Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 4/8 p. 12-16
  • Ang Holocaust—Mga Biktima o mga Martir?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Holocaust—Mga Biktima o mga Martir?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tatlong Uri ng Biktima
  • “Munting Sekta”​—Banta sa mga Nazi
  • Digmaan Pandaigdig II at Neutralidad
  • Ano ang Nagbigay-lakas sa Kanila?
  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo
    Gumising!—1995
  • Mga Pagsalakay ng Nazi-Fascista sa mga Saksi
    Gumising!—1985
  • Ang Aking Poot ay Nauwi sa Pag-ibig
    Gumising!—1995
  • Nagtagumpay Laban sa Pag-uusig ng Nazi ang Malalakas-ang-Loob na mga Tagapag-ingat ng Katapatan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 4/8 p. 12-16

Ang Holocaust​—Mga Biktima o mga Martir?

BAKIT kailangan pang gumawa ng pagkakaiba sa pagitan ng mga biktima at mga martir? Sapagkat lahat niyaong dumanas ng hirap bunga ng Holocaust ay mga biktima, datapuwat isang minoridad lamang ang tunay na mga martir sa istriktong diwa ng salita. Ano ang pagkakaiba?

Ang biktima ay “isa na pinapatay o labis na pinahihirapan o pinagdurusa ng isa.” Ang mga biktima ay karaniwang walang mapagpipilian.

Ang martir ay “isa na pinipiling mamatay kaysa itakwil ang relihiyosong mga simulain” o “isa na isinasakripisyo ang isang bagay na napakahalaga sa kaniya upang itaguyod ang isang paniniwala, layunin, o prinsipyo.” (The American Heritage Dictionary of the English Language) Kaya, ang biktima ay kadalasang hindi kinukusa, samantalang ang martir ay kinukusa.

Tatlong Uri ng Biktima

Sa isang komperensiya tungkol sa mga biktima ng mga Nazi na di-Judio, binigyan-kahulugan ni Dr. Gordon Zahn, ng University of Massachusetts, ang mga biktima ng mga Nazi sa ilalim ng tatlong pamagat: (1) yaong dumanas ng hirap sa kung ano sila​—mga Judio, Slavo, Hitano; (2) yaong mga dumanas ng hirap sa kung ano ang ginawa nila​—mga homoseksuwal, pulitikal na mga aktibista, at mga lumalaban; (3) at yaong dumanas ng hirap sa kung ano ang ayaw nilang gawin​—mga tumutol magsundalo dahil sa budhi, mga Saksi ni Jehova, at iba pa.

Angaw-angaw na mga Judio ang dumanas ng hirap at namatay dahil lamang sa sila’y mga Judio sa etnikong diwa. Hindi mahalaga sa mga tauhan ni Hitler kung sila ay mga Judiong Orthodoxo o ateistiko. Sila’y hinatulan ng “pangwakas na lunas,” o pagpuksa, gaya ng tawag sa paraan ni Hitler na makapagpapaalis sa lahat ng mga Judio sa Europa. Gayundin naman, ang mga Slavo, na sa krusada ni Hitler ay pangunahin nang mga Polako, Ruso, at Ukrainiano, ay hinatulan dahil lamang sa pagiging mga Slavo, ‘isang mas mababang lahi’ kung ihahambing sa “pinakamataas” na lahing Aryan.

Subalit ang kaso ng mga Saksi ni Jehova sa Europa ay naiiba. Sila ay buhat sa maraming nasyonalidad ngunit sila’y napagkakamalang pasipistang banta sa rehimen ng Pambansang Sosyalista ng Alemanya dahil sa kanilang Kristiyanong paninindigan tungkol sa neutralidad at pagtangging makisama sa digmaan ng alinmang bansa. Tinawag sila ni Hitler na isang ‘grupo na dapat lipulin.’ Gaano kalaki ang “grupong” iyon, at sila ba’y nalipol?

“Munting Sekta”​—Banta sa mga Nazi

Sa nabanggit na komperensiya, iniharap ni Dr. Christine King ang mga katotohanan tungkol sa mga Saksi sa Alemanyang Nazi. Ulat niya: ‘Na ang munting sektang ito, 20,000 sa populasyon ng 65 milyon, 20 milyon nito ay mga Romano Katoliko at 40 milyon nito ay mga Protestante, ay nakatawag ng pansin ng mga autoridad ang sa simula’y nakapagtataka. Subalit kung isasaalang-alang mo ang kanilang malakas na mga kaugnayan sa Amerika, ang kanilang internasyonal na mga hangarin, at ang kanilang nadaramang simpatiya sa komunista at Zionista ay agad na mahahalata anupa’t sila’y hindi na mapagpaparayaan.’ Mangyari pa, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga Komunista ni mga Zionista man kundi sila ay neutral sa mga bagay may kinalaman sa pulitika at lahi. Gayunman, hindi iyan naunawaan ng mga Nazi.

Ang kampaniya ng Nazi laban sa mga Saksi ay nagsimula noong 1933 nang si Hitler ay naging makapangyarihan. Noong 1934, pagkatapos tanggapin ang mga telegrama ng pagtutol mula sa mga Saksi sa buong daigdig, si Hitler ay nagsisigaw: “Ang grupong ito ay malilipol sa Alemanya!” Tumindi ang pag-uusig sa mga Saksi.

Sa kanilang aklat na Anatomy of the SS State, si Helmut Krausnick at si Martin Broszat ay nagsabi: “Ang isa pang kategorya ng mga bilanggo na nasa protektibong pangangalaga na pagkaraan ng 1935 ay bumuo ng isang malaking grupo ng mga bilanggo sa concentration camp ay buhat sa mga miyembro ng Internationale Vereinigung der Ernsten Bibelforscher [mga Saksi ni Jehova]. Ang organisasyon ay nabuwag sa Third Reich noong 1933 at lahat ng pangangalap o propaganda para sa mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal ng batas sapagkat ang organisasyon ay pangunahin nang itinuturing bilang isang instrumento ng gawaing pasipista.”

“Noong Pebrero 1936 lumabas ang utos na ang lahat ng dating mga lider ng Internationale Bibelforschervereinigung (IBV) [mga Saksi ni Jehova] ay dapat na ilagay sa protektibong pangangalaga ng ‘hanggang dalawang buwan.’ Noong kalagitnaang-Mayo ng 1937 higit pang mga hakbang ang kinuha. Ipinag-utos ng Gestapo na: Lahat ng sa anumang paraan ay nagtataguyod sa mga layunin ng labag sa batas na IBV o sa pagkakaisa ng mga tagasunod nito ay ilalagay sa protektibong pangangalaga at kaagad na dadalhin sa hukuman upang maigawad ang mandamyento de aresto.” Sa karamihan ng mga kaso ang “protektibong pangangalaga” na ito ay nagbunga ng paglipat sa isang concentration camp.

Binanggit din ng mga autor: “Noong 1937/8 ang karamihan ng mga bilanggo sa Dachau ay pulitikal na mga bilanggo samantalang sa Sachsenhausen noong mga panahong iyon mayroon pa ngang malaking bilang ng tinatawag na mga elementong laban-sa-lipunan, homoseksuwal, Saksi ni Jehova, at pusakal na mga kriminal.”

Digmaan Pandaigdig II at Neutralidad

Ang mga bagay ay lumala pa para sa mga Saksi noong 1939 nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Alemanya at ng Allies, ang Britaniya at Pransiya. Ano ang nangyari?

Ang beinte-tres-anyos na si August Dickmann mula sa Dinslaken ay isa sa 600 mga Saksi na ibinilanggo sa Sachsenhausen noong 1939.a Nang sumiklab ang digmaan noong Setyembre, nakita ng komandante ng kampo na si Baranowsky ang kaniyang pagkakataon upang sirain ang kalooban ng mga Saksi. Si August ay tumangging patalaga sa tungkulin sa hukbo, at si Baranowsky ay humingi ng pahintulot mula kay Himmler na bitayin ang binatang si Dickmann sa harap ng lahat ng mga bilanggo sa kampo. Kumbinsido siya na itatakwil ng maraming Saksi ang kanilang pananampalataya kung aktuwal na masasaksihan nila ang pagbitay. Si Dickmann ay binaril sa likod ng tatlong lalaking SS at saka siya binigyan ng pangwakas na tama, isang putok ng baril sa ulo, ng isang opisyal na SS.

Si Gustav Auschner, isang nakasaksi, ay nag-ulat pagkatapos: “Binaril nila si Dickmann at kami’y sinabihan na kaming lahat ay babarilin kung hindi kami pipirma ng isang deklarasyon ng pagtatakwil ng aming pananampalataya. Kami’y dadalhin sa hukay na buhangin na 30 o 40 sa pana-panahon, at babarilin nila kaming lahat. Kinabukasan, ang bawat isa sa amin ay dinalhan ng SS ng isang kalatas na lalagdaan kung hindi kami ay babarilin. Sana’y nakita ninyo ang kanilang malungkot na mga mukha nang sila ay umalis na wala ni isa mang lagda. Inaasahan nilang takutin kami sa pamamagitan ng pagbitay sa publiko. Subalit mas takot kami na hindi palugdan si Jehova kaysa kanilang mga bala. Hindi na nila binaril ang sinuman sa amin nang hayagan.”

Isang kahawig na kalagayan ang nangyari sa kampo ng Buchenwald noong Setyembre 6, 1939. Sinabi ng opisyal na Nazi na si Rödl sa mga Saksi: “Kung ang sinuman sa inyo ay tatangging lumaban sa Pransiya o sa Inglatera, kayong lahat ay mamamatay!” Isa itong sandali ng pagsubok. May dalawang lubos na nasasandatahang kompaniya ng SS ang naghihintay sa gatehouse. Gayunman, “wala ni isa mang Saksi ni Jehova ang tumugon sa panawagan ng opisyal na lumaban alang-alang sa Alemanya. Nagkaroon ng sandaling katahimikan, pagkatapos ay dumating ang biglaang utos: ‘Taas ang kamay! Ilabas ninyo ang laman ng inyong mga bulsa!’” ulat ni Eugen Kogon sa The Theory and Practice of Hell. Binaril ba sila? Hindi, sila’y sinalakay at pinagnakawan ng mga lalaking SS at saka sila idinestino sa kakila-kilabot na gawaing pagtitibag ng bato. Hinadlangan din sila sa anumang pagpapagagamot sa ospital.

Si Dr. King na sinipi kanina, ay nagsabi: ‘Gayunman kataka-taka, para sa mga Nazi, ang mga Saksi ay hindi rin malipol. Mientras pinahihirapan sila lalo naman silang tumitibay, nagiging sintigas ng brilyante sa kanilang pagtutol. Inihagis sila ni Hitler sa isang digmaang eskatolohiko, at nanatili sila sa pananampalataya. Taglay ang kanilang triyanggulong lila (pagkakakilanlan sa braso) sila ay bumuo ng malalakas na grupo sa mga kampo; ang kanilang karanasan ay mahalagang materyal para sa lahat na nag-aaral ng kaligtasan sa ilalim ng matinding kaigtingan. Sapagkat sila’y nakaligtas.’

Ang nakaligtas sa Auschwitz na si Anna Pawełczyńska ay sumulat sa kaniyang aklat na Values and Violence in Auschwitz: “Sa proporsiyon ng pagkalaki-laking pamayanan ng Auschwitz, ang mga Saksi ni Jehova ay bumubuo lamang isang munti, di-kapansin-pansing maliit na grupo . . . Gayumpaman, ang kulay [lila] ng kanilang triyanggulong tanda ay kitang-kita sa kampo anupa’t hindi ipinababanaag ng maliit na bilang ang aktuwal na lakas ng grupong iyon. Ang maliit na grupong ito ng mga bilanggo ay isang matatag na ideolohikal na lakas at nagtagumpay sila sa kanilang pakikipagbaka laban sa Nazismo. Ang grupong Aleman ng sektang ito ay naging isang munting isla ng walang tigil na paglaban na umiiral sa sinapupunan ng isang takut na takot na bansa, at sa gayong hindi nadidismayang espiritu sila ay kumikilos sa kampo sa Auschwitz.” Sabi pa niya: “Nalalaman ng lahat na walang Saksi ni Jehova ang gagawa ng isang utos na labag sa kaniyang relihiyosong paniniwala at paninindigan.”

Isang namumukod na halimbawa sa bagay na ito ay ang pamilya Kusserow mula sa Bad Lippspringe sa Alemanya. Sina Franz at Hilda ay may malaking pamilya ng 11 mga anak, 6 na lalaki at 5 babae. Sa ilalim ng rehimeng Nazi, 12 miyembro ng kaniyang pamilya na binubuo ng 13 ay nahatulan ng kabuuang 65 taon sa mga bilangguan at sa mga concentration camp. Noong 1940, sa gulang na 25, si Wilhelm ay binaril bilang isang tumututol magsundalo dahil sa budhi. Pagkaraan ng dalawang taon ang kaniyang kapatid na si Wolfgang, edad 20, ay pinugutan ng ulo sa piitan ng Brandenburg sa gayunding dahilan. Noong 1946, sa gulang na 28, si kapatid na Karl-Heinz at namatay dahil sa tuberkulosis matapos pauwiing maysakit mula sa Dachau. Ang mga magulang at ang mga anak na babae ay pawang nakulong sa mga bilangguan at sa mga concentration camp. (Para sa detalyadong ulat ng kahanga-hangang pamilyang ito ng mga martir, tingnan ang The Watchtower ng Setyembre 1, 1985, pahina 10-15.)

Ganito ang komento ni Eugen Kogon sa kaniyang aklat na The Theory and Practice of Hell: “Hindi maiiwasan ng isa ang impresyon na, sa sikolohikal na paraan, hindi kailanman matumbasan ng SS ang hamon na ibinibigay sa kanila ng mga Saksi ni Jehova.”

Kung napaglabanan ng munting grupong ito ng Kristiyanong mga Saksi si Hitler, salig sa kanilang mga paniwala sa Bibliya, maitatanong ng isa, bakit nabigo sa bagay na ito ang angaw-angaw na mga Protestante at mga Katoliko? Nasaan ang malinaw, maliwanag na relihiyosong pangunguna at patnubay sa mga simulaing Kristiyano na dapat sana’y nag-alis ng suporta ng 60 milyong mga Aleman mula sa Nazismo? (Tingnan ang Kahon sa pahina 13.)

Ano ang Nagbigay-lakas sa Kanila?

Sa kaniyang aklat na The Drowned and the Saved, si Primo Levi ay nagsabi: “Sa pag-ikot ng araw-araw na buhay [sa mga concentration camp], ang mga naniniwala sa [relihiyon at sa pulitika] ay mas mabuti ang buhay . . . ang lahat ay naniniwala sa karaniwang nagliligtas na puwersa ng kanilang pananampalataya.”

Susog pa niya: “Ang kanilang uniberso ay mas malawak kaysa atin, mas malawak sa espasyo at panahon, higit sa lahat ay nauunawaan: mayroon silang isang . . . milenyong bukas . . . isang dako sa langit o sa lupa kung saan nagtagumpay ang katarungan at pagkahabag, o magtatagumpay marahil sa malayo subalit tiyak na hinaharap.”

Ang matatag na pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova sa isang hinaharap na Milenyo ay pinakamagaling na mailalarawan ng sumusunod na mga liham buhat sa mga Saksing Aleman na hinatulan ng kamatayan:

“Mahal kong kuya, hipag, mga magulang, at pati na ang lahat ng iba pang mga kapatid,

“Kailangan kong isulat sa inyo ang masakit na balita na kapag natanggap ninyo ang liham na ito ako ay patay na. Pakisuyo huwag kayong labis na malungkot. Tandaan ninyo na isang madaling bagay lamang sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na buhayin ako mula sa mga patay. . . . Alamin ninyo na sinikap kong paglingkuran siya sa aking kahinaan at ako’y lubusang kumbinsido na siya’y sasa-akin hanggang sa wakas. Itinatagubilin ko ang akin sarili sa kaniyang pag-iingat. . . . At ngayon, mahal kong nanay at tatay, nais ko kayong pasalamatan kapuwa sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa ninyo para sa akin. . . . Gantihin nawa kayo ni Jehova sa lahat ng ginawa ninyo para sa akin.

“(Lagda) Ludwig Cyranek”

Si Ludwig Cyranek ay binitay sa Dresden dahil sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova.

Si Johannes Harms, pagkatapos na siya’y hatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng gilotina, ay binigyan ng pitong pagkakataon upang tumalikod bilang isang Saksi. Bago ang pagbitay sa kaniya sa gilotina noong 1940, ipinadala niya ang sulat na ito sa kaniyang tatay, si Martin, na nakabilanggo rin dahil sa pagiging isang Saksi.

“Mahal kong tatay,

“Mayroon pa kaming tatlong linggo hanggang sa Disyembre 3, ang araw kung kailan tayo’y huling nagkita mga dalawang taon na ang nakalipas. Nakikita ko pa rin ang inyong matamis na ngiti nang kayo’y nagtatrabaho sa silong ng bilangguan at ako naman ay naglalakad sa looban ng bilangguan.

“Ipinagmamalaki ko po kayo sa buong panahong ito at ikinamamangha ko rin po ang pagtitiis ninyo nang may katapatan sa Panginoon. At ngayon ako rin po, ay nabigyan ng pagkakataon na patunayan ang aking katapatan sa Panginoon hanggang sa kamatayan, opo, katapatan hindi lamang hanggang kamatayan, kundi kahit sa kamatayan.

“Naipahayag na po ang hatol sa akin na kamatayan at ako po ngayon ay nakatanikala araw at gabi​—ang mga marka (sa papel) ay mula sa mga posas​—subalit hindi pa po ako lubusang nananaig. . . . May pagkakataon pa akong iligtas ang aking makalupang buhay, subalit sa gayong paraan ay maiwawala ko ang tunay na buhay.

“Kung kayo po, mahal kong tatay, ay muling makauwi ng bahay, kayo na po sana ang bahalang kumalinga sa mahal kong si Lieschen [ang asawa ni Johannes], sapagkat magiging mas mahirap sa kaniya, palibhasa’y nalalaman niyang ang kaniyang mahal ay hindi na babalik pa. Alam ko pong gagawin ninyo ito at ngayon pa’y pinasasalamatan ko na kayo. Mahal kong tatay, sa espiritu’y nananawagan ako sa inyo, manatili po kayong tapat, kung paanong sinikap kong manatiling tapat, at sa darating na panahon tayo ay magkikita-kitang muli. Sasa-isip ko po kayo hanggang sa huling sandali.

“Ang inyong anak Johannes.”

Dalawa lamang ito sa libu-libong martir, mga Saksi ni Jehova, na namatay sapagkat sila’y nangahas na tumutol magsundalo dahil sa budhi sa isang masamang rehimen. Ang buong istorya tungkol sa kanilang sama-samang pagkamartir ay pupunô ng maraming tomo.b

[Mga talababa]

a Para sa detalyadong ulat ng pagkamartir ni August Dickmann, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 165-8.

b Para sa mas detalyadong ulat ng rekord ng mga Saksi ni Jehova sa mga concentration camp, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 108-212, at ang 1989 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 111-34.

[Kahon sa pahina 13]

Mga Saksi ni Jehova ay mga Biktima ni Hitler

Mula sa “The New York Times,” Mayo 14, 1985

Sa Editor:

Ang maybahay ko at ako, kapuwa mga Aleman, ay gumugol ng kabuuang 17 taon sa mga concentration camp ng Nazi. Ako ay nasa Dachau at Mauthausen, at ang aking asawa, si Gertrud, ay nasa Ravensbrück. Kabilang kami sa libu-libong di-Judiong mga Aleman na dumanas ng hirap sapagkat ginawa namin kung ano ang hindi ginawa ng mga kriminal na Nazi​—kami’y tumutol magsundalo dahil sa budhi sa sapilitang idolatriya at militarismo ni Hitler. Bagaman ang libu-libo sa amin ay nakaligtas sa mga kampo, marami ang hindi nakaligtas.

Ang inyong mga liham kamakailan na nagsasaysay tungkol sa pangkaraniwang mga Aleman na dumanas ng hirap sa ilalim ng rehimeng Nazi ni Hitler (liham ni Sabina Lietzmann, Abril 25, at ni Anna E. Reisgies, Abril 30) ay nag-udyok sa akin na banggitin ang isang maliit na grupo, karaniwang winawalang-bahala, na napakalupit na inusig ng Gestapo. Sila’y kilala bilang ang Ernste Bibelforscher (Masigasig na mga Estudyante ng Bibliya) o Jehovas Zeugen (mga Saksi ni Jehova).

Nang si Hitler ay naging makapangyarihan noong 1933, sinimulan niya ang isang sistematikong pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova dahilan sa kanilang neutral na paninindigan sa pulitika at sa digmaan. Bunga nito, libu-libong mga Saksing Aleman, marami sa kanila ay mga kaibigan ko, ay hindi lamang naging mga biktima ng Holocaust kundi naging mga martir din naman. Bakit ang pagkakaiba? Sapagkat maaari sana kaming nakalabas sa mga concentration camp anumang oras kung kusa naming lalagdaan ang isang papel na nagtatakwil ng aming relihiyosong mga paniwala.

Ipakikita ng dalawang maiikling halimbawa ang uri ng espiritu na nag-aalab sa dibdib ng ilang mga Aleman na nilabanan ang Hitlerismo. Si Wilhelm Kusserow, 25 anyos, mula sa Bad Lippspringe, ay binaril noong Abril 27, 1940, sapagkat tumanggi siyang maglingkod sa hukbo ni Hitler.

Pagkaraan ng dalawang taon, ang kapatid ni Wilhelm, si Wolfgang, ay pinugutan ng ulo sa bilangguan sa Brandenburg sa gayunding dahilan. Ang pagbaril nang panahong iyon sa tantiya ni Hitler ay masyadong marangal para sa mga tumututol magsundalo dahil sa budhi. Si Wolfgang ay 20 anyos.

Daan-daang mga lalaki at babaing Aleman ang masasabi kong dumanas ng gayunding hirap sapagkat, sa ngalan ng Diyos, lakas-loob na hindi sila sumuko sa pagmamalupit. Kung bakit hindi angaw-angaw na may prinsipyong Aleman ang nagpahayag ng kanilang opinyon laban sa pagmamalupit, sa halip na libu-libo lamang, ay marahil isang tanong na dapat sagutin ng iba.

Martin Poetzinger

Brooklyn, Mayo 1, 1985

[Larawan sa pahina 15]

Ang pamilyang Kusserow​—si Wilhelm (ikalawa sa kanan) ay binaril; si Wolfgang (ikatlo sa kaliwa) ay pinugutan ng ulo; si Karl-Heinz (ikalawa sa kaliwa) ay namatay sa tuberkulosis pagkalabas sa Dachau

[Larawan sa pahina 16]

Si Martin Poetzinger (namatay noong 1988) at ang kaniyang asawang si Gertrud ay gumugol ng siyam na taon bawat isa sa mga concentration camp ng Nazi

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share