Talaga bang Kontrolado ng mga Bituin ang Inyong Buhay?
“NAIS malaman ng maraming tao ang karaniwang walang kapararakang mga bagay—kailan ako magkakaroon ng isang milyong dolyar o kailan ko makikilala si Mr. Wonderful?” sabi ng isang bahaging-panahong astrologo. Oo, karamihan ng mga tao ay lumalapit sa astrolohiya bilang isang paraan upang malaman ang ilang bagay tungkol sa kanilang kinabukasan. At maraming astrologo ang sabik na pagbigyan sila sa pamamagitan ng pagpapalugod sa kanilang mga naisin—sa isang kabayaran, mangyari pa.
Gayunman, niwawalang-halaga ng mga astrologong itinuturing ang kanilang mga sarili na makabago ang gayong palagay. “Hindi ako ganiyan,” sabi pa ng bahaging-panahong astrologo. “Sinisikap ko lamang tulungan ang mga tao na maunawaan ang kanilang sarili.” Sa anong paraan, kung gayon, dapat tulungan ng astrolohiya ang mga tao na maunawaan ang kanilang sarili?
Nalalaman ng lahat na ang mga gawain ng tao ay apektado ng araw, buwan, at mga bituin. Tinitiyak ng araw ang mga panahon at ang siklo ng paglaki. Ang buwan ang pangunahing puwersa sa likod ng paglaki at pagliit ng tubig. Ang mga bituin ay malaon nang ginagamit bilang giya sa nabigasyon. Kapani-paniwala ba na ang makalangit na mga bagay na ito ay gumaganap din ng malaking bahagi sa iba pang gawain sa ating buhay?
Ang astrolohiya ay sumasagot ng oo. Ang pangunahing turo ng astrolohiya ay na ang posisyon ng araw, ng buwan, at ng mga planeta sa gitna ng mistikong mga konstelasyon sa ating kapanganakan ay gumaganap ng malaking bahagi sa ating pagkatao at sa ating buhay. Kaya, sa pagkaalam sa panahon at lugar ng kapanganakan ng isang tao, ang isang astrologo ay makagagawa ng isang tsart, o horoscope, ipinakikita ang mga posisyon ng mga bituin at ng mga planeta at kaniyang bibigyan-kahulugan ang mga salik na maaaring makaimpluwensiya sa mga pagkilos ng taong iyon sa isang partikular na panahon. Ano ang saligan sa pag-aangking ito? Gaano katotoo ito?
Bilang isang eksperimento, ipinadala ng sikologong Pranses na si Michel Gauquelin ang petsa ng kapanganakan at lugar na pinagsilangan ng isang binitay na mamamatay-tao sa isang astrologo para suriin. Pagkatapos ipinadala niya ang resulta sa 150 katao na tumugon sa kaniyang anunsiyo na nag-aalok ng libreng pagsusuri sa horoscope. Ang resulta? Nasumpungan niya na 90 porsiyento ng mga tao ang nagsabi na ang pagsusuring tinanggap nila ay isang wastong paglalarawan ng kanilang personalidad at na 80 porsiyento ang nagsabi na kahit na ang kanilang mga kaibigan at pamilya ay sumasang-ayon.
Labis-labis para sa aktuwal na pangangatuwiran! Ang totoo ay na ang astrolohikal na mga pagbasa ay karaniwang ipinahahayag sa malabong pananalita—at ang kalikasan ng tao ay masalimuot—na kung ang isa ay nahihilig sa paghanap ng isang bagay na angkop, siya ay laging makasusumpong nito, saanman nakasalig ang pagbasa.
Ang Pinagmumulan
Lahat ng ito ay nagdadala sa atin sa tunay na isyu: Ipagpalagay nang ang mga bituin ay gumaganap ng bahagi sa pag-impluwensiya sa ating buhay, sa anong paraan tayo naiimpluwensiyahan nito? Sa lahat ng puwersang kilala ng siyensiya, alin dito ang nasasangkot? Sapagkat ang mga bituin at ang mga planeta ay napakalayo, sinabi ng isang siyentipiko na “kung tungkol sa epekto sa [isang] bagong silang na sanggol, ang hila ng grabitasyon ng nangangasiwang manggagamot, ang elektromagnetikong radyasyon ng mga ilaw sa silid ay mas malakas kaysa alinman sa mga planeta.” Kung ang mga bituin ay hindi nakakaimpluwensiya sa atin sa pamamagitan ng grabitasyon, elektromagnetiko, o alinmang iba pang puwersang kilala ng siyensiya, kung gayon ano ang pinagmumulan ng impluwensiya?
Ang nakaiintrigang tanong na ito ay binanggit ng isang propesor sa astronomiya na si George Abell sa aklat na Science and the Paranormal. Pagkatapos suriin ang lahat ng pag-aangking ginawa ng mga astrologo tungkol sa lakas ng mga bituin at mga planeta, si Abell ay sumusulat:
“Kung ang mga planeta ay gagawa ng impluwensiya sa atin, ito ay kinakailangan na sa pamamagitan ng isang di-kilalang puwersa at isa na may pambihirang mga katangian: kailangan itong manggaling sa ilan subalit hindi sa lahat ng makalangit na mga bagay, kailangang maapektuhan nito ang ilan subalit hindi ang lahat ng bagay sa lupa, at ang lakas nito ay hindi maaaring dumipende sa layo, bigat, o iba pang katangian ng mga planetang iyon na nagpapangyari nito. Sa ibang salita, mawawalan ito ng pagkasansinukob, kaayusan, at pagkakasuwato na masusumpungan sa lahat ng iba pang puwersa at likas na batas na kailanman natuklasan na kumakapit sa tunay na sansinukob.”
Hindi nalalaman ng siyensiya ang gayong puwersa. Kung mabisa nga ang astrolohiya, kailangan itong gumawa taglay ang puwersa, o mga puwersa, sa labas ng “tunay na sansinukob.” Subalit palibhasa’y nagugunita na ang astrolohiya ay nagmula sa sinaunang Babilonya, kung saan ang mga bituin at ang mga planeta ay sinasamba bilang mga diyos, hindi kataka-taka na ang pinagmumulan ng impluwensiya nito ay hindi mula sa “tunay na sansinukob” kundi mula sa sobrenatural.
Ang Kapangyarihan sa Likuran ng Astrolohiya
Ipinakikita ng Bibliya na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo, na isang di-nakikita subalit makapangyarihang espiritung nilalang na may kakayahang supilin at maneobrahin ang mga tao at mga pangyayari sa lupa. (1 Juan 5:19) Sa pagmamaneobra ng mga bagay upang tiyakin na ang mga hula ay magtinging totoo, matagumpay na binihag ni Satanas at ng mga demonyo ang guniguni ng mga tao at ginawang isang kulto ang astrolohiya.
Mahalaga, kung gayon, anong uri ng mga hula ang wari’y nagkakatotoo? Hindi ba’t ang mga ito ay karaniwan nang tungkol sa kamatayan, pagpatay, pataksil na pagpatay, kapahamakan—mga bagay na nakatatakot at nakapangingilabot, sataniko at makademonyo? Ang payak na katotohanan ay na ang astrolohiya ay isa sa “mga lalang ng Diyablo” na ginagamit niya upang supilin at impluwensiyahan ang mga tao na maglingkod sa kaniyang layunin.—Efeso 6:11.
Ano ang layuning iyon? “Binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila’y huwag sumilang ang kaliwanagan ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Kristo,” sagot ng Bibliya. (2 Corinto 4:4, Revised Standard Version) Sa layuning iyan, ang astrolohiya ay nagsilbi nang husto sa panginoon nito. Ganito ang sabi ng Australianong astropisiko na si Vince Ford: “Ang astrolohiya ay naging isang uri ng relihiyon subalit ito ay lubhang hindi mapatunayan . . . Ang masasabi ko lamang ay na ikinalulungkot ko na yaong naniniwala rito ay hindi kumukuha ng pananagutan sa kanilang mga kilos kundi isinisisi ito sa kawawang mga bituin.”
Noong ikawalong siglo B.C.E., si propeta Isaias ay kinasihang magsabi ng mapang-uyam na hamon sa mga astrologo: “Magsitayo kayo, ngayon, at iligtas kayo, mga mananamba sa langit, at mga nagmamasid sa mga bituin, na mga mangingilala sa bagong buwan tungkol sa mga bagay na mangyayari sa iyo.”—Isaias 47:13.
Ang isa na naniniwala sa astrolohiya ay umaayon sa patalistikong pangmalas na ‘mangyayari ang mangyayari’ sapagkat ‘ito’y nakasulat sa mga bituin.’ Ito’y katumbas ng pagkakaila sa kalooban ng Diyos o sa pananagutan ng mga tao na kumilos ayon sa kaloobang iyon.
Kaya sa halip na umasa sa mga bituin para sa mga tanda at mga pangitain upang patnubayan ang ating mga buhay, ano ang matututuhan natin sa mga bituin? Oo, ano ang masasabi sa atin ng mga bituin? Ang susunod na artikulo ay nagbibigay ng kasagutan.
[Kahon sa pahina 6]
Ang Astrolohiya ba ay Siyentipiko?
Ang siyentipikong mga tuklas kamakailan ay nagharap ng mahirap taluning mga hamon para sa astrolohiya. Isaalang-alang ang mga katotohanang ito:
◼ Batid na ngayon na ang mga bituin na waring nasa isang konstelasyon ay hindi talaga nasa isang grupo. Ang ilan sa kanila ay napakalayo, ang iba ay malapit. Kaya, ang zodiacal na mga katangian ng iba’t ibang konstelasyon ay pawang guniguni lamang.
◼ Ang mga planetang Uranus, Neptune, at Pluto ay di-kilala ng unang mga astrologo, sapagkat ang mga ito ay hindi pa natuklasan hanggang noong maimbento ang teleskopyo. Paano, kung gayon, ipaliliwanag ang kanilang “mga impluwensiya” sa astrolohikal na mga tsart na iginuhit mga dantaon na mas maaga?
◼ Ang siyensiya ng pagmamana ay nagsasabi sa atin na ang ating personalidad ay nabubuo, hindi sa pagsilang, kundi sa paglilihi, kapag ang isa sa angaw-angaw na mga binhi mula sa ama ay sumasama sa itlog na mula sa ina. Gayunman, inilalagay ng mga astrologo ang horoscope ng isa sa sandali ng pagsilang, siyam na buwan na huli.
◼ Ang bahagi ng langit kung saan waring kumikilos ang araw, ang buwan, at ang mga planeta, na tinatawag na zodiac, ay hinahati ng mga astrologo sa 12 pantay-pantay na bahagi, bawat isa’y may isang konstelasyon na pinakatanda. Sa katunayan, mayroong 14 na mga konstelasyon sa bahaging iyon ng langit. Ang mga ito ay hindi pantay-pantay ang laki at nagsasanib sa isa’t isa sa ilang lawak. Kaya ang mga tsart na iginuguhit ng mga astrologo ay walang anumang pagkakahawig sa kung ano ang nasa langit.
◼ Ang pagsasaoras ng paglalakbay ng araw sa mga konstelasyon, gaya ng nakikita ng isang tagamasid buhat sa lupa, ay halos isang buwang huli ngayon sa kung ano ito 2,000 taon ang nakalipas nang iguhit ng mga astrologo ang mga tsart at talaan. Sa gayon, mailalagay ng astrolohiya ang isang taong ipinanganak sa dakong huli ng Hunyo o maagang Hulyo bilang isang Cancer—lubhang sensitibo, sumpungin, tahimik—sapagkat sa tsart ang Araw ay nasa konstelasyon ng Cancer. Gayunman, sa katunayan ang Araw ay nasa konstelasyon ng Gemini, na malamang na gagawa sa isang tao na “palakausap, matalino, masalita.”
[Kahon sa pahina 7]
Astrolohiya sa Silangan at Kanluran
Ang astrolohiya gaya ng isinasagawa sa Kanluran ay ipinalalagay ang pantanging mga katangian sa bawat isa sa 12 konstelasyon kung saan waring naglalakbay ang araw sa isang taon. Ang mga pangkat na ito ng mga bituin ay pinanganlan ng mga Griego, na nakikita ang mga ito bilang mga kinapal, na Aries ang Tupa, Taurus ang Toro, at Gemini ang Kambal.
Kapuna-puna, ang astrolohiya sa sinaunang Tsina at Hapón ay hinahati rin ang zodiac sa 12 bahagi na katugon ng 12 hayop ng tinatawag na mga sanga sa lupa—aso, manok, unggoy, kambing, kabayo, at iba pa. At ang bawat hayop ay sinasabing nakaiimpluwensiya ayon sa katangian nito sa loob ng isang yugto ng panahon. Kaya, ang katugmang mga bahagi ng langit ay tinatawag ng Silanganin at Kanluraning astrolohiya sa sumusunod na paraan:
Kanluraning Zodiac Silanganing Zodiac
Aries ang Tupa Aso
Taurus ang Toro Manok
Gemini ang Kambal Unggoy
Cancer ang Alimango Kambing
Leo ang Leon Kabayo
Virgo ang Birhen Ahas
Libra ang Timbangan Dragon
Scorpio ang Alakdan Kuneho
Sagittarius ang Mamamana Tigre
Capricorn ang Kambing Toro
Aquarius ang Tagapagdala ng Tubig Daga
Pisces ang Isda Baboy
Ano ang masusumpungan natin kapag inihambing natin ang dalawang sistemang ito? Kakatuwa, ang mga konstelasyon ay waring kumikilos sa ganap na magkaibang paraan sa Silangan at sa Kanluran. Kaya nga, inihuhula ng Kanluraning astrolohiya na ang isang taong isinilang nang ang araw ay nasa Aries, halimbawa, na mapilit, sa Taurus, matigas ang ulo, at iba pa. Subalit hindi ito ang mga katangian na iuugnay ng isa sa aso at manok. Gayunman, iyan naman ang inihuhula ng Silanganing astrolohiya. Gayundin ang masasabi sa iba pang pares. Sa gayon, depende sa kung anong sistema ang pipiliin mo, ang mga bituin ding iyon ay sinasabing nagtataglay ng lubhang kakaibang katangian at malamang na gumagawa ng kakaibang impluwensiya. Ang mga bituin ba o ang guniguni ng mga astrologo ang siyang sumusupil?
[Larawan sa pahina 8]
Ang pinakamatandang horoscope sa daigdig, malamang noong Abril 29, 410 B.C.E. Ito ay ginawa sa Babilonya
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng mga dumalaw sa Ashmolean Museum, Oxford