduwal, hindi ang mga kahilingan ng institusyon, ang siyang mahalaga.”5
Kapag isang Saksi ay tumatanggi sa dugo, ang mga manggagamot ay maaaring makadama ng pagsurot ng budhi sa ipinalalagay na hindi nila paggawa ng pinakamabuti. Gayunman, ang hinihiling ng Saksi na gawin ng maingat na mga doktor ay bigyan siya ng pinakamahusay na mapagpipiliang pangangalaga na posible sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Kadalasang kailangang baguhin namin ang aming paggamot upang pagbigyan ang mga kalagayan, gaya ng alta presyon, labis na alerdyi sa mga antibiotic, o hindi magamit ang ilang magastos na kagamitan. Sa mga pasyenteng Saksi, ang mga manggagamot ay hinihiling na pangasiwaan ang suliranin sa medisina o sa pagtitistis kasuwato ng pagpili at budhi ng pasyente, ang kaniyang moral/relihiyosong pasiya na umiwas sa dugo.
Maraming report tungkol sa malaking pagtitistis sa mga pasyenteng Saksi ay nagpapakita na maaaring pagbigyan ng maraming manggagamot, taglay ang mabuting budhi at tagumpay, ang kahilingan na huwag gumamit ng dugo. Halimbawa, noong 1981, nirepaso ni Cooley ang 1,026 mga operasyong cardiovascular, 22% sa mga minor de edad. Tiniyak niya “na ang panganib ng pag-oopera sa mga pasyente sa pangkat ng mga Saksi ni Jehova ay mas mataas kaysa iba.”6 Iniulat ni Kambouris7 ang tungkol sa malaking mga operasyon sa mga Saksi, ang ilan ay “pinagkaitan ng lubhang kinakailangang pag-oopera dahil sa pagtangging tumanggap ng dugo.” Sabi niya: “Lahat ng mga pasyente ay tumanggap ng katiyakan bago ang paggamot na ang kanilang paniniwalang relihiyoso ay igagalang, anuman ang mga kalagayan sa silid ng operasyon. Wala namang masamang mga epekto ang patakarang ito.”
Kapag ang isang pasyente ay isang Saksi ni Jehova, bukod pa sa bagay tungkol sa pagpili, pumapasok din sa larawan ang budhi. Hindi maaaring isipin lamang ng isa ang tungkol sa budhi ng manggagamot. Kumusta naman ang budhi ng pasyente? Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova ang buhay bilang kaloob ng Diyos na kinakatawan ng dugo. Naniniwala sila sa utos ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat na “umiwas sa dugo” (Gawa 15:28, 29).8 Kaya, kung lalabagin ng isang manggagamot ang taimtim at malaon nang relihiyosong paniniwala ng gayong mga pasyente, ang resulta ay maaaring maging kalunus-lunos. Sinabi ni Papa John Paul II na ang ipilit sa isa na labagin ang kaniyang budhi “ang pinakamasakit na dagok na maaaring ibigay sa dignidad ng tao. Sa ilang diwa, masahol pa ito sa pisikal na kamatayan, o pagpatay.”9
Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay tumatanggi sa dugo sa relihiyosong kadahilanan, parami nang paraming mga pasyenteng hindi Saksi ang pumipili na iwasan ang dugo dahil sa panganib na gaya ng AIDS, non-A non-B hepatitis, at mga reaksiyon sa imyunidad. Maaaring iharap namin sa kanila ang aming mga palagay kung baga ang gayong mga panganib ay waring maliit kung ihahambing sa mga pakinabang. Subalit, gaya ng pagkakasabi rito ng American Medical Association, ang pasyente “ang panghuling tagapagpasiya kung baga makikipagsapalaran siya sa paggamot o operasyon na iminungkahi ng doktor o isasapanganib niya ang mabuhay nang wala nito. Yaon ay likas na karapatan ng indibiduwal, na kinikilala ng batas.”10
May kaugnayan dito, binanggit ni Macklin11 ang tungkol sa usapin ng panganib/pakinabang may kaugnayan sa isang Saksi “na isinapanganib na magdugo hanggang mamatay nang walang pagsasalin ng dugo.” Isang estudyante sa medisina ang nagsabi: “Ang kaniyang isip ay matino. Ano ang gagawin mo kung ang relihiyosong paniniwala ay laban sa tanging pinagmumulan ng paggamot?” Katuwiran naman ni Macklin: “Maaaring ipalagay natin na ang taong ito ay gumagawa ng pagkakamali. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na ang masalinan ng dugo . . . [ay maaaring] magbunga ng walang-hanggang kapahamakan. Tayo ay sinanay na gumawa ng maingat na pagsusuri sa panganib-pakinabang sa medisina subalit kung titimbangin mo ang walang-hanggang kapahamakan laban sa natitirang buhay sa lupa, ang maingat na pagsusuri ay nagkakaroon ng ibang anggulo.”11
Binanggit nina Vercillo at DuPrey12 sa labas na ito ng Journal ang In re Osborne upang itampok ang interes na ipagsanggalang ang seguridad ng pamilya, subalit paano nalutas ang kasong iyon? Ito’y may kinalaman sa lubhang napinsalang ama ng dalawang batang minor de edad. Ipinasiya ng hukuman na kung siya ay mamatay, materyal at espirituwal na pangangalagaan ng mga kamag-anak ang kaniyang mga anak. Kaya, gaya ng iba pang kaso kamakailan,13 ang hukuman ay walang nasumpungang anumang bagay sa kapakanan ng estado na pawalang-saysay ang pagpili ng pasyente ng paggamot; ang pakikialam ng hukuman na mag-autorisa ng paggamot na lubhang di kanais-nais sa kaniya ay hindi binibigyan-matuwid.14 Sa pamamagitan ng mapagpipiliang paggamot ang pasyente ay gumaling at patuloy na pinangalagaan ang kaniyang pamilya.
Hindi ba totoo na ang karamihan ng mga kasong nakaharap ng mga manggagamot, o malamang na makaharap, ay maaaring pangasiwaan nang walang dugo? Ang pinag-aralan namin at nalalaman naming pinakamabuti ay may kinalaman sa mga suliranin sa medisina, gayunman ang mga pasyente ay mga tao na ang indibiduwal na mga pagpapahalaga at mga tunguhin ay hindi maaaring waling-bahala. Alam nila kung ano ang pinakamabuti para sa kanilang sariling mga prayoridad, sa kanilang sariling moral at budhi, na nagbibigay ng kahulugan sa kanilang buhay.
Ang paggalang sa relihiyosong budhi ng mga pasyenteng Saksi ay maaaring humamon sa ating mga kasanayan. Subalit habang hinaharap natin ang hamong ito, ating binibigyan-diin ang mahalagang kalayaan na pinakamamahal nating lahat. Gaya ng angkop na isinulat ni John Stuart Mill: “Walang lipunan ang malaya kung saan ang mga kalayaang ito ay hindi, sa kabuuan, iginagalang, anuman ang anyo ng pamahalaan nito . . . Ang bawat isa ay wastong tagapangalaga ng kaniyang sariling kalusugan, ito man ay sa katawan, sa isipan at sa espiritu. Ang tao ay higit na nakikinabang sa pagtitiis sa isa’t isa upang mabuhay sa inaakala nilang mabuti para sa kanilang sarili, kaysa pilitin nila ang isa’t isa sa kung ano sa wari ang mabuti sa iba.”15
[Mga Reperensiya]
1. Appelbaum PS, Roth LH: Patients who refuse treatment in medical hospitals. JAMA 1983; 250:1296-1301.
2. Macklin R: The inner workings of an ethics committee: Latest battle over Jehovah’s Witnesses. Hastings Cent Rep 1988; 18(1):15-20.
3. Bouvia v Superior Court, 179 Cal App 3d 1127, 225 Cal Rptr 297 (1986); In re Brown, 478 So 2d 1033 (Miss 1985).
4. In re Storar, 438 NYS 2d 266, 273, 420 NE 2d 64, 71 (NY 1981).
5. Rivers v Katz, 504 NYS 2d 74, 80 n 6, 495 NE 2d 337, 343 n 6 (NY 1986).
6. Dixon JL, Smalley MG: Jehovah’s Witnesses. The surgical/ethical challenge. JAMA 1981; 246:2471-2472.
7. Kambouris AA: Major abdominal operations on Jehovah’s Witnesses. Am Surg 1987; 53:350-356.
8. Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood. Brooklyn, NY, Watchtower Bible and Tract Society, 1977, pp 1-64.
9. Pope denounces Polish crackdown. NY Times, January 11, 1982, p A9.
10. Office of the General Counsel: Medicolegal Forms with Legal Analysis. Chicago, American Medical Association, 1973, p 24.
11. Kleiman D: Hospital philosopher confronts decisions of life. NY Times, January 23, 1984, pp B1, B3.
12. Vercillo AP, Duprey SV: Jehovah’s Witnesses and the transfusion of blood products. NY State J Med 1988; 88:000-000.
13. Wons v Public Health Trust, 500 So 2d 679 (Fla Dist Ct App) (1987); Randolph v City of New York, 117 AD 2d 44, 501 NYS 2d 837 (1986); Taft v Taft, 383 Mass 331, 446 NE 2d 395 (1983).
14. In re Osborne, 294 A 2d 372 (DC Ct App 1972).
15. Mill JS: On liberty, in Adler MJ (ed): Great Books of the Western World. Chicago, Encyclopaedia Britannica, Inc, 1952, vol 43, p 273.