Pagmamasid sa Daigdig
MGA DALAMPASIGAN PARA SA LAHAT
Noong Nobyembre 16, 1989, ipinahayag ng pangulo ng Timog Aprika na ang mga dalampasigan ng bansa mula ngayon ay bubuksan sa mga tao ng lahat ng lahi. Sang-ayon sa The New York Times, ipinangako rin ni Presidente F. W. de Klerk na ang Separate Amenities Act ay pawawalang-bisà sa malapit na hinaharap; ito’y nagkabisa 36 na taon ang nakaraan at ginamit upang huwag papasukin ang sinumang hindi puti sa ilang pampublikong swimming pools, parke, aklatan, at mga sistema ng transportasyon. Inakusa ng Partido Konserbatibo ng bansa, na hindi naliligayahan sa pagpapawalang-bisà sa batas, si de Klerk sa paglalagay sa Timog Aprika sa pagiging “ganap na haluang lahi.” Subalit ang ilang pasilidad na pampubliko na tinututulan, pati na ang maraming dalampasigan, ay lubhang para na sa lahat bago pa man ang talumpati ng pangulo. Hindi kasama sa pagpapawalang-bisà ang ibinukod na mga ospital, paaralan, o mga purok ng bansa.
ANG AIDS SA 1990’S
Sa isang komperensiya sa Marseilles, Pransiya, si Dr. Jonathan Mann, direktor ng Pangglobong Programa sa AIDS ng World Health Organization, ay nagbabala tungkol sa isang pagkalaki-laking pangglobong paglaganap ng AIDS sa 1990’s. Kasindami ng sampung milyon ang maaaring apektado na ngayon ng virus sa 152 mga bansa sa buong daigdig. Sa taóng 2000, ang AIDS ay maaaring kumitil ng anim na milyong mga tao. Binabanggit ng report sa The Times ng London na ang Aprika ang pinakamatinding naapektuhan. Sa Dar es Salaam, Tanzania, 42 porsiyento ng mga babaing nagtatrabaho sa mga bar at mga restauran ay iniulat na nagdadala ng virus. Sa Côte d’Ivoire, tatlo sa sampung adulto ay sinasabing nahawaan nito. Tungkol sa krisis sa Estados Unidos, ang Hudson Institute ay nagbababala na “isang malaking sakuna ang lumalaganap sa Amerika.” Inihuhula nito na ang virus ng AIDS ay makakaapekto sa mga 14.5 milyong Amerikano sa 2002 at papatay ng mas maraming Amerikano sa 1990’s kaysa napatay ng lahat ng pinagsama-samang mga digmaan sa kasaysayan ng bansa.
“BIYOLOHIKAL NA MGA PANALA”
Ang mga opisyal na Olandes ay nagsasagawa ng bagong mga hakbang upang linisin ang polusyon sa 1,225-ektaryang lawa ng Zoommeer sa Netherlands. Binabalak nilang gamitin ang mga tahong bilang mga tagakain ng dumi. Gaya ng iniulat sa International Herald Tribune, inilathala sa Pransiya, na ang mga tahong na ito ay maaaring kumilos bilang “biyolohikal na mga panala.” Ipinakikita ng mga eksperimento na kinakain at inilalabas ng mga tahong ang nakalalasong mga kemikal at metal. Ang kanilang nahawaang dumi ay nananatili sa ilalim kung saan ito ay maaaring hukayin pataas sa pamamagitan ng draga. Sinasabi ng mga siyentipiko na maaaring alisin ng mga tahong ang mahigit na 50 porsiyento ng mga PCB (polychlorinated biphenyls) at 30 porsiyento o mahigit pa ng cadmium mula sa tubig.
MALING MGA PETSA
Maraming laboratoryo na nagbibigay ng radiocarbon na petsa sa mga artifact ng tao ay hindi gaanong eksakto na gaya ng inaangkin nila, sang-ayon sa isang pag-aaral na ipinag-utos ng Science and Engineering Research Council ng Britaniya. Mga sampol ng kilalang panahon ay ipinadala sa 38 laboratoryo sa buong daigdig upang lagyan ng petsa. Pito lamang sa mga laboratoryo ang nakagawa ng mga resulta na waring “kasiya-siya.” Ganito ang sabi ng magasing Britano na New Scientist: “Ang palugit ng pagkakamali . . . ay maaaring dalawa o tatlong beses na mas marami gaya ng sabi ng mga tagapagsagawa ng pamamaraang ito.” Ang gayong malawak na pagkakaiba ay nagpapahina sa dogmatikong panggigiit na madalas gawin tungkol sa panahon ng sinaunang mga artifact, lalo na kapag ito ay sumasalungat sa kronolohiya ng Bibliya.
WALANG PAHINTULOT NA PANGANGASO PARA SA MGA MEDISINA SA SILANGAN
Mga opisyal na tagapangalaga sa ilang sa Canada ay nakasumpong kamakailan ng higit at higit na mga bangkay ng oso na ang mga paa ay sinibak at nawawala ang apdo. Iniuulat ng magasing Maclean’s ng Canada na ang mga bahagi lamang na ito mula sa isang oso ay maaaring pagkakitaan ng isang mangangaso ng hanggang $5,000. Ang mga ito ay ipinagbibili bilang mga sangkap para sa tradisyonal na mga medisina sa Asia, sinasabing nakagiginhawa sa kirot at pamamaga o nakadaragdag sa kadalubhasaan ng isa sa sekso. Maliit na bahagi ito ng isang malakas na negosyo ng mga sangkap o iba pang bahagi ng maiilap na hayop; hindi naman lahat ng negosyo ay ilegal. Ang velvet mula sa sungay ng usa at elk, ang mga sangkap sa pag-aanak ng mga seal at mga tigre, ang tuyong mga seahorse, at pati na ang mga bilig ng usa ay pawang pinakahahangad.
MGA PARTY NA PANGANGASIWAAN NG MGA PULIS
Isang magulong party o salu-salo sa Bracebridge, Ontario, Canada, ay umakay sa isang bagong programa ng pulisya sa dakong iyon. Iniwan ng mga magulang ang kanilang 15-anyos na anak na lalaki na siyang mangasiwa sa bahay at sa kaniyang 10-taóng-gulang na kapatid na lalaki samantalang sila ay wala. Ang batang lalaki ay nagbigay ng party para sa halos isang daang kabataan, na agad namang naging magulo. Ang mga kapitbahay ay tumawag ng pulis, subalit ang mga pulis ay hindi pinapasok ng bata sa bahay. Pagkatapos, ang sampung-taóng-gulang na bata ang tumawag sa pulis. Pinilit siya ng mga kabataan na uminom ng beer hanggang sa siya ay malasing at saka nila inihaw ang kaniyang alagang tropikal na isda at kinain ito sa harap niya. Nang dumating ang mga pulis na may dalang search warrant, napinsala ng mga kabataan ang bahay na nagkakahalaga ng $13,000. Mula noon, isang bagong programa na nagpapangyari sa mga magulang na iniiwan sa pangangasiwa ng mga tin-edyer ang kanilang bahay na patiunang ipagbigay-alam sa pulisya ang bagay na ito, binibigyan ng kapangyarihan ang mga pulis na pumasok sa bahay kung sila’y naghihinala ng anumang paglabag sa droga, alkohol, o mga batas sa krimen.
SARILING-GAWA NA MGA ABORSIYON
Pagkatapos ng batas kamakailan na nagbibigay sa mga estado sa Estados Unidos ng higit na kapangyarihan na takdaan ang mga aborsiyon, parami nang paraming mga pangkat ng kababaihan na sariling-tulong ang pinasisigla at inilalathala ang mga pamamaraan para sa mga babae na isagawa ang mga aborsiyon sa kanilang sarili. Iniuulat ng The New York Times na daan-daang mga babae ang nagsagawa kamakailan ng gayong mga aborsiyon sa isa’t isa, at na mga artikulo, mga aklat, at mga videotape na bumabalangkas sa mga pamamaraan ay malaganap na ipinamamahagi. Sinabi ng isang feminist sa Times na ang gayong mga karapatan sa pagpili ay nagbibigay sa mga babae ng higit na kapangyarihan. Subalit tinututulan kahit na ng ibang pangkat na sang-ayon sa aborsiyon ang sariling-tulong na mga aborsiyon, pinupulaan ang panganib.
MGA SERBISYO NG SIMBAHAN NA WALANG PARI
Ang kakapusan ng mga paring Katoliko sa Estados Unidos ay naging napakagrabe anupa’t sinang-ayunan ng isang pagtitipon kamakailan ng mga obispo ng bansa ang isang serbisyo kung Linggo para sa mga parokyang walang pari. Isang diyakono o isang karaniwang tao, lalaki o babae, ay maaaring manguna sa bagong serbisyo. Kabibilangan ito ng mga himno, awit, pagbasa sa Kasulatan, ng Panalangin ng Panginoon, at ng Sagradong Komunyon kung may makukuhang ostia na inialay na ng isang pari o dinala mula sa isang aktuwal na Misa. Idiniin ng mga obispo na ang bagong serbisyo ay hindi isang Misa. Subalit habang parami nang paraming mga parokya ang napipilitang magbigay ng serbisyo nang walang pari, ang serbisyo ay baka maging lubhang kailangan.
LITÓNG MGA TIGRE
Mga 500 tigreng Bengal sa Sundarban Tiger Reserve sa India ang pumapatay ng halos 60 katao sa isang taon, sang-ayon sa The New York Times. Sa pagsisikap na bawasan ang bilang ng mga namamatay na tao, isang bagong hakbang ang ipinatupad ng Indian Forestry Service. Dahil sa sinasabing ang mga tigre ay sumasalakay sa mga tao mula sa likuran, ang Forestry Service ay nagbigay ng mga maskarang mukha na isusuot ng mga manggagawa sa likuran ng kanilang mga ulo. Sa loob ng tatlong taon, wala ni isa man sa mga nagsusuot ng maskara ang namatay. Kung ihahambing, wala sa 29 katao na napatay ng mga tigre sa nakalipas na 18 buwan ng yugto ng tatlong taon ang nakasuot ng maskara. Isang mamumutol ng kahoy ay sinalakay buhat sa likuran ng isang tigre nang siya ay naupo upang kumain at inalis niya ang kaniyang maskara. Sa lokal na mga residente, may mga nangangatuwiran na ang “matatalinong tigreng ito ay hindi maaaring linlangin habang panahon.”
WALA SA PANAHONG PAGPAPATAWA
Isang pelikula kamakailan, na nagdala sa mga prodyuser nito sa Hilagang Amerika ng $125 milyon (U.S.) sa loob lamang ng dalawang buwan, ay naglalarawan ng sadismo at sobrang karahasan sa isang nakatatawang aspekto. Inilalarawan ng isang rebista ng pelikula sa magasing Veja ng Brazil ang isang halimbawa. Ang ulo ng tsuper ay naputol ng isang surfboard. “Habang ipinakikita ang pagputol ng ulo, ang eksena ay mas nakatatawa kaysa nakagigitla,” sabi ng rebista. “Ang resulta ay na ang di-mabilang na mga eksena ng barilan, pagpatay, at walang awang pagpapatayan, lahat ay naliligo sa dugo, . . . ay naghahatid ng pagkakomiko sa halip ng pagkamuhi. Sa katapusan ang mga manonood ay naaaliw sa karahasan. . . . Ang karahasan, ang brutal na paglaslas sa mga katawan, ang di-maisip na mga paghihirap, ay ginagawang isang dahilan sa pagbibiro.”
NAKAHIHIYANG MGA UTANG
Ang mga Europeo na hindi makabayad ng kanilang mga utang ay maaaring makasumpong sa malapit na hinaharap ng isa na nakadamit ng isang masalimuot na kasuotan—halimbawa, gaya ng isang kulay rosas na panther—sa kanilang pinto o sa kanilang pinagtatrabahuan upang ipaalaala sa kanila na magbayad. Ang International Herald Tribune ng Paris ay nag-uulat na ito ay bahagi na lahat ng isang bagong estratehiya na sinimulan ng mga kolektor ng utang sa Espanya noong nakaraang taon upang hikayatin ang mga mangungutang na magbayad. Ang teoriya ay na ang kolektor ng utang na nakadamit ng isang kasuotan ay tatawag ng pansin anupa’t ang nangutang ay mapapahiya at magbabayad ng kaniyang utang. Ang direktor ng isang ahensiya ay nagsasabing ang estratehiya ay “halos laging” nagtatagumpay.