Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 5/22 p. 15-18
  • Kahindik-hindik na Pagtatanghal sa Langit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kahindik-hindik na Pagtatanghal sa Langit
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagsisimula Na ang Pagtatanghal
  • Ang “Mumunting Kulog” ay Gumagawa ng Malaking Kulog
  • Napakahusay na mga Abono, Pangglobong Batirya
  • Mga Kulog at Kidlat—Kagila-gilalas na Hari ng mga Ulap
    Gumising!—1999
  • Kidlat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ingatan ang Sarili Mula sa Kidlat!
    Gumising!—1996
  • Kulog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 5/22 p. 15-18

Kahindik-hindik na Pagtatanghal sa Langit

8,000,000 PAGTATANGHAL ARAW-ARAW

ANG mga bata ay buong ingat na nagsasaranggola. Si Benjamin Franklin ay nagpalipad ng isang saranggola at muntik nang napatay ang kaniyang sarili. Ang mga bata ay nagkakatuwaan. Si Franklin ay namumuhay nang mapanganib. Noong 1752 nagpalipad siya ng isang saranggolang seda noong bumabagyong may kulog at kidlat at nagkaroon ng mga kislap mula sa isang susi. Ang di-mapanganib na mga kislap ay maaaring ang nakamamatay na kidlat at kulog. Subalit, ang pagpapalipad ni Franklin ng saranggola ay humantong sa isang maligayang wakas​—ang paggawa niya ng lightning rod. Subalit sa kalaunan, ang kidlat mismo ay nanatiling isang hiwaga.

Ang mga hakbang upang maunawaan ito ay nagsimula isang siglo ang nakalipas, subalit ang ganap na pagkaunawa rito ay mailap pa rin. Ang kidlat ay maaaring mangyari sa loob ng isang ulap, sa ulap at ulap, o mula sa lupa patungo sa ulap. Subalit paano ba tumitindi ang positibo at negatibong lakas ng kuryente na pinagmumulan ng kidlat? Sinasabi ng teoriya na ito ay nangyayari kapag ang mga patak ng ulan at mga maliliit na butil ng yelo ay bumubunggo sa isang singaw ng mga patak ng tubig at mga kristal na yelo sa kahindik-hindik na mga thunderhead​—mga ulap na ilang milya ang taas, na tinatangay paitaas at paibaba ng hangin, lumalaki paitaas na parang mga ulo ng dambuhalang mga cauliflower.

Tungkol sa nakapaingay na mga gawaing ito, isang artikulo sa “The Electrification of Thunderstorms” sa Scientific American ay nagsasabi: “Ang mahalagang microphysics sa likuran nito hanggang sa araw na ito ay isang napabayaan at di-malutas na problema. Ang kakulangan ng microphysical ng paglalarawan ng static electrification ang pinakaseryosong hadlang upang maunawaan ang elektrisidad ng thundercloud (ulap na nagtataglay ng elektrisidad at pinagmumulan ng kidlat at kulog).” Gayunman, ang artikulo ay nagbibigay ng isang kawili-wiling pagkakatulad: “Ang saligang pisikal na mekanismo ay maihahalintulad sa anuman na nagpapangyari sa sapatos na magkaroon ng kuryente (charge) kapag ang isa ay lumalakad sa isang alpombra o sa isang salamin kapag ito ay ikinukuskos sa isang pirasong lana.”

Bagaman ang pinagmulan ng kidlat sa mga thunderhead ay pinagtatalunan pa, madalas itong nangyayari. Ang Reader’s Digest sa artikulo nito ay nagsasabi: “Ngayon mismo, habang binabasa mo ito, humigit-kumulang 1800 mga bagyo ng kuryente ang nagaganap sa buong daigdig. Ito’y naglalabas ng halos 600 mga kislap ng kidlat sa isang segundo, na 100 nito ay tumatama sa lupa. Iyan ay halos 8.5 milyong pagsabog ng kidlat na tumatama sa lupa sa bawat 24 oras.” Ang bilang ng Scientific American ay halos pareho​—8 milyon.

Ang aktuwal na kislap ng kidlat ay bunga ng isang sukdulan ng sumusunod na mga pangyayari. Ang thundercloud ay lumilikha ng negatibong lakas ng kuryente sa ibaba nito, na humihikayat ng positibong lakas ng kuryente sa ibabaw ng lupa na nasa ilalim nito. Ang positibong lakas na ito ng kuryente ay sumusunod sa ilalim ng ulap, dinaraanan ang mga punungkahoy, mga burol, matataas na gusali, pati na mga tao, inaabot ang negatibong ilalim ng ulap. Kapag ang ulap ay nakapagtipon ng 100-milyong-boltaheng potensiyal​—maaaring kasindami ng 300 milyong boltahe​—ang enerhiya nito ay sumasabog sa kung ano ang tinatawag na stepped leader. Ang landas nito ay iregular at nag-aanyo ng maraming sangay sa landas nito pababa.

Nagsisimula Na ang Pagtatanghal

Nagdadala ng mga ilang daang amperes sa isang sala-salabat na mga palawit na napakalabo upang makita ng mata ng tao, ang stepped leader ay lumalapit sa ibabaw ng lupa​—mga isang daang metro o wala pa. Ngayon ang positibong lakas ng kuryente sa lupa sa wakas ay natatalon ang agwat, nakakatagpo ang stepped leader, at taglay ang pagkalaki-laking silakbo ng liwanag, humahagibis ito paitaas sa landas na iniwan ng lider at nakakarating sa ulap. Habang ito ay humahagibis, pinupunô nito ang panlabas na mga alulod at mga kurbada upang mag-anyo ng nagliliyab na marami-alulod na disenyo na pamilyar sa atin​—isang kidlat na para bang galing sa ulap patungo sa lupa, subalit sa aktuwal ito ay mula sa lupa patungo sa ulap. Gayunman, karaka-raka pagkatapos ng unang kislap, ang kidlat at ang lider ay paulit-ulit na naglalakbay nang paroo’t parito sa pagitan ng ulap at ng lupa. Ang karaniwang kidlat ay may tatlo o apat na gayong paghampas, subalit ang Scientific American ay nag-ulat ng isa na may 26!

Ang kidlat ay lumilikha ng kulog, isa sa pinakamalakas na tunog sa kalikasan. Subalit paano bang ang isang kidlat ay lumilikha ng isang pagsabog ng kulog, totoong biglaan, lumilikha ng sunud-sunod na tunog na lumalagapak at gumugulong, humahaginit at dumadagundong, ng mga ilang segundo pagkatapos? Ang kidlat na iyon na nagpapangyari ng isang dumadagundong na pagsabog ay hindi isang himala. Ang hangin ay may electrical resistance, kaya ito ay iniinit sa pagdaraan ng kuryente kung paanong iniinit ng dumaraang kuryente ang kawad. Iniinit ng kidlat ang nakapaligid na hangin ng hanggang 30,000 digris Celsius, pinapangyari itong mabilis na lumaki na gaya ng isang pagkalaki-laking shock wave na may puwersa na mula 10 hanggang 100 atmospera, na di nagtatagal ay nagiging napakalakas na dagundong​—ang kulog. Yamang ang tunog ay naglalakbay nang mas mabagal kaysa liwanag, hindi kataka-taka na ang kulog ay karaniwang naririnig mga ilang segundo pagkatapos makita ang kidlat.

Ang “Mumunting Kulog” ay Gumagawa ng Malaking Kulog

Subalit bakit ba sarisari ang tunog ng kulog? Ang kidlat ay naglalakbay sa baku-bakong landas, subalit maraming bahagi ng iba’t ibang haba ay tuwid. Ang bawat isa sa mga bahaging ito ay tumuturo sa iba’t ibang direksiyon, iba’t iba ang haba, gumagawa ng sarili nitong tunog, at inilalabas ang tunog nito sa mga alon na hindi halos kapantay ng oryentasyon nito. Kaya, maraming indibiduwal na “mumunting kulog” na sarisari ang lakas at direksiyon ay nagsasama upang gumawa ng mga haginit, dagundong, at mga alingawngaw na naririnig mo sa isang malakas, mahabang dagundong ng kulog. Ang lahat ng mumunting kulog ay halos tumutunog na magkakasabay, subalit yaong pinakamalapit sa nakikinig ang unang naririnig at ang haginit ay pinakamalakas, samantalang ang iba na mas malayong kidlat ay magdaragdag ng kanilang ugong sa dakong huli​—kung gaano kahuli ay depende sa kung gaano kalayo ito. Kaya, “kung ano ang naririnig sa dagundong ng kulog,” sabi ng artikulo sa Scientific American na pinamagatang “Thunder,” ay “depende sa malaking bahagi sa mga katangian ng partikular na kislap ng kidlat na gawa nito.”

May iba’t ibang uri ng kislap ng kidlat, na lumilikha ng iba’t ibang kulog, ang ilan ay naririnig ng mga tao, ang ilan ay hindi. Halimbawa, may mga kidlat na tinatawag na streak, ribbon, forked, heat, sheet, intracloud, biglang mga pagkulog, at superkulog. Ang karaniwang mga kulog ay naglalabas ng halos isang bilyong watts, subalit ang mga superkulog, ang pambihirang mga kislap ng kulog na natuklasan kamakailan, ay nagbibigay ng mula isang daang bilyon hanggang mga sampung trilyon!

Ang kidlat ay nakapipinsala. “Sa E.U. lamang ang kidlat ang dahilan ng halos 150 mga kamatayan taun-taon at pumipinsala ng ari-ariang nagkakahalaga ng $20-milyon at nagsisimula ng 10,000 mga sunog sa gubat, na sumisira ng $30-milyong halaga ng troso,” sabi ng Scientific American.

Napakahusay na mga Abono, Pangglobong Batirya

Subalit ito rin ay kapaki-pakinabang. Sa buong daigdig, walong milyong kidlat ang araw-araw ay pumipilas sa atmospera, ina-ionize ang hangin, gumagawa ng mga nitrogen oxides, na tinutunaw sa ulan at dinadala sa lupa bilang hinalong nitric acid. Doon ito ay natutunaw at nagiging mineral na kailangan ng mga halaman. Binibigyan din nito ng nitroheno ang mga halaman. Ang mga magsasaka ay nagdaragdag ng mga abonong nitroheno, sampu-sampung milyong tonelada nito taun-taon​—napakarami anupa’t ito ay nakamamatay sa mga organismo sa lupa at sa dakong huli’y pinapatay ang mga hayop at ang mga isda sa mga lawa, sapà, at mga ilog. Subalit ang “tubig-ulan ng bagyong may kidlat at kulog” ay nagdaragdag ng pihong nitroheno sa tamang dami, at sa mga paghahambing na pagsubok ay nagbunga ng 50 porsiyentong mas maraming ani kaysa roon sa ginamitan ng komersiyal na mga abono. “Ang kidlat,” sabi ng New Scientist, “ay maaaring siyang dahilan ng kalahati ng panustos na pihong nitroheno ng daigdig, sang-ayon sa dalawang kemikong Amerikano. Ito ay halos limang ulit na mas marami kaysa dating inaakala.”

At, ang mga bagyo ng kidlat at kulog ay nag-aanyo ng “mga batirya” upang panatilihin ang pangglobong circuit. Tungkol dito, ang Scientific American ay nagsasabi: “Sa pagitan ng negatibong lakas ng kuryente na ibabaw ng lupa at ng positibong lakas ng kuryente na atmospera ay ang walang pagbabagong potensiyal na pagkakaiba na halos 300,000 boltahe. . . . Ipinalalagay ngayon na itong 300-kilo-boltahe na ‘ionospheric potential’ ay ang resulta ng pagkakarga ng kuryente sa pamamagitan ng mga bagyo ng kidlat at kulog, na nag-aanyo ng ‘mga batirya’ ng pangglobong circuit. Ang mga agos ng kuryente na halos isang ampere sa bawat bagyo ay dumadaloy pataas mula sa positibong ibabaw ng thunderclouds at nagbabalik sa lupa sa mga rehiyon ng atmospera na mahusay ang lagay ng panahon. . . . [Pagkatapos] ang isang-ampere na agos ng kuryente ay kailangang dumaloy mula sa ibabaw ng lupa tungo sa ibaba ng ulap. Ang mga agos ng ulan, paglalabas ng kislap at kidlat ay pawang nakatutulong sa paglilipat na ito ng lakas ng kuryente.”

Ano ang ultimong pinagmumulan ng kadakilaan ng bagyo ng kidlat at kulog? Ang Diyos na Jehova ang Maylikha ng kahindik-hindik na pagtatanghal sa langit na kumikislap at dumadagundong sa kasindak-sindak na mga pagkislap at nakabibinging mga kulog. Binabanggit ng Bibliya ang mga ito bilang mga saliw sa kaniyang pakikitungo sa tao, bilang mga palamuti sa kaniyang makalangit na trono, at bilang mga tagapagbalita ng kaniyang dumarating na kahatulan. “Ang mga kidlat niya’y sa mga wakas ng lupa. Kasunod nito’y isang hugong na dumadagundong; siya’y kumukulog ng hugong ng kaniyang karilagan.”​—Job 37:3, 4, 11-13; 40:9; Exodo 19:16; 20:18; Awit 18:13, 14; 29:3-9; Apocalipsis 11:19.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Pagtatanghal ng kidlat kung panahon ng “monsoon” sa Arizona

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Ibaba: Dalawang yucca na itinatampok ng kidlat

Sa kabilang pahina: Sunog na sinimulan ng kidlat

[Credit Line]

John Kamenchuk

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Tucson, Arizona; kuha ng Manley Studios

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share