Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit ba Laging Nag-aaway sina Inay at Itay?
Marami po akong problema sa aking pamilya, at hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko. Ang aking itay ay mahilig sumigaw tungkol sa bawat maliit na bagay na maisisigaw niya. At gayundin si inay. Kapag si itay ay walang makain pag-uwi niya ng bahay mula sa trabaho, sinisigawan niya si inay.—Isang 12-anyos na babae.
Ako po’y lubhang nababahala tungkol sa pagdidiborsiyo ng aking mga magulang. Mangyari pa, mahal ko silang dalawa at nais ko pong makasama silang dalawa sa lahat ng panahon, subalit sila po ay nag-aaway tungkol sa pera at sa marami pang ibang bagay.—Isang 10-anyos na lalaki.
GAYA ng nakikita mo, ang mga magulang ay dapat na mag-ibigan at magmahalan sa isa’t isa. Dapat na sila ay pantas, nalalaman-lahat, mabait, makonsiderasyon. Dapat na magkita sila nang mata sa mata sa halos lahat ng bagay. At kung mayroon silang kaunting pagkakaiba ng opinyon, dapat na pinag-uusapan nila ito nang mahinahon, tahimik, nang hindi mo naririnig. Hindi sila dapat magtalo.
Subalit marahil ay natuklasan mo sa iyong pagkabalisa na ang iyong mga magulang kung minsan ay hindi nagkakasundo—at hindi mahinahon at tahimik sa tuwina. Ito ang iyong mga magulang, at ang makita silang nagtatalo ay nakasasakit sa iyo nang higit kaysa masasabi ng mga salita. Isang kabataan ang nagsabi na nang ang kaniyang mga magulang ay nag-aaway, “kung minsan nadarama kong para bang nasisira ang loob ko.”
Kung Bakit Nag-aaway ang mga Magulang
Tunay nga, mabuti sana kung laging naiingatan ng mga ina ‘ang kautusan ng kagandahang-loob sa kanilang dila’ at hinding-hindi bumibigkas ng nakasasakit na salita. (Kawikaan 31:26) Mas mahusay nga sana kung ang mga ama ay hindi kailanman “mapait na magagalit sa” kani-kanilang asawa. (Colosas 3:19) Subalit ang Bibliya ay nagsasabi: “Tayong lahat ay malimit na natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal.”—Santiago 3:2.
Oo, ang iyong mga magulang ay di-sakdal. Bilang tuntunin, maaaring ‘pinagtitiisan nila ang isa’t isa sa pag-ibig.’ (Efeso 4:2) Ngunit hindi mo dapat ipagtaka kung, paminsan-minsan, tumitindi ang galit at nahahayag ang mga ito sa mga bangayan.
Tandaan din, na ito ay “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang panggigipit sa trabaho, pagbabayad ng mga utang, pakikipaglaban sa kapaligiran ng dako ng trabaho—lahat ng ito ay mga bagay na nagpapabigat sa pag-aasawa. At may pantanging mga panggigipit kapag ang dalawang magulang ay sekular na nagtatrabaho. Ang basta pagpapasiya kung sino ang magluluto at maglilinis ay maaaring pagmulan ng pagtatalo.
Kung Ano ang Maaaring Madama Mo sa Kanilang Pag-aaway
Anuman ang nag-udyok sa iyong mga magulang na magtalo, maaaring makasira sa iyo na marinig silang nagtatalo. Ang manunulat na si Linda Bird Francke ay nagsasabi na ang mga bata ay may hilig na “itaas ang kanilang mga magulang sa mataas na antas. Hindi iniisip ng isang bata ang kaniyang ina o ama bilang isang indibiduwal na may kaniyang kakatuwang mga katangian o mga kahinaan, kundi bilang isang matatag-bato na institusyon na inihulog sa lupa upang paglingkuran at pangalagaan lamang siya.” Ang makitang nag-aaway ang iyong mga magulang ay nagdiriin lamang ng masakit na kabatiran: na ang iyong mga magulang ay hindi halos “matatag-bato” na gaya ng akala mo. Maaari nitong yanigin ang mga pundasyon mismo ng iyong emosyonal na katiwasayan at pukawin ang lahat ng uri ng takot.
Ang Journal of Marriage and the Family ay nag-uulat: “Mahigit sa kalahati ng lahat ng mga bata na ang edad ay pang-elementarya na kinapanayam kamakailan ng National Survey of Children ay nagsabi na ang mga bata ay natatakot kapag ang kanilang mga magulang ay nagtatalo.” Ganito ang sabi ng isang batang babae na nagngangalang Cindy: “Paminsan-minsan ang aking nanay at tatay ay lubhang nagtatalo. Takot na takot ako at ako’y matutulog. Iniisip ko kung kailan kaya ito matatapos.”
Mga away tungkol sa pera—isang karaniwang paksa ng pagtatalo sa pagitan ng mga mag-asawa—ay maaaring pagmulan ng takot na nakakaharap ng inyong pamilya ang pagbagsak ng kabuhayan. At kapag ikaw ang pokus ng away (‘Kung hindi ka maghihigpit, hahaba ang buntot niyan!’) maaaring ikatakot mo pa nga na sa paano man ikaw ang masisisi sa pag-aaway.
Nakababahala rin ang walang tigil na mga away tungkol sa waring maliliit na bagay. (‘Sawang-sawa na ako na pagdating ko ng bahay ay hindi pa handa ang hapunan!’) Ang gayong pagtataltalan ay karaniwang mula sa mas malalim na sama ng loob sa pagitan ng iyong mga magulang. Mauunawaan naman, maaaring mag-alala ka na sila ay patungo sa hukuman upang magdiborsiyo. Ang nagbabantang panganib ng isang posibleng gulo “ay gumagawa sa iyo na asiwa sa tahanan at ayaw mong naroroon ang iyong mga kaibigan.”—Trouble at Home, ni Sara Gilbert.
Ang alitan ng iyong mga magulang ay maaari ring lumikha ng nakasasakit-damdaming labanan ng katapatan. Gaya ng pagkakasabi rito ng Journal of Marriage and the Family, “ang pagiging malapit sa isang magulang ay nagpapakilala sa panganib ng pagtanggi sa isa.” Palibhasa’y natatakot kang magsabi o gumawa ng anumang bagay na para bang ikaw ay kumakampi, hindi ka mapalagay kapag kasama mo ang iyong mga magulang, nangangamba ka na ikaw ay idamay sa labanan.
‘Sila ba’y Magdidiborsiyo?’
Malamang na hindi. Ipinakikita ng Bibliya na ang lahat ng pag-aasawa ay may kasamang problema. Sa 1 Corinto 7:28, si Pablo ay nagbababala na yaong nag-aasawa “ay magkakaroon ng kapighatian sa laman,” o “kirot at dalamhati sa buhay na ito.” (The New English Bible) Kaya ang bagay na ang mga magulang ay nagtatalo, kahit na mainitan, ay hindi nangangahulugan na hindi na sila nagmamahalan sa isa’t isa o na napipinto na ang isang diborsiyo. Ipinakikita ng Bibliya na kahit na ang mga taong lubhang nagmamahalan sa isa’t isa ay maaaring mag-away paminsan-minsan.
Si Sara, ang asawa ni Abraham, ay inihaharap sa mga babaing Kristiyano bilang isang halimbawa ng pagpapasakop sa asawa. (1 Pedro 3:6) Gayunman, nang mapansin niya na si Ismael, ang anak ni Abraham sa aliping babae na si Hagar, ay nagiging isang banta sa kapakanan ng isa pang anak ni Abraham, si Isaac, maalab na ipinabatid niya ang kaniyang damdamin. “Palayasin mo ang aliping ito at ang kaniyang anak,” bulalas ni Sara, “sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping babaing ito na kahati ng aking anak, samakatuwid baga’y si Isaac!” (Genesis 21:9, 10) Walang alinlangang sumiklab ang mga kaigtingan pangmag-asawa! Subalit wala namang nangyaring pangmatagalang pinsala. Sa katunayan, hinimok ng Diyos si Abraham na pagbigyan ang kahilingan ni Sara!
Kung gayon, malamang na ang mga hindi pagkakasundo ng iyong mga magulang ay waring mas mahalaga sa iyo kaysa kanila. Natuklasan ito ni Margaret nang sikapin niyang itigil ang bangayan ng mga magulang sa pagsigaw na, “Tumigil na kayo ng pag-aaway!” upang sabihan lamang na, “Nagtatalo lamang kami.”
Sa gayon ang karamihan ng mga silakbo ng galit sa pamilya ay panandalian at agad na nakalilimutan—lalo na kung ang iyong mga magulang ay may takot sa Diyos at ikinakapit ang payo na “maging mabait sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa gaya ng saganang pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.” (Efeso 4:32) Oo, malamang na lutasin ng iyong mga magulang ang kanilang mga problema nang walang anumang tulong mula sa iyo.
“Una’y Nagtatalo Sila, Pagkatapos Nagsasakitan Sila”
Gayunman, hindi lahat ng problemang pangmag-asawa ay napakadaling nalulutas. Isinisiwalat ng isang pitong-taóng pag-aaral sa 2,000 pamilya sa E.U. na “taun-taon halos isa sa bawat anim na mag-asawa sa Estados Unidos ay nagsasagawa ng hindi kukulanging isang marahas na kilos laban sa kaniyang kabiyak. . . . Malamang na ito ay isang mababang tantiya pa nga.” Ganito naman binuod ng isang tin-edyer na lalaki ang mga away ng kaniyang mga magulang: “Una’y nagtatalo sila, pagkatapos nagsasakitan sila.”
Kung gayon ang kalagayan sa inyong tahanan, kung gayon mayroon ngang malubhang problema sa pag-aasawa ng iyong mga magulang. Maaari pa ngang magkaroon ng isang tunay na banta sa iyong pisikal na kaligtasan—o sa iyong mga magulang. Gunita ni Marie, isang dalagang ang ina ay laging nakikipagtaltalan sa alkoholikong ama: “Ako’y takot na takot. Inaakala kong sasaktan niya ang aking nanay o sasaktan siya ni nanay.”
Nakababahala rin ang magulang na hindi pisikal na nanakit subalit berbalang sinasalakay ang isa’t isa ng “malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig.” (Efeso 4:31) Gayundin, ang mga magulang na nagsasabi ng masasakit na salita na nagpapahiwatig ng kawalang-kasiyahan sa sekso o ng kataksilan pa nga ay nagbibigay ng malinaw na mga palatandaan na may umiiral na malubhang mga suliraning pangmag-asawa.
Ang ibang pamilya ay may pantanging pinagmumulan pa nga ng away, gaya ng alkoholismo o pag-abuso sa droga. O maaari namang ang isang magulang ay Kristiyano at ang isa ay hindi sumasampalataya. Inihula ni Jesu-Kristo na ang gayong kalagayan ay maaaring “pagmulan ng pagkakabahagi” sa isang pamilya. Malubhang kaigtingang pangmag-asawa ang maaaring ibunga.—Mateo 10:35.
Kung gayon, ano ang dapat mong gawin kung ang pag-aasawa ng iyong mga magulang ay waring tunay na nanganganib? May magagawa ka ba bukod sa walang kayang pagmamasid sa kanila? Ito ang magiging paksa ng isang artikulo sa hinaharap.
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga silakbo ng galit ng mga mag-asawa ay nakababalisa sa mga tin-edyer
[Larawan sa pahina 25]
Ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay nagpapanumbalik ng kapayapaan