Pagmamasid sa Daigdig
PINAKAHULING BALITA TUNGKOL SA AIDS
Ipinakikita ng bagong pananaliksik na “maaaring dala ng mga tao ang virus ng AIDS ng mga tatlong taon na nang hindi natutuklasan sa pamamagitan ng pamantayang mga pagsubok para sa AIDS,” sabi ng The New York Times. Kamakailan lamang, naniniwala ang mga mananaliksik na ang antibodies sa AIDS ay ginagawa ng mga taong nahawaan nito sa loob ng anim na buwan mula sa panahon na ito ay nahawaan. Gayunman, ipinakita ng isang pag-aaral na isinagawa sa mga lalaking homoseksuwal na kilalang nahawaan ng virus ng AIDS na sangkapat sa grupo ang “hindi gumawa ng mga antibodies na nakikita sa pagsubok sa AIDS” sa loob ng “mahabang yugto” ng panahon. Sang-ayon kay Dr. Harold Jaffe ng Federal Centers for Disease Control sa Atlanta, ito’y nangangahulugan na ang mga indibiduwal ay maaaring “walang kamalay-malay na naghahatid ng virus” sa iba at pinararami ang panganib sa panustos na dugo ng bansa.
MGA DROGA AT KAMATAYAN
▪ Tinatayang halos kalahating milyong mga taga-Colombia ang naninigarilyo ng sigarilyong basuco, isang mababang-uri na kakambal na produkto sa pagproseso ng cocaine na itinataguyod ng mga negosyante ng droga na taga-Colombia. Iniuulat na palibhasa’y hinahaluan ng gas, sulfuric acid, at iba pang nakalalasong kemikal, ang droga ay maaaring pagmulan ng di-mababagong pinsala sa utak. Ang mga batang walong taóng gulang ay makikita sa maraming kanto ng Bogotá, hayagang nagbebenta at gumagamit ng nakamamatay na mga sigarilyo. Sang-ayon sa The Detroit News, sinasabi ng isang eksperto na ang mga taga-Colombia ay literal na “namamatay sa mga lansangan dahil sa paghitit ng basuco.”
▪ Isang milyong mga baril ang nasa kamay ng pribadong mga mamamayan ng Colombia, ulat ng United Nations Human Rights Commission sa Geneva. Sa lungsod lamang ng Medellín isang marahas na kamatayan ang nangyayari sa bawat tatlong oras. Ang problemang ito ay pinalulubha pa ng malaking labanang panloob na nagngangalit sa gitna ng mga negosyante ng droga sa Colombia. Ang malalaking tao sa negosyo ng droga ay nagtatayo ng paramilitar na mga grupo upang pangalagaan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya, na humantong sa di-mabilang na dami ng mga biktima na nawala o pinatay, sabi ng New Zealand Herald.
ANG BIGAT NG PAGKAKAUTANG
Isang paghihimagsik laban sa pagtaas ng halaga ng bilihin sa Venezuela ang nagbunga kamakailan ng 256 na mga kamatayan at libu-libo pa ang nasaktan. Ang pagtaas ng halaga ng bilihin ay maliwanag na nauugnay sa pagsisikap ng bansa na bayaran ang panlabas na pagkakautang nito. Ang bigat ng pagkakautang sa internasyonal na mga bangko ay dumarami sa maraming bansa, at sang-ayon sa magasing Veja ng Brazil, sa nakalipas na 20 taon, isa man sa mga bansang ito ay hindi nagtagumpay na patatagin ang ekonomiya nito. Ang Brazil lamang ay nagkakautang ng 112,000 milyong dolyar. Sa taunang interes na lamang sa pagkakautang nito, 5,000,000 mga tahanan o 53,000 mga paaralan ang maitatayo upang pakinabangan ng milyun-milyon. Inaamin ng maraming estadista at mga bangkero na ang pagkakautang ng Mahihirap na Bansa (Third World) ay hindi mababayaran. Sabi ni Michel Camdessus ng International Monetary Fund: “Ang nangyari sa Venezuela noong nakaraang linggo ay ang pagsabog ng isa lamang sa maraming bomba na maaari sanang paputukin malibang hindi masumpungan agad ang mga lunas sa krisis ng pagkakautang sa labas ng bansa. Ang mga bansang nagpapautang ay said na said na.”
LUBOG SA TUBIG NA HINAHARAP?
Ang kahila-hilakbot na mga hula tungkol sa pag-init ng mundo, na kilala bilang “greenhouse effect,” ay lalo nang nakatatakot sa mga residente ng islang bansa sa Pasipiko na Tuvalu. Gaya ng kung ano ito, halos walang dako sa Tuvalo ang tumataas ng mahigit sa dalawang metro sa ibabaw ng dagat. Gayunman, hinuhulaan ng mga siyentipiko ang pagtaas na antas ng tubig sa dagat. Sinisipi ng magasing New Scientist ng Inglatera ang isang eksperto na nagsasabi: “Kung tama ang internasyonal na tinatanggap na mga palagay, ang kalakhang bahagi ng Tuvalu ay aapawan ng tubig sa pagtatapos ng ika-21 siglo.”
MGA TAKOT SA PAGLIPAD
Ang abyasyong sibil ay nagkaroon ng malungkot na rekord noong 1988. Sa Helsinki, sa isang miting ng mga piloto ng eruplano na kumakatawan sa 72 mga bansa, iniulat na mayroon 578 mga kamatayan dahil sa sabotahe, pagha-hijack, at mga pagsalakay sa himpapawid o sa lupa na gamit ang mga sandatang militar. Kung isasama ang mga aksidente, ang kabuuang bilang ng mga namatay na pasahero at mga miyembro ng tripulante ay tumaas tungo sa 1,662, ulat ng pahayagang Suiso na Basler Zeitung. Ang gayong mga estadistika ay nagpapahiwatig na ang terorismo ay isang lumalagong banta sa abyasyong sibil.
DUKHANG MGA BATA
Ang Australia ang isa sa may pinakamataas na antas ng dukhang mga bata sa gitna ng mga bansa sa kanluran, sabi ng isang report sa Sun-Herald ng Sydney. Isang papeles sa pananaliksik na inilabas ng The Brotherhood of St. Laurence, isang pangkat na nagmamagandang-loob, ang nagmungkahi ng iba’t ibang sanhi, pati na ang lumalalang suliranin ng nagsosolong magulang. Tinukoy ng isang tagapagsalita para sa pangkat ng nagmamagandang-loob ang dukhang mga bata ng Australia bilang isang “pambansang kahihiyan sa isang bansa na kasingyaman ng Australia.”
PAGLILIGTAS SA KAGUBATAN
Ang University of California ay nag-uulat na sa kanilang unang buwan ng paggamit ng niresiklong papel para sa pag-iimprenta ng kanilang babasahin, 20 tonelada ng niresiklong papel ang nagamit. Sinasabi nila na ang bawat tonelada ay nagliligtas ng 17 punungkahoy, gumagawa ng kabuuang 340 na mga punungkahoy na naililigtas sa bawat buwan. Ang paggamit ng niresiklong papel ay hindi gaanong lumilikha ng polusyon sa hangin at tubig at nakapagtitipid ng halos 50 metro kubiko ng espasyo na panambak na lupa sa bawat buwan.
PAGHARAP SA SULIRANIN NG PAGTANDA
Sa mga surbey kamakailan na isinagawa sa Pederal na Republika ng Alemanya ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang isang positibong saloobin at pangmalas sa patuloy na kalakasan habang ang mga tao ay tumatanda. Tinantiya ng isang surbey ang pangmalas ng mga residente sa isang tahanan para sa mga matatanda. Batay sa mga sagot sa isang kuwestiyunaryo, 92 porsiyentong nahulaan ng mga siyentipiko nang may kawastuan kung sino sa mga nagsitugon ang makaliligtas sa mahigit na tatlong-taong yugto ng panahon. Isang report sa pahayagang Aleman na Rheinischer Merkur/Christ und Welt ay naghihinuha na yaong walang nakikitang kinabukasan sa kanilang sarili, o hindi gaanong iniintindi ang kanilang sarili at gumagawa ng kanilang sariling mga disisyon, ay maaaring mas maliit ang tsansa na makaligtas. Gayunman, ang matatanda ay karaniwang minamaliit. Napansin ng pahayagan na bagaman ang utak ng tao ay maaaring mawalan ng bilis at kakayahan nito habang nagkakaedad, “ang pagbagal na ito ay tinutumbasan” ng iba pang mga aspekto ng talino na nahahasa sa kagagamit at “kumikilos na mabuti sa dakong huli ng buhay.”
LUBHANG KAAKIT-AKIT
Isang babaing tagak ang hindi naunawaan ang pagsasanay sa kaniya. Ang tagak ay pinisa sa artipisyal na paraan sa Kushiro Japanese Crane Natural Park at gumugol ng napakaraming oras na kasama ng mga tao anupa’t ang tagapag-alaga ng mga hayop sa parke ay nababahala na ang magandang ibon na ito, ngayo’y halos dalawang taon na, ay hindi marunong umakit sa wastong paraan ng isang kapareha. Para sa mga tagak ito ay nagsasangkot ng isang pantanging “sayaw.” At tinuruan ng masigasig na tagapangalaga ng parke ang tagak ng mga hakbang. Gayunman, yamang ang mga tagak ay talagang tapat sa isa lamang asawa, ang tagak sa Kushiro ay nagpapakita ng kaniyang sayaw sa panliligaw tuwing makikita niya ang kaniyang tagasanay!
MGA KAMALIAN SA PAGRIRIKONOSI
Ang dalas ng mga pagkakamali sa pagririkonosi sa medikal na propesyon ay tinalakay sa taóng ito sa isang taunang kombensiyon ng internal na medisina, na ginanap sa Wiesbaden, Alemanya. Isa sa mga delegado ay nagsabi na isa sa mga problema ay ang palasak na “bulag at di-matuwid na pananampalataya na hindi maaaring magkamali ang teknikal na mga kagamitan sa pagririkonosi.” Gayumpaman, idiniin na ang mga manggagamot ay hindi lamang siyang nagkakamali. Binabanggit ng pahayagang Aleman na Die Welt na maraming pasyente ay “hindi gaanong nakikipagtulungan sa proseso ng pagririkonosi.” Itinatala nito ang mga halimbawa ng mga pasyente na hindi nakikilala ang mga pangalan ng gamot na regular nilang iniinom. Ang iba, palibhasa’y nahihiya sa kanilang nakaraan, ay inililihim o maling mga detalye ang ibinibigay tungkol sa kanilang medikal na kasaysayan.
NAKAPIPINSALANG MGA VIDEO
Bagaman karamihan ng mga pelikula ay inuuri ng Motion Picture Association of America, parami nang parami ang lumalaganap sa Estados Unidos na mga video na hindi inuri. Maraming tindahan ng video ang hindi hinihiling ng batas na hadlangan ang mga minor de edad sa pag-arkila o pagbili ng isang tape na punô-ng-sekso o karahasan, sabi ng Daily News ng New York. Sang-ayon sa isang autoridad, maraming video ang hindi inuri kahit na ang mga ito ay naglalaman ng seksuwal at marahas na mga eksena na karaniwang tatanggap ng X na marka, sapagkat ang pagmamarka ay kapit lamang sa mga pelikulang ipalalabas sa mga sinehan. Nasumpungan na kapag dalawang bersiyon ng isang bagong pelikula ang inililalabas, ang isa ay may marka at ang isa naman ay walang marka, halos 75 posiyento ng benta ay galing sa bersiyon ng mga tape na hindi inuri.
MGA ILONG LABAN SA KRIMEN
Isang bagong linya ng trabaho ang maaaring buksan sa malapit na hinaharap para sa mga asong mahusay ang pangamoy—pagtuklas ng nakaw na mga bagay. Ganito ang sabi ng pahayagang Pranses na Le Figaro: “Ang paraan ay ginaya sa paraan ng pakikipagtalastasan ng mga hayop sa isa’t isa sa kemikal na paraan sa pamamagitan ng mga molekulang tinatawag na ‘pheromones.’” Ang mga aso ay lalo nang sensitibo sa amoy ng kanilang partikular na uri. Mabilis nilang makikilala ang nakaw na mga bagay na nilagyan ng amoy ng aso na hindi mahahalata ng mga tao. Ang mahahalagang ipinintang mga larawan at iba pang mga gawa ng sining sa gayon ay maaaring markahan nang walang anumang pinsala. Sang-ayon sa isang mananaliksik, “ang ilang molekula ay nananatiling hindi napapansin sa loob ng mahabang panahon, depende sa antas ng proteksiyon na kinakailangan.” Binanggit ng artikulo na ang mga museo ay lalo nang interesado sa bagong paraang ito ng pangangalaga.