Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Papaano Ko Titiisin ang Pag-aalimura?
“Kailanma’y hindi ako pinagbuhatan ng kamay ng tatay ko, pero pinagsasalitaan niya ako ng mga bagay na mas nakakasakit at mas nakakatakot kaysa alinmang sampal.”—Ann.
“Ang mga pag-aalimura ay nagpahina sa aking loob at ilang araw kong dinaramdam, kung minsan ay inaabot pa ng linggo. Sumugat ito sa aking isipan na bagaman naghilom din sa katagalan ay may iniwan namang pilat.”—Ken.
SINA Ann at Ken, gaya ng libu-libong tin-edyer, ay naging biktima ng tinatawag ng mga eksperto na sistematikong pagsira sa pagpapahalaga-sa-sarili ng mga kabataan—ang pag-aalimura. Bagaman walang nababaling buto at walang nakikitang galos, ang patuloy na pag-aalimura ng mga magulang ay itinuturing na isang lubhang mapanirang anyo ng pag-abuso sa kabataan.
“Nawalan na ako nang ganang mabuhay,” sabi ni Marleen, na nagtiis ng pag-aalimura ng kaniyang ina. Ang mababang pagpapahalaga-sa-sarili ay karaniwan kapag ang kabataan ay paulit-ulit na tinatawag na tanga o walang-pakinabang, o pinagbabantaan ng karahasan, o ipinadarama na siya’y isang kabiguan (“Lagi mo na lamang akong binibigo!”), o laging sinisisi sa mga kasakunaan (“Kasalanan mo kasi!”). Ang mabagal na pagsulong ng isip o emosyon at ang mapanira o mapagsariling paggawi ay ilan pang masamang epekto ng pag-aalimura. Kaya tama ang Bibliya nang ihambing nito ang epekto ng masasakit na salita sa “mga taga ng isang tabak.”—Kawikaan 12:18.
Kung tutuusin, ang inaakala ng kabataan na pag-aalimura ay malimit na pagdidisiplina lamang ng magulang. (Efeso 6:4) Ang gayong disiplina ay makabubuti sa iyo kahit inilalapat sa di kanais-nais na paraan. (Kawikaan 4:13) Bukod dito, ang mga magulang din ay “malimit matisod. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ay sakdal ang taong yaon.” (Santiago 3:2) Kaya sa matinding galit, kahit ang pinakamababait na magulang ay madalas magsalita ng mga bagay na pinagsisisihan nila. Ngunit kapag ang masasakit, mababagsik na salita ay bahagi na ng buhay, isang palagian at mapaminsalang ugali, ito ay maaaring humantong sa malubhang pagsugat sa damdamin.a
Sa gayong sitwasyon, ano ang magagawa ng kabataan? Una, unawain natin kung bakit nagaganap ang pag-aalimura.
Kung Bakit Sila Nang-aalimura
“Ang mga magulang na nagmamalupit sa kanilang mga anak ay hindi mga baliw sa kabagsikan,” sabi nina Blair at Rita Justice, “ni nagkukulang man sila ng pag-ibig sa kanilang anak.” Ipinakita ng kanilang pagsusuri sa malulupit na magulang na 85 porsiyento sa mga ito ay mga pinabayaan—kung hindi man pinagmalupitan—nang sila ay mga kabataan pa! Kaya naniniwala ang maraming eksperto na ang karamihan ng pagmamalupit ng magulang ay hindi gaanong matutunton sa pagkakasala ng bata kundi sa nagngangalit na damdamin ng kawalang-kapanatagan ng magulang.
Palibhasa hindi tumanggap ng sapat na pag-ibig at pag-aaruga mula sa sariling mga ina’t ama, maraming magulang ang nahihirapang maging maibigin sa kanilang mga anak. (Ihambing ang 1 Juan 4:19.) Ang maliliit na pagkukulang ng kanilang mga anak ay itinuturing na paghamak sa kanilang pagkatao, at ito ay ginagantihan ng masasakit na pagpuna at pagtuyang nakasisira ng amor propyo.
Tandaan din, yamang ito’y “panahon na mahirap pakibagayan,” ang kagipitan ng paghahanap-buhay at pagpapalaki sa anak ay mabigat na pasanin. (2 Timoteo 3:1) Palibhasa’y nadadaganan ng mga pasaning ito, ang ilang magulang ang agad nag-iinit sa bahagyang tanda ng paghihimagsik ng anak na lalaki o babae.
Totoo, hindi kailanman maipagpapaumanhin ang pag-aalimura. (Colosas 3:8) Ang mga magulang ay inuutusan na huwag “ipamungkahi sa galit ang [kanilang] anak, upang huwag manghina ang loob nila.” (Colosas 3:21) Gayumpaman, ang anak ay magkakaroon ng wastong pangmalas sa masasakit na salita kung uunawain nito na ang isang mapag-alimurang magulang ay baka labis na nagugulumihanan o nasa malubhang kagipitan. Ang ganitong unawa ay ‘makapagpapakupad pa ng galit’ sa bahagi ng kabataang inaalimura.—Kawikaan 19:11.
Pagtitiis ng Pag-aalimura
Kung ang iyong mga magulang ay may malubhang paghihirap sa damdamin, malimit na hindi ikaw ang dahilan. At wala ka rin sa kalagayan na tulungan sila sa problema nila. Kapag labis-labis na ang pag-aalimura baka makabubuti kung ang kabataan ay maghanap ng tulong sa labas, marahil ay sa isang Kristiyanong matanda sa kongregasyon.—Isaias 32:1, 2.
Sa kabila nito, madalas ay may magagawa ka upang mapagtiisan ang sitwasyon. Halimbawa, pagsikapang ‘igalang ang iyong mga magulang’—kahit na hindi mo matiis ang kanilang pagtrato. (Efeso 6:2) Ang pagsagut-sagot o, mas malubha pa, ang pakikipagsigawan sa kanila ay hindi kalugud-lugod sa Diyos at madalas ay lalo pang magpapalubha sa alitan.
Gayumpaman, “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.” (Kawikaan 15:1) Sa kaniyang aklat na My Parents Are Driving Me Crazy, inihalimbawa ng autor na si Joyce Vedral ang isang sitwasyon na kung saan napabulalas ang isang galit na ina, “Isinusumpa ko ang araw na ikaw ay isinilang ko.” Ang pagganti ng, “Isinusumpa ko ang araw na kayo ay naging ina ko,” ay magpapahaba lamang sa pagtatalo. Ganito ang sagot na iminumungkahi ni Vedral: “Alam kong madalas ko kayong pagalitin. Mahirap talaga ang maging magulang.” Hindi madali ang gumanti ng kabaitan sa isa na nagniningas sa galit, ngunit masusubhan nito ang apoy ng pag-aalitan.—Ihambing ang Kawikaan 26:20.
Kung minsan ay maiiwasan ang di kinakailangang pagsasagutan. Inamin ng dalagang si Barbara, nang binubulay ang mga alitan niya at ng kaniyang magulang nang kabataan pa: “Sana ay nag-isip muna ako bago magsalita. Dapat naging mas maunawain ako. Kung talagang galit na ang iyong magulang, maghintay. Kung hindi ay gagatungan mo lamang ang apoy.”
Sinabi pa ng isang kabataan: “Ngayon ko natatalos na kaya sila biglang nagagalit ay sapagkat hindi ko ginawa ang dapat kong gawin. Naging mas listo ako sa aking gawain sa bahay, gaya ng paghuhugas ng plato at pagtatapon ng basura.” Ang resulta? Nabawasan ang alitan.
Panumbalikin ang Pagpapahalaga-sa-Sarili
Sa kabila nito, ang pag-aalimura ay nakapipinsala sa pagpapahalaga-sa-sarili. Inamin ni Ann (na binanggit sa pasimula): “Kung minsan naniniwala na rin ako na ako’y tanga at walang pakinabang, at isang pabigat.” Papaano mo maiwawaksi ang ganitong negatibong damdamin?
Maraming kabataan ang nagtiis ng gipit na kapaligiran sa bahay at naging buo pa rin ang loob. Inihayag ng pagsusuri na “karaniwan nang may isa na talagang nagmamalasakit sa kanila.” Gaya ng paliwanag ni Janet Drobes, isang sikayatristang social worker: “Kailangan ng kabataan na makisama sa mga taong positibo at nagpapahalaga sa kanila.” Baka mabuti pa ang relasyon mo sa isa sa mga magulang mo at malapit ka pa rin sa kaniya. Sa kongregasyong Kristiyano ay marami ring mapagmalasakit na kapatid na talagang tutulong at aalalay sa iyo.—Kawikaan 13:20.
Ang pagsisimula ng isang mabungang hobby, gaya ng pag-aaral tumugtog ng instrumento o pagiging dalubhasa sa isang banyagang wika, ay tutulong din upang patibayin ang iyong pagpapahalaga-sa-sarili. At ang pagtulong sa iba na matuto ng Salita ng Diyos ay isang tunay na kasiya-siyang gawain—lalo na kung nakikita mong pinagpapala ng Diyos ang iyong pagsisikap! (Ihambing ang 1 Corinto 3:6-9.) Sinabi ni Ann: “Dahil sa [buong-panahong] ministeryo na maibiging ipinahintulot sa akin ni Jehova, naunawaan ko na ako’y hindi pala kasing-tanga na gaya ng inaakala ng aking ama.”
Mabuti na lamang, kahit na ang pinakamasaklap na sitwasyon ay hindi nananatili magpakailanman. At ang paggawi ng iyong mga magulang ay hindi humahatol sa iyo sa pagiging isa ring masamang magulang balang araw. Ang Salita ng Diyos ay makapaglalaan ng mas malaking impluwensiya sa iyo kaysa alinmang masamang halimbawa na ipinakita ng iyong magulang. Samantala, humingi ng tulong kay Jehova upang makapagtiis. Ang iyong pagsisikap na gumawi nang matuwid sa harap ng pag-aalimura ay magpapagalak sa kaniyang puso.—Kawikaan 27:11.
Posible pa nga na ang maygulang na pagharap mo sa mga bagay-bagay ay mag-uudyok sa iyong magulang na magbago. Sinabi ni Marleen, ang balisang babae na binanggit sa pasimula: “Ang buong buhay ko ay pawang sigawan at sagutan sa pagitan naming mag-ina. Pero ngayon ay sinisikap kong ikapit ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Mabisa ito. Nagsimula nang magbago ang saloobin ni Inay. Sa pagkakapit ng Bibliya, mas nauunawaan ko na siya ngayon. Sumulong ang aming ugnayan.” Sa pangunguna mo, bubuti rin ang inyong kaugnayan.
[Talababa]
a Sinasabi ng A Fact Sheet, lathala ng National Committee for Prevention of Child Abuse (E.U.): “Dapat pansinin na ang pananakit sa damdamin ay makikilala sa laganap na huwaran ng negatibong paggawi ng magulang at hindi dahil lamang sa paisa-isang pangyayari o dahil sa normal na pagbabagu-bago ng emosyon ng magulang.”—Amin ang italiko.
[Blurb sa pahina 12]
Isiniwalat ng isang pagsusuri na 85 porsiyento ng mapag-alimurang magulang ang dumanas din ng pag-aalimura noong kanilang kabataan
[Larawan sa pahina 13]
Ang pagsisimula ng isang mabungang hobby, gaya ng pag-aaral tumugtog ng instrumento, ay makapagpapatibay sa pagpapahalaga-sa-sarili