Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 16—ika-9–ika-16 na siglo C.E.—Isang Relihiyon na Lubhang Nangangailangan ng Pagbabago
“Ang lahat ng pag-abuso ay dapat na baguhin.”—Voltaire, ika-18 siglong Pranses na manunulat ng sanaysay at mananalaysay
ANG unang mga Kristiyano ay hindi nagturo ng purgatoryo, hindi sumamba sa mga imahen, hindi nagpitagan sa “mga santo,” at hindi sumamba sa mga relikya. Hindi sila nakibahagi sa pulitika at hindi sila nakipagdigma. Subalit noong ika-15 siglo, hindi na ito sinusunod ng marami na nagsasabing mga tagasunod nila.
Ang “mga Erehes” ay Nanawagan Para sa Pagbabago
“Ang unang mga punla ng hidwang paniniwala [laban sa Katolisismo Romano] ay lumitaw sa Pransiya at sa gawing hilaga ng Italya noong mga taóng 1000,” sabi ng The Collins Atlas of World History. Ang ilan sa unang mga erehes ay mga erehes lamang sa paningin ng simbahan. Mahirap ngayon hatulan nang eksakto kung hanggang saan sumasang-ayon ang indibiduwal na erehes sa unang Kristiyanismo. Gayumpaman, maliwanag na sa paano man ang ilan sa kanila ay nagsisikap na gawin iyon.
Sa pasimula ng ikasiyam na siglo, ipinagbawal ni Arsobispo Agobard ng Lyons ang pagsamba sa imahen at ang pananalangin sa “mga santo.”a Isang punong diakono noong ika-11 siglo, si Berengar ng Tours, ay itiniwalag dahil sa pag-aalinlangan sa transubtansasyon, ang pag-aangkin na ang tinapay at alak na ginagamit sa Misang Katoliko ay aktuwal na nagiging katawan at dugo ni Kristo.b Pagkaraan ng isang siglo tinanggihan ni Peter de Bruys at ni Henry ng Lausanne ang bautismo ng mga sanggol at ang pagsamba sa krus.c Sa paggawa niyaon, naiwala ni Henry ang kaniyang kalayaan; naiwala naman ni Peter ang kaniyang buhay.
“Sa kalagitnaan ng ikalabindalawang siglo ang mga bayan sa Kanlurang Europa ay pinanghina ng mga sekta ng erehes,” ulat ng mananalaysay na si Will Durant. Ang pinakamahalaga sa mga grupong ito ay ang Waldenses. Napatanyag sila noong katapusan ng ika-12 siglo sa ilalim ng negosyanteng Pranses na si Pierre Valdès (Peter Waldo). Kabilang sa ibang bagay, hindi sila sang-ayon sa simbahan sa pagsamba nito kay Maria, pangungumpisal sa mga pari, mga Misa para sa patay, mga indulhensiya ng papa, hindi pag-aasawa ng mga pari, at ang paggamit ng nakamamatay na mga sandata.d Ang kilusan ay mabilis na kumalat sa buong Pransiya at sa gawing hilaga ng Italya, gayundin sa Flanders, Alemanya, Austria, at Bohemia (Czechoslovakia).
Samantala, sa Inglatera, kinondena ng iskolar sa Oxford na si John Wycliffe, nang dakong huli’y nakilala bilang “ang tala sa umaga ng Repormasyong Ingles,” ‘ang makamkam-sa-kapangyarihang herarkiya’ noong ika-14 na siglo. Sa pagsasalin ng buong Bibliya sa Ingles, ginawa niya at ng kaniyang mga kasama ang Bibliya na mababasa ng karaniwang mga tao sa kauna-unahang pagkakataon. Ang mga tagasunod ni Wycliffe ay tinawag na mga Lollard. Ang mga Lollard ay nangaral sa madla, namahagi ng mga pulyeto at mga bahagi ng Bibliya. Ang gayong “hidwang” paggawi ay hindi naibigan ng simbahan.
Ang mga ideya ni Wycliffe ay kumalat sa ibang bansa. Sa Bohemia ito ay nakatawag sa pansin ni Jan Hus (John Huss), rektor ng University of Prague. Kinuwestiyon ni Hus ang pagiging marapat ng pagkapapa at tumanggi siyang maniwala na ang simbahan ay itinatag kay Pedro.e Kasunod ng isang pagtatalo tungkol sa pagbibili ng mga indulhensiya, si Hus ay ipinagsakdal sa salang hidwang paniniwala at sinunog sa tulos noong 1415. Sang-ayon sa turong Katoliko, ang mga indulhensiya ay isang paglalaan kung saan ang parusa para sa mga kasalanan ay maaaring bahagya o ganap na ipagpatawad, sa gayo’y binabawasan o inaalis ang yugto ng panahon kung saan ang isang tao ay dumaranas ng pansamantalang parusa at paglilinis sa purgatoryo bago pumasok sa langit.
Ang mga panawagan para sa pagbabago ay nagpatuloy. Si Girolamo Savonarola, ika-15 siglong Italyanong predikador na Dominicano, ay nagsabi: ‘Ang mga papa at mga prelado ay nagsasalita laban sa pagmamataas at ambisyon, at sila’y nakalubog dito hanggang tainga. Sila’y nangangaral tungkol sa kalinisan gayunma’y nambababae. Iniisip lamang nila ang sanlibutan at ang makasanlibutang mga bagay; hindi nila iniintindi ang mga kaluluwa.’ Kinikilala kahit na ng mga cardinal na Katoliko ang problema. Noong 1538, sa isang memorandum kay Papa Paulo III, itinawag-pansin nila sa kaniya ang mga pag-abuso sa parokya, sa pananalapi, sa paghatol, at sa moral. Subalit ang papa ay hindi nakagawa ng maliwanag na kinakailangang pagbabago, at ito ang pumukaw sa Repormasyong Protestante. Kabilang sa unang mga lider sina Martin Luther, Huldrych Zwingli, at John Calvin.
Si Luther at ang ‘Di-inaasahang Pangyayari Noong Ika-16 na Siglo’
Noong Oktubre 31, 1517, niliyaban ni Luther ang relihiyosong daigdig nang tuligsain niya ang pagbibili ng mga indulhensiya sa pagpapako ng isang talaan ng 95 mga puntos ng pagtutol sa pintuan ng simbahan sa Wittenberg.
Ang pagbibili ng mga indulhensiya ay nagsimula noong panahon ng mga Krusada, nang ito ay ipagkaloob sa mga sumasampalataya na handang isapanganib ang kanilang buhay sa isang “sagradong” digmaan. Nang maglaon ito ay ipinagkaloob din sa mga taong nagbibigay ng pinansiyal na tulong sa simbahan. Hindi nagtagal, ang mga indulhensiya ay naging isang kombinyenteng paraan ng pangingilak ng salapi para sa pagpapatayo ng mga simbahan, mga monasteryo, o mga ospital. “Ang pinakamagagarang monumento noong Edad Medya ay tinutustusan sa ganitong paraan,” sabi ng propesor ng kasaysayan ng relihiyon na si Roland Bainton, binabansagan ang mga indulhensiya na “ang di-inaasahang pangyayari ng ikalabing-anim na siglo.”
Taglay ang matalas na dila kung saan siya napabantog, si Luther ay nagtanong: “Kung ang papa ay may kapangyarihang magpalabas sa sinuman buhat sa purgatoryo [salig sa mga indulhensiya], bakit sa ngalan ng pag-ibig ay hindi niya bigyan-wakas ang purgatoryo sa pamamagitan ng pagpapalabas sa lahat ng naroroon?” Nang siya’y hilinging mag-abuloy ng salapi sa isang Romanong proyekto ng pagtatayo, ang matalisik na sagot ni Luther ay na “makabubuting ipagbili ng papa ang St. Peter at ipamahagi ang salapi sa mahihirap na pinagsasamantalahan ng mga maglalako ng mga indulhensiya.”
Inatake rin ni Luther ang antisemitismong Katoliko, na nagpapayo: “Dapat nating gamitin sa mga Judio hindi ang batas ng papa kundi ang batas ni Kristo na pag-ibig.” At tungkol naman sa pagsamba sa mga relikya, tuyâ niya: “Ang isa ay nagsasabing may isang balahibo mula sa pakpak ng anghel Gabriel, at ang Obispo ng Mainz ay may apoy mula sa nag-aapoy na pulumpon ni Moises. At paano nangyari na ang labingwalong apostol ay inilibing sa Alemanya gayong labindalawa lamang ang apostol ni Jesus?”
Tinugon ng simbahan ang mga pag-atake ni Luther sa pamamagitan ng ekskomunikasyon. Inilagay ng Sagradong Romanong Emperador Charles V, na napahihinuhod sa panggigipit ng papa, si Luther sa ilalim ng pagbabawal. Ito ay lumikha ng pagtatalo anupa’t noong 1530 ang Kapulungan ng Augsburg ay ipinatawag upang talakayin ang bagay na ito. Ang mga pagsisikap na magkompromiso ay nabigo, kaya isang saligang pahayag ng Lutheranong paniniwala ang inilathala. Tinatawag na Augsburg Confession, ito ay katumbas ng pagsilang ng unang simbahan ng Protestante.f
Hindi Magkasundo sina Zwingli at Luther
Idiniin ni Zwingli ang Bibliya bilang ang sukdulan at tanging autoridad ng simbahan. Bagaman napasigla ng halimbawa ni Luther, siya’y tumutol na tawaging Lutherano, sinasabing natutuhan niya ang turo ni Kristo mula sa Salita ng Diyos, hindi mula kay Luther. Sa katunayan, hindi siya sang-ayon kay Luther kung tungkol sa ilang elemento ng Panggabing Hapunan ng Panginoon gayundin sa wastong kaugnayan ng Kristiyano sa mga autoridad ng bayan.
Ang dalawang repormador ay minsan lamang nagkita, noong 1529, sa tinatawag ng aklat na The Reformation Crisis na “isang uri ng relihiyosong komperensiya.” Sabi ng aklat: “Ang dalawa ay hindi naghiwalay na magkaibigan, kundi . . . isang notisya sa publiko ang inilabas sa pagtatapos ng komperensiya, na nilagdaan ng lahat ng mga kalahok, may kahusayang naitago ang lawak ng di pagkakaunawaan.”
Nagkaproblema rin si Zwingli sa kaniya mismong mga tagasunod. Noong 1525 isang pangkat ang humiwalay, hindi sumasang-ayon sa kaniya tungkol sa isyu ng autoridad ng Estado sa Iglesya, na kaniyang pinanindigan subalit hindi naman nila pinaniwalaan. Tinatawag na mga Anabaptista (“tagapagbautismong muli”), itinuring nila ang bautismo ng mga sanggol na isang walang saysay na pormalidad, sinasabing ang bautismo ay para sa mga sumasampalatayang may sapat na gulang. Tinutulan din nila ang paggamit ng nakamamatay na mga sandata, kahit na sa tinatawag na makatarungang mga digmaan. Libu-libo sa kanila ang pinatay dahil sa kanilang mga paniwala.
Ang Bahagi ni Calvin sa Repormasyon
Maraming iskolar ang may palagay na si Calvin ang pinakadakila sa mga repormador. Iginiit niya ang pagbabalik ng simbahan sa orihinal na mga simulain ng Kristiyanismo. Gayunman ang isa sa kaniyang pangunahing turo, ang predistinasyon, ay kahawig ng mga turo sa sinaunang Gresya, kung saan sinasabi ng mga Stoica na si Zeus ang tumitiyak ng lahat ng bagay at na dapat na tanggapin ng mga tao ang hindi maiiwasan. Ang doktrina ay maliwanag na hindi Kristiyano.
Noong panahon ni Calvin ang mga Protestanteng Pranses ay nakilala bilang mga Huguenot, at sila’y matinding pinag-usig. Sa Pransiya, simula noong Agosto 24, 1572, sa Pagpuksa noong Araw ni San Bartolome, pinatay ng hukbong Katoliko ang libu-libo sa kanila, una’y sa Paris at pagkatapos ay sa buong bansa. Subalit ang mga Huguenot ay gumamit din ng tabak at siya ring may pananagutan sa pagpatay ng marami noong madugong mga digmaan noong dakong huli ng ika-16 na siglo. Kaya pinili nilang waling-bahala ang tagubiling ibinigay ni Jesus: “Patuloy na ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig.”—Mateo 5:44.
Si Calvin ay nagpakita ng halimbawa, gumagamit ng mga paraan upang itaguyod ang kaniyang relihiyosong mga paniwala na inilarawan ng yumaong klerigong Protestante na si Emerson Fosdick na malupit at nakapangingilabot. Sa ilalim ng kautusan ng simbahan na ipinakilala ni Calvin sa Geneva, 58 katao ang pinatay at 76 ang pinalayas sa loob ng apat na taon; sa katapusan ng ika-16 na siglo, tinatayang 150 ang sinunog sa tulos. Ang isa sa mga ito ay si Michael Servetus, isang manggagamot at teologong Kastila, na tumanggi sa doktrina ng Trinidad, sa gayo’y naging “erehe” ng Lahat ng tao. Sinunog ng Katolikong mga autoridad ang kaniyang larawan; ang mga Protestante ay lumabis pa sa pagsunog sa kaniya sa tulos.
Sa Wakas, “Isang Nakatatakot na Katotohanan”
Bagaman sumasang-ayon kay Luther sa simulain, ang ilang magiging repormador ay humadlang. Isa na rito ang iskolar na Olandes na si Desiderius Erasmus. Noong 1516 siya ang kauna-unahang naglathala ng “Bagong Tipan” sa orihinal na Griego. “Siya ay isang repormador,” sabi ng publikasyong Edinburgh Review, “hanggang ang Repormasyon ay naging isang nakatatakot na katotohanan.”
Gayunman, ang iba ay nagpatuloy sa Repormasyon, at sa Alemanya at Scandinavia, mabilis na lumaganap ang Lutheranismo. Noong 1534 ang Inglatera ay humiwalay sa pangangasiwa ng papa. Hindi nagtagal ang Scotland, sa ilalim ng lider ng Repormasyon na si John Knox, ay sumunod. Sa Pransiya at Poland, ang Protestantismo ay legal na kinilala bago matapos ang ika-16 na siglo.
Oo, gaya ng angkop na pagkakasabi rito ni Voltaire, “Ang lahat ng pag-abuso ay dapat baguhin.” Subalit idinagdag pa ni Voltaire ang mga salitang, “Maliban na lamang kung ang pagbabago ay mas mapanganib kaysa pag-abuso mismo.” Upang lalo pang pahalagahan ang katotohanan ng mga salitang iyon, tiyaking basahin ang “Protestantismo—Talagang Isang Repormasyon?” sa aming susunod na labas.
[Mga talababa]
a Para sa katibayan ng mga doktrina at mga gawaing ito na hindi kilala ng unang mga Kristiyano, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., sa ilalim ng mga paksang “Apostolikong Paghahalili,” “Bautismo,” “Pangungumpisal,” “Krus,” “Tadhana,” “Imahen,” “Maria,” “Misa,” “Neutralidad,” at “Mga Santo.”
b Para sa katibayan ng mga doktrina at mga gawaing ito na hindi kilala ng unang mga Kristiyano, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., sa ilalim ng mga paksang “Apostolikong Paghahalili,” “Bautismo,” “Pangungumpisal,” “Krus,” “Tadhana,” “Imahen,” “Maria,” “Misa,” “Neutralidad,” at “Mga Santo.”
c Para sa katibayan ng mga doktrina at mga gawaing ito na hindi kilala ng unang mga Kristiyano, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., sa ilalim ng mga paksang “Apostolikong Paghahalili,” “Bautismo,” “Pangungumpisal,” “Krus,” “Tadhana,” “Imahen,” “Maria,” “Misa,” “Neutralidad,” at “Mga Santo.”
d Para sa katibayan ng mga doktrina at mga gawaing ito na hindi kilala ng unang mga Kristiyano, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., sa ilalim ng mga paksang “Apostolikong Paghahalili,” “Bautismo,” “Pangungumpisal,” “Krus,” “Tadhana,” “Imahen,” “Maria,” “Misa,” “Neutralidad,” at “Mga Santo.”
e Para sa katibayan ng mga doktrina at mga gawaing ito na hindi kilala ng unang mga Kristiyano, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., sa ilalim ng mga paksang “Apostolikong Paghahalili,” “Bautismo,” “Pangungumpisal,” “Krus,” “Tadhana,” “Imahen,” “Maria,” “Misa,” “Neutralidad,” at “Mga Santo.”
f Kapuna-puna, ang katagang “Protestante” ay unang ikinapit ng 1529 Kapulungan ng Speyer sa mga tagasunod ni Luther, na nagprotesta sa isang pasiya na pagkakaloob ng higit na relihiyosong kalayaan sa mga Katoliko kaysa kanila.
[Mga larawan sa pahina 18]
Si Martin Luther, isinilang sa Alemanya noong 1483, inordina sa pagkapari sa edad na 23, nag-aral ng teolohiya sa University of Wittenberg, naging propesor ng Banal na Kasulatan sa Wittenberg noong 1512, namatay sa edad na 62
Si Zwingli, isinilang sa Switzerland mga dalawang buwan pagkasilang kay Luther, inordina sa pagkapari noong 1506, namatay sa digmaan sa edad na 47 bilang isang Protestanteng kapilyan
[Credit Line]
Kunstmuseum, Winterthur
Si John Calvin, isinilang 25 taon pagkatapos ni Luther at ni Zwingli, lumipat siya sa Switzerland mula sa Pransiya na isang binata, nagtatag ng isang tunay na estado-simbahan sa Geneva, namatay sa edad na 54