Lagi Ka Bang Huli?
DALAWANG kabataang lalaki ay gumawa ng mga imbitasyon para sa isang pagtitipon na gaganapin sa kanilang bahay sa Sabado alas 2:00 n.h. Nang maalaala na dalawa sa kaibigan nila ay laging huli, sinabi ng isang kabataan: “Bakit hindi natin isulat sa imbitasyon na ala 1:00? Malamang na alas 2:00 sila darating, tamang-tama.” At ganoon nga ang nangyari!
Hindi ganito kadali ang paglutas sa problema ng pagiging nasa oras. Ang totoo, ang pagiging huli ay lilikha ng malulubhang suliranin hindi lamang para sa mga nahuli kundi maging sa mga napilitang maghintay. Totoo, hindi lahat ng kultura ay nagpapahalaga ng pagiging nasa oras. Ngunit saan man kayo nakatira, malamang na sinisikap ninyong maging nasa oras para sumakay sa eroplano, sa pormal na pagtitipon, mga appointment sa trabaho, at sa mga sosyal na okasyon.
Kaya kung lagi kayong nahuhuli, ano ang tutulong upang maging nasa oras? At kung lagi kayong pinaghihintay ng iba, papaano mapagtatagumpayan ang palasak na ugaling ito?
Nakaugalian ba ninyo ang maging huli? Alamin muna ang dahilan. Madali ba kayong maabala? Nahihirapan ba kayong organisahin ang sarili at ang inyong pamilya? Ang ganitong mga impluwensiya sa pagiging huli ay mapagtatagumpayan kung talagang magsisikap. Halimbawa, maglagay ng takdang oras para sa regular na mga gawain at magplano ayon dito, na naglalaan ng mas malaking panahon sa bawat isa. Subaybayan ito nang pana-panahon. Sa halip na maging eksakto sa oras, sikaping dumating nang mas maaga. Gayunman, hindi kaya mas malalim ang ugat ng inyong pagiging huli?
Sikolohikal na mga Sanhi
Malimit ay may lihim na mga motibo sa likod ng pagiging huli—pag-iwas sa di-kanais-nais na gawain, pagpapa-importante, pagkuha ng atensiyon, o pag-iwas na maghintay sa iba.
Nagkukomento si Dr. Dru Scott sa isa pang mas tusong dahilan ng pagiging huli: “Ang isang ahente na handang-handa nang umalis sa opisina upang makipagkita sa importanteng kliyente ay biglang babalik upang ‘gumawa ng isa pang tawag sa telepono.’ Isang abogada na nakatakdang pumunta sa airport ay nakaisip na magpahuli dahil magdidikta siya ng ‘isa pang liham.’ Nagkakamit sila ng negatibong kasiglahan sa ganitong uri ng pagpapaliban. Lumilikha ito ng pangangailangan ukol sa huling-minutong pagmamadali.”
Oo, ang huling-minutong pagmamadali—bagaman di-kanais-nais—ay talagang nakakatugon sa pangangailangan ukol sa pampasigla. Kung inaakala ninyo na kayo ay “gumon” na rito, papaano ito mapagtatagumpayan? Nagmungkahi si Dru Scott: “Ang pampasigla ay isang saligang pangangailangan, isa na nadarama nating lahat. Hindi kawalan ng gulang ang maghangad nito. Ang paghahanap nito ay nadarama ng malulusog na tao. Natututo silang humarap dito sa mabungang paraan.”
Sa ibang salita, suriin ang inyong lingguhang plano. Naglaan ba kayo ng ilang positibong gawain na tutugon sa inyong pangangailangan sa kasiglahan? O ang inyo bang iskedyul ay isang talaan ng nakakasawa, pangkaraniwang rutina? Walang sinuman ang lubusang nakakasupil sa kaniyang gawain, subalit kung maglalaan kayo ng pampasigla kapag ito’y magagawa ninyo, mas madali ninyong mahaharap ang mga karaniwang gawain sa buhay at hindi na ninyo kailangang magpahuli upang maging masigla.
“Pero Mas Mahusay Ako Kapag May Panggigipit!”
Inaangkin ng iba na mas mahusay silang gumawa kapag hinihintay nila ang huling sandali. At kung totoo ito sa inyong kaso, mabuti iyon. Pero tapatin ang sarili. Talaga bang nakagagawa kayo nang pinakamahusay kapag hinihintay ang pinakahuling sandali?
Sa kaniyang aklat na Working Smart, ganito ang obserbasyon ni Michael LeBoeuf: “Kung mayroon man, ay iilan lamang ang nakagagawa nang mas mahusay kapag may panggigipit, sa kabila ng paniwala natin. . . . Una, kapag napipilitang magmadali, lumalaki ang posibilidad na magkamali. . . . Pangalawa . . . , baka may bumangong mas apurahang bagay at agawin sa iyo ang mahahalagang sandali na inilaan mo sa paggawa niyaon. . . . Pangatlo, ipagpalagay nang lahat ay naging maayos at talagang marami kang nagawa sa kakaunting panahon, nangangahulugan lamang ito na alam mong maging epektibo subali’t huwag masanay dito maliban na kung talagang nagigipit. Dinadaya mo ang iyong sarili sa hindi paggawa ng higit sa makakaya mo.”
Naiinis ba Kayong Maghintay?
Marahil kayo ay nasa oras pero laging napipilitan na maghintay sa mga huli. Papaano ninyo tutulungan o pagtitiisan ang mga kasambahay, kaibigan, o kasamahan na laging nahuhuli?
Matutulungan ninyo ang mga laging huli kung patiuna silang paaalalahanan sa kanilang pakikipagtipan o kung kakausapin sila nang tapatan tungkol sa problema. Marahil ang ilang huli kung dumating, dahil sa kapaligiran o sariling kahinaan, ay hindi nagpapahalaga sa tulong at patuloy na nagpapahirap sa iba sa pamamagitan ng hindi pagdating sa oras. Kung kayo ay dapat magtrabaho o makisama sa gayong mga tao, tanggapin ang kanilang pagiging huli bilang bahagi ng buhay at bumuo ng mga istratehiya upang mabisa itong mapagtiisan.
Halimbawa, umasang ikaw ay maghihintay at paghandaan ito. Baka puwede kayong magtagpo kung saan kaaya-aya ang maghintay, gaya sa isang tindahan o restauran. O magdala ng ilang trabaho o babasahin upang huwag mainip sa paghihintay. Makipagtipan nang mas maaga upang ang kanilang pagiging huli ay hindi hahadlang sa iba pa ninyong pakikipagtipan. Sa ilang pagkakataon, mabuti pang huwag nang isama sa inyong mga plano ang mga laging huli.
Gantimpalaan ang Inyong Mabuting Paggawi
Kung nahihirapan kang dumating sa oras, huwag magpaumanhin o magwalang-bahala sa kahinaang ito, at umasang hihintayin ka ng iba. Ito’y kawalan ng konsiderasyon sa buhay at damdamin ng iba. Kuning halimbawa ang babae na nahuli ng tatlong oras sa kaniyang kasal. Dahil dito, ang seremonya ay dali-daling inilipat sa isang pribadong tahanan, at naging malaking abala sa mahigit na 200 dumalo. Oo, ang pagiging maalalahanin sa iba ay mag-uudyok sa atin na maging nasa oras!
Tiyak na dahil sa pagsisikap kayo ay makakarating hindi lamang nang nasa oras kundi nang mas maaga para sa maraming pakikipagtipan at gawain. Kapag nangyari ito, gantimpalaan ang sarili! Sinabi ni Dr. Scott: “Ang panahong natipid ay gaya ng salaping natipid. Huwag itong isama sa araw-araw na badyet; gugulin ito sa isang bagay na gusto ninyo. Isipin ang lahat ng gusto ninyong gawin kung mayroon lamang kayong sobrang sampung minuto tuwing umaga, o kalahating oras sa gabi, o pailan-ilang minuto doon at dito sa maghapon. Maghanda ng ilang ideya, at gantimpalaan ang sarili kailanma’t kayo ay nagiging maaga.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
Mga Paraan Upang Huwag Maghintay Hanggang sa Huling Sandali
1. Hatiin ang malalaki, mahirap-kayaning trabaho sa mas maliit at makakayanang mga atas.
2. Gumawa ng pisikal na hakbang upang matapos ang isang gawain. Halimbawa, kung ipinagpapaliban ang pagbasa ng isang aklat, alisin ito sa istante at ilagay sa tabi ng paboritong upuan.
3. Mangako sa iba. Sabihin sa isang kaibigan o superbisor na tatapusin mo ang isang atas sa isang takdang panahon.
4. Gantimpalaan ang sarili kapag natapos ang bawat yugto ng isang proyekto.
5. Kung matutuklasan mo na ika’y nagpapaliban, aminin sa sarili, ‘Sinasayang ko ang panahon ko.’ Ang paalaalang ito ay aakay sa wastong pagsupil at pagpapasiya na huwag nang magpaliban pa.
6.Tayahin ang mawawala kapag nahuli: Lálakí ba ang trabaho? Lálakí ba ang gastos? Papaano kung magkasakit ka pagdating ng huling sandali? Papaano kung mas magtatagal ang proyekto kaysa inaasahan? Hindi kaya magkasunud-sunod ang pagkabalam? Mababawasan ba ang kalidad ng iyong ultimo-oras na trabaho?—Mula sa “How to Get Control of Your Time and Your Life,” ni Alan Lakein.
[Mga larawan]
Nadarama ba ninyo na kailangan ninyong ‘gumawa ng isa pang bagay’ bago umalis tungo sa isang tipanan?
Talaga bang mas mahusay kayo kapag may panggigipit?
Gamitin ang panahon ng paghihintay upang magpahingalay o gumawa ng anumang gusto ninyong gawin