Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 17—1530 patuloy—Protestantismo—Isang Repormasyon?
“Ang pagbabago ay hindi nangangahulugan ng pagpapabuti.” Edmund Burke, ika-18 siglong miyembro ng Parlamentong Britano
IPINALALAGAY ng mga mananalaysay na Protestante ang Repormasyong Protestante na siyang nagsauli ng tunay na Kristiyanismo. Sa kabilang dako, sinasabi naman ng mga iskolar na Katoliko na ito ay bunga ng teolohikal na pagkakamali. Gayunman, ano ba ang isinisiwalat ng kasaysayan ng relihiyon? Ang Repormasyong Protestante ba ay isang tunay na repormasyon, o ito ba ay isa lamang pagbabago, pinapalitan ang isang maling anyo ng pagsamba ng isa pa?
Ang Salita ng Diyos ay Binigyan ng Pantanging Katayuan
Idiniin ng mga repormador na Protestante ang kahalagahan ng Kasulatan. Tinanggihan nila ang mga tradisyon, bagaman sinasabi ni Martin Marty, senior editor ng magasing The Christian Century, na noong nakalipas na siglo, “parami nang paraming mga Protestante ang handang unawain ang kaugnayan sa pagitan ng Bibliya at ng tradisyon.” Gayunman, hindi ito totoo sa kanilang “mga ninuno sa pananampalataya.” Sa kanila “ang Bibliya ay may pantanging katayuan, at ang tradisyon o ang autoridad ng papa ay hindi makakapantay nito.”
Pinabilis ng saloobing ito ang interes sa pagsasalin, pamamahagi, at pag-aaral ng Bibliya. Noong kalagitnaan ng ika-15 siglo—mahigit na limampung taon bago nagsimula ang Repormasyon—ang kababayan ni Luther na si Johannes Gutenberg ay naglaan ng isang kapaki-pakinabang na kasangkapan sa dumarating na Protestantismo. Palibhasa’y nakagawa siya ng isang paraan ng pag-iimprenta mula sa nakikilos na uri, ginawa ni Gutenberg ang unang inimprentang Bibliya. Nakita ni Luther ang malaking mga posibilidad sa imbensiyong ito, at tinawag niya ang pag-iimprenta na “ang pinakabago at pinamagaling na gawa ng Diyos upang ikalat ang tunay na relihiyon sa buong daigdig.”
Mas maraming tao ang maaaring magmay-ari ngayon ng kanilang sariling Bibliya, isang pag-unlad na hindi sinang-ayunan ng Iglesya Katolika. Noong 1559 ipinag-utos ni Papa Paulo IV na walang Bibliya ang maaaring iimprenta sa sariling wika nang walang pagsang-ayon ng simbahan, at ito ay ayaw namang ipagkaloob ng simbahan. Sa katunayan, noong 1564 sinabi ni Papa Pius IV: “Ipinakikita ng karanasan na kung basta na lamang ipahihintulot ang pagbabasa ng Bibliya sa karaniwang wika, . . . mas maraming pinsala kaysa kabutihan ang nangyayari.”
Ang Repormasyon ay gumawa ng isang bagong uri ng “Kristiyanismo.” Hinalinhan nito ang autoridad ng papa ng napiling indibiduwal. Ang Misang Katoliko ay pinalitan ng liturhiyang Protestante, at ang pagkalaki-laking mga katedral na Katoliko ay hinalinhan ng hindi gaanong pasikat na mga simbahang Protestante.
Di-inaasahang mga Pakinabang
Itinuturo sa atin ng kasaysayan na ang mga kilusan na dating relihiyoso sa kalikasan ay kadalasang nagkakaroon ng sosyal at pulitikal na mga pahiwatig. Ito’y napatunayang totoo sa Repormasyong Protestante. Ang propesor ng kasaysayan sa Columbia University na si Eugene F. Rice, Jr., ay nagpapaliwanag: “Noong Edad Medya ang simbahan sa Kanluran ay naging isang korporasyong Europeo. Noong unang hati ng ikalabing-anim na siglo ito’y nahati sa maraming lokal na teritoryal na mga simbahan . . . [kung saan] ang sekular na mga pinuno ay nagsagawa ng pangangasiwa.” Ang resulta nito ay “ang pagwawakas ng mahabang labanan noong Edad Medya sa pagitan ng sekular na autoridad at autoridad ng klero. . . . Ang pagkakatimbang ng kapangyarihan ay palipat-lipat at sa wakas mula sa simbahan tungo sa estado at mula sa pari tungo sa karaniwang tao.”
Para sa indibiduwal ito ay nangangahulugan ng higit na kalayaan, kapuwa relihiyoso at sibil na kalayaan. Di-tulad ng Katolisismo, ang Protestantismo ay walang sentrong ahensiya upang sumubaybay sa doktrina o gawain, sa gayo’y ipinahihintulot ang mas malawak na relihiyosong opinyon. Ito naman, ay unti-unting nagtaguyod ng relihiyosong pagpaparaya at liberal na saloobin na hindi mailarawan ng isip noong panahon ng Repormasyon.
Inilabas ng higit na kalayaan ang dati-rating hindi ginagamit na lakas. Sabi ng iba, kailangan lamang ang pangganyak upang simulan ang sosyal, pulitikal, at teknolohikal na mga pag-unlad na siyang nagtulak sa atin sa modernong panahon. Ang Protestanteng etika sa trabaho ay “ikinapit sa pamahalaan at sa pang-araw-araw na buhay,” sulat ng yumaong autor na si Theodore White. Binigyan-kahulugan niya ito bilang “ang kredo na ang tao ay tuwirang mananagot sa Diyos sa kaniyang budhi at sa kaniyang mga kilos, nang walang pakikialam o pamamagitan ng mga pari. . . . Kung ang isang tao’y magpapagal, magbubungkal nang malalim, hindi magpapabaya ni magtatamad, at pangangalagaan ang kaniyang asawa at mga anak, kung gayon pagpapalain ng kapalaran o ng Diyos ang kaniyang mga pagsisikap.”
Bubulagin ba tayo ng wari’y positibong mga aspektong ito ng Protestantismo sa mga pagkukulang nito? Ang Repormasyong Protestante ay isa ring “okasyon ng katakut-takot na kasamaan,” sabi ng Encyclopædia of Religion and Ethics, na ang susog pa: “Ang panahon ng mga Jesuita at ng Inkisisyon ay winakasan . . . upang sundan lamang ng isa pang mas imbi. Kung nagkaroon man ng labis na kawalang-alam noong Edad Medya, mayroong higit na organisadong kasinungalingan ngayon.”
“Organisadong Kasinungalingan”—Sa Anong Bagay?
Ito’y “organisadong kasinungalingan” sapagkat ang Protestantismo ay nangako ng pagbabago sa doktrina subalit hindi niya ito nagawa. Kadalasan, ito’y ang patakaran ng simbahan, hindi ang pagiging di-totoo ng doktrina, na siyang nagpagalit sa mga repormador. Sa kalakhang bahagi, pinanatili ng Protestantismo ang nahawaan-ng-paganong relihiyosong mga ideya at mga gawain ng Katolisismo. Papaano? Isang namumukod-tanging halimbawa ay ang doktrina ng Trinidad, na siyang pangunahing saligan sa pagiging miyembro sa Protestanteng World Council of Churches. Ang panghahawakan sa doktrinang ito ay napakalakas, bagaman inaamin ng The Encyclopedia of Religion na ‘ang mga nagbibigay kahulugan sa mga teksto at mga teologo ngayon ay sumasang-ayon na saan man sa Bibliya ay hindi makikitang itinuturo ang doktrinang ito.’
Binago ba ng Protestantismo ang bulok na anyo ng pamamahala ng simbahan? Hindi. Sa halip, “ipinagpatuloy nito ang huwaran ng autoridad ng Katolisismo noong Edad Medya,” sabi ni Martin Marty, at “basta humiwalay sa Romano Katoliko upang itatag ang bersiyong Protestante.”
Ang Protestantismo ay nangako ring isasauli “ang pagkakaisa sa pananampalataya.” Gayunman, ang maka-Bibliyang pangakong ito ay hindi natupad dahil sa paglitaw ng maraming nagkakabaha-bahaging sektang Protestante.—Efeso 4:13.
Organisadong Kalituhan—Bakit?
Ngayon, 1989, ang Protestantismo ay gumuho sa napakaraming sekta at mga denominasyon anupa’t imposibleng tiyakin ang kabuuang bilang. Bago pa matapos sa pagbilang ang isang tao, bagong mga grupo ang natatatag o ang iba naman ay naglalaho.
Gayumpaman, ginagawa ng World Christian Encyclopedia ang “imposible” sa paghahati sa Sangkakristiyanuhan (noong 1980) sa “20,780 iba’t ibang denominasyong Kristiyano,” ang kalakhang bahagi nito ay Protestante.a Kabilang dito ang 7,889 klasikong pangkat ng mga Protestante, 10,065 karamihan ay hindi puting katutubong mga relihiyong Protestante, 225 mga denominasyong Anglicano, at 1,345 maliliit na grupong Protestante.
Bilang paliwanag sa kung paano nangyari ang nakalilitong iba’t ibang uring ito, na tinatawag na “isang tanda ng kalusugan at ng karamdaman,” binabanggit ng aklat na Protestant Christianity na ito “ay maaaring dahilan sa pagkamapanlikha ng tao at sa pagkanatatakdaan ng tao; maaaring dahilan din ito sa mapagmataas na mga tao na nag-iisip nang lubhang matayog ng kanilang pangmalas sa buhay.”
Anong pagkatotoo! Palibhasa’y hindi binibigyan ng sapat na konsiderasyon ang katotohanan mula sa Diyos, ang mapagmataas na mga tao ay nag-aalok ng bagong mga mapagpipilian sa paghanap ng kaligtasan, kalayaan, o katuparan. Ang relihiyosong pluralismo ay hindi itinataguyod ng Bibliya.
Sa pagtataguyod ng relihiyosong pluralismo, wari bang ipinahihiwatig ng Protestantismo na ang Diyos ay hindi nagbigay ng mga tuntunin kung paano siya sasambahin. Ang gayon bang organisadong kalituhan ay kasuwato ng isang Diyos ng katotohanan, na sinasabi ng Bibliya “ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan”? May pagkakaiba ba ang karaniwang naririnig na kaisipang Protestante na magtungo-ka-sa-simbahan-na-gusto-mo sa malasariling kaisipan na umakay kina Adan at Eva sa maling paniniwala at sa kasunod na problema?—1 Corinto 14:33; tingnan ang Genesis 2:9; 3:17-19.
Pagwawalang-bahala sa Pantanging Katayuan ng Bibliya
Sa kabila ng pantanging katayuan na ibinigay sa Bibliya ng unang mga repormador, sinimulan ng mga teologong Protestante noong dakong huli ang higher criticism at “sa gayo’y itinuring ang teksto sa bibliya,” sabi ni Marty, “na gaya ng turing nila sa iba pang sinaunang pampanitikang teksto.” Sila’y “hindi nagkaloob ng pantanging katayuan sa pagkasi sa mga manunulat ng bibliya.”
Samakatuwid, sa pag-aalinlangan sa pagkasi ng Diyos sa Bibliya, pinahihina ng mga teologong Protestante ang pananampalataya sa kung ano ang itinuturing ng mga Repormador na siyang pinaka-saligan ng Protestantismo. Ito’y nagbukas ng daan para sa pag-aalinlangan, malayang pag-iisip, at rasyonalismo. Kaya naman, maraming iskolar ang may palagay na ang Repormasyon ay isang pangunahing sanhi ng modernong sekularismo.
Nasangkot sa Pulitika
Ang nabanggit na bunga ay malinaw na katibayan na sa kabila ng mabuting mga intensiyon ng indibiduwal na mga repormador at ng kanilang mga tagasunod, hindi isinauli ng Protestantismo ang tunay na Kristiyanismo. Sa halip na itaguyod ang kapayapaan sa pamamagitan ng Kristiyanong neutralidad, ito’y napasangkot sa nasyonalismo.
Ito’y naging malinaw nang ang pagkakahati ng Sangkakristiyanuhan sa mga bansang Katoliko at Protestante ay magkatotoo. Kinaladkad ng mga hukbong Katoliko at Protestante ang dugo sa kontinente ng Europa sa isang dosena o higit pang mga digmaan. Tinatawag ito ng The New Encyclopædia Britannica na “Mga Digmaan ng Relihiyon na Ginatungan ng Repormasyong Aleman at Suiso ng 1520s.” Ang pinakabantog dito ay ang Tatlumpung Taóng Digmaan (1618-48), na kinasangkutan kapuwa ng pulitikal at relihiyosong mga pagkakaiba sa pagitan ng mga Protestante at mga Katolikong Aleman.
Umagos din ang dugo sa Inglatera. Sa pagitan ng 1642 at 1649, si Haring Charles I ay nakipagdigma laban sa Parlamento. Yamang ang karamihan ng mga kalaban ng Hari ay kabilang sa panig na Puritan ng Church of England, ang digmaan kung minsan ay tinutukoy bilang ang Rebolusyong Puritan. Ito’y nagwakas sa pagpatay sa Hari at sa pagtatatag ng isang panandaliang Puritan commonwealth sa ilalim ni Oliver Cromwell. Bagaman ang Ingles na Digmaang Sibil na ito ay pangunahin nang hindi isang relihiyosong labanan, ang mga mananalaysay ay sumasang-ayon na ang relihiyon ay isang salik sa pagpili ng papanigan.
Noong panahon ng digmaang ito, lumitaw ang relihiyosong pangkat na tinatawag na Friends, o Quakers. Ang pangkat na ito ay mahigpit na sinalansang ng “mga kapatid” nitong Protestante. Daan-daang miyembro ang namatay sa bilangguan, at libu-libo pa ang dumanas ng mga pag-insulto. Subalit ang kilusan ay kumalat, hanggang sa mga kolonyang Britano sa Amerika, kung saan noong 1681 si Charles II ay naglabas ng isang karta kay William Penn na magtatag ng isang kolonya ng Quaker, na nang maglaon ay naging ang estado ng Pennsylvania.
Ang mga Quaker ay hindi natatangi sa paghanap ng mga komberte sa ibang bansa, sapagkat nagawa na iyon ng ibang relihiyon noon. Gayunman, ngayon pagkatapos ng “Pagbabagong” Protestante, ang mga Katoliko, kasama ang maraming pangkat na Protestante, ay pinararami ang kanilang mga pagsisikap na dalhin ang mensahe ni Kristo ng katotohanan at kapayapaan sa “mga hindi sumasampalataya.” Subalit anong kabalighuan! Bilang “mga mananampalataya,” ang mga Katoliko at mga Protestante ay hindi sumasang-ayon sa iisang kahulugan ng katotohanan mula sa Diyos. At tiyak na hindi nila naipakita ang kapayapaan at pagkakaisang pangkapatiran. Dahil sa kalagayang ito, ano kaya ang maaasahan “Kapag Nagtagpo ang ‘mga Kristiyano’ at ‘mga Pagano’”? Basahin ang ika-18 yugto sa aming susunod na labas.
[Talababa]
a Ang reperensiyang akdang ito, inilathala noong 1982, ay nagpanukala na sa 1985 magkakaroon ng 22,190, na ang sabi: “Ang kasalukuyang pagdami ay 270 bagong mga denominasyon sa bawat taon (5 bagong denominasyon sa isang linggo).”
[Kahon sa pahina 26]
Unang mga Anak ng Repormasyon
ANGLICAN COMMUNION: 25 indipendiyenteng mga simbahan at 6 na iba pang mga lupon na nakikibahagi sa doktrina, patakaran, at liturhiya ng Church of England at kinikilala ang pangunguna ng Arsobispo ng Canterbury. Ang The Encyclopedia of Religion ay nagsasabi na ang Anglicanismo “ay naniniwala sa apostolikong paghahalili ng mga obispo at pinanatili nito ang maraming mga gawain bago ang Repormasyon.” Mahalaga sa pagsamba nito ang The Book of Common Prayer, “ang tanging liturhiya sa sariling wika noong panahon ng Repormasyon na ginagamit pa rin.” Ang mga Anglicano sa Estados Unidos, na humiwalay sa Church of England at itinatag ang Protestanteng Simbahang Episcopal noong 1789, ay minsan pang humiwalay sa tradisyon noong Pebrero 1989 sa pagtatalaga sa tungkulin ng kauna-unahang obispong babae sa kasaysayang Anglicano.
MGA SIMBAHANG BAPTIST: 369 na mga denominasyon (1970) mula sa ika-16 na siglong mga Anabaptista, na idiniriin ang adultong bautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Sinasabi ng The Encyclopedia of Religion na ang mga Baptist ay “nahihirapang panatilihin ang organisayonal o teolohikal na pagkakaisa,” at ang sabi pa na “ang pamilyang Baptist sa Estados Unidos ay malaki, . . . ngunit, gaya ng maraming malalaking pamilya, ang ibang mga miyembro ay hindi nakikipag-usap sa ibang miyembro.”
MGA SIMBAHANG LUTHERANO: 240 mga denominasyon (1970), ipinagmamalaki nito ang pinakamaraming kabuuang bilang ng mga miyembro kaysa anumang pangkat na Protestante. Sila ay “tila nahahati sa etnikong paraan (Aleman, taga-Sweden, atb),” sabi ng The World Almanac and Book of Facts 1988, gayunman, sabi pa nito, na ang “pangunahing mga pagkakahati ay sa pagitan ng mga pundamentalista at ng mga liberal.” Ang pagkakahati ng mga Lutherano sa nasyonalistikong mga kampo ay kitang-kita noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, nang, gaya ng sabi ni E. W. Gritsch ng Lutheran Theological Seminary, E.U.A., “isang maliit na minoridad ng mga pastor at mga kongregasyong Lutherano [sa Alemanya] ang tumanggi kay Hitler, subalit ang karamihan ng mga Lutherano ay alin sa nanatiling walang kibo o aktibong nakibahagi sa rehimeng Nazi.”
MGA SIMBAHANG METHODISTA: 188 denominasyon (1970) mula sa isang kilusan sa loob ng Church of England na itinatag noong 1738 ni John Wesley. Pagkamatay niya ito ay nagkahiwa-hiwalay bilang isang nabubukod na grupo; binigyan-kahulugan ni Wesley ang isang Methodista bilang “isa na namumuhay ayon sa paraang inilahad sa Bibliya.”
MGA SIMBAHANG REFORMED AT PRESBYTERIAN: Sa doktrina, ang mga simbahang Reformed (354 denominasyon hanggang noong 1970) ay Calvinistiko, sa halip na Lutherano, at ipinalalagay nila ang kanilang mga sarili na “binagong Simbahang Katoliko.” Ang “Presbyterian” ay humihirang ng mga matatanda (mga presbetero) na mamamahala sa simbahan; ang lahat ng mga simbahang Presbyterian ay mga simbahang Reformed, subalit hindi lahat ng mga simbahang Reformed ay may presbyterianong anyo ng pamamahala.
[Larawan sa pahina 23]
Isang magandang disenyong pahina ng Bibliyang Gutenberg sa Latin
[Credit Line]
Sa kapahintulutan ng Aklatang Britano
[Mga larawan sa pahina 24]
Si Gutenberg at ang kaniyang nakikilos-na-uring imprenta
[Larawan sa pahina 25]
Si John Wesley, nagtatag ng Simbahang Methodista (1738)