Natapong Langis—Hindi Ito Mangyayari Rito
‘NATAPONG LANGIS sa Prince William Sound? Nungka. Hinding-hindi ito mangyayari. Ang dagat-lagusan ay napakalawak at napakalalim. Walang mga panganib sa nabigasyon.
Ang mga tao ay napaniwalang gayon nga. Sa kasamaang palad, noong Biyernes, Marso 24, apat na minuto pagkalipas ng hatinggabi, ang Exxon Valdez, isang supertanker na nagdadala ng 200 milyong litro ng krudo, ay lumihis ng mga dalawang kilometro sa landas, sumadsad ang ilalim nito sa matatalim na batuhan ng Bligh Reef, at nabutas ang katawan nito. Mahigit na 42 milyong litro ng krudo ang bumulwak tungo sa malinis na tubig ng magandang Prince William Sound, sa ibaba lamang ng Valdez, Alaska.
Nang mangyari ang sakuna, isang walang lisensiyang tersera kapitan ang nag-uutos, at hindi masubaybayan ng Coast Guard na dapat sana’y sumusubaybay sa pamamagitan ng radar ang landas ng Exxon Valdez. At nang matapon ang langis, hindi natupad kapuwa ng Alyeska Pipeline Service Company at ng Exxon Corporation ang kanilang plano para sa pagsawata sa natapong langis.
Ang mga maninisid sa dagat ay ipinatawag upang siyasatin ang pinsala sa sumadsad na Exxon Valdez. Ang isa sa mga maninisid ay nag-ulat:
“Pagpunta namin sa tanker sakay ng bapor, nakita namin na ang langis ay mga ilang pulgada na ang lalim sa tubig. Hindi nga namin makita ang tubig sa dinaanan ng aming bapor. Nang kami’y nasa supertanker na, ang unang pagkabahala ay ang kaligtasan. Matatag ba ang bapor, o ito kaya’y tataob? Ito’y nakasandig sa Bligh Reef, malapit sa gilid na pahulog sa tubig na mga ilang daang piye ang lalim. Kung ang posisyon nito ay bumago sa paglaki at pagliit ng tubig, mahuhulog ito sa ilalim, malamang na ito ay sumabog at ilabas nito ang natitira pang langis nito—160 milyong litro nito.
“Siniyasat namin ang lahat halos ng metro kuwadrado ng bapor: ang katawan, loob ng mga tangke, ang balangkas. Sa buong panahon ang langis ay bumubulwak. Hindi ito humalo sa tubig kundi napakabilis nitong umagos sa ibabaw ng tubig. Nang pumasok kami sa mga tangke, binubulabog ng bula ng aming hangin ang langis, pilit itong pinalalabas, at iikot ito sa aming pantakip sa mukha. Hindi kami nagtungo roon upang magkumpuni, kundi tiyakin lamang ang pinsala.”
Ang pangako ng Alyeska ay na ito ay pupunta sa natapong langis na may dalang mga pangharang sa langis at mga pansagap ng langis sa loob ng limang oras. Walang anumang ginawa sa loob ng sampung oras at kakaunti lamang ang nagawa sa sumunod na tatlong araw. Lumipas na ang tatlong araw na kalma ang dagat kung kailan maaari sanang natakdaan ng mga pangharang at pansagap ang pinsala. Noong Lunes ang 110-kilometro-por-ora na hangin ang humampas sa Prince William Sound at animo’y binatí ang mabulang halo ng langis at tubig na tinatawag na mousse.
Ang lahat ay nagsisihan. Sinisi ng mga opisyal sa Alaska, ng mga maninirahan ng Valdez, at ng Coast Guard kapuwa ang Alyeska at ang Exxon sa pag-aaksaya ng panahon at pagpapalipas sa unang tatlong araw ng mabuting lagay ng panahon. Sinisi ng iba ang Coast Guard sa pagtitipid na nagpangyari rito na “palitan ang radar nito sa Valdez ng mas mahinang klase na hindi nagbabala sa kulang-palad na tanker na ito ay bubunggo sa batuhan.” Sinisi ng Exxon ang estado at ang Coast Guard sa pagbimbin ng pahintulot na gamitin ang mga dispersant (kemikal na pandurog ng langis) upang alisin ang natapong langis.
Sa loob ng dalawang buwan ang natapong langis ay naglakbay ng 800 kilometro mula sa Bligh Reef, napadpad sa isang libo anim na raang kilometro ng baybaying dagat, at tinakpan ang dalawang libo anim na raang kilometro kuwadrado ng magandang tubig ng Prince William Sound. Hindi ito huminto hanggang ito’y dumaan sa Kenai Fjords National Park, umikot sa dulo ng Kenai Peninsula, at lumiko sa Cook Inlet. Pumatimog pa ito upang dumhan ang Katmai National Park at ang Isla ng Kodiak.
Libu-libo ang inupahang magtrabaho upang linisin ang mga tabing-dagat. Isang lalaking nagtatrabaho sa paglilinis ang kinapanayam, at inilarawan niya ang paraan at ang mga resulta:
“Ang mga manggagawa ay nagsisimula sa ika-4:30 ng umaga at nagtatrabaho hanggang alas 10 ng gabi na gamit ang malalakas-presyon na mga bombang pandilig o hos, ang iba ay gumagamit ng malamig na tubig-dagat at ang iba naman ay gumagamit ng mainit na singaw na may halong tubig-dagat. Ang malalakas na daloy na ito ay pinatatama sa magrabang mga dalampasigan, itinataboy ang tubig sa ilalim ng lupa. Ang langis na 0.5 o isang metrong nasa ilalim ng lupa ay lumulutang sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos itinataboy ng tubig mula sa mga hos ang langis sa karagatan, kung saan ito ay inilalagay sa mga pangharang ng langis hanggang sa dumating ang mga tagasagap at higupin ito. Sila’y nakakakuha ng tatlumpung libo hanggang animnapung libong litro isang araw mula sa isang dako ng dalampasigan na 200 metro ang lawak.
“Sa loob ng dalawang-linggong yugto, paulit-ulit nila itong ginawa, nakakakuha ng gayunding dami ng langis sa bawat panahon. Saka umupa sila ng mga taong may mga sumisipsip na basahan na maupo sa mga dalampasigan upang isa-isang punasan ang mga bato. Ang dalampasigan ay mukhang malinis, subalit ipasok mo ang iyong kamay sa pagitan ng mga bato hanggang mga siyam na centimetro sa buhangin, at ang iyong kamay ay mapupunô ng maitim na langis na ito. Ito ay pagkatapos ng dalawang linggo ng paglilinis. Bumalik ka pagkalipas ng tatlong araw, at walo hanggang labing-anim na centimetro ng langis ang tumatagas pataas. Dadalhin ito ng susunod na paglaki ng tubig sa dagat.”
Walang saysay? Marahil, subalit malaki ang pasuweldo ng trabaho. Isang manggagawa ay kumikita ng $250 isang araw at nagsasabi: “Inaakala kong ako’y kikita ng $10,000 dito, nang madali.” Isang manggagawa ang kumita halos ng $2,000 sa pitong-araw, 12-oras-isang-araw na pagtatrabaho. “Dalawang dalampasigan ang nilinis namin ngayon,” sabi niya, “ngunit paglaki ng tubig, tiyak ko bukas ang mga dalampasigan ay gaya na naman ng dati.” Ang ilang dalampasigan sa lugar ng Prince William Sound ay isang metrong nakabaon sa maruming langis.
Nang mabutas ang katawan ng Exxon Valdez at natapon ang 42 milyong litro ng langis nito sa Prince William Sound, ano sana ang nakatulong upang malutas ang kapahamakan? Ang agad na pagkilos na gamit ang mga pangharang at tagasagap sa unang tatlong araw nang ang dagat ay kalma ay nakatulong sana upang masawata ang natapong langis, hindi na sana ito nakarating sa Gulpo ng Alaska.
Makatulong kaya ang paggamit ng mga dispersant? Waring hindi ito makatutulong. Ang mga dispersant ay hindi gumagana sa kalmang tubig; ang dagat ay kailangang maalon upang ihalo at ikalat ang mga kemikal upang ito ay makapagtrabaho. Ito ay magiging walang silbi sa unang tatlong kalmanteng araw, at nang ito ay maaari na sanang nakatulong noong ikaapat na araw sa maalon na mga tubig, ang mga eruplanong kakailanganin upang iisprey ang mga kemikal na ito ay hindi makalipad dahil sa lakas ng hangin. Sa paano man, ang gamit nito ay kontrobersiyal. Isang artikulo sa Anchorage Daily News ay nagpapaliwanag:
“Ang mga dispersant ay nagtatrabaho na parang mga detergent. Kapag inisprey sa ibabaw ng natapong langis at ginulo ng dagat, dinudurog ng mga dispersant ang langis na maging pagkaliliit na mga butil at ito’y sumasama sa tubig. Hindi naiibigan ng mga dalubhasa sa kapaligiran ang mga dispersant sapagkat, sabi nila, ikinakalat lamang ng mga kemikal ang langis sa lahat ng antas ng tubig, nagiging isang banta sa mga anyo ng buhay mula sa itaas hanggang sa ilalim.” Magkagayon man, ang mga kemikal na dispersant ay hindi gaanong mabisa sa malamig na tubig, “halos hindi gumana sa krudo sa Prudhoe Bay,” at “halos walang silbi pagkaraan ng isang araw na ang langis ay natapon.”
Isa pa, ang mga dispersant mismo ay nakalalason. Sinasabing yaong dispersant na ginamit sa napakaraming natapong langis mula sa supertanker na Torrey Canyon sa baybayin ng Pransiya noong 1967 ay nagdala ng higit na pagkalason kaysa ginawa ng natapong langis. “Ang buhay halaman at hayop ay nalipol.”
Si Pete Wuerpel, direktor ng emergency communications para sa Alaska, ay nagpapatunay sa kung ano ang sinabi ng manggagawa sa dalampasigan na sinipi: “Ang langis ay hindi pumipirmi. Hindi ito umaalis. Kahit na ang mga langis ngayon na nasa ilang mga dalampasigan ay tatangayin ng mga alon at ng paglaki at pagliit ng tubig sa iba pang dalampasigan. Ito’y isang patu-patuloy na kapahamakan. Ang linisin ang mga dalampasigan ay isang nakalilito-isipan na pakikipagsapalaran kung isasaalang-alang mo ang lalim na narating na ng langis. Maaari mong linisin ang ibabaw, subalit ang alon at ang paglaki at pagliit ng tubig ay magpapangyari sa langis sa ibaba na tumagos na muli sa ibabaw. Sa anong punto mo makikilala ang kawalang-kakayahan ng mga pagsisikap ng tao?”
Si Wuerpel ay naghihinuha na hindi kayang lutasin ng teknolohiya ng tao ang maraming natapong langis. Sinasabi niya na sa puntong ito ang gawain ay dapat na iwan sa kalikasan. Ang iba ay sumasang-ayon. Ang biyologo sa dagat na si Karen Coburn ay nagsabi: “Ang totoo ay na wala tayong kakayahan na mabawi ang mahigit na 10% ng langis sa isang maraming natapong langis, kahit na sa ilalim ng pinakamagaling na mga kalagayan.” Sabi ng isang report: “Ang kalikasan ay maaaring kumuha ng isang dekada, o marahil ng mas mahabang panahon pa, upang alisin ang huling bakas ng pinakamaraming natapong langis sa Hilagang Amerika sa mga tubig ng sinaunang Prince William Sound,” ito’y sang-ayon sa mga siyentipikong pinag-aaralan ang tungkol sa mga natapong langis.
Dalawang linggo pagkaraan ng aksidente, ganito ang paulong-balita ng Anchorage Daily News: “Ang Pakikipagbaka Upang Linisin ang Natapong Langis ay Bigo. Ang mga Tripulante ay Nagwagi ng Mumunting Tagumpay, Subalit Sinasabi ng mga Dalubhasa na Bahala na ang Kalikasan sa Paggaling ng Sound.” Susog pa nito: “Ang mga tao sa National Oceanic and Atmospheric Administration ay malaon nang nagsabing ang digmaan ay hindi maaaring magtagumpay.” Sinubaybayan nila ang bawat malaking natapong langis sa nakalipas na dekada, pati na ang 250-milyong-litrong natapong langis ng supertanker na Amoco Cadiz sa baybayin ng Pransiya noong 1978. Ang kanilang pasiya: “Alinman dito ay hindi naisip ng tao na linisin ang langis.”
[Kahon sa pahina 6, 7]
Supertanker, Super na Tagapagparumi
Isip-isipin ang isang bapor na kasing haba ng isang gusali na isang-daang-palapag ang taas. Isang bapor na ang proa na rumaragasa sa mga alon sa karagatan ay halos kalahating kilometro ang layo sa taong umuugit nito. Isang bapor na pagkalaki-laki anupa’t ang ilan pa nga ay nag-iisip kung ang pagkilos kaya nito ay maaaring maapektuhan ng pag-inog ng planeta. Ito ang supertanker, isang ubod ng laking tagapagdala ng krudo, at hindi ito guniguni lamang; ang gayong mga sasakyang-dagat at iba pa na halos gayundin kalaki ay paroo’t parito sa dagat sa maraming bilang. Bakit? Bueno, ang ating daigdig ay isang daigdig na gutom-sa-langis. Ang mga tanker, dahil sa kanilang kalakihan, ay napatunayang isang matipid at kapaki-pakinabang na paraan ng paghahatid ng langis na iyon.
Subalit gaya ng maliwanag na ipinakikita ng mga pangyayari kamakailan, ang malalaking tanker ay mayroon ding mga disbentaha. Sa isang bagay, ang kanilang kalakasan ang siya rin nilang kahinaan. Ang kasindak-sindak na laki at bigat nito ay maaaring maging hadlang sa kanila, ginagawa itong napakahirap maneobrahin at paandarin. Kung nais ng timonel na ihinto ang bapor o iliko ito agad upang iwasan ang panganib, ang pangunahing mga batas ng pagkilos (lalo na, ang batas na ang isang bagay na kumikilos ay waring nananatili sa pagkilos malibang ito’y maapektuhan ng isang panlabas na puwersa) ay talagang kumukuha ng malaking katumbasan.
Halimbawa, kapag ang isang 240- hanggang 270-metrong tanker ay puno ng kargada at tumatakbo sa karaniwang bilis nito (ang Exxon Valdez, 300 metro ang haba, na nagdadala ng 200 milyong litro ng langis, at tumatakbo ng 19 na kilometro por ora), ang pagpatay sa mga makina ay hindi mangangahulugan ng biglang paghinto. Ang bapor ay mamamaybay-dagat ng karagdagang walong kilometro o higit pa. Kung ang makina ay nakakambiyo paatras, ang bapor ay tatakbo pa ng tatlong kilometro bago huminto. Walang magagawa ang mga sinipete; kung ibababa, aabot nga ito sa sapin ng dagat at basta mababaltak mula sa kubyerta dahil sa puwersa ng pagtakbo o momentum ng tanker. Ang pagmamaneobra ng isang tanker ay isang nakatatakot na hamon. Maaaring kumuha ng halos kalahating minuto upang pumaling ang timón pagkatapos na maiikot ang manibela. Pagkatapos ay kukuha ng tatlong minutong mahirap na pagliko.
Palibhasa ang timón ay 300 metro sa likuran ng proa, 45 metro sa malayong tabi, at 30 metro sa ibabaw ng dagat, hindi kataka-taka na nangyayari ang mga bungguan ng tanker. Ang mga aksidente, ito man ay pagsadsad o bungguan, ay maaaring mangahulugan ng kumakalat na natapong langis. Ang dating malinis na mga baybayin ng Aprika, Asia, Europa, at Hilaga at Timog Amerika, gayundin yaong malapit sa mga polo ng lupa, ay nakalulungkot na pawang nasira.
Subalit hindi pinarurumi ng mga tanker ang mga karagatan sa pamamagitan lamang ng kanilang kapaha-pahamak na mga aksidente. Ang mga tanker ay nagtatambak ng mga dalawang milyong tonelada ng langis sa dagat taun-taon. Ipinakikita ng nakaraang mga pag-aaral na ang karamihan ng langis na ito ay buhat sa mas rutinang mga bagay, gaya ng walang konsensiyang pagbubuhos ng mga latak na langis mula sa walang laman na mga tangke samantalang nasa dagat. Gaya ng sulat ni Noël Mostert sa kaniyang aklat na Supership, “bawat tanker, gaano man kahusay ang pangangasiwa, ay nagtatapon ng langis nito sa dagat sa ilang anyo o iba pa; ang bapor na pangit ang pangangasiwa ay walang-tigil na mga tagapagparumi at, gaya ng mga susô sa hardin, maaaring sundan ng isang mahabang kumikinang na landas ng kanilang basura.”
Ang manggagalugad ng karagatan na si Jacques Cousteau ay minsang nagpahayag ng matinding komento tungkol sa mahigpit na pagsalakay ng tao sa kapaligiran. Sabi niya: “Kami ang mga maninira ng lupa. Sinisira namin ang lahat na aming minana.”
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga dalampasigang nalinis isang araw ay matatabunan na naman ng langis kinabukasan
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Mike Mathers/Fairbanks Daily News-miner
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Cover photo: The Picture Group, Inc./Al Grillo