Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/22 p. 6-8
  • Sino ang Nagwawasak sa Kagubatan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Nagwawasak sa Kagubatan?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Suliranin ng Mahihirap
  • Mas Malalim na mga Dahilan
  • Ang Pakinabang na Sumamâ
  • Ang Pagwasak sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Maulang Kagubatan—Maililigtas Pa Kaya ang mga Ito?
    Gumising!—2003
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Maulang Kagubatan—Magagamit ba Natin ang mga Ito Nang Hindi Sinisira?
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/22 p. 6-8

Sino ang Nagwawasak sa Kagubatan?

ANG tanong na iyan ay kalimitang sinasagot sa pamamagitan ng pagsisi sa mahihirap ng daigdig. Sa loob ng mga dantaon, sinaka ng mga magbubukid sa tropikal na mga bansa ang lupain sa pamamagitan ng pagkakaingin. Pinuputol nila ang mga puno sa kapirasong lupa sa gubat at sinusunog ito, at alin sa bago o pagkatapos sunugin, itinatanim nila ang mga pananim. Ang mga abo ng gubat ay naglalaan ng pagkain sa mga pananim.

Isinisiwalat ng uring ito ng pagsasaka noong una ang kataka-takang katotohanan tungkol sa tropikal na mga kagubatan. Halos 95 porsiyento nito ay tumutubo sa hindi magandang lupa. Napakabilis na iresiklo ng gubat ang mga nutriyente anupa’t ang mga ito ay karaniwang naiingatan sa mga punungkahoy at pananim sa ibabaw ng lupa, ligtas mula sa mga ulan na tatangay sa mga ito mula sa lupa. Ang kagubatan samakatuwid ay angkop na angkop sa kapaligiran nito. Ang balita ay hindi gaanong mabuti para sa magsasaka.

Ang Suliranin ng Mahihirap

Agad-agad, tinatangay ng ulan ang mga nutriyente na iniiwan ng mga abo mula sa nasunog na gubat. Unti-unti, ang pagsasaka ay nagiging isang masamang panaginip. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang mahirap na magsasaka sa Bolivia: “Sa unang taon, pinutol ko ang mga puno at sinunog ito. At ang taas at ang tamis ng mais na tumubo dahil sa abo, at inakala naming lahat na sa wakas ay maganda ang aming ani. . . . Subalit mula noon, ang mga bagay-bagay ay hindi naging mabuti. Ang lupa ay patigáng nang patigáng, at walang tumutubo rito kundi damo. . . . At ang mga peste? Hindi pa ako nakakita ng gayon karaming uri. . . . Halos lugi na kami.”

Dati-rati, basta puputulin ng isang magsasaka ang mga puno sa bagong piraso ng lupa sa gubat at hahayaan ang dating piraso ng lupa na binungkal na walang tanim. Minsang ang gubat ay magbalik sa dating kalagayan, maaari na namang putulin ang mga punungkahoy. Gayunman, upang gumana ang pamamaraang ito, ang kinainging piraso ng lupa ay dapat na mapaligiran ng orihinal na gubat upang ikalat ng mga insekto, ibon, at mga hayop ang mga buto at magkaroon ng polinasyon ng bagong mga punungkahoy. Ito ay nangangailangan ng panahon.

Binago rin ng pagdami ng populasyon ang mga bagay. Habang nagsisiksikan ang mga magsasaka, ang mga panahon ng pag-iiwan sa sinakang lupa na walang tanim ay paikli nang paikli. Kadalasan, basta sinasagad ng nandarayuhang mga magsasaka ang kanilang lupa sa loob ng mga ilang taon at lumilipat sa gubat, sinusunog ang malaking bahagi nito.

Isa pang salik ang nagpapalala sa kalagayan. Mga dalawang-katlo ng mga tao sa hindi maunlad na bansa ang dumidepende sa kahoy bilang panggatong sa pagluluto at pagpapainit. Matutugunan lamang ng mahigit na isang libong milyon katao ang kanilang pangangailangan sa gatong sa pamamagitan ng pagputol sa gatong na kahoy na mas mabilis kaysa kasalukuyang paghalili rito.

Mas Malalim na mga Dahilan

Madaling sisihin ang mahihirap. Ngunit gaya ng sabi rito ng mga ekologong sina James D. Nations at Daniel I. Komer, iyon ay gaya ng “pagsisi sa mga sundalo sa pagkakaroon ng mga digmaan.” Sabi pa nila: “Sila’y mistulang mga pawn sa isang laro ng mga heneral. Upang maunawaan ang papel ng mga maninirahan sa pagkalbo sa kagubatan, dapat itanong ng isa kung bakit nga pinapasok ng mga pamilyang ito ang kagubatan. Ang sagot ay payak: sapagkat walang lupa para sa kanila saanman.”

Sa isang tropikal na bansa, mga 72 porsiyento ng lupa ay pag-aari ng 2 porsiyento lamang ng mga maylupa. Samantala, mga 83 porsiyento ng mga pamilya sa bukid ay alin sa walang sapat na lupa na maaaring pagmulan ng kabuhayan o walang lupa. Ang huwarang iyan ay inuulit sa iba’t ibang antas sa palibot ng globo. Ang pagkalawak-lawak na lupa na pribadong pag-aari ay ginagamit, hindi upang magtanim ng pagkain para sa mga tao roon, kundi upang magtanim ng mga pananim na iluluwas upang ipagbili sa mayayamang bansa sa kainaman ang klima na mga sona.

Ang industriya ng pagtotroso ay isa pang kilalang salarin. Bukod sa tuwirang pinsalang ginagawa nito sa gubat, ginagawa rin ng pagtotroso ang mga kagubatan na mas mahina sa apoy​—at sa tao. Ang mga daan sa pinagkukunan ng troso na pinapatag ng buldoser tungo sa basal na gubat ay nagbubukas ng daan para sa umaabanteng pulutong ng nandarayuhang mga magsasaka.

At kapag nalugi ang mga sakahan, gaya ng karaniwang nangyayari, binibili ng mga rantsero ang lupa at ginagawa itong damuhan upang doon manginain ang mga baka. Totoo ito lalo na sa Timog at Sentral Amerika. Karamihan ng karne ng baka ay iniluluwas sa mas mayayamang bansa. Ang karaniwang pusa sa bahay sa Estados Unidos ay kumakain ng mas maraming karne ng baka sa isang taon kaysa kinakain ng isang karaniwang tao sa Sentral Amerika.

Sa katapusan, ang maunlad na mga bansa ang siyang nagtutustos sa kamatayan ng tropikal na mga kagubatan​—upang matugunan ang kanilang napakatakaw na gana. Ang eksotikong tropikal na mga kahoy, ang ani, ang karne ng baka, na masugid nilang binibili mula sa tropikal na mga bansa ay pawang humihiling na alisin o pasamain ang gubat. Ang kasakiman ng mga Amerikano at mga Europeo sa cocaine ay nangahulugan ng paghawan sa daan-daang libong ektarya ng kagubatan sa Peru upang pagbigyan ang pinagtutubuan ng malaki na ani ng coca.

Ang Pakinabang na Sumamâ

Maraming pamahalaan ang aktibong nagtataguyod ng pagkalbo sa kagubatan. Nagbibigay sila ng tax breaks para sa mga rantsero, mga kompaniya ng kahoy, at agrikulturang iniluluwas. Ang ibang mga bansa ay magbibigay ng isang pirasong lupa sa isang magsasaka kung “pagbubutihin” niya ito sa paghahawan sa gubat. Isang bansa sa Timog-silangang Asia ay inilipat ang angaw-angaw na nandarayuhang magsasaka sa liblib na kagubatan nito.

Ang gayong mga patakaran ay ipinagtatanggol bilang paggamit sa mga gubat upang makinabang ang mahihirap o upang pasiglahin ang bumabagsak na mga kabuhayan. Subalit gaya ng pagkakita rito ng mga kritiko, kahit na ang panandaliang mga pakinabang na ito ay ilusyon lamang. Halimbawa, ang lupa na hindi maganda sa mga pananim ng magsasaka ay baka hindi rin maganda para sa mga baka ng rantsero. Ang mga rantso ay karaniwang iniiwan pagkaraan ng sampung taon.

Ang industriya ng kahoy ay kadalasang hindi rin mabuti ang kinalalabasan. Kapag ang tropikal na matitigas na kahoy ay kinukuha sa gubat nang hindi iniisip ang hinaharap, ang gubat ay mabilis na lumiliit. Tinataya ng World Bank na mahigit na 20 sa 33 mga bansang kasalukuyang nagluluwas ng kanilang tropikal na kahoy ay mauubusan nito sa loob ng sampung taon. Ang Thailand ay lubhang nakalbo ang kagubatan anupa’t ipinagbawal na ng batas ang lahat ng pagtotroso. Tinatayang ang Pilipinas ay ganap na matotroso sa kalagitnaang ng mga taóng 1990.

Subalit ang pinakamapait na kabalintunaan ay ito: Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang isang piraso ng kagubatan ay maaaring pagmulan ng higit na kita kung ito ay hindi gagalawin at ang mga produkto nito​—ang bunga at ang goma, halimbawa​—ay inaani. Oo, higit na salapi kaysa pagsasaka, pagrarantso, o pagtotroso sa lupa ring iyon. Gayunman nagpapatuloy ang pagwasak.

Hindi maitataguyod ng globo ang pagtratong ito magpakailanman. Gaya ng pagkakasabi rito ng aklat na Saving the Tropical Forests: “Kung ipagpapatuloy natin ang kasalukuyang pagwasak ang suliranin ay hindi kung maglalaho ang kagubatan kundi kung kailan.” Subalit talaga bang magdurusa ang daigdig kung mawasak ang lahat ng kagubatan?

[Larawan sa pahina 7]

Mga Elemento sa Pagkalbo sa Kagubatan

Pagbaha na dala ng mga prinsa

Kaingin na pagsasaka

Gawaing pagtotroso

Pagrarantso ng baka

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share