“Ang Susi sa Kapahamakan”
NAKAHAWAK na ako ng mga baril sapol nang ako ay bata, subalit hinding-hindi na ako muling magmamay-ari ng isa nito. Mayroon kaming isang maliit na sakahan, at inaakala kong kailangan ko ng isang baril para sawatain ang mga daga. Isang araw ang maybahay ko’t ako ay nagtatrabaho sa bukid, inihahanda namin ang bukid para sa pagtatanim. Napakainit nang araw na iyon, kaya iniwan namin ang aming dalawang anak na lalaki sa bahay kung saan mas malamig. Mga ilang daang piye lamang ang layo namin at inaakala naming sila ay maayos na makapaglalaro. Nasa traktora ako nang ang nakatatandang bata ay tumakbo sa akin at sumisigaw: “Daddy, sa palagay ko po’y nabaril si baby!” Tumakbo ako sa bahay at nasumpungan ko ang aking asawa sa may hagdan sa likuran na binibigyan ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) ang bata. Habang tinatawagan ko ang numerong 911, nagsumamo ako kay Jehova na harinawang tulungan niyang mabuhay ang aking anak, subalit kung hindi man pakisuyong alalahanin niya ito sa pagkabuhay-muli. Ang bata ay namatay sa bisig na kaniyang ina.
Siya ay dalawa at kalahating taóng gulang. Napakagiliw niya at walang malay. Inilista ng report ng pulisya ang pagbaril na aksidente. Kinuha ng nakatatandang bata ang riple sa aming kuwarto, kinargahan ito, at pinaglalaruan ito. Ang pagkamatay ng aming anak na lalaki, lalo na sa ganitong paraan, ay isang dagok na madarama namin hanggang sa araw na ibalik siyang muli sa amin ni Jehova.
Ang pag-iiwan sa mga bata na nag-iisa ay isang pagkakamali, subalit ang pagkakaroon ng isang baril sa bahay ang susi sa kapahamakan. Ang isang baril ay wala kundi isang kagamitan ng pagkawasak. Hinding-hindi ko magagawang bigyang-katuwiran ang pagkakaroon ng isang baril.—Liham na tinanggap noong nakaraang Disyembre buhat sa isang Saksi sa Arizona.