Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/22 p. 12-14
  • May Kinabukasan ba ang Kagubatan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Kinabukasan ba ang Kagubatan?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mabago kaya ng mga Dalubhasa sa Kapaligiran ang Kalagayan?
  • Ang Ugat ng Suliranin
  • Maulang Kagubatan—Maililigtas Pa Kaya ang mga Ito?
    Gumising!—2003
  • Nawala sa Isang Iglap!
    Gumising!—1990
  • Maulang Kagubatan—Sino ang Magliligtas sa mga Ito?
    Gumising!—2003
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/22 p. 12-14

May Kinabukasan ba ang Kagubatan?

SA EASTER ISLAND sa Timog Pasipiko, malalaking ulong bato ang nakausli sa madamong gilid ng mga burol, nakatunghay sa dagat. Ang mga taong nagtayo nito ay umunti nang umunti mga dantaon na ang nakalipas. Sa gawing kanluran ng Estados Unidos, ang kagibaan ng sinaunang mga gusali sa malungkot na iláng ang tanging relikya ng isang bayan na malaon nang naglaho bago pa nakipagsapalaran doon ang mga taong puti. Ang ilang lupaing binabanggit sa Bibliya kung saan dati’y maunlad ang sibilisasyon at komersiyo ay mga disyerto na ngayon. Bakit?

Sa lahat ng tatlong kaso, bahagi ng kasagutan ay malamang na dahil sa pagkalbo sa kagubatan. Inaakala ng ilang dalubhasa na kailangang iwan ng mga tao ang mga dakong ito sapagkat pinalis nila ang mga gubat doon. Kung walang mga punungkahoy ang lupa ay nagiging tigáng, kaya umaalis ang tao. Subalit ngayon pinagbabantaan ng tao na gawin ang gayunding bagay sa buong planeta. Magagawa ba niya ito? Wala bang makapipigil sa pamamaraang ito?

Marami ang nagsisikap. Sa Himalayas, ang mga babae ay sinasabing niyayapos ang mga punungkahoy sa malubhang pagsisikap na hadlangan ang mga nagtotroso sa pagputol sa mga punungkahoy. Sa Malaysia, ang mga tribong naninirahan sa gubat ay bumuo ng mga kawing na tao upang harangin ang dumarating na mga nagtotroso at ang kanilang malalaking makina.

Ang dalawang daang milyong tao na gumagawa ng ikabubuhay mula sa mga kagubatan ay personal na nakikipagsapalaran sa krisis. Habang sumusulong ang sibilisasyon, ang katutubong mga tribo ay paatras nang paatras sa mga gubat, kung minsan hanggang sa magtagpo sila ng mga kolonistang umaabante mula sa kabilang panig. Maraming tribo ang napalis ng mga sakit na dala ng tagalabas. Ang iba, na napilitang makibagay sa daigdig sa labas, ay napabilang sa mga maralita ng lungsod​—nahiwalay at napakasama ng pamumuhay. Subalit ang daigdig ay nagigising sa kanilang suliranin. Isang saloobin para sa kapaligiran ang lumaganap sa daigdig.

Mabago kaya ng mga Dalubhasa sa Kapaligiran ang Kalagayan?

“Kapuwa ang kaalaman at ang teknolohiya ay umiiral upang pangalagaan ang tropikal na kagubatan ng daigdig,” simula ng aklat na Saving the Tropical Forests. Ang punto ay ipinakita sa mga parke sa buong daigdig. Ang Guanacaste National Park sa Costa Rica ay inilaan upang tamnan-muli ang malalawak na gubat. Angaw-angaw na mga punungkahoy ang itinanim sa mga bansang gaya ng Kenya, India, Haiti, at Tsina. Ngunit ang pagtatanim ng mga punungkahoy ay hindi katulad ng pagsasauli sa mga gubat.

Kung minsan ang “reforestation” ay aktuwal na ang komersiyal na pagtatanim ng isang uri ng punungkahoy, na aanihin sa dakong huli. Ibang-iba ito sa masalimuot na ecosystem ng isang kagubatan. Isa pa, sinasabi ng iba na ang isang mamasa-masang tropikal na kagubatan ay hindi maibabalik sa dati nitong kasalimuotan. Hindi kataka-taka na maraming dalubhasa sa kapaligiran ang nagsasabi na ang pangangalaga ay mas mabuti kaysa pagsasauli.

Subalit ang pangangalaga o pag-iingat ay hindi madali. Kung ang isang sukat ng gubat ay napakaliit, hindi ito makaliligtas. Iminumungkahi ng ilang dalubhasa sa kapaligiran na hindi kukulangin sa 10 hanggang 20 porsiyento ng mga kagubatan ng daigdig ay dapat na ibukod sa mga reserbang lupa upang mapanatili nito ang kanilang saganang pagkasarisari. Subalit sa kasalukuyan, 3 porsiyento lamang ng mga kagubatan sa Aprika ang pinangangalagaan. Sa Timog-silangang Asia ang bilang ay 2 porsiyento; sa Timog Amerika, 1 porsiyento.

At ang ilan sa mga dakong iyon ay protektado lamang sa papel. Ang mga parke at reserbang lupa ay nabibigo kung ang mga ito ay mahina ang pagkakaplano o pangangasiwa o kung ibinubulsa ng bulok na mga opisyal ang mga pondo ng parke. Ang iba pa nga ay nagkakapera sa pagbibigay ng pailalim ng na konsesyon sa pagtotroso. Kakaunti rin ang tauhan. Sa Amazon, ang isang bantay ay inatasang pangalagaan ang isang lugar ng kagubatan na kasinlaki ng Pransiya.

Hinimok din ng mga dalubhasa sa kapaligiran na ang mga magsasaka ay turuang magsaka nang hindi sinasagad ang lupa upang sila ay hindi mapilitang lumipat at pumutol ng higit pang mga puno sa gubat. Sinubok ng iba ang pagtatanim ng sarisaring pananim sa isang bukid, na hindi naghihikayat ng mga peste na nanginginain sa iisang uri. Maaaring bigyan ng lilim ng mga punungkahoy na nagbubunga ang lupa mula sa tropikal na ulan. Ginamit muli ng iba ang isang sinaunang paraan. Humukay sila ng mga kanal sa paligid ng maliliit na plot ng lupa na hardin at pinapala ang putik at lumot mula sa mga kanal tungo sa mga plot ng lupa na pinaka-pagkain para sa mga pananim. Maaaring mag-alaga ng isda sa mga kanal bilang isang karagdagang pinagmumulan ng pagkain. Ang gayong mga pamamaraan ay naging matagumpay sa mga eksperimento.

Ngunit ang pagtuturo sa mga tao kung “papaano” ay nangangailangan ng panahon at salapi at humihiling ng kasanayan. Ang tropikal na mga bansa ay kadalasang napakaraming pangunahing suliraning pangkabuhayan upang gawin ang gayong uri ng pangmatagalang pamumuhunan. Gayunman, kahit na kung ang teknikal na kaalaman ay malaganap, hindi rin nito malulutas ang problema. Gaya ng sulat ni Michael H. Robinson sa Saving the Tropical Forests: “Ang mga kagubatan ay winawasak hindi dahil sa kawalang-alam o kahangalan kundi pangunahin nang dahilan sa karalitaan at kasakiman.”

Ang Ugat ng Suliranin

Karalitaan at kasakiman. Wari ngang ang krisis ng pagkalbo sa kagubatan ay nag-uugat na malalim sa lipunan ng tao, mas malalim kaysa nararating ng ugat ng mga punungkahoy sa kagubatan sa manipis na tropikal na lupa. Kaya bang lutasin ng tao ang problema?

Iminungkahi ng isang 24-bansang summit miting sa The Hague, Netherlands, noong nakaraang taon ang paglikha ng isang bagong autoridad sa loob ng United Nations, na tatawaging Globe. Sang-ayon sa Financial Times ng London, ang Globe ay magkakaroon ng “isang walang katulad na kapangyarihan upang magtatag at magpatupad ng mga pamantayang pangkapaligiran.” Bagaman kailangang isuko ng mga bansa ang ilan sa kanilang minamahal na pambansang pagkasoberano upang ang Globe ay magkaroon ng anumang tunay na kapangyarihan, sinasabi ng iba na tiyak na lilitaw ang gayong organisasyon balang araw. Tanging isang nagkakaisa, pangglobong ahensiya ang makapagsasalita tungkol sa pangglobong suliranin.

Totoo iyan. Subalit anong pamahalaan o ahensiya ng tao ang makaaalis ng kasakiman at karalitaan? Anong gobyerno ang nakagawa nito? Kadalasan na ang mga ito ay nasasalig sa kasakiman, kaya pinananatili nito ang karalitaan. Hindi, kung hihintayin natin ang ilang ahensiya ng tao upang lutasin ang suliranin ng pagkalbo sa kagubatan, kung gayon walang kinabukasan ang mga kagubatan; sa katunayan, ni may kinabukasan man kaya ang mga tao.

Ngunit isaalang-alang ito. Hindi ba’t ang mga gubat ay nagpapatunay na ang mga ito ay dinisenyo ng isang ubod ng talinong persona? Oo, ang mga ito ay nagpapatotoo! Mula sa kanilang mga ugat hanggang sa kanilang mga dahon, ipinapahayag ng mga kagubatan na sila ay gawa ng isang Dalubhasang Arkitekto.

Bueno, kung gayon, ipahihintulot kaya ng Dakilang Arkitektong ito na palisin ng tao ang lahat ng mga kagubatan at ipahamak ang ating lupa? Tuwirang sinasagot ito ng isang mahalagang hula sa Bibliya. Ito’y kababasahan na: “Ngunit nagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong [sa Diyos na] poot, at ang takdang panahon . . . upang ipahamak mo ang mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

May dalawang kapansin-pansing bagay tungkol sa hulang iyon. Una, itinuturo nito ang panahon kung kailan aktuwal na ipapahamak ng tao ang buong lupa. Nang ang mga salitang iyon ay isulat halos dalawang libong taon na ang nakalipas, hindi maipahamak ng tao ang lupa kung paanong hindi siya makalipad tungo sa buwan. Subalit ngayon nagawa niya ito kapuwa. Ikalawa, sinasagot ng hula ang katanungan kung baga lubusang ipapahamak ng tao ang lupa​—nang malakas na hindi!

Ginawa ng Diyos ang tao upang alagaan ang lupa at bungkalin ito, hindi kalbuhin ito. Sa sinaunang Israel nagtakda siya ng mga hangganan tungkol sa pagkaingin na isinagawa ng kaniyang bayan habang sinasakop nila ang Lupang Pangako. (Deuteronomio 20:​19, 20) Siya’y nangangako na ang lahat ng sangkatauhan sa malapit na hinaharap ay mamumuhay na kasuwato ng kapaligiran.​—1 Juan 2:​17; Jeremias 10:​10-12.

Ang Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa, pag-asa sa isang panahon kung kailan bubungkalin ng tao ang lupa tungo sa isang paraiso sa halip na gawin itong isang disyerto, ayusin sa halip na pahirapan ito, alagaan ito nang pangmatagalan sa halip na may kasakimang sairin ito alang-alang sa sandaling pakinabang. Ang kagubatan ay may kinabukasan. Ang bulok na sistema ng mga bagay na nagpapahamak dito at sa buong lupa ay walang kinabukasan.

[Larawan sa pahina 13]

Ang pagkalbo sa kagubatan dito sa Easter Island ay malamang na siyang dahilan ng paglaho ng isang sibilisasyon

[Credit Line]

H. Armstrong Roberts

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share