Gaano Kalinis ang Inyong Pagkain?
NABAHALA si Jean nang makita niya sa loob ng refrigerator ang isang hiwa ng karne na para sana sa hapunan nila noong nakaraang Sabado. Nang sa di-inaasaha’y kumain sa labas ang kanilang pamilya nang gabing iyon, nalimutan niyang ilipat sa freezer ang karne. Apat na araw na ang nakakalipas.
May pag-aatubili, inilabas niya ang balutan, binuksan ito, at napatunayan ang kaniyang mga pangamba nang ito’y amuyin. Ngunit, inisip niya: ‘Siguro mawawala ang amoy kung lulutuin kong mabuti.’ Habang tinitimbang-timbang ito ay naalaala niya ang isang pamilyar na kasabihang: ‘Kapag may duda, ibasura.’ Sa pagtatapon ng karne, nailigtas ni Jean ang kaniyang pamilya mula sa posibleng panganib sa kalusugan na dulot ng maruming pagkain.
Subalit ang suliranin ng maruming pagkain ay lumilikha ng mas malulubha pang sitwasyon. Ang sakit na dulot ng maruming pagkain ay pangunahing sanhi ng kahirapan at kamatayan sa mahihirap na bansa. Maging sa maririwasang lupain ay milyun-milyon ang naaapektuhan. Halimbawa, sa United Kingdom mahigit na sampung libong kaso ng pagkakalason sa pagkain ang iniuulat taun-taon, at ang aktuwal na bilang ay baka isang daang beses ang dami kaysa rito. Ano ba ang nagsasapanganib sa pagkain?
Bakit Mapanganib?
Ang pagkain ay nagiging marumi dahil sa pagkahawa sa mapaminsalang baktirya. Nangyayari ito kapag hindi wastong nasasarhan ang isinasa-de-latang gulay sa bahay, ang litsugas sa ensalada ay hindi nahuhugasan nang husto, ang lutong karne ay matagal na naiiwan sa labas ng refrigerator, o kaya’y hindi maingat ang mga naghahanda ng pagkain. Ang pagkain din ay nadurumhan ng mga pestisidyo o ng di-sinasadyang pagkakahawa sa marurumi o nakalalasong sangkap.
Araw-araw napakaraming iniluluwas at inaangkat na maruming pagkain. Sa loob lamang ng tatlong buwan, mahigit na 65 milyong dolyar ng inangkat na pagkain ang tinanggihan ng Estados Unidos. Subalit, maraming bansa ang nanghihinayang na tumanggi sa maruming pagkain. Malimit itong ipagbili at kinakain.
Iniuulat ng magasing World Health na “ang mga sakit na dulot ng pagkain ay halos salot na sa buong daigdig, at hindi lamang sa gitna ng maralitang mga sambahayan.” Sinasabi rin ng magasin na: “Ang isa sa pinakamalaganap na problema sa kalusugan sa daigdig ngayon ay ang sakit at panghihina ng katawan na bumabawas sa salaping kinikita dahil sa maruming pagkain.”
Tinatayang mga 20 milyong tao sa Estados Unidos ang nagkakasakit taun-taon dahil sa maruming pagkain. At sa Europa, pangalawa sa sakit sa pulmon, ang mga sakit na dulot ng pagkain ay pangunahing sanhi ng kamatayan. “Ang industriyalisadong mga bansa ay may sariling mga panlasa at kaugalian na nagtataguyod ng mga sakit na dulot ng pagkain,” sabi ng isang siyentipiko. “Ang isa sa pinakalitaw na problema ay ang hilig sa malalaking piraso ng karne, na kinakain kahit hindi pa gaanong naluluto.”
Pagkain sa Labas
Madalas ang isa ay wala nang pag-aatubili sa pagkain sa restauran o kainan ng fast-food. Daan-daang libong pagkain ang inihahain araw-araw nang wala namang pinsala sa mga kumakain. Subalit, maging sa mayayamang lupain, marami ang naapektuhan ng malulubhang sakit na dulot ng pagkaing isinisilbi sa mga restauran.
Sa isang restauran sa hilaga-kanlurang Europa, halimbawa, mahigit na 150 tao ang nalason sa isang hapunang Pamasko. Nang malaunan natuklasan na ang mga litsong pabo ay hiniwa sa mismong mga tadtaran na ginamit sa paghahanda ng hilaw na mga pabo. Natuklasan nila ang baktiryang salmonella sa mga bitak ng tadtarang kahoy.
Sa isang pitong-araw na paglalayag, 20 porsiyento ng mga pasahero ang dinapuan ng diarrhea. Natuklasan na ang kusina ng barko ay punung-puno at marumi, at kulang ang espasyong mapag-iimbakan. Ang pagkain ay matagal na pinababayaan sa ibabaw ng mga lamesang hainan nang hindi inilalagay sa refrigerator, at ang mga tira ay inihahain uli kinabukasan.
Bagaman ang maruming pagkain ay problema rin sa mayayamang bansa, kapaha-pahamak ang mga resulta sa lupaing mahihirap.
Bahagi ng Araw-araw na Buhay
Iniuulat ng magasing World Health na sa maraming dako sa daigdig, ang pagiging palasak ng malnutrisyon ay hindi lamang sanhi ng kakulangan ng pagkain, “kundi sa halip ay dahil [sa] pagkain ng marumi, mapanganib na pagkain.” Umaakay ito sa paulit-ulit na pagkakasakit ng diarrhea at iba pang nakakahawang sakit.
“Noong 1980,” iniulat ng World Health, “nagkaroon ng 750-1,000 milyong kaso ng malubhang diarrhea sa mga batang wala pang limang taong gulang sa mahihirap na bansa (liban sa Tsina). Halos limang milyong bata ang namatay, sa bilis na sampung kamatayan sa diarrhea bawat minuto ng bawat araw ng bawat taon.” Ngunit hindi lamang mga bata ang namimeligro. Sinabi ng isang ulat noong 1984 hinggil sa “The Role of Food Safety in Health and Development” na “ang diarrhea sa mga naglalakbay ay isa nang laganap na palatandaan, na nakakaapekto sa 20 hanggang 50 porsiyento ng lahat ng manlalakbay.”
Ang kawalang-alam sa wastong kalinisan ay tiyak na siyang sanhi ng karamihan ng sakit na dulot ng pagkain. Sa simula ay baka malinis pa ang pagkain subalit nadurumhan ito ng mamimili o ng ibang tao, gaya ng tagapaglako o kusinero.
Gayon din, dumudumi ang pagkain dahil sa mga kaugalian sa kultura. Sa ilang dako sa Mexico, halimbawa, naniniwala sila na hindi dapat basain agad ang mga kamay na “napagod” sa pananahi, pamamalantsa, pagluluto ng tinapay, at iba pa. Kapag nalamigan ng tubig, sabi nila, nagdudulot ito ng rayuma o pulikat. Kaya, ang isang babae na “pagod” ang mga kamay ay maaaring pumasok sa kasilyas at saka maghahanda ng pagkain ng pamilya nang hindi na naghuhugas ng kamay. Kaya, kumakalat ang mapaminsalang baktirya.
Sa kabilang dako, ang ilang kultura ay may mga tradisyon na, kapag sinunod, ay tumutulong sa pagsugpo ng sakit na dulot ng pagkain. Sa maraming tahanan sa India, na sa sahig ginagawa ang pagluluto, ang mga panyapak na ginagamit sa kalsada ay iniiwan sa labas ng bahay, lalo na sa kusina. Isa pa, ang prutas ay binabalatan muna bago kainin. Ang karne ay kinakain sa lalong maagang panahon matapos katayin ang hayop. At maaaring kumain sa nahugasang mga dahon imbes na sa plato.
Pagharap sa Problema
Gaano tayo kalapit sa tunguhin ng paglalaan ng sapat na pagkaing malinis para sa lahat? Nagkukomento tungkol sa problema, sinabi ng isang ulat ng United Nations hinggil sa kalinisan ng pagkain: “Sa nakalipas na 40 taon, ang mga pandaigdig na organisasyon ay naglabas ng napakaraming teknikal na ulat at nagpasimula ng napakaraming programa sa paglutas sa suliranin. Ngunit patuloy na sumusulong ang mga sakit na dulot ng pagkain.”
Ang kailangan ay ang edukasyon ng publiko sa pangkalahatan at ng mga ina lalung-lalo na. Sa paraang ito makapag-iingat ang mga tao laban sa maruming pagkain at ang malinis na ugali sa pagkain ay magliligtas sa kanila at sa kanilang pamilya. Ang susunod na artikulo ay maglalaan ng ilang mungkahi.
[Larawan sa pahina 17]
Ligtas ang pagkain kapag ang kusina ay malinis, gaya ng tahanang ito sa India