Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 12/22 p. 6-9
  • Tapat sa Isang Taong-Diyos—Bakit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tapat sa Isang Taong-Diyos—Bakit?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Diyos Subalit Bihirang Isang Pinuno
  • Ang Katanungan na Kung Sino ang May Pananagutan
  • Isang Bagay na Ikababahala
  • Libing Para sa Isang Dating Diyos
    Gumising!—1989
  • Guwardiya ng Pretorio
    Glosari
  • Ang Simbahan at Estado sa Byzantium
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • “Ako’y Disididong Mamatay Para sa Emperador”
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 12/22 p. 6-9

Tapat sa Isang Taong-Diyos​—Bakit?

ANG lalim ng debosyon sa emperador nang kasalukuyang ginaganap at bago naganap ang Digmaan Pandaigdig II ay mahirap maunawaan ng karamihan sa ngayon. “Isang larawan ni Hirohito ang nakatago sa isang pantanging banal na dako sa paaralan,” naaalala pa ni Mitsuko Takahashi, “at tuwing umaga ang mga mag-aaral ay hihinto at gagawa ng isang uri ng pagsamba sa banal na dakong iyon.”

“Kapag dumaraan ang emperador,” nagugunita ni Masato Sakamoto, “kailangan kaming yumuko ng mababang-mababa. Kami’y pinapaniwala na ang emperador ay masyadong kapita-pitagan upang masdang tuwiran ng ordinaryong mga tao.” Sa katunayan, ang mga bata ay sinabihang mabubulag kapag sila’y tumingin sa kaniyang mukha.

Ang sistemang edukasyonal ay ginamit ng mga lider militar at pulitikal ng Hapón upang iaral ang debosyon sa emperador. “Tinuruan ko ang mga bata, ‘Maging handang mamatay,’” sabi ni Kazuo Matsumoto, na sa 50 taon ng pagtuturo ay kasali ang panahon ng digmaan. “Ako’y nagpadala ng maraming mga kabataan sa larangan ng digmaan. Hindi ko mapawi sa aking nakaraan ang aking pagiging-maysala.”

Sinabihan ang mga kabataan ng Hapón na ang mga sakop ng emperador ay mga aohitogusa, o “lumalagong mga damong-tao,” at na kailangan nilang bigyan siya ng proteksiyon sa paglilingkod bilang kaniyang kalasag. Si Toshio Mashiko, na nakibahagi sa ilang pagpapatiwakal na paglusob sa Pilipinas at nakaligtas sa mga ito, ay nagpaliwanag: “Kami’y tinuruan na ang mamatay alang-alang sa emperador ang pinakadakilang karangalan para sa kaniyang mga sakop.”

Marami ang tunay na naniwala sa kapangyarihang magligtas ng emperador, kaya’t sila’y sumugod sa labanan nang walang takot. Si Shunichi Ishiguro, bilang halimbawa, ay nag-akalang ang mga bala ay tatalbog sa kaniyang katawan dahil sa siya’y isang kawal para sa inakala ng mga tao na “Dibinong Bansa.”

Nang matiyak na matatalo sa digmaan ang Hapón, isang batang lalaki, si Isamu, ang nagpahayag sa kaniyang ina ng kaniyang pag-aalala. “Huwag kang mag-alala,” sabi ng kaniyang inang Shinto, at inulit ang malaganap na pangmalas: “Tayo’y hindi matatalo sapagkat ang kamikazea (banal na hangin) ang tatangay sa ating mga kaaway.”

Isang Diyos Subalit Bihirang Isang Pinuno

Ang pagsamba sa emperador ay may mahabang kasaysayan sa Hapón, naging isang bahagi ng buhay ng mga tao sa mahigit nang isang libong taon. At ang relihiyosong tradisyon ay mahirap alisin. Bilang halimbawa, maging sa Sangkakristiyanuhan man ang mga tao ay nagsasabi: ‘Kung ang aking relihiyon ay naging sapat para sa aking mga magulang, ito’y sapat na para sa akin.’ At, ‘Lahat ay naniniwala dito, at hindi maaaring mali silang lahat.’ Subalit sa mga siglong nagdaan, daan-daang milyon ng mga tao ang nagkamali sa paniniwala na ang kanilang mga pinuno ay banal! Bigyang-pansin, panandalian, ang kasaysayan ng emperador na Hapones.

Ang kaniyang ginampanang papel sa mga lumipas na siglo ay lubhang iba-iba. “Ang emperador ay inaakalang nagtataglay ng kapangyarihang mahiko upang payapain o mamagitan sa mga diyos,” ang paliwanag ng Kodansha Encyclopedia of Japan. “Subalit dahil sa pitagang nakapalibot sa kaniyang pagkatao, itinuturing din na hindi nararapat para sa emperador na mabahala sa mga sekular na pagkakaabalahan sa pamahalaan. Ang pagkakaabalahang iyan, kasali na ang paggawa at pagpapatupad sa mga patakaran, ay para sa mga ministrong naglilingkod sa emperador.”

Kaya ang emperador pangunahin na’y naglilingkod sa isang makasaserdoteng katungkulan, hindi pulitikal. “Ayon sa tunay na diwa, ang tanging yugto sa kasaysayang Hapones na doo’y pinagsama ang kapuwa katungkulang iyan,” sabi ng binanggit sa itaas na encylopedia, “ay mula sa panunungkulan ni TENJI sa huling bahagi ng ika-7 siglo hanggang sa panunungkulan ni KAMMU sa dulo ng ika-8 at pasimula ng ika-9 na siglo.”

Maliban sa panahong iyan, ang mga emperador na Hapones ay hindi tunay na naminuno. Matapos ang ikasiyam na siglo, ang kapangyarihan ng emperador ay nabawasan, at nang magtagal, ang shogun, isang salitang nagpapahiwatig ng “militar na kumander,” ang nagsagawa ng pulitikal na autoridad. Bagama’t ang emperador ang teoretikong humirang sa shogun, ang shogun ang tunay na pinuno. Subalit, pagkatapos ng mga siglo ng pamumuno sa Hapón, isinauli ng pamahalaang shogunate ang kapangyarihan sa emperador noong 1867.

Nang taóng iyon si Emperador Meiji, lolo ni Hirohito, ay ginawang pinuno ng Hapón. Nang malaunan siya ay nagbigay sa kaniyang mga sakop ng saligang-batas na nagsasabing ang emperador ay “banal at hindi dapat suwayin.” Subalit may kabalighuan, bagaman ang emperador ay binigyan ng pulitikal na autoridad, siya’y hindi binigyan ng pulitikal na kapangyarihan. Siya’y nanungkulan subalit hindi namuno, sa katunayan.

Sinabi ng Saligang-Batas: “Ang bawat isa sa mga Ministro ng Estado ay magbibigay ng kanilang payo [at tulong] sa Emperador at mananagot para dito.” Sang-ayon sa Kodansha Encyclopedia, “ang ibig sabihin nito ay na hindi sa emperador nakaatang ang pulitikal na pananagutan kundi sa kaniyang mga ministro.”

Kaya ang mga ministro ng pamahalaan ang aktuwal na nagsasagawa ng pulitikal na kapangyarihan. Gayumpaman, ang emperador ay iniharap sa mga pangkaraniwang tao bilang isang diyos na may lubusang autoridad sa buong bansa. Sa gayon, ginamit ng mga namumuno ang tradisyonal at opisyal na pagkadiyos ng emperador upang supilin ang mga pangkaraniwang tao. Ang mga digmaang ipinaglaban sa ika-20 siglong ito ay ipinakipaglaban sa ngalan ng emperador. At ang mga tao sa pangkalahatan ay naniwalang isa siyang diyos na nagtaglay ng makahimalang kapangyarihan.

Bagaman gayon, kataka-taka man sa karamihan, si Hirohito ay hindi naniwala sa kaniyang pagkadiyos. “Ni minsan ay hindi ko itinuring ang aking sarili bilang isang diyos,” sabi niya sa Amerikanong hukbong militar matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Matapos itanggi ang “maling pagkaunawa na ang Emperador ay banal at na ang mga Hapones ay nakatataas sa ibang mga lahi,” iniulat na nagtanong siya sa kaniyang asawa: “May nakikita ka bang pagkakaiba? Mas mukha na ba akong tao sa iyo ngayon?”

Siyempre pa, ang ibang mga Hapones ay nakahalata rin tungkol sa pagkukunwang banal at nauunawaan nila ang talagang katotohanan. Sila’y nangatuwiran batay sa mga ebidensiya. Bilang halimbawa, si Minoru Yamanaka, na naglingkod ng apat na taon sa hukbo ng emperador, ay nagpaliwanag: “Ang ama ng emperador ay namatay sa edad na 47 at ang kanyang lolo sa edad na 59, mas maaga kaysa karamihan. Kaya hindi ko kailanman inisip na ang emperador ay Diyos.”

Ang Katanungan na Kung Sino ang May Pananagutan

Ang pagkakasakit at kamatayan ni Hirohito ay muling nagbukas sa isang sensitibong katanungan: “Anong pananagutan ang taglay ng emperador para sa militar na pagsalakay ng Hapón? Maliwanag na ayon sa pangmalas ng karamihan si Hirohito, bilang isang indibiduwal, ay tutol sa digmaan ngunit siya’y napilitang sumang-ayon sa mga pasiya ng kaniyang mga ministro. Kaya, tungkol sa mga plano ng kaniyang mga ministro na salakayin ang Estados Unidos noong 1941, kaniyang inamin: “Hindi ko maaaring panghimasukan ang kanilang pasiya. Ako’y naniniwalang kasuwato ito ng mga paglalaan ng Saligang-Batas Hapones.”

Sa kabilang dako, si Hirohito ang nagkusa at nagpasiyang sumuko nang ang kaniyang mga ministro ay baha-bahagi tungkol sa isyu. Pagkaraan, ilang araw matapos gawin ang pasiyang iyon, noong Agosto 15, 1945, nagulantang ang kaniyang mga sakop nang marinig ang tinig niya sa kauna-unahang pagkakataon habang ang pagsuko ay kaniyang ipinahahayag sa pambansang radyo. Nanawagan siya sa kanila na “batahin ang hindi maaaring batahin at tiisin ang hindi maaaring tiisin.”

Ilang buwan makaraan, ang pamahalaang Britano ay nagpahayag: “Hindi ang bomba atomiko ang sanhi ng pagsuko ng mga Hapones, kundi ang kautusan ng Emperador na nag-utos sa kanilang gawin iyon. Disin sana’y nagkaroon tayo ng isang magastos na paglusob.”

Kaya, nang pagkatapos ng digmaan ay ipagsumigawan na litisin si Hirohito bilang isang kriminal sa digmaan, si Heneral Douglas MacArthur, ang kumander ng E.U. sa pagsakop ng Alyado sa Hapón, ay matatag na tumanggi. Kaniyang ipinaliwanag nang bandang huli: “Ako’y naniwalang kung ang Emperador ay ipagsasakdal, at marahil bibigtihin, nararapat na magtatag ng pamahalaang militar sa buong Hapón, at marahil ay sisiklab ang digmaang gerilya.”

Nakilala ni MacArthur si Hirohito noong Setyembre 26, 1945, at siya ay humanga. Sa halip na tanggihan ang pananagutan sa digmaan, inihandog ng emperador ang kaniyang sarili bilang “isa ng dapat magbata ng solong pananagutan para sa bawat pulitikal at militar na pagpapasiyang ginawa at isinakatuparan ng [kaniyang] mga tauhan sa digmaan.”

Kaya, marahil ang karamihan sa Hapón sa ngayon ay hindi pinapananagot si Hirohito para sa isang digmaang malinaw na itinaguyod ng kaniyang mga ministro. Sa gayon, nang ang emperador ay nasa bingit na ng kamatayan isang taon na ang nakaraan, si Hitoshi Motoshima, ang alkalde ng Nagasaki, ay pumukaw ng marami upang maghinanakit dahil sa pangahas na pagsasabi sa publiko: “Mula sa aking mga karanasan sa pagtuturo sa hukbo, sa palagay ko’y mapananagot sa digmaan ang Emperador.”

Idiniin ni Motoshima na bilang isang opisyal ng hukbo na nagturo sa mga bagong kawal noong digmaan, siya’y “napilitang sabihan ang mga tao na mamatay sila sa ngalan ng Emperador.” Nadaramang malinaw ni Motoshima, gaya rin ng iba, na ang tinig ng isang emperador na sinasamba ng kaniyang mga sakop ay maaari sanang naging napakabisa kung ito’y ginamit sa pagsalungat sa digmaan.

Isang Bagay na Ikababahala

“Subalit,” maaaring sabihin ng iba, “iyan ay pawang kasaysayan na lamang.” Maaari, subalit ang mga paniniwalang tradisyonal ay hindi madaling mapawi. Sa tanyag na altar ng Shinto sa Ise sa gitnang Hapón, isang Shintong pari ang nagsabi kamakailan: “Maraming mga tao ang nagtutungo rito upang sumamba sa diyosa ng araw bilang isang banal na ninuno ng aming Emperador at ng aming lahing Hapones.”

Ang antas ng pagsamba sa emperador ay ipinakikita ng mga banta na patayin si Motoshima dahil sa kaniyang mga komento tungkol sa pananagutan ng emperador para sa digmaan. Isang lalaki ang inaresto sa pagsisikap na pasukin ang tanggapan ni Motoshima dala ang isang lata ng gasolina, at halos isandaang sound trucks ang humarang sa mga kalsada ng Nagasaki na naghahayag, “Kamatayan kay Motoshima.” Ang pagsamba sa emperador ay ipinakita rin sa iba pang mga paraan.

Bilang halimbawa, nang ang kalagayan ni Hirohito ay naging malubha, isang malaking daluyong ng pagpipigil-sa-sarili ang lumaganap sa buong bansa. Ang mga kapistahan ay ipinagpaliban, na nagdulot ng masamang epekto sa mga negosyong nangongontrata ng pagkain para sa mga masasayang pagdiriwang. Ang mga mag-aarál ay pinilit na ipagpaliban ang kanilang mga gawaing pampalakasan. Maging ang mga Yakuza o mga gangsters, ay tumigil sa pag-aaway at pagbabarilan. Ang buhay sa Hapón ay makadramatikong naapektuhan, na nagpangyari sa The Daily Yomiuri upang sabihing “ang bansa ay masyadong nag-overreact sa pagkakasakit ng Emperador.”

Ang iba ay nangamba sa kasigasigang ito. Subalit kahit na sila’y hindi sumang-ayon dito, sa pangkalahatan kanila itong pinahintulutan at pinalampas, marahil ay isinasaisip ang masasamang mga mangyayari kung hindi nila ito gagawin. “Ang pagiging konserbatibo sa puntong ito ang pinakaligtas na bagay,” sabi ng isang sikologo. Subalit isang dating kawal ang nanangis: “Ang mga tao’y nagmamasid lamang at sumusunod sa ginagawa ng iba. Ganitong-ganito rin ang balangkas na nagtulak sa amin sa digmaan.”

Subalit ang atin bang paggawi, at lalo na ang ating sinasamba, ay dapat na itakda ng paggawi at pagsamba ng mga nasa palibot natin? Isipin ang milyun-milyong mga tao na ang walang-pundasyong mga paniniwalang relihiyoso ay nag-udyok sa kanila na ibigay ang kanilang mga buhay alang-alang sa walang saysay na mga digmaan! Ang bulag na pagtalima sa karamihan ay maliwanag na mapanganib. Ang pagmumuni-muni sa mga pangyayaring ito sa kasaysayan ay nararapat na magturo sa atin na ang pagsamba sa ‘hindi natin kilala’ ay tunay na kapaha-pahamak. (Juan 4:22) Gaano kahalaga, kung gayon, na ating suriin kung ating tunay na nakikilala ang ating sinasamba!

[Talababa]

a Ang mga membro ng Japanese air corps na gumawa ng pagpapatiwakal na pagsalakay sa isang target (gaya ng isang barko) ay tinawag ring kamikaze.

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Libu-libo ang namatay sa ngalan ng emperador

[Credit Line]

Sa itaas: Opisyal na larawan ng U.S. Navy.

[Larawan]

Inamin ni Hirohito ang kaniyang pananagutan para sa digmaan kay Heneral Douglas MacArthur

[Credit Line]

Kanan: U.S. Army

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share