Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 5/8 p. 15-18
  • Manalo sa Anumang Paraan—Ang Diwa ng Olimpik?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manalo sa Anumang Paraan—Ang Diwa ng Olimpik?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagwawagi sa Komersiyal TV Olimpiks
  • Pagwawagi at Pagkatalo
  • Salapi sa Anumang Paraan
  • Ang Wakas sa Unahan?
  • Ang mga Mithiin ng Olympic ay Nanganganib
    Gumising!—1985
  • Nasa Krisis ang mga Adhikain ng Olympics
    Gumising!—2000
  • Ang Olimpiyada sa Barcelona—Bigong Kabantugan?
    Gumising!—1993
  • Ang Olimpiyada ng Norway—Sapat ba ang mga Mithiin?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 5/8 p. 15-18

Manalo sa Anumang Paraan​—Ang Diwa ng Olimpik?

ANG mga Koreano ay determinado. Hindi nila sasayangin ang pagkakataong ito na mabihag ang puso ng dumadalaw na mga manlalaro ng Olimpik, mga turista, at angaw-angaw na mga manonood ng telebisyon sa buong daigdig. Nagtrabaho sa loob ng pitong taon, sila’y namuhunan ng mahigit tatlong bilyong dolyar sa proyekto.

Binuhos nila ang kanilang puso at kaluluwa upang maging matagumpay ang 1988 Seoul Olimpiks. Mahigit na 26,000 mga boluntaryo ang tumulong. Kasindami ng 240,000 karaniwang mga mamamayan ang naglinis sa mga kalye. Isinara nila ang 2,200 paliguang bayan upang ang usok mula sa mga tsiminea ay hindi makaapekto sa mga mananakbo ng marathon. Oo, kusa nilang binago ang kanilang pang-araw-araw na rutina upang ihanda ang pinakamalaking Olimpiks sa kasaysayan na may mahigit na 9,500 manlalaro mula sa isang rekord na 160 kalahok na mga bansa. Bunga nito, natamo nila ang prestihiyo bilang isang nagpapaunlad na industriyal na kapangyarihan na may kakayahang maghanda para sa palaro.

Pagwawagi sa Komersiyal TV Olimpiks

Ang palaro ay nangangahulugan ng pinakamalaking tagumpay para sa mga negosyanteng Koreano, na inanyayahan ang kanilang mga parokyano mula sa buong daigdig. Ang kanilang balisang-balisang paghahanap para sa “papel na platinum,” ang tiket para sa panimulang seremonya, ay nangahulugan ng madaling salapi para sa mga mapagsamantala na nagbibenta ng primera-klaseng tiket na mahigit 20 beses ng dating halaga. Ang Olimpiks ay nagbukas din para sa mga Koreano ng bagong mga kasunduan sa negosyo sa mga bansa sa Silangang Europa. Hindi dapat waling-bahala ang publisidad na ibinigay ng Olimpiks sa Korea bilang isang nangungunang kapangyarihan ng bagong industrialisadong mga bansa. “Isang daan at walumpong oras na (NBC) palabas sa telebisyon!” bulalas ng isang negosyanteng Koreano, gaya ng iniulat sa Los Angeles Times. “Hindi maubos-maisip kung magkano ang magiging halaga kung bibilhin ang gayon karaming pag-aanunsiyo para sa Korea.” At iniulat na ang American National Broadcasting Company ay nagbayad ng 300 milyong dolyar upang makuha ang pabor na iyon.

Gayunman, taglay ang perang iyon, natamo ng Amerikanong network ang tinig sa Olimpiks. Isang ehekutibo ng Korean Broadcasting System ang nagsabi sa Gumising!: “Sa pangunahing isports na popular sa Estados Unidos, nagkaroon ng ilang pagbabago sa mga iskedyul para sa finals at para sa mga paligsahan kung saan nakibahagi ang mga manlalaro ng E.U. Sa paglilipat sa gayong mga paligsahan sa alas 9:00 n.u. hanggang alas 2:00 n.h., oras sa Seoul, naitapat nila ito sa prime time sa New York.” Ang lahat ng ito sa kaabalahan ng mga kalahok. Upang maging handa para sa gayong maagang laro, ang ilan ay kailangang gumising ng alas 5:00 n.u. “Mauunawaan naman,” sabi ng ehekutibo, “sa diwa na ang Palarong Olimpiks ay pangunahin nang itinataguyod ngayon ng bayad mula sa karapatan ng telebisyon, at 75 porsiyento ng kontribusyong ito ay ginagawa ng network ng E.U.” Gayunman, ang katamtamang tantiya sa panonood ay mababa sa inaasahan, na nangangahulugan ng pagkalugi para sa NBC dahil sa kanilang garantiya sa mga tagapag-anunsiyo.

Pagwawagi at Pagkatalo

“Walang Alinlangan!” Ito ang ulong-balita ng Mainichi Daily News ng Hapón noong araw na nagwagi ang taga-Canadang si Ben Johnson sa 100-metrong takbuhan ng mga lalaki. Pagkaraan ng ilang araw binawi ng pahayagan ding iyon ang ulong-balita: “Ang Pinakamabilis na Takbo sa Daigdig Mula sa Kabantugan Tungo sa Kahihiyan.” Si Johnson ay nasumpungang positibo sa paggamit ng drogang anabolic steroids at inalisan ng medalyang ginto na kaniyang pinagpaguran at pinagsanayan nang husto.

Sa 100-metrong takbuhan, ang pinakamatuling lalaki sa daigdig ay sumuko sa tukso ng droga. Iyan “ay isang dagok sa Palarong Olimpiks at isang dagok sa Kilusang Olimpik,” sabi ng presidente ng IOC (International Olympic Committee). Doon sa mga nahuling nagdudroga, ang kanilang mga pagsisikap na manalo sa anumang paraan ay nangahulugan ng pag-aalis ng medalya sa kanila. Lahat-lahat, sampung mga kaso ng pagdudroga ang nagpapangit sa 1988 Olimpiks.

Gayunman, “ang mga walang kabatiran lamang ang nahuhuli,” sabi ng manlalaro ng E.U. sa shot-put na si Augie Wolf gaya ng iniulat sa magasing Newsweek. “Naaawa ako kay Ben Johnson,” sabi ng isang coach na Sobyet, sang-ayon sa Newsweek, “subalit marahil 90 porsiyento . . . ang gumagamit ng droga. Ang pagkakamali ni Ben Johnson ay ang mahuli.” Sa kabilang dako naman, si Edwin Moses, isang hurdler ng E.U., ay nagbibigay ng kaniyang tantiya na “hindi kukulangin sa 50 porsiyento ng mga manlalaro sa high-performance sports” ang malamang na nawalang-karapatan kung hindi nila nalinlang ang mga pagsubok sa droga. Kaya naniniwala ang maraming manlalaro na ang paggamit ng droga ay nakatutulong sa kanila, kung gayon bakit dapat ipagbawal ang mga droga?

Una, ito ay ginagawa upang pangalagaan ang diwa ng walang dayang paglalaro sa Olimpiks. Nariyan din ang bagay tungkol sa pangangalaga sa mga manlalaro. Ang mga droga sa isports ay naging isang malubhang pagkabahala nang ang siklistang Danes ay namatay dahil sa pag-abuso sa droga noong Palaro sa Roma ng 1960. Nito lamang 1987, si Birgit Dressel, ang inaasahan ng Kanlurang Alemanya na kukuha ng medalya sa heptathlon, ay namatay dahil sa paggamit ng mga isang daang iba’t ibang droga sa kaniyang pagpupunyaging magwagi ng medalyang ginto sa kaniyang pitong-larong paligsahan. Ang anabolic steroid, ang “wonder drug” na nagpapalaki ng kalamnan, ay maaari ring magdulot ng problema sa katawan ng gumagamit​—kanser sa atay, pagkabaog, pinsala sa bato, at sakit sa puso, upang banggitin lamang ang ilan.

Kung gayon, bakit ba nagdudroga ang mga manlalaro? “Ang pagdudroga ay naging malaking problema sa Olimpiks dahil sa labis-labis na paghahangad ng mga medalya,” sabi ni Lord Killanin, dating presidente ng IOC. Oo, ang kaisipang manalo-sa-anumang-paraan ang nagbuyo sa mga manlalaro sa droga. At ang puwersang gumaganyak sa likuran ng lahat ng ito ay salapi.

Salapi sa Anumang Paraan

“Sa katotohanan,” sabi ng editoryal ng pahayagang Mainichi Shimbun ng Hapón, “ang iskandalo tungkol kay Johnson ay nangyari dahil sa labis na paghahangad sa salapi at kabantugan sa daigdig ng isports.” Ang pagwawagi ng isang medalyang ginto sa Olimpiks ay nakadaragdag sa komersiyal na halaga ng isang manlalaro, sa gayo’y mas malaking pera ang mahihiling niya para sa mga paligsahang atletiko sa hinaharap gayundin ang mas maraming pagpapatibay. Ang iba ay nagkamit din ng mga pensiyon at bonus mula sa estado dahil sa pagwawagi ng isang medalyang ginto. Isang bansa ang nagbigay ng bonus para sa mga nagwagi ng medalyang-ginto, na nagkahalaga ng 60 ulit ng buwanang sahod ng isang karaniwang manggagawa.

Ang Olimpiks ay isang malakas na negosyo. Ang mga Koreanong nag-organisa ay umani ng probisyonal na pakinabang na $349,000,000. Sino ang may pananagutan sa pangangalakal ng palaro? “Ang International Olympic Committee (IOC), mangyari pa,” paratang ng isang pahayagan sa Tokyo, ang Asahi Evening News. “Pinayagan ng mga tao mismo na dapat sana’y nagtataguyod sa diwa ng Olimpik ang Palaro na maging isang komersiyal na palabas.”

Samantalang sinisikap na itaguyod ang pinakamataas na antas ng isports sa daigdig, sinang-ayunan ng IOC ang propesyonalisasyon ng mga manlalaro. Sa ipinanumbalik na laro ng tenis sa Olimpik, pinayagan nito ang “instant amateurs.” Habang sinususpinde ng milyonaryong mga propesyonal ang kanilang komersiyal na mga kontrata sa loob ng dalawang linggo, tumitira sa Olympic Village sa halip na sa maluhong mga otel, at naglalaro nang walang bayad, sila ay itinuturing na mga amateur.

Hindi lahat ay sumang-ayon sa gayong pagbabago sa simulain ng Olimpik. “Ito ay hindi makatarungan,” sabi ng delegado sa IOC ng Kuwait gaya ng iniulat sa The Korea Times. “Talagang dadalhin nito ang lahat ng laro sa isports sa komersiyalismo.”

Ang Wakas sa Unahan?

Mangyari pa, hindi lahat ng manlalaro ay may kaisipang manalo-sa-anumang-paraan, ni sila man ay nakikipagpaligsahan dahil sa pera. Isang yachtsman na nakakita ng isang nalulunod na kalahok ang iniwan ang karera at sinagip ito anupa’t siya ay naging ika-21. Marami ang nasiyahan na basta nakabahagi sa palaro. Gayunman, ang panlahat na pagdiriin ay hindi sa malinis na laro at sa “diwa ng Olimpik” kundi sa pagwawagi sa anumang paraan, kahit na gumamit ng droga. Nagsasalita tungkol sa problema ng droga, ang manlalaro ng E.U. na si Edwin Moses ay nagsabi: “Ang isport, at marahil ang kilusan ng Olimpik, ay mababang-mababa.”

Kawili-wiling pansinin kung bakit winakasan ang sinaunang Palarong Olimpik. “Noong ikaapat na siglo ng ating panahon,” sabi ng Seoul Olympic Organizing Committee, “ang impluwensiya ng mga pulitiko at ng naghahangad-sarili na mga mayayaman ang nagdala ng kabulukan sa Palaro at ang mga ito ay binigyang-wakas ni [Emperador] Theodosius I.” Tiyak na nakuhang muli ng dalawang salik na ito, ang pulitika at salapi, ang katanyagan sa modernong Olimpiks. Oo, ang espiritu na manalo-sa-anumang-paraan na inudyukan ng mga salik na ito ay nagpapabanaag lamang sa kasalukuyang lipunan ng tao. Kaya makabubuting itanong nating lahat, Magbalik pa kaya sa tunay na “diwa ng Olimpik” kapag ang palaro ay ganapin sa Barcelona, Espanya sa 1992, o ito kaya ay mananatili pa ring manalo sa anumang paraan?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang delegasyon ng Korea sa panimulang seremonya ng palaro

[Larawan sa pahina 17]

Ang paggamit ng steroids ng ilang manlalaro ay nagpapangit sa Palarong Olimpiks

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share