Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 11/8 p. 23-25
  • Paano Nila Magagawa Iyon sa Akin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Nila Magagawa Iyon sa Akin?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Nabibigo Kung Minsan ang Nakatatandang mga Kapatid
  • Kung Ano ang Nadarama ng mga Magulang
  • ‘Gagawin Ko Rin Kaya ang Gayon?’
  • Matuto Buhat sa Kanilang Pagkakamali
  • Ako Kaya’y Maging Gaya ng Kapatid Ko?
    Gumising!—1992
  • Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking Kapatid?
    Gumising!—2003
  • Bakit Ba Napakahirap Makasundo ang Aking Kapatid na Lalaki at Babae?
    Gumising!—1987
  • Bakit Napakahirap Pakisamahan ang Aking mga Kapatid?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 11/8 p. 23-25

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Nila Magagawa Iyon sa Akin?

“Iginagalang ko si Gina bilang aking nakatatandang kapatid.a Isinasama niya ako sa sine at tinutulungan niya ako sa aking araling-bahay. Hindi ko alam na may problema siya hanggang isang gabi ipinahayag na siya ay itinitiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Nabigla ako. Hindi ako makapaniwala. Hindi niya sinasabi sa akin na may problema siya.”​—Terry.

“Si Bill ay aking nakatatandang kapatid. Labis ko siyang iginagalang. Siya ay kaibig-ibig​—kalugud-lugod, nakatutuwa. Kapag kami’y kumakain bilang isang pamilya, lagi niya kaming pinatatawa! Ngunit si Bill ay laging magagaliting tao. Nagsimula siyang makibarkada sa ilang laki sa layaw na mga anak ng mayaman at nasangkot sa mga droga. Iyan ang gumawa sa kaniya na lalo pang magagalitin. Di-nagtagal nakikipag-away na siya sa aming mga magulang. Nakita ko pa ngang itinulak niya si Inay minsan! Isang linggo binalak namin ang aming unang pagkakamping na pamamasyal ng pamilya. Inaasam-asam ko ito! Saka naman naglayas si Bill, hindi kami binigyan ng pahiwatig kung saan siya nagpunta. Natatakot ako kung ano ang maaaring mangyari sa kaniya, nag-aalala. Subalit galit din ako sa kaniya; galit kasi kailangang ikansela ni Itay ang aming pamamasyal, galit dahil lagi na lang ginugulo ni Bill ang lahat.”​—Don.

MASAKIT kapag ang isang nakatatandang kapatid na lalaki o babae ay nagrerebelde, naglalayas, nadarakip, o sa iba pang paraan ay nagdadala ng kahihiyan sa inyong pamilya.

Karaniwan nang tinitingnan mo ang nakatatandang kapatid (lalaki o babae) bilang isang huwaran. Ang mamasdan ang isang iyon na mahulog mula sa isang pedestal ay maaaring maging isang napakasakit na karanasan. Maaari pa nga nitong pukawin ang takot sa iyong sarili. ‘Mangyari kaya ito sa akin?’

Ang hinanakit ay maaaring isa pa ring malakas na damdamin na dapat paglabanan. Ipinaghihinanakit mo ang iyong mapaghimagsik na kapatid sa lahat ng pasakit at kirot na dulot niya sa iyo at sa iyong pamilya. “Hindi malaman ni Inay at ni Itay kung ano ang gagawin,” gunita ni Don. “Dinamdam nila ang bagay na iyon.” Maaaring ipinaghihinanakit mo pa na ang iyong suwail na kapatid ay siya ngayong pinagtutuunan ng pansin ng iyong mga magulang​—para bang hindi ka umiiral! Maaari pa ngang matukso kang umarte nang kaunti upang makuha ang atensiyon ng iyong mga magulang.

Sa kabilang dako, maaari ka ring makadama ng hinanakit sa iyong mga magulang ngayong sinisimulan nilang bigyan ng mahigpit na disiplina ang mapaghimagsik. Nagtatanong ka: ‘Kailangan bang maging napakahigpit nila sa kaniya?’ Baka nagsasawa ka na rin na marinig ang mahigpit na pangaral ng iyong mga magulang sa kaniya. Ang ibang mga kabataan ay lihim pa ngang naiinggit, nag-iisip kung tatamasahin din kaya nila ang malayang istilo-ng-buhay na waring ngayo’y nagugustuhan ng kanilang kapatid na lalaki o babae. O baka nahihiya kang sabihin ang nakalulungkot na kalagayan sa iyong mga kaibigan.

Kung gayon, bakit ba tayo kung minsan binibigo ng ating nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae? At paano mo maiiwasan na masyadong maapektuhan nito ang iyong buhay?

Kung Bakit Nabibigo Kung Minsan ang Nakatatandang mga Kapatid

Nililiwanag ng Bibliya na “lahat”​—kahit na ang lubhang-iginagalang na mga kapatid na lalaki at babae​—“ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) At ang mga kabataan ay lalo nang madaling matuksong gumawa ng masama, yamang hindi pa nila natututuhang supilin ang kanilang mga damdamin at mga silakbo ng damdamin. Kaya nga sinasabi ng Bibliya na “ang kamangmangan ay nakabalot sa puso ng bata [o, kabataan].” (Kawikaan 22:15) Kung paanong ang kanilang kabiguan ay tiyak na nakasasakit sa iyo, marahil ay walang dahilan upang ikaw ay maniwala na ang pagkakamali ng iyong kapatid ay sa anumang paraan personal na patungkol sa iyo, ni may dahilan man kaya na ikaw ay labis na mapahiya, na para bang ang pagkakamali ay gawa mo.

Posibleng may ilang pagkukulang sa bahagi ng iyong mga magulang sa pagpapalaki nila sa iyong kapatid na lalaki o babae. Marahil masyado silang maluwag o hindi nila dinisiplina siya nang wasto. (Kawikaan 13:24; 29:15, 17) Marahil, sa ilang paraan ay hindi rin sila nagpakita ng tamang halimbawa. Gayunman, walang gaanong magagawa sa pakikipagtalo sa iyong mga magulang, sinisikap na ibunton ang sisi sa kanila sa mga problema ng iyong kapatid.

Malamang, mayroon ding pagkukulang sa bahagi ng iyong mga magulang na magbigay ng pagsasanay, subalit may pagkukulang din sa bahagi ng iyong kapatid na tumugon sa pagsasanay ng magulang.

Kung Ano ang Nadarama ng mga Magulang

Ito’y maaaring makatulong sa iyo na pahalagahan kung bakit ang paglalayas ng iyong kapatid ay lalo nang napakasakit sa iyong mga magulang. Gumugol sila ng maraming panahon, pagsisikap, at damdamin sa pagpapalaki sa iyong kapatid na lalaki o babae. At pagkakita na ang isang iyon ay gumawa ng pagkakamali, hindi nila maiwasang makadama ng pag-aalinlangan at makonsensiya tungkol sa paraan ng pagpapalaki nila sa kaniya.

Hindi kataka-taka, kung gayon, na kapag ang problema ay napakatindi, para bang hindi ka napapansin ng iyong mga magulang. Ang aklat na How to Survive Your Child’s Rebellious Teens, ni Myron Brenton, ay nagsasabi: “Ang mapaghimagsik na anak ay siyang nagiging sentro ng daigdig ng mga magulang at kumukuha ng kanilang napakaraming emosyonal na lakas anupa’t ang ibang mga anak ay hindi napapansin. ‘Napakabulag ko, ang aking pansin ay nakapako sa nakatatandang anak na babaing ito anupa’t nawala sa isip ko na mayroon pa akong isang anak na babae o asawa,’ sabi ng isang ina na ang anak ay sugapa sa droga.”

Ipagpalagay na, hindi makatuwiran kung ang mga magulang ay kikilos nang ganito. Subalit mauunawaan naman, di ba? Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Haring David ay lubhang nalumbay sa paghihimagsik at sa kasunod na kamatayan ng kaniyang anak na si Absalom anupa’t pansamantalang naiwala niya ang kaniyang pagkakatimbang at wala na siyang ginawa kundi ang umiyak: “Anak kong Absalom! Absalom anak ko, anak ko!” (2 Samuel 19:4-6) Alamin mo na habang humihinahon ang mga bagay-bagay​—at ito ay hihinahon sa paglipas ng panahon​—unti-unting babalik ang pagkakatimbang ng iyong mga magulang at muli na naman silang nasa kalagayan na mas mabuting pangalagaan ang inyong mga pangangailangan.

‘Gagawin Ko Rin Kaya ang Gayon?’

Ang tanong na ito ay lubhang nakababalisa sa maraming kabataan, lalo na kung nasusumpungan nila ang kanilang sarili na medyo mausisa tungkol sa “kalayaan” na nararanasan ng kanilang nakatatandang kapatid na lalaki o babae.

Una muna, dapat mong mabatid na bagaman iginagalang mo ang iyong nakatatandang kapatid, ikaw ay may pananagutan pa rin sa Diyos na gawin ang tama. “Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi niya ito ginagawa ay nagkakasala,” sabi ng Santiago 4:17. (Ihambing ang Galacia 6:5.) Ang mainggit sa tila ba kalayaang tinatamasa niya ngayon ay kamangmangan. Ang salmistang si Asaph ay nakadama mismo ng gayong pagkainggit sumandali. Subalit pagkatapos ng maingat na pagsusuri sa ibubunga nito sa makasalanang mga mapaghimagsik, siya’y naghinuha na ang mga iyon ay “nasa madulas na dako”​—isang tibok ng puso na lamang ang layo sa kapahamakan! (Awit 73:18) Hindi mo na kailangan pang personal na maranasan ang pagkakamali upang malaman na ito ay humahantong sa sama ng loob.​—Galacia 6:7, 8.

Alamin mo rin, na kung ano ang ginagawa ng iyong nakatatandang kapatid na lalaki o babae ay hindi nagsasaysay ng kung ano ang gagawin mo. Gaya ng pagkakasabi rito ni Terry (sinipi sa simula): “Hindi ko gagawin ang ginawa ng kapatid ko. Hindi ako tulad niya. Magkaiba kami.”

Isaalang-alang, halimbawa, ang ulat ng Bibliya tungkol kay Jose. Isa man sa sampung nakatatandang kapatid na lalaki ni Jose ay hindi nagpakita ng mabuting halimbawa upang tularan. Gayunman hindi hinayaan ni Jose na makaimpluwensiya sa kaniya ang kanilang masamang halimbawa. Siya’y nagpakita ng debosyon sa matuwid na mga simulain at naging “isa na bukod tangi sa kaniyang mga kapatid” upang tumanggap ng maraming pribilehiyo at mga pagpapala.​—Deuteronomio 33:16; Genesis 49:26.

Ikaw man ay maaaring magsikap na “maging halimbawa sa nagsisisampalataya sa pananalita, sa ugali, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-puri,” anumang landasin ang tinahak ng iyong nakatatandang kapatid na lalaki o babae. (1 Timoteo 4:12) Ang iyong tapat na mga pagsisikap ay maaari pa ngang magpakilos sa iyong nakatatandang kapatid na lalaki o babae na ituwid ang kaniya mismong buhay.

Matuto Buhat sa Kanilang Pagkakamali

Sikaping magkaroon ng ilang pakinabang buhat sa mahirap na kalagayang ito. Halimbawa, ang iyo bang kapatid na lalaki o babae ay naghanap ng “masasamang kasama”​—mga kabataang nagmumura, nagdodroga, nagmamalabis sa mga inuming nakalalasing, o nagsasagawa ng imoral na paggawi? (1 Corinto 15:33) Marahil ay kailangang maingat na suriin mo ang iyong mga kasama.

Isipin din, ang tungkol sa paraan ng pagtugon ng iyong nakatatandang kapatid sa payo ng iyong mga magulang. Siya ba ay palasagot, matigas ang ulo, mapaghimagsik? Kung gayon, nasusumpungan mo ba ang iyong sarili na sumasagot paminsan-minsan sa iyong mga magulang o nagdadabog kapag isinasagawa mo ang ipinag-uutos nilang gawin mo? Maaari ka bang maging higit na maingat sa ‘paggalang sa iyong ama at sa iyong ina’?​—Efeso 6:2.

Hindi ito magiging madali, subalit madadaig mo at ng iyong pamilya ang malungkot na karanasang ito at marahil makakita pa ng kabutihan dito. Samantala, huwag mawalan ng pag-asa na mababatid din ng iyong nakatatandang kapatid ang kaniyang pagkakamali at kumuha ng mga hakbang upang magbago. (Ihambing ang Lucas 15:11-24.) Huwag kaligtaan na bagaman biguin ka ng ilang miyembro ng pamilya, hinding-hindi ka kailanman “iiwan [ni Jehova] at sa anumang paraan ay hindi kita pababayaan.” (Hebreo 13:5) Samakatuwid ang katapatan kay Jehova ay dapat na mauna. Ang iyong pagnanais na palugdan siya ay magpapakilos sa iyo na mamuhay ng isang malinis at kapuri-puring buhay​—kahit na kung ang isang mahal na kapatid na lalaki o babae ay iba ang napiling gawin.

[Talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay binago.

[Larawan sa pahina 24]

Ang isang mapaghimagsik na kapatid ay karaniwang nagiging pokus ng pansin ng magulang. Maaaring madama ng batang walang sala na siya ay pinabayaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share