Inakyat Ko ang Isang Napakalaking Monolito
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
NAHIHIGITAN ang lahat ng nabasa ko at ang di-mabilang na mga larawan na nakita ko, naroo’t nakatayo ito, nang maringal, taglay ang lahat ng kariktan nito, sa sinag ng lumulubog na araw. Ito ang ilang minuto na pinakahihintay namin. Habang nagagayumang minamasdan namin, ang napakalaking bato ay tahimik na naging kulay rosas, pagkatapos ay naging murado, at sa wakas ay naging matingkad na pula. Ito ang kulay na gustung-gusto ko. Click ang tunog ng kamera ko sa huling pagkakataon.
Sa paligid ko daan-daang kamera ang nagtunugan habang winawakasan ng tuwang-tuwang mga tao buhat sa maraming panig ng daigdig ang kanilang pagbabantay nang gabing iyon at nabihag ang isang tanawing walang katulad. Sapagkat kami’y nasa Ayers Rock—ang pinakabantog na monolito ng daigdig, o isang bato—na heograpikong makikita sa gitna ng Australia. Oo, sa wakas ay nakikita ko mismo ang kasindak-sindak na gawa ng Diyos.
Bakit Lubhang Kagila-gilalas?
Inilalarawan ni John Ross, sa kaniyang aklat na Beautiful Australia In Colour, ang Ayers Rock bilang “ang sukdulang atraksiyon ng mga turista sa isang bansa na punô nito, isang puwersang sumusustini ng buhay sa isang sinauna at tigang na lupain.”
Mangyari pa, ang pagkalaki-laking Ayers Rock ay isang kagila-gilalas na tanawin mismo, subalit ang pagpapalit ng kulay ang nagpapangyari sa mga nagmamasid na humanga rito. Ang monolitong dambuhalang bato na ito ay may taas na 348 metro sa ibabaw ng sahig ng disyerto, at may haba na 3.6 kilometro at dalawang kilometro ang lapad. Para bang hindi pa sapat ang magandang tanawin ng mga kulay dahil sa nagbabagong posisyon ng araw, isa pang makapigil-hiningang tanawin ay ang pinilakang ningning na nagpapaligo sa monolito pagkatapos ng biglang buhos ng ulan sa disyerto.
Ang Rock ay 470 kilometro timog-kanluran ng pangunahing lungsod sa gitnang Australia, ang Alice Springs. Nakuha nito ang pangalan nito sa isa sa punong kalihim ng Timog Australia, si Sir Henry Ayers, subalit siya ay nakilala ng mga Katutubong tao ng Australia bilang si Uluru, ang kahulugan ay hindi na matiyak ngayon.
Ang Pagnanais na Umakyat
Lahat niyaong nakakita sa Ayers Rock sa unang pagkakataon ay waring may di-mapigil na pagnanais na suriin nang malapitan ang nakapagtatakang kababalaghan. Nagagawa ito ng iba mula sa himpapawid, iniikot naman ng iba ang paanan nito sakay ng kotse—isang distansiya na halos sampung kilometro. Sa kaso ko, dapat ko itong akyatin. Nais mo bang sumama sa akin?
Ang hugis ng aakyatin namin ay maihahalintulad sa bilog na likod ng isang natutulog na hippopotamus. Sinimulan namin ang aming pag-akyat halos dalawang-katlo ng daan sa katawan ng hippo mula sa buntot nito. Pansinin ang sunud-sunod na posteng itinusok sa mukha ng bato, na may nakakabit na kadena upang hawakan namin habang kami ay umaakyat. Salamat naman, sapagkat ang daan ay isa lamang makipot na tagaytay na ang mukha ng bato ay nahuhulog sa magkabilang panig. Maliwanag maraming walang ingat o sobrang tiwalang umaakyat ang hindi iniintindi ang kadenang ito, sa gayo’y nag-aanyaya ng sakuna. Ngayon mas malinaw naming nagunita ang plake na ipinakita sa amin ng aming giya nang simulan namin ang aming pag-akyat. Itinala nito ang pinakabagong mga namatay sa pagkahulog, kasali ang mga tao mula sa ilang bansa. Ang biglang bugso ng hangin ay mapanganib. Walang babala, ang mga bugso ng hangin ay maaaring magpahapay sa umaakyat. Kaya humawak ka sa kadena. Ito’y maaaring mangahulugan ng iyong buhay!
Gaya ng karamihan ng mga umaakyat na walang karanasan, kami’y nagsimula na lipos ng sigla na tumagal ng halos sampung minuto subalit hindi nagtagal ito’y nauwi sa mabagal, walang pagbabago, hilahod na pag-akyat. Mayámayâ, ang aming sasakyan ng mga turista sa ibaba ay napakaliit tingnan. Pagkaraan ng dalawampung minutong pag-akyat, maliwanag na wala na kami sa mabuting pisikal na pangangatawan na gaya ng maaaring asahan. Nadama namin ang pangangailangan para sa pana-panahong paghinto. Subalit anong kasindak-sindak na mga tanawin ang naroroon na kabayaran sa mga pamamahingang ito habang minamasdan namin ang tanawin na lumalawak nang lumalawak habang kami ay tumataas! Sa aming kaliwa ay namumungad ang dambuhalang Olgas, isang kalumpon ng malaking mga bato na para bang binungkos ng dambuhalang kamay. Ang pinakamataas dito ay ang Bundok Olga, na ang taas ay 546 metro sa itaas ng sahig ng libis. Pagkatapos, ang aming paningin ay bumaling sa kanan, nakikita namin ang multimilyong-dolyar na otel para sa mga turista at mga gusali sa gawi roon, na pinaglilingkuran ng isang abalang paliparan na inspirado-ng-turista. Sa kabila pa nito at hanggang sa maaabot ng iyong tanaw ay ang patag, ilang na disyerto, na napakakaraniwan sa gitna ng Australia.
Natatandaan kong ako’y nakatayo sa tabi ng aming sasakyan at tumingala sa wari ba’y daan-daang abalang mga langgam na paroo’t parito mula sa mga pugad sa lupa tungo sa isang suplay ng pagkain sa tuktok. Marahil ganito ang hitsura namin mula sa lupa.
Maakyat kaya Namin Ito?
Patuloy kami sa pag-akyat, paitaas. Bakit gayon na lamang ang pananakit ng aming mga kalamnan sa binti? Kaagad namin nakalimutan ito habang natatawag ang aming pansin ng munting mga lawa ng tubig sa mukha ng bato. Aba, ang bawat lawa ay may nabubuhay na mga organismo na lumalangoy rito—maliliit na uri ng hipon na kung tawagi’y shield shrimps! At ito lamang ang tanging buhay na naroroon sa malaki, tigang, walang kalaman-laman na mukha ng bato.
Ano ba ang sinasabi ng aming giya? Kami ay nasa kalagitnaan na. Iyon lang ba? Ah, bueno, sa paano man ang pinakamatarik na bahagi ay tapos na, at hindi kailangan ang mga kadenang pangkaligtasan. Mula rito, ang pag-akyat ay mas banayad, na mayroon lang nakapintang gitnang-linya upang markahan ang aming daan. Paliku-liko kami sa mga sagabal, akyat-manaog sa mas maliit na mga kurbada sa mukha ng bato. Nagsimula kaming magtanong kung baga mararating pa namin ang tuktok.
Subalit walang anu-ano’y naroon na kami. Ngayon ay nakatingin kami mula sa tuktok ng Ayers Rock at pababa sa kabilang panig. Higit pang kasiya-siyang mga tanawin. Ang walang tigil na pagbabago ng hugis, na may nililok na anyo ng kahanga-hangang mga disenyo. Dito sa tuktok, nasumpungan namin ang isang bunton ng mga bato, isang tagapagpahiwatig ng direksiyon, at isang lugar para sa aming lagda, ipinahihiwatig na narating namin ang tuktok.
Kumusta Naman ang Pagbaba?
Subalit kumusta naman ang pagbaba? Gaya ng karamihan ng mga tao, inaakala ko na ang pagbaba ay magiging paglakad lamang, basta hayaang itulak ka ng grabidad pababa nang walang kahirap-hirap. Maling-mali ako! Mga ilang minuto sa aming pagbaba at napansin ko kung paano gusto nang mamahinga ng mga kalamnan sa binti. Ang bawat hakbang ay para bang mas masakit kaysa huli. Pagkaraan ng ilang mga paghinto upang magpahinga, sa wakas ay narating namin ang ibaba.
At pagkatapos ay para bang matinding pagsisikap ang kinakailangan upang lakarin ang malapit, patag na distansiya patungo sa sasakyan. Ngunit sa wakas ay nagawa namin ito, kaya narito na kami, muli na namang nakatingala sa dambuhalang ito sa disyerto, na marami pang “mga langgam” na tao ang nagkukumamot paakyat at pababa sa kagila-gilalas na ibabaw nito.
Nakatutuwa at nakahahalinang maging napakalapit sa isa pang kahanga-hanga at walang katapusang mga nilikha ng Diyos. Ito ay nakapapagod sa katawan subalit lubhang nakapagpapasigla sa isipan at sa damdamin. Nagsasalita para sa ganang akin, hindi ko mapigil ang isang munting panalangin ng pasasalamat kay Jehova para sa pagkakaroon ng lakas sa gulang na 61 anyos na umakyat sa pinakabantog na monolito ng daigdig.
[Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Australia
Alice Springs
[Larawan sa pahina 15]
Ang matarik na pag-akyat sa Ayers Rock