Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 6/8 p. 15-17
  • Mga Bulaklak ng Bundok Kahanga-hanga ang Tagal ng Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Bulaklak ng Bundok Kahanga-hanga ang Tagal ng Buhay
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahirap ang Buhay sa Taluktok
  • Magdahan-dahan, Masiyahan sa mga Ito
  • Isang Taguang Dako sa Hangin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Kagandahan ng mga Pambansang Parke sa Alpino
    Gumising!—1997
  • Mga Bundok Nanganganib
    Gumising!—2005
  • “Pumasok Ka Ba sa Tipunan ng Niyebe?”
    Gumising!—1985
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 6/8 p. 15-17

Mga Bulaklak ng Bundok Kahanga-hanga ang Tagal ng Buhay

ANG matataas na taluktok, ang sariwang hangin, at ang magandang tanawin ay umaakit ng milyun-milyong bakasyunista taun-taon sa nalalabing kanlungan mula sa panghihimasok ng tao​—ang mga kabundukan. Ang ganda ng mga bundok ay maaaring maging munti at matayog, kapuwa sa malapitan at sa malayong abot-tanaw.

Sa dulo ng tagsibol at sa tag-araw, ang gilid ng mga bundok ay nalalatagan ng mga bulaklak na sarisari ang kulay, at ang damuhan ay nagiging isang tabing na nabuburdahan ng bughaw, pula, at dilaw. Ang mga bulaklak ng bundok ay tumutubo sa buong daigdig, mula sa taas na mahigit 5,500 metro sa mga Himalayas pababa hanggang pantay-dagat sa Alaska at sa iba pang malalamig na dako.

Sa istriktong pananalita, ang mga bulaklak ng bundok ay yaong tumutubo nang lampas pa sa mga punungkahoy, nguni’t ang terminong “alpine” (bundok) ay tumutukoy din sa mga bulaklak na tumutubo sa mas mababang mga gubat at parang.

Ang nagtatangi sa mga bulaklak ng bundok ay ang kakayahang mabuhay sa malamig na klima na hindi matagalan ng ibang halaman.

Mahirap ang Buhay sa Taluktok

Sobrang init at lamig. Pambihira ang sobrang init at lamig na tinitiis ng ibang halamang bundok. Sa taluktok ng mga bundok, ang temperatura ng hangin ay maaaring bumaba ng 15 o 20 digri Celsius kung gabi. Ang mga halaman na tumutubo sa batuhan ay nakakatagal sa mga pagbabago ng temperatura na umaabot hanggang sa 70° C. sa loob ng 24 oras. Mas grabe pa ang temperatura kapag taglamig.

Maraming halamang bundok ang nagsisiksikan, at mababang-mababa sa lupa, na kung saan ang temperatura ay hindi gaanong malamig. Ang iba ay may sariling antifreeze: Ang dagta nito ay masyadong maasin upang matagalan ang mga temperatura na papatay sa karamihan ng halaman. Dahil sa panloob na kimikang ito, isang halamang bundok ang nabubuhay 1,900 kilometro sa hilaga ng Arctic Circle.

Kakulangan ng tubig. Bagaman malakas ang ulan sa bundok, ito ay pumapatak bilang niyebe sa malaking bahagi ng taon. Ang tubig ay hindi nasisipsip ng halaman hangga’t di natutunaw ang niyebe. Kaya ang ibang halamang bundok ay walang tubig sa loob ng anim na buwan o higit pa. Marami sa mga ito ang nakapag-iimbak ng tubig na gaya ng mga halaman sa disyerto.

Kapag natunaw na ang niyebe sa tagsibol, lumilitaw ang isang bagong problema: masyadong maraming tubig! Kaya, maraming bulaklak ng bundok ang tumutubo sa mga dahilig na kung saan agad nawawala ang tubig. Ang mga halamang bundok ay dapat mamulaklak agad sa maikling yugto na matubig at kapag tumataas ang temperatura. Ang ilan ay nagbibigay ng init habang sumisibol ang binhi, kung kaya’t ito ay nakakatagos sa niyebe at nakakapamulaklak bago tuluyang matunaw ang niyebe.

Malakas na hangin. Bukod sa pisikal na pinsala ng malakas na hangin, lubha ring nababawasan ang umido ng hangin at sanhi ito ng pagkaagnas ng lupa. Bilang proteksiyon, may mga halamang bundok na tumutubong gaya ng mga palumpong na tulad-kutson, samantalang ang iba ay mababang-mababa sa lupa.

Mapaminsalang liwanag na ultraviolet. Ang sobrang liwanag na ultraviolet ay makakasunog ng balat, kaya napipinsala din nito ang mga bulaklak ng bundok. Ang pangunahing epekto ay pagkabansot ng halaman, kaya ang mga halaman ng bundok ay mas maliit kaysa mga kauring tumutubo sa mas mabababang dako.

Sa kabila ng mabibigat ng problemang ito, ang mga bulaklak ng bundok ay may dalawang mahalagang kaalyado.

Niyebe. Ang niyebe ay nagiging isang mainit na kumot na pananggalang sa temperatura kapag mga buwan ng taglamig. Sa isang dako mahigit 15° C. ang kainitan ng nasukat na temperatura sa ilalim ng 50 centimetrong kapal ng niyebe kaysa sa ibabaw nito. Ang niyebe ay isa ring malaking imbakan ng tubig na makukuha sa mismong panahon ng pangangailangan, kapag tagsibol at ang mga halaman ay muling tumutubo.

Namumuong Singaw. Ang namumuong singaw (mist), na panganib sa mga naglalakad at umaakyat, ay tumutulong sa mga bulaklak ng bundok na mapanatiling basa ang atmospera. Kasabay nito, sinasala ng namumuong singaw ang mainit na sikat ng araw, at lumilikha ng walang-pagbabago, makulimlim na liwanag sa mga dakong nalililiman.

Magdahan-dahan, Masiyahan sa mga Ito

Saan makikita ang mga bulaklak? Halos saanman. Ang ilan ay napakaliliit at hindi napapansin agad. Subalit ang masusing pagmamasid sa matataas na dahilig ay malimit magsiwalat ng maliliit na bulaklak na kaakit-akit ang kulay at disenyo. Madalas ang isang buong kaparangan ay nalalatagan ng iisang uri, samantalang ang ibang bukirin ay tinutubuan ng iba’t ibang uri, anupa’t ang sarisaring kulay ng mga ito ay bumubuo ng isang di-malilimot na mosaic. Sa mga suluk-sulok ang ibang bulaklak na matitibay ang ugat ay nakabitin at nangungunyapit sa maliliit na siwang ng bato.

Sa tulong ng isang giya, hindi mahirap kilalanin ang mga bulaklak, at makadaragdag ito sa inyong kasiyahan. Ang panahong ginugol sa pagmamasid ay magbibigay ng bagong unawa sa katangi-tanging kagandahan ng mga bundok. Ang mabulaklak na palamuti nito ay nagpapaalaala sa mga salita ng mang-aawit: “Purihin si Jehova . . . mga bundok at lahat ng mga gulod.” (Awit 148:7, 9) Sa kaniyang karunungan, ang mga bundok ay binihisan ng Dakilang Maylikha ng magagandang bulaklak, gaya rin sa mga disyerto at mabungang kapatagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share