Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 6/8 p. 6-8
  • Kapangyarihan Ba ng Tao ang Susugpo Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapangyarihan Ba ng Tao ang Susugpo Nito?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paligsahang Patay-kung-Patay
  • Kahina-hinalang Negosyo
  • Sandata
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tabak
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Busog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kalasag
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 6/8 p. 6-8

Kapangyarihan Ba ng Tao ang Susugpo Nito?

YAMANG ang mahahalagang gamit at serbisyo ay ninanakaw sa dukha ng mga negosyante ng armas, bakit hindi ito sinusugpo ng tao? Ang payak na sagot: Ang negosyo ng armas ay may dulot na salapi at kapangyarihan. Ang mga sumusunod na katotohanan hinggil sa lawak, interes, at pamamaraan ng malaking negosyong ito ay magpapakita sa inyo kung bakit walang taong makasusugpo nito.

Marami ang nabubuhay sa negosyo ng armas. Sa pasimula pa ng siglong ito, ang negosyo ng armas ay nangunguna na sa mga industriyang pandaigdig. Mga 50 milyong tao sa buong daigdig ang nabigyan ng trabaho, sa tuwiran o di-tuwiran. Bukod dito, isang kapat na bahagi, o mga 500,000, ng mga siyentipiko sa daigdig ay nasasangkot sa pagsasaliksik sa militar.

Nasasangkot ang napakalaking gastusin. Mula noong 1960 ang mga bansa sa daigdig ay nakagugol na ng 15.2 trilyong dolyar ($15,200,000,000,000 sa dolyar ng E.U. noong 1984) sa paligsahan sa armas. At nagpapatuloy pa ang mahigpit na pangangailangan sa armas. Halimbawa, noong 1987 ang guguling militar ay umabot sa pinakamataas na 1.8 milyong dolyar bawat minuto! Dalawampu’t dalawang maiinit na digmaan, na may 2.2 milyong biktima, ang ipinakipagbaka noong 1987​—mas maraming digmaan kaysa alinmang naunang taon sa kasaysayan!a Ang digmaan ng Iran at Iraq, pinakamadugo at pinakamagastos na lokal na digmaan sa kasaysayan, ay umangkat ng armas mula sa buong daigdig sa loob ng maraming taon.

Bagaman laging pinag-uusapan ang kapayapaan, ang pandaigdig na guguling militar ay umabot na sa isang trilyong dolyar. Ang totoo, ang gugol ng daigdig sa militar ay halos tatlong libong ulit ng nagugugol sa pakikipagpayapaan!

Maraming bansa ang nasa likod ng eskaparate ng pandaigdig na pamilihan ng armas. Nangunguna ang dalawang superpower bilang tagapaglako. Ang Pransiya, Britanya, Kanlurang Alemanya, at Italya ang pinakamalalaking negosyante ng armas sa Kanlurang Europa. Kamakailan ay sumali na rin ang Gresya, Espanya, at Austria.

Ang mga bansang neutral ay nagbibili na rin ng armas at teknolohiya sa militar. Ang Sweden, na iginagalang bilang pinagmumulan ng Nobel Prize sa Kapayapaan, ay may dalawa sa pinakamasulong na pabrika ng armas sa daigdig, at nagluluwas ng kanilang yaring mga pandigmang jet, kanyon, at dinamita. Ang Switzerland, na nakatalaga sa Red Cross at sa makataong paglilingkod, ay nasasangkot na rin sa pandaigdig na negosyo ng armas. Karagdagan sa mainitang paligsahang ito, dumarami na rin mula sa Mahihirap na Bansa ang gumagawa ng armas.

Paligsahang Patay-kung-Patay

Lahat ng negosyante ay gustong makakumbinse at mag-anunsiyo na ang produkto nila ang pinakamagaling (maging ito’y kotse, pang-ahit, o walis). Kaya, sa maluluho, makukulay na babasahing pangkalakal, ginagarantiyahan ng mga negosyante ng armas ang bisa ng kanilang nakamamatay na produkto.

Ano ang reaksiyon ninyo kung mababasa ninyo sa pang-umagang pahayagan ang anunsiyong: “Naghahanap ng missile na pamatay? Ang RBS 70 ay may epektibong pampasabog”? O isa pa, na nag-aalok ng isang magaang na sandatang panlaban sa tangke: “Sapol​—at tiyak na patay! . . . Walang makahahadlang dito”?

Ang ganitong mga anunsiyo ay makasisindak sa mga tao kung ilalathala sa karaniwang mga pahayagan. Subalit ang mga babasahing nangangalakal ng armas ay punô nito. Gayunman, hindi mababasa roon na ang kaaway ay inaalok din ng sandatang ito na kasimbisa, kasing-epektibo, at kasinsapat sa teknolohiya ng iniaalok sa inyo. Hindi binabanggit roon kung papaano gagamitin ang mga sandatang ito, kung papaanong ang mga sibilyan​—na siya mismong “mamimili”​—ay maaapektuhan ng kakila-kilabot na mga sandatang ito.

Kahina-hinalang Negosyo

Samantalang ang karamihan ng transaksiyon sa armas ay ginagawa sa pagitan ng mga gobyerno, ang negosyo ay kahina-hinala. Isang pribadong ulat ang nagsasabi: “Isang malawak na sindikato sa komersiyo ang kumikilos nang pailalim at gayon din sa paraang hayagan. Itinataguyod ng mga pamahalaan ang sariling kapakanan, malimit ay palihim.”

Bagaman maraming bansa na gumagawa ng armas ang may mahigpit na tuntunin sa pagluluwas ng sandata sa mga bansang nagdidigmaan, patuloy na nakalulusot din ang mga ito. Isang ulat mula sa Stockholm International Peace Research Institute ay nagsasabi kung bakit: “Hindi makikilala nang tiyak kung alin ang legal, ‘puting’ bentahan ng armas, at kung alin ang ‘abuhin’ at ‘itim’ na transaksiyon. Walang bansang naglalako ng armas ang lubos na makasusupil sa kung papaano, laban kanino gagamitin, o sino ang gagamit ng mga sandatang ito.” Tinataya ng isang ulat sa Newsweek hinggil sa pagbebenta ng armas: “Malamang na mabigo ang mga hadlang sa pagbebenta ng armas habang dumarami ang bansang sumasali sa paligsahan sa pagbebenta ng armas.”

Sa likod ng pandaigdig na bentahan ng armas sa pagitan ng mga pamahalaan, isang grupo ng mga pribadong ahente ang kumikilos sa buong daigdig. May mga contact sila sa matataas na sirkulo ng militar at pulitika. Kabilang dito ang mga ahente na suwelduhan ng malalaking industriya sa armas, mga middlemen (mamamakyaw) na hindi humihipo ng armas, mga kontrabandista na nagpapalit ng droga para sa armas, at maliliit na mamumuslit.

Sa pagkagahaman nila sa salapi, walang hindi gagawin ang ibang kompanya ng armas. Ipakikita ng sumusunod na talaan ang ilan sa mga intriga na ibinintang sa kanila, ayon kay Anthony Sampson, imbestigador ng pagbebenta ng armas:

1. Pagkakalat ng banta-sa-digmaan at paghikayat sa sariling bansa na magtibay ng mga patakarang pandigma at magdagdag ng armas.

2. Malawakang panunuhol sa mga pinuno ng pamahalaan.

3. Pagpapalaganap ng maling ulat hinggil sa programang militar sa iba’t ibang bansa upang pataasin ang badyet sa mga armas.

4. Pagsupil sa mass media upang impluwensiyahan ang opinyon ng madla.

5. Panunulsol sa mga bansa na magdigma sa isa’t isa.

6. Pag-organisa ng pandaigdig na mga samahan na magpapataas sa presyo ng mga armas.

Sa kabila nito, ang negosyo ay pinakamaunlad kailanman. At wala yatang makasusugpo sa dambuhalang pamilihang ito ng armas. Nabigo ang dalawang pinakamalaking pandaigdig na organisasyong pangkapayapaan, ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa, sa pagkumbinse sa kahit isang miyembrong bansa na ‘pandayin ang kanilang tabak upang maging sudsod.’ Ang negosyo ng armas ay lubhang napupuluputan ng pulitika at ekonomiya ng daigdig kung kaya nadarama ng marami na walang puwersa ng tao ang makasusugpo nito. Kung gayon, may kapangyarihan ba na sapat ang lakas upang magawa ito?

[Talababa]

a Mga digmaan na may tinatayang isang libo o higit pang patay bawat taon.

[Blurb sa pahina 8]

Maging ang neutral na mga bansa ay nagbibili na rin ng armas at teknolohiya sa militar

[Mga larawan sa pahina 7]

Iniaanunsiyo ng mga negosyante ng armas ang kanilang nakamamatay na produkto sa maluluho, makukulay na babasahing pangkalakal

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share