Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapapayat Ako’y 37 anyos at salanta ang katawan. Sa loob ng mga ilang taon na ngayon, pinaglalabanan ko ang pagtaba. Inireseta ng doktor ang pag-aayuno at proteinang pagkain, at sa simula’y mabilis akong nangayayat. Subalit muling akong tumaba. Iyan ay nakapanghihina ng loob at, sa wakas, ng pagwawalang-bahala. Taglay ang mga paliwanag sa artikulo (Mayo 22, 1989) sa kung ano ang reaksiyon ng katawan sa mga diyeta, ako ngayon ay napasisigla na muling magbawas ng timbang.
G. E., Pederal na Republika ng Alemanya
Napakahusay ng impormasyon, at mas marami akong natutuhan sa ilang pahinang iyon kaysa natutuhan ko sa di-mabilang na mga magasin sa “pagpapapayat” na binibili at binabasa ko sa loob ng mahigit na sampung taon. (Anong laking halaga sana ang natipid ko!) Talos ko na ngayon kung ano ang praktikal at wastong paraan upang magbawas ng sobrang timbang, na umaakay tungo sa isang mas maligaya at mas malusog na tao.
C. L., Gran Britaniya
Pagliligawan Ang pagtalakay tungkol sa pagdi-date at pagliligawan sa Abril 22, 1989, na Gumising! ang pinakamagaling na inyong nailathala. Pinag-uusapan ito ng mga miyembro sa aming kongregasyon ng lahat ng gulang, ipinahahayag ang kanilang pagpapahalaga sa makatotohanang tagubilin na ibinigay. Kinikilala nito na yaong mga nagliligawan ay kailangang gumugol ng panahon na magkasama, at nagbibigay ito ng tagubilin sa kung ano ang sasabihin o gagawin samantalang nagliligawan. Ang aking misis ay namatay dalawang taon na ang nakalipas, at alam ko na ang artikulong ito ay makatutulong sa akin kapag ako’y nanligaw muli. Maraming salamat sa praktikal na impormasyong ito.
M. T., Estados Unidos
Tinuruan ko ang aking mga anak na sa tuwina’y matalinong magkaroon ng isang tsaperon. Ikinabalisa ko ang bagay na ito ay hindi binanggit sa bagong artikulong ito. Inaakala kong hihimukin nito ang pagdi-date nang walang tsaperon.
S. W., Estados Unidos
Ang moral na mga panganib ng pagliligawan ay tinalakay sa mga labas noong Hunyo 8 at Hunyo 22, 1982. (Sa Ingles.) At ang pagkanararapat ng pagkakaroon ng isang tsaperon ay isinaalang-alang nang detalyado sa labas ng Abril 22, 1986. Ang kasalukuyang artikulo ay idinagdag lamang sa dating payo sa pagtutuon ng pansin sa pangangailangan para sa lalaki at babae na makilala ang isa’t isa.—ED.
Talambuhay ng Musikero Nasiyahan ako sa artikulo tungkol kay Larry Graham hanggang sa punto na binasa ko ito ng ilang beses. Nasa kabataan pa ako noong mga taóng ’60’s, at ang dati niyang banda ang isa sa mga paborito kong pangkat. Ako’y talagang napasigla na napaabutan niya ang marami sa negosyo ng musika ng mensahe ng Bibliya. Natutuwa rin ako na siya ngayon ay isang buong-panahong ebanghelisador.
M.P., Estados Unidos
Mga Serye ng Kasaysayan ng Relihiyon Nais kong ipahayag ang aking taimtim na paggalang sa inyong pag-aaral sa mga relihiyon ng daigdig. Karaniwan na para sa mga relihiyon na magkaroon ng mataas na pagtingin sa kanilang sarili samantalang pinipintasan ang iba. Hangang-hanga ako sa saloobing taglay ng inyong dakilang relihiyon, na nakahihigit diyan.
Y. T., Hapón
Pag-alimura Ako’y pinagmalupitan mula sa pagkasanggol hanggan sa ako’y umalis ng bahay. Bagaman hindi niya ako hinampas, binabasag ng tatay ko ang mga pinggan, sinisira ang mga muwebles—minsan ay sinuntok pa nga niya ang dingding. Isinisi niya ang kaniyang pag-abuso sa akin. Ang mensaheng natanggap ko buhat sa inyong artikulo (Hunyo 8, 1989) ay na ang aking tatay ay tama, na ang biktima ang pinagmumulan ng pag-abuso.
A. N., Estados Unidos
Ikinalulungkot namin kung ang artikulo ay nagdala ng emosyonal na kirot sa kaninumang biktima ng pag-abuso ng magulang. Itinuon ng artikulo ang pansin sa kung paano makakayanan ng isang kabataan, at marahil iwasan ang pagpapagalit, na karaniwang pinagmumulang ng silakbo ng galit ng mga magulang. Wala kaming intensiyon na ipahiwatig na ang isang bata ang may pananagutan sa paggawi na inilarawan sa itaas. Tungkol sa malubhang mga anyo ng pag-abuso ng magulang, ang artikulo ay nagsabi: “Matalino para sa isang kabataan na humingi ng tulong sa labas, marahil lapitan niya ang isang matandang Kristiyano sa kaniyang lokal na kongregasyon.”—ED.