Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 10/22 p. 11-15
  • Sinikap ng mga Doktor na Kunin ang Aming Anak na Babae

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sinikap ng mga Doktor na Kunin ang Aming Anak na Babae
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matagumpay na Panganganak, Subalit . . .
  • Pagtakas Nang Tama sa Panahon
  • Pinagmumulan ng Tulong
  • Ganap na Paggaling
  • Hindi mga Mahiko ni mga Diyos
    Gumising!—1994
  • Ingatan ang Inyong mga Anak Mula sa Maling Paggamit ng Dugo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1993
  • Pagsasagawa ng Kinakailangang mga Bagay Upang Paluguran ang Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • “Huwag Mong Sabihing Nungka!”
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 10/22 p. 11-15

Sinikap ng mga Doktor na Kunin ang Aming Anak na Babae

APATNAPU’T-DALAWA at nagdadalang-tao! Agad na ipinakita ng mga doktor ang maaaring maging problema para sa isang babae na kasinggulang ko, gayundin ang mga problema na maaaring taglayin ng sanggol. Isang pamamaraan na tinatawag na amniocentesis ang iminungkahi. Sa pagkuha ng kaunting amniotic fluid sa bahay-bata, matitiyak ng mga doktor kung mayroon bang genetikong depekto, gaya ng Down’s syndrome. Karaniwan nang iminumungkahi ng mga doktor ang aborsiyon kung masumpungan ang gayong depekto.

Gayunman, tinanggihan ko ang pagsubok, ipinaliliwanag na hindi ako sasang-ayon sa aborsiyon sa ilalim ng anumang kalagayan. Palibhasa’y nalutas na iyon, inaasam-asam ko ang isang kasiya-siyang pagdadalang-tao. Ang susunod na hakbang upang isaayos ang lahat ng bagay ay ang humanap ng isang pediatrician na igagalang ang aming mga kagustuhan at hindi ako sasalinan ng dugo, yamang kaming mag-asawa ay mga Saksi ni Jehova. Gumawa kami ng tipanan, nakipagkita kami sa doktor, at ipinaliwanag namin ang aming paninindigan tungkol sa dugo. (Genesis 9:4, 5; Levitico 17:10-14; Gawa 15:19, 20, 28, 29) Sinabi niya na nauunawaan niya at na wala namang problema. Bueno, madali iyon, o gayon ang akala ko.

Matagumpay na Panganganak, Subalit . . .

Malapit na ang takdang araw, at sabik na sabik na kaming lahat! Ako ay isang biyuda na nagpapalaki ng tatlong anak na lalaki nang ako’y mag-asawang muli. Minana rin ng asawa ko ngayon, si Gino, ang aking ina, na nakatira sa akin sapol nang mamatay ang una kong asawa.

Ang pagdaramdam sa panganganak ay nagsimula noong Lunes ng gabi, Pebrero 17, 1986. Si Gino, si Inay, at ako ay nagtungo sa ospital, kasama ng aking bunsong anak na lalaki, si Matthew. Pinili ng nakatatandang mga batang lalaki na maghintay sa bahay. Kami’y sinalubong sa maternity ward ni Evelyn, isang kapuwa Saksi, na isang rehistradong nars. Naipagbigay-alam sa kaniya na ako ay nagdaramdam na sa panganganak at na agad na nagtungo sa ospital. Ang pagsilang ay kapana-panabik sa aming lahat. Okupado namin ang isang silid sa panganganak, na ang pakiramdam mo ay parang nasa bahay ka. Si Gino pa nga ang pumutol sa pusod. Isa sa mga narses ang nagdala ng sorbetes, at ipinagdiwang namin ang pagpasok ni Kaleigh sa aming buhay.

Pagkalipas ng dalawang araw ako’y umuwi ng bahay. Hindi ako kailanman nagkulang ng mga katulong. Ang aking ina, na 84 anyos, ay malaking tulong at pampatibay-loob. Madali akong mapagod noong mga unang araw, kaya talagang pinahahalagahan ko ang pangangalaga niya sa akin at sa sanggol. Subalit pagkalipas ng isang linggo, nagsimula kaming mag-alala tungkol kay Kaleigh. Hindi siya gaanong sumususo at natutulog ng mas mahabang panahon kaysa inaakala kong dapat itulog ng mga bagong silang na sanggol. Ang kaniyang kulay ay nagiging manilaw-nilaw. Tinawagan ko ang pediatrician at nakipagtipan ako noong araw na iyon.

Noong alas-2:00 n.h., natapos na ng doktor ang pagsusuri sa kaniya at nakuha na niya ang kinakailangang mga pagsubok sa dugo. Kami’y sinabihan na dadalaw siya mamaya taglay ang mga resulta. Sa wakas siya ay dumating noong bandang alas singko. Kami’y sinabihan na dalhin namin agad si Kaleigh sa isang ospital na nagtuturo mga isang daan animnapung kilometro hilagang-kanluran namin, yamang siya ay kinakailangang ganap na mapalitan ng dugo. Ipinaalaala ko sa doktor na kami’y mga Saksi ni Jehova at muli naming binanggit na hindi kami tatanggap ng pagsasalin ng dugo sa ilalim ng anumang kalagayan. Kung hindi niya igagalang ang aming mga paniwala, hiniling namin sa kaniya na pakisuyong sabihin agad sa amin upang makahanap kami ng doktor na igagalang ang aming paniwala.

“Hindi ko alam,” tugon niya, “kailangang pag-isipan ko pa ito at saka ko na lang ipaaalam sa inyo.”

Matiyagang hinintay namin ang kaniyang tawag. Palibhasa’y wala pa kaming balita mula sa kaniya noong ika-7:00 n.g., si Gino ay tumawag at siya ay sinabihan na ang doktor ay hindi pa nakapagpapasiya kung ano ang palagay niya. Masyado na kaming naghihinala ngayon, yamang idiniin ng doktor kung gaano kahalaga na si Kaleigh ay gamutin na agad. Sa puntong ito tinawagan namin ang kapuwa mga Saksi para sa kanilang pampatibay-loob at tulong. Sila ay tumugon karaka-raka, ang iba ay 30 kilometro pa ang layo ng pinanggalingan.

Noong ika-9:00 n.g. ang doktor ay tumawag at hiniling kami na ipasok si Kaleight sa aming lokal na ospital para sa higit pang mga pagsubok. Batid ni Gino na minsang si Kaleigh ay naroon, maaari silang magkaroon ng ganap na autoridad sa kaniya at titiyakin nila na si Kaleigh ay ilipat sa ospital na nagtuturo para sa pagpapalit ng dugo. Kaya sinabi ng mister ko na pag-iisipan niya ang tungkol dito at ipaaalam na lamang ito sa doktor sa kinaumagahan.

Samantala, ang aming kapuwa mga Saksi ay tumatawag sa telepono at masikap na naghahanap ng ibang pediatrician. Dahil gabi na, ang kanilang mga pagsisikap ay walang saysay. Nakakatakot ang hitsura ni Kaleigh, at lumalala ang aking emosyonal na kalagayan. Ang babala ng doktor tungkol sa kung gaano kagrabe ang sakit ni Kaleigh, at kung gaano kapanganib ang malubhang jaundice o sakit sa atay, ay patuloy na gumugulo sa aking isipan. Habang kinakarga ko siya sa aking mga bisig at umiiyak, naitatanong ko sa aking sarili kung paano kaya pinakikitunguhan ng doktor ang kaniyang budhi, gayong nalalaman niya na talagang nililinlang niya kami.

Nakaaaliw naman na ang aming Kristiyanong mga kapatid ay nagtipong sama-sama at nanalangin alang-alang sa amin. Ako’y lubhang napalakas at napatibay-loob na harapin anuman ang nasa unahan namin. Ang paghahanap sa isang doktor ay nagpapatuloy pa, at alas-11:30 na n.g. Marahang sinabi sa akin ni Gino na mabuti pang umalis kami ng bahay. Natitiyak niyang may binabalak ang mga doktor. Talagang hindi ako makapaniwala rito. Subalit inulit ni Gino: “Mabuti pang umalis na tayo rito agad.” Gayunman, basta ako naupo roon.

Pagkatapos, noong bandang alas-11:45 n.g., tumunog ang telepono. Si Evelyn pala, na tumatawag mula sa ospital. Siya ay hiniling na magtrabaho sa isang hindi nakaiskedyul na oras ng paggawa nang gabing iyon, isang bagay na lubhang hindi pangkaraniwan. Samantalang tumutulong sa delivery room, ang doktor ay tinawag upang sangguniin tungkol sa isang kaso na may kaugnayan sa pagbibigay ng isang pagsasalin ng dugo at pagkuha ng isang court order upang gawin iyon. Kumbinsido na ako ngayon!

Pagtakas Nang Tama sa Panahon

Literal na inihagis namin ang mga bagay sa maleta, inilagay ang mga pagkain at mga katulad nito sa mga supot ng groseri, at nagmamadaling nagtungo sa kotse. Ibinigay sa amin ang pangalan ng isang doktor sa Jacksonville, Florida, na maaaring makatulong. Ito ay isang 320-kilometrong biyahe, at alas dose singko na nang kami’y umalis.

Pagkalipas ng kinse minuto, isang kotse at isang ambulansiya na kumikislap ang ilaw ay dumating sa aming bahay. Limang opisyal buhat sa Florida Department of Health and Rehabilitative Services ang kumatok sa pinto. Bumangon si Inay, mahinahong nagtungo sa pinto, at basta sinabi na ang bata at ang kaniyang mga magulang ay wala roon. Tinanong nila kung maaari ba silang pumasok upang makita nila sa kanilang sarili. Sinabi nila na isasama nila ang bata. Bawat silid ay siniyasat nang husto. Tiningnan pa nga nila ang isa sa mga aparador ng bata. Hindi napigil ni Inay na itanong: “Huwag ninyong sabihing inaakala ninyong itatago nila ang bata riyan, ano?”

Mga alas singko na ng umaga nang kami’y dumating sa Jacksonville. Ngayon kailangang maghintay kami ng apat-na-oras. Ang doktor na nais naming makita ay hindi nagbubukas ng kaniyang tanggapan hanggang ika-9:00 n.u. Habang buong pananabik kaming naghihintay, naiisip ko kung baga ang mga doktor sa Vero Beach ay talagang nababahala sa kalusugan ng aking sanggol yamang halos gawin nila ang gusto nila. Bagaman marahil mabuti ang kanilang intensiyon, ang kanilang katayuan na ang isang pagsasalin ng dugo ay kinakailangan upang iligtas si Kaleigh mula sa malubhang panganib ay basta hindi totoo. Mayroon namang walang-dugong paggamot na kinikilala ng medisina para sa kalagayan ni Kaleigh, at iyan lamang ang hinahanap namin.

Ganap na alas-9:00 n.u., pumunta kami sa tanggapan ng doktor, ipinaliwanag namin ang pagkaapurahan ng aming kalagayan sa nars. Sinabi niya na tatawagan kami ng doktor sa lalong madaling panahon na magagawa niya. Pabalik-balik kami. Sa wakas, sinabi ng nars na ang doktor ay hindi tatawag at na hindi siya makatutulong sa amin. Ala-1:00 n.h. na. Nakadama kami ng kawalang-pag-asa at kabiguan. Nagpasiya akong bumaba sa lobby at ginamit ko ang telepono roon, ayaw kong gamitin ang telepono sa silid.

Pinagmumulan ng Tulong

Tinawagan ko ang isang lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Isang Saksi na nagtatrabaho roon ang may kabaitang nakinig at agad na tumulong sa amin. Madali siyang nagtungo sa motel at dinala kami sa dalawang klinika, subalit ang dalawang ito ay hindi rin makatulong sa amin, yamang wala silang wastong kagamitan. Kailangan ni Kaleigh ng pantanging paggamot na ilaw, o ang tinatawag na phototherapy. Ang antas ng kaniyang bilirubin ay tumaas hanggang 29 miligramo sa bawat 100 mililitro, at ang antas na 25 ay itinuturing na grabe.

Saka naalaala ng Saksi ang isang ospital at isang doktor na nag-opera kamakailan nang walang dugo sa anak na babae ng isang mag-asawang Saksi. Kaya nagtungo kami roon. Subalit naipasiya namin na hindi kami aalis sa tabi ni Kaleigh at lagi namin siyang titingnan hanggang sa positibo kami na ang aming salig-Bibliyang kahilingan ay igagalang. Pumasok kami sa emergency room at sinagot ang lahat ng mga katanungan. Palibhasa’y hindi makapaniwala ang nars ay laging nagtatanong: “Bakit kayo nagbiyahe hanggang dito mula sa Vero? Hindi ako makapaniwala na dito mismo sa Florida, talagang puwersahang kukunin nila ang isang sanggol sa mga taong kasimbait ninyo.”

Nang matapos na ang mga papeles, mabilis na kumilos ang mga bagay. Lahat kami ay dinala sa isang silid ng pagsusuri, kung saan si Kaleigh ay hinubaran, at ang pangkat sa kritikal na pangangalaga ay tinawag. Narinig namin sa bulwagan na parang isang alingawngaw: “Sila’y mga Saksi ni Jehova, walang dugo, walang dugo.” Di-nagtagal ang doktor na siyang nanguna sa pangkat ng kritikal na pangangalaga ay pumasok sa eksena at ipinahayag na nais niyang gawin ang isang ganap na pagpapalit ng dugo.

Matatag na sinabi ni Gino ang aming katayuan minsan pa, at ang doktor ay umalis upang sangguniin ang kaniyang mga kasama. Kailangan na ngayong simulan ang isang IV kay Kaleigh. Said na said na ang aking katawan at damdamin ngayon at hindi ko na matiis na makita ang bata na sinasaksakan pa ng higit na iniksiyon o marinig ang kaniyang pagsigaw. Sa puntong ito, nag-iisip na si Gino kung makayanan kaya ng bata ang lahat ng ito. Maingat niyang tinipon ang ilang maliliit na tungkos ng buhok mula sa ulo ng bata at inilagay ito sa kaniyang bulsa. Nais niyang magkaroon ng isang bagay mula sa kaniyang munting anak na babae upang maalaala siya.

Nang gabing iyon, si Kaleigh ay nakalagay sa kaniyang higaan na parang incubator na may mga benda sa kaniyang mata upang ingatan ito mula sa pantanging mga ilaw na ginagamit sa gayong mga kaso. Nag-aalinlangan pa rin kami ni Gino kung baga ang aming paninindigan tungkol sa isyu ng dugo ay igagalang, kaya hindi kami umalis sa tabi ng bata, kahit na ito ang aming ikalawang gabi na walang tulog. Ang doktor na namamahala ay pumasok sa silid at minsan pang binanggit ang pagnanais niyang salinan ng dugo si Kaleigh. Minsan pa, siya ay binigyan ng isang paliwanag tungkol sa ating salig-Bibliyang paninindigan sa dugo.

Sa wakas, sinabi niya: “Bueno, ano ang inyong huling pasiya?” Niliwanag ni Gino na gagawin namin ang lahat ng aming magagawa upang hadlangan ang aming anak na salinan ng dugo. Oo, nagbiyahe nga kami ng 320 kilometro sa kalagitnaan ng gabi upang iwasan ang gayong bagay. Sinabi niya sa doktor na isa pang court order ang kailangang kunin, subalit sa panahong iyon ay nakaalis na kami. Ang doktor ay lumabas nang walang salita. Muling inihanda namin ang aming sarili. Kailangan kayang sunggaban namin ang bata at tumakbo? Sumilip ako sa labas ng silid at tiningnan ko ang bulwagan. Nais kong alamin kung nasaan ang labasan, sakali man.

Marahang lumipas ang gabi. Tuwing ikalawang oras isang sampol ng dugo ang kinukuha sa sakong ni Kaleigh. Ang mataas na bilang ay unti-unting bumaba. Ang paggamot ay nagkakabisa! Sa sumunod na dalawang araw, ang regular na pagsubok sa dugo ay kinukuha tuwing ikalawang oras. Ang mumunting sakong ni Kaleigh ay makirot na sa lahat ng tusok ng iyon. Sa katunayan nasasanay na siya rito, at kung minsan hindi na siya umiiyak kapag siya ay tinuturukan.

Samantala, tinamasa namin ang maibiging mga pagdalaw ng maraming mga Saksi mula sa lugar ng Jacksonville na nakaalam tungkol sa aming kalagayan. Ang mag-asawa na ang anak na babae ay naoperahan kamakailan nang walang dugo ang ilan sa unang dumating. Pinatibay-loob nila kami! Sinabi ngayon sa amin ng cardiologist na ang isang pagsasalin ng dugo ay mas malaking panganib kaysa jaundice. Taglay ang impormasyong iyon inaakala namin sa wakas na ligtas na iwan namin ang bata sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong araw.

Ganap na Paggaling

Pagkatapos na suriing mainam ng maraming doktor mula sa iba’t ibang larangan ng medisina ang sanggol, kami’y sinabihan na siya ay walang masamang mga epekto mula sa jaundice, na sabi nila’y nakagulat sa kanila. Ngayon sa wakas ay puwede na kaming umuwi. Hindi na ako makapaghintay na kargahin si Kaleigh nang walang mga tubong IV na nakakabit sa kaniya. Sapagkat isinagawa namin ang aming nalalamang pagpili sa ligtas na phototherapy at sapagkat tinanggihan namin ang dugo kasama na ang lahat ng panganib nito, hindi kami nag-aalala na si Kaleigh ay magkakaroon ng AIDS, hepatitis, o iba pang nakatatakot na sakit.

Isa pang problema ang nakaharap sa amin. Ang court order sa Vero Beach ay may bisa pa rin, kaya hindi kami nangahas na umalis hanggang sa ito ay makansela. Ang doktor na nangangasiwa ay gayon na lamang kabait upang gawin ang kinakailangang mga tawag sa telepono, ipinagbibigay-alam sa tamang mga autoridad ang tungkol sa paggamot na tinanggap ng bata. Nang maayos na iyon, kami’y umuwi ng bahay.

Mangyari pa, hindi namin iniisip na ibalik si Kaleigh sa kaniyang dating pediatrician. Ipinalalagay ito, ang mga doktor sa Jacksonville ay sumang-ayon na ingatan ang mga rekord ng bata hanggang sa makasumpong kami ng ibang doktor. Wala kaming kamalay-malay kung gaano katanyag ang aming munting anak na babae at kung gaano kasamâ ang palagay ng mga doktor sa Vero Beach!

Nakipagtipan ako sa isa pang pediatrician na inirekomenda sa amin dahil sinabi niya na igagalang niya ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa isyu ng dugo. Dinala ko si Kaleigh sa kaniyang opisina. Hinubaran ko si Kaleigh, at siya ay tinimbang ng nars at kinunan ng temperatura. Si Kaleigh ay nakahiga sa mesa at naghihintay sa doktor. Ang doktor ay pumasok at nilampasan siya, sinasabi na siya at ang iba pang mga pediatrician ay sumang-ayon na hindi nila gagamutin ang bata at na itinataguyod nila ang pediatrician na kumuha ng court order.

Binanggit ko na sinabi niya sa mga kaibigan ko na siya ay makikipagtulungan sa aming paninindigan tungkol sa isyu ng dugo. Sinabi niya na hindi naman niya sinabi na makikipagtulungan siya sa amin. “Bueno, inaakala ho nila na pangangatawanan ninyo ang inyong sinabi,” tugon ko. Pagkasabi ko niyaon siya ay lumabas ng silid, hindi man lang tiningnan ang batang nakahiga sa mesa. Habang binibihisan ko si Kaleigh, umiyak na naman ako, iniisip ko kung paanong naging manhid ang mga tao, pati na yaong ipinalalagay na nakatalagang alagaan ang kanilang kapuwa.

Upang matingnan si Kaleigh, kailangang dalhin ko siya mahigit na 60 kilometro sa isang doktor na handang gumamot sa kaniya. Inaakala kong maraming doktor ang talagang hindi naniniwala na aktuwal na iiwasan namin ang dugo pagdating sa isang kritikal na buhay-at-kamatayan na kalagayan. Inaakala nila na babaguhin namin ang aming isip. Kailangang ipaalam namin na kami ay taimtim, nag-alay na mga Saksi ng ating Diyos at na ang pagsunod sa kaniyang kautusan ang pangunahin sa anumang iba pang bagay.

Ang aming karanasan ay totoong nakatulong sa iba pang mga magulang na Saksi sa pagtalakay ng medikal na paggamot sa kanilang doktor. Sila ay naging higit na espisipiko sa pagtanong sa kanilang doktor sa kung ano ang kaniyang gagawin sa ilalim ng espisipikong mga kalagayan. ‘Paano ninyo pangangasiwaan iyan?’ naitanong nila na binabanggit ang aming kalagayan. At sa pagbanggit sa aming karanasan natanto ng mga doktor na talagang pinaninindigan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sinasabi.

Nagulat kami nang pagkaraan ng halos anim na buwan kami ay tumanggap ng isang liham buhat sa Department of Health and Rehabilitative Services na bumabanggit na natapos na nila ang kanilang imbestigasyon tungkol sa mga paratang na medikal na pagpapabaya laban sa amin. Ang mga paratang, sabi ng liham, ay napatunayang hindi totoo at ang mga paratang ay pinawalang-saysay. Tumawag ako sa kagawaran upang alamin ang tungkol sa kanilang imbestigasyon. Gusto kong malaman kung ano nga ba ang kasangkot sa imbestigasyong ito. Ang babaing nangangasiwa ay nagsabi na tinawagan lamang nila ang Jacksonville upang tiyakin kung ano ang ginawa. Nasiyahan na sila roon.

Si Kaleigh ngayon ay tatlong taóng gulang na. Siya ay larawan ng kalusugan at palaging pinagmumulan ng kagalakan. Maibigin siya sa mga tao at natutuwa siyang ampunin ang iba pa sa kongregasyon bilang kaniyang pansamantalang nanay o tatay. Madalas sabihin, “Oh, ang ganda ng apo mo!” Ngingiti na lamang ako at sasabihin ko, “Hindi, anak ko siya.” Anong laki ng pasasalamat ko sa ating maibiging Diyos!​—Gaya ng inilahad ni Bonnie Deskins.

[Blurb sa pahina 13]

“Sinabi nila na isasama nila ang bata”

[Blurb sa pahina 14]

“Kailangan kayang sunggaban namin ang bata at tumakbo?”

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ng aking anak na babae, si Kaleigh

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share