Pagmamasid sa Daigdig
Ikinagalit ng mga Obispo ang mga Pagpigil
Ang mga obispong Romano Katoliko sa Estados Unidos ay patuloy na nakikipagpunyagi para sa higit na kalayaang bigyan-kahulugan ang mga turo ng simbahan para sa mga Katolikong Amerikano. Sa pinakahuling raun, ang National Conference of Catholic Bishops ay bumoto ng 205 sa 59 upang tanggihan ang iminumungkahing patakarang Vaticano na magpapahina sa autoridad nila upang kumilos bilang isang pangkat. Sila’y nagpasiya na “ito ay dapat na halinhan ng ibang plano.” Inihambing ng isang obispo ang mungkahi ng Vaticano sa “isang gamit nang kotse na hindi na puwedeng ayusin, gaano man karaming pera ang gastusin mo rito.”
Mamamatay-Taong Lindol
Pagkaraan ng halos 20 taon, isiniwalat ng mga opisyal na Intsik sa madla na isang lindol na sumusukat ng 7.7 sa Richter scale ang yumanig sa timugang Lalawigan ng Yunnan noong 1970 at sumawi ng mga sampung libong tao. Ang impormasyon ay isiniwalat nang kanilang iwasto ang bilang ng mga kamatayan sa isang lindol sa dako ring iyon noong nakaraang Nobyembre 6, na puminsala ng 4,015 katao at nag-iwan sa 300,000 na walang tahanan. Ang binagong bilang ng namatay sa lindol noong 1988 ay 730 katao, bumaba mula sa 938.
Walang Dugong mga “Transplant”
Nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan na ang mga tumanggap ng kidney transplant na hindi tumanggap ng mga pagsasalin ng dugo bago ang operasyon ay nakaligtas at ang bilis ng pagkilos ng sangkap ay kahawig niyaong mga pasyenteng tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Inihambing ng mga mananaliksik sa University of Minnesota ang mga Saksi ni Jehova, na tumatangging pasalin ng dugo sa relihiyosong mga kadahilanan, sa isang grupo ng mga hindi Saksi ni Jehova na tumanggap ng bato at ng pagsasalin ng dugo. Ang kanilang mga tuklas ay inilathala sa Hunyo 1988 na labas ng Transplantation.
Mapanganib na Pakikisakay
Bagaman ang mga nakikisakay ay maaaring maglakbay ng mas mura, may natatagong halaga na maaaring hindi nila binibilang—ang kanilang buhay! Sang-ayon sa mga pulis na Aleman, 57 mga nakisakay, lalaki at babae, ay pinatay sa Pederal na Republika ng Alemanya sa pagitan ng 1980 at 1987. Ang 40 pa “ay muntik-muntikan nang mapatay,” komento ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ang pakikisakay ay mapanganib.
Marahas na Libangan
Ang isang linggong programa sa telebisyon sa Pransiya ay umaani ng 670 mga sadyang pagpatay, 15 panghahalay, 27 pagpapahirap, at 20 mga eksena sa sekso. “Araw-araw nasasaksihan nila [mga nanonood ng TV] ang mas maraming pagpatay at pagsalakay kaysa nangyayari sa isang lungsod na gaya ng Paris sa isang taon,” ulat ng lingguhang babasahing Pranses na Le Point. Ano ang mga resulta ng panonood ng gayong karahasan? Isang opisyal ng pulisya ang nagsabi: “Nang tanungin, ang mga manghahalay ay kadalasang nagugulat na ang panghahalay ay ipinagbabawal ng batas. Sa ilang paraan binubuksan ng telebisyon ang daan upang ituring ang gayong mga bagay na pang-araw-araw na bahagi ng buhay.”
Computerized na ‘Panginoon ng Hades’
Ang mga istatuwa ni Enma, ang diyos na Haponés na siyang naghahari sa Hades at humahatol kung baga ang mga tao ay naging mabuti o masama, ay hindi na tinatakot ang mga batang Haponés na maging masunurin na gaya nang dati. Kaya, isang pari sa Tokyo ang nagbabalak na gumamit ng computer upang gawing mas nakatatakot ang Enma sa Templo ng Hojoin. Ang Enma, 3.5 metro ang taas, ay pakikilusin ngayon kapag maghuhulog ng isang barya at pipili ng isa sa 12 panalangin. Ang kaniyang galit at mapulang mukha ay biglang iilaw, at dadagundong ang sigaw niya ng mga tanong na gaya ng, “Masasabi mo bang hinding-hindi ka nagsinungaling? Hindi ka ba nag-isip ng masama sa iba . . . ?” Inaasahan ng pari na ang mga tanong ni Enma ay gaganyak sa mga tao na pagbutihin ang kanilang pagkatao.
“Train Surfing”
Ang mga kabataan sa Rio de Janeiro, Brazil, ay may nakamamatay na bagong laro: “train surfing.” Napakadukha upang mag-surfing sa karagatan, humahanap sila ng katuwaan sa pamamagitan ng pagtayo sa ibabaw ng kumakaskas na tren. Ang palabas ay karaniwang nauuwi sa pagpapatiwakal. Habang ang mga tren na pinatatakbo ng kuryente ay kumakaskas sa bilis na hanggang 120 kilometro por ora, ang mga nagsa-surfing ay kadalasang natatangay o nakukuryente ng mga kable ng kuryente. Sa isang yugto ng 18-buwan, mga 200 ang namatay, at 500 pa ang nasugatan. Sinisisi ng isang piskal ng Estado ang implasyon at mga suliraning panlipunan sa pagwawalang-bahala ng mga kabataan sa panganib ng kanilang “laro.” Isang naulilang ama ang sumasang-ayon: “Labis-labis ang paghihirap na dinaranas ng mga kabataan sa Brazil, wala silang makitang dahilan upang mabuhay.”
Maiiwasang Kamatayan
Ang pangunahing mga sanhi ng maiiwasang kamatayan sa Britaniya ay ang tabako at alkohol, sabi ng punong opisyal sa medisina ng pamahalaang Britano, si Sir Donald Acheson. Itinatawag-pansin din ng kaniyang kalalabas lamang na report, ang On the State of Public Health for the Year 1987, ang walang-malay na mga biktima ng dalawang panganib na ito—ang di pa naisisilang na nasa sinapupunan, ang mga hindi naninigarilyo na nilalanghap ang usok ng sigarilyo ng iba, at ang mga biktima ng nagmamaneho na lasing.
Walang Pagsulong
Habang ang maraming bansa sa Third World ay nakikipagbuno sa sumasabog na populasyon, “ang dami ng ipinanganganak na sanggol sa Australia ay bumaba ng 11 porsiyento na mababa sa walang pagsulong na populasyon noong nakaraang taon,” ulat ng The Sydney Morning Herald. Ano ang ibig sabihin niyan? Ito’y nangangahulugan na ang “populasyon ng Australia ay mabilis na nagkakaedad at bumababa” kung hindi dahil sa pandarayuhan, sabi ng Herald. Sang-ayon sa report, ang estadistika sa nakalipas na 12 taon ay nagpapakita na ang dami ng ipinanganganak na bata sa Australia ay mababa sa bilis ng paghahalili. Ang nauuso sa mga kababaihan na iantala ang panganganak upang sila’y makapagtrabaho nang mas matagal para sa materyal na mga ari-arian ay binanggit na siyang dahilan ng pagbaba ng dami ng ipinanganganak.
Polusyon sa Loob ng Bahay
Ang matipid-sa-enerhiyang mga tahanan ay nagiging isang malaking suliraning pangkalusugan. Ang dahilan? Kinukulong nito ang mga nagdadala ng polusyon sa loob ng bahay, sabi ng isang tagapagdisenyo ng gusali at mananaliksik sa kapaligiran na taga-Canada. Sinasabi niyang ang “mga panlinis, pabango, air fresheners, disimpektante, mga pampakintab, waks at pandikit ay maaaring maging sanhi ng pangangati ng balat,” ulat ng The Toronto Star. Si Dr. William Chodirker, hepe ng immunology and allergy service sa University Hospital sa London, Ontario, ay nagsasabi na halos 15 porsiyento ng populasyon ang dumaranas ng alerdyi sa mga bagay na nasa loob ng kanilang bahay. Itinuturo niya ang hika bilang ang pinakakaraniwang suliranin sa medisina na dala ng mga bagay na ito na gamit sa bahay. Sa airtight, matipid-sa-enerhiya na mga tahanan, pinaiikut-ikot ng mga sistema ng pagpapainit at pagpapalamig ang mga pamparuming ito at pinasisidhi lamang ang problema.
Kumakalat ang Rabies
Pitong bansa lamang sa daigdig ang nananatiling walang-rabies, ulat ng The Independent ng London. Ang lima ay nasa Hilagang Hemispero (Britaniya, ang Republika ng Ireland, Sweden, Iceland, at mainland Norway) at ang dalawa (Australia at New Zealand) ay nasa Timugang Hemispero. Gayunman, ang biglang paglitaw ng sakit kamakailan ay nag-udyok sa mga autoridad sa Scandinavia na alistong ilagay ang kanilang mga bansa sa ibabaw ng Arctic Circle upang maiwasan ang higit na paglaganap pa ng sakit. Ang rabies ay natatakdaan sa mga rehiyon sa Artiko, pati na ang Greenland, Siberia, at Alaska. Bagaman ang alagang mga hayop at usa ay maliwanag na hindi apektado, ang red foxes, polar foxes, mink, at wolverines ay mga biktima ng lumalaganap na nakamamatay na sakit na ito.
Mandarambong na mga Balang
“Ang pinakamasamang salot ng balang sa daigdig” sa loob ng dalawamput’t limang taon ay nagaganap sa hilagang Aprika, pinipinsala ang anumang ani na madaanan nito, ulat ng The Economist ng Inglatera. Nagsimula sa Ethiopia mga tatlong taon na ang nakalipas, ang biglang paglitaw ng mga balang ay nagsasapanganib ngayon sa 65 mga bansa. Tinataya ng UN Food and Agriculture Organization na ang salot ay magpapatuloy ng dalawang taon pa bago ito masawata. Dahil sa napakalakas nitong gana sa pagkain, ang isang nandarayuhang balang ng disyerto ay araw-araw na kumukunsumo ng katumbas ng timbang nito. Kaya, ang isang-kilometro-kuwadradong bahagi ng isang kuyog, naglalaman ng mga 50 milyong balang, “ay makauubos ng maraming pagkain sa isang araw na kasindami ng kakainin ng isang nayon ng mga 500 katao sa isang taon,” sabi ng The Economist.