Puwede Ka bang Mag-alaga ng Hayop?
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Denmark
AYON sa pagsusuri sa haba ng nalalabing buhay pagkaraan ng mga atake sa puso, ang mga taong may alagang hayop ay mas bumuti ang kalagayan kaysa roon sa wala. Waring nakakapanatag ang pakikisama sa maaamong hayop. Ang mga hayop ay may mabuti ring impluwensiya sa mga baldadong katawan at isip at maging sa mga taong may sakit sa nerbiyos.
Bago magpasiya kung dapat mag-alaga ng hayop, may mga tanong na dapat isaalang-alang—sa ikabubuti ninyo, niyaong mga nakapaligid sa inyo, at sa ikabubuti ng hayop. Ang walang pagkiling na sagot ay tutulong upang maiwasan ang magastos na pagkakamali.
Ang wastong pag-aalaga ba ng hayop ay ipinahihintulot ng inyong istilo-ng-buhay? Lagi ba kayong wala sa bahay sa loob ng mahabang panahon? Ang mga anak ba ninyo ay may sapat nang gulang upang maunawaan ang kahulugan ng pag-aalaga ng hayop? May sapat na lugar ba kayo para sa uri ng hayop na naiisip ninyo, o ito ba ay lagi ninyong ikukulong sa masikip na lugar? Isipin ang mga tanong na ito bago kumuha ng alagang hayop.
Sa sinaunang Israel, pinapanagot ng Diyos ang mga may alagang hayop sa paraan ng pag-aalaga nila sa mga ito.—Exodo 23:4, 5; Deuteronomio 22:10; 25:4; Kawikaan 12:10.
Dapat Bang Magkaroon ng Alaga si Junior?
‘Dapat matuto ang bata ng pakikitungo sa hayop’ ay isang palagay na madalas marinig. Ang susing salita ay “matuto”—ang bata ay kailangang magkaroon ng sapat na gulang upang matuto.
Hindi alam ng mga batang musmos na ang kanilang pagpisil at pagyakap ay baka makasakit sa hayop at baka rin magdulot ng palagiang pinsala. Kaya, sinabi ng beterinaryo sa ina ng isang tatlong-taong-gulang na bata na gustong mag-alaga ng dagang costa na napakabata pa niya para sa gayong walang-kayang hayop. Iminungkahi ng beterinaryo sa ina na maghintay pa ng ilang taon bago bigyan ng alagang hayop ang kaniyang anak.
Inaakala ng mga magulang na madali nilang mabibigyan ng giya ang kanilang anak sa wastong pag-aalaga ng hayop. Subalit, kailangan ang mas mahabang panahon at pagtitiyaga kaysa inaakala, at madalas na ang napapahirapan ay ang alagang hayop!
Gaya ng alam ng mga magulang, ang mga bata ay mapilit kapag may gusto sila. Kaya, sa maraming kaso ang mga magulang ay sumusuko: “Sige, puwede kayong magkaroon ng alagang hayop, pero kayo ang mag-aasikaso.” Subalit, madaling makalimot ang mga bata, gaya ng madalas na paglimot sa pagpunas ng paa bago pumasok sa bahay. Mapanganib na ipaubaya ang kapakanan ng isang nabubuhay na nilikha sa isang maliit na bata kung walang wastong pangangasiwa mula sa isang nakatatanda.
Ang maaaring mangyari ay inilalarawan ng isang pamilya nang ang mga bata ay payagang mag-alaga ng kuneho. Isang araw napadaan ang lolo sa mga kulungan at nakitang ang mga kuneho ay hindi napakain at ang mga kulungan ay matagal nang hindi nalinisan. Napudpod ang ngipin ng isang kuneho dahil sa pagngatngat sa kulungan sa kagustuhang makalabas sa kulungan upang makakuha ng pagkain.
Ano ang leksiyon dito? Na kung balak ninyong bigyan ang inyong anak ng pananagutang mag-alaga ng hayop, tandaan na kahit nakatutuwa ang isang kuting o tuta at gaano man ang gawing pagmamakaawa ng inyong anak—ang mga nakatatanda pa rin ang may pangwakas na pananagutan. Madaling magsawa ang bata.
Mga Pusa’t Aso—At Kayo
Hindi lahat ng nasa hustong gulang ay nakatatalos sa ibubunga ng karagdagang “miyembro” ng pamilya. Malimit na hindi nila inaasahan ang hirap at pananagutan na maaaring idulot ng isang alagang hayop. Totoo ito lalo na sa mga Saksi ni Jehova, na abalang-abala sa ministeryong Kristiyano at madalas umalis upang dumalo sa mga pulong at kombensiyong Kristiyano. Kaya nagkakaroon ng suliranin sa paghahanap ng mag-aalaga. Tiyak na hindi wastong lumiban sa Kristiyanong mga gawain dahil lamang sa labis na sentimyento sa mga hayop.—Hebreo 10:24, 25.
Sa ngayon, na maghapong nasa trabaho ang maraming lalaki at babae, nagiging problema ang mga aso at pusa na naiiwan sa mga apartment sa lunsod. Halimbawa, isang babae ang nagpunta sa beterinaryo upang patulugin ang kaniyang pusa na naging kakatwa ang kilos. Nang matuklasan ng beterinaryo na ang pusa ay ikinukulong sa apartment nang maraming oras bawat araw, ipinasiya niya na ito ang sanhi ng suliranin. Bagaman ang mga pusa ay tahimik mamuhay, kailangan pa rin nila ang pakikipagniig sa mga taong “kasambahay” nila. Ang ibang hayop ay napahihirapan kapag ikinukulong sa isang sasakyan na walang sapat na bentilasyon.
Ang mga aso ay may dala ring pananagutan. Kailangan nila ng ehersisyo. Hindi sapat ang ipasyal ang aso minsan sa maghapon at pagkatapos ay iwan sa isang madilim na silong (na kung saan magdamag na siyang naroroon) o kaya ay lagyan ng maikling kadena. May pamilya sa Inglatera na nag-alaga ng masiglang sheepdog pero wala naman silang tupa! Ang aso ay naging alumpihit kaya ipinamigay nila ito sa isang magsasaka.
Kaya, ang sinumang nagnanais magkaroon ng alagang hayop ay dapat magsaalang-alang kung handa siyang gumawa ng araw-araw na pagsasakripisyo na kailangan ng isang malusog na alaga. May gamit ba siya sa wastong pangangalaga at atensiyon? At tandaan, ang mga hayop ay kumakain at ang malalaking hayop ay malakas kumain! Malaking gastos ito—isa pang salik na dapat isaalang-alang. Nagkakasakit din ang mga hayop, at baka magulat kayo sa laki ng gastos sa pagpapagamot.
Ang isa pang salik ay kalinisan. Ang dila ng maraming hayop ay kanila ring labakara, na ginagamit sa buong katawan nila! Bagaman nasasangkapan ang mga hayop upang labanan ang mga mikrobyo na maaari nilang makain, ang mga bata ay hindi. Kaya huwag hihimukin ang inyong anak na humalik sa hayop. At ang pagpapahintulot sa hayop na dumila sa mukha at kamay ng inyong anak ay maghahantad sa bata sa sakit, pati na sa bulate. Kapag nangyari ito, agad hugasan ng tubig at sabon upang maiwasan ang pagkahawa. Ang mga hayop ay dapat na may sariling pinagkakanan at hindi dapat payagang humimod sa mga platong ginagamit ng tao. Ang mga hayop ay nagdadala ng pulgas at iba pang “di-kanais-nais” sa loob ng tahanan. Ang ilan ay may katalinuhang nagbabawal sa kanilang alagang hayop na pumasok sa loob ng bahay.
Mga Ibon at Isda—At Kayo
‘Subalit, kumusta naman ang mga ibon?’ baka itatanong ninyo. ‘Mas madali ito—ikulong mo lamang sa hawla at pakanin ito paminsan-minsan.’ Ang mga loro at martines ay popular at natuturuang magsalita ng ilang kataga o parirala. Nakatutuwa din ang malambing na pag-awit ng mga canary. Ngunit ang mga ibon ay nangangailangan din ng patuloy na pag-aalaga.
Sumulat ang isang consultant: “Ang budgerigar [loro] ay isang buhay at maligayang nilikha. . . . Minsang magkaroon ng ibon, tinatanggap ninyo ang pananagutan ng pag-aalaga dito. Ang kakulangan ng kaalaman sa pagpapakain, espasyong kailangan, atbp., at ang kakulangan ng unawa sa kalikasan at kaugalian ng ibon ay naging sanhi ng kaawa-awang pamumuhay ng mga ito sa loob ng maraming taon, at palibhasa napapabayaan, kaya madaling namamatay. Kaya isipin itong mabuti bago magpunta sa isang tindahan ng mga alagang-hayop.”
Ang nasabi hinggil sa kalinisan ng hayop ay masasabi rin sa mga ibon. Ang tuka ang kanilang labakara. Tiyak na hindi matalino na payagan ang isang ibon na lumakad-lakad sa ibabaw ng lamesa at tumuka ng asukal o iba pang pagkain; ni magiging pantas ang magpakain ng ibon mula sa sariling bibig o plato. At ang isang ibon na nakakawala sa loob ng bahay ay maglalaglag ng dumi sa kahiya-hiyang mga lugar.
Kumusta naman ang mga isda? Maraming pamilya ang gustong magkaroon ng aquarium ng mga isdang tropikal at eksotiko sa kanilang sala. Nakasisiyang panoorin ito. Ngunit totoo ba na hindi ito masyadong nakakaabala? Sa kabaligtaran, isang maliit na pagkakamali sa temperatura ng tubig, o ng oksiheno ng tubig, ilaw, paglilinis, o pagpapakain, ay maaaring magbunga ng isang tangkeng punô ng patay na isda. Oo, kailangan din ng mga isda ang matalinong pangangalaga.
Sentido-Komon at Pagiging Timbang
Kung nagbabalak magkaroon ng alagang hayop o kung mayroon na kayo, maliwanag na mahalaga ang saligang kaalaman hinggil sa pagkain at kalusugan nito. Ang ilang minuto ng instruksiyon ay hindi sapat. Karamihan ng mga aklatang pampubliko ay may mga babasahin tungkol sa maaamong hayop at mga alagang hayop, at ang mga tindahan ay karaniwan nang may nakakatulong na babasahin tungkol sa pag-aalaga ng hayop.
Oo, kung nais nating mag-alaga ng hayop, sulit ang dagdag na pagsisikap na malaman ang mga pangangailangan nito. At ang pakikipagsamahan ay magiging lubhang kasiya-siya—para sa may-alaga at para sa hayop.
[Larawan sa pahina 19]
Nakatutuwa ang isang kuting,subalit nakakarumi ang paghalik dito