Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/22 p. 15-18
  • Pag-unawa sa Hika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-unawa sa Hika
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Hika?
  • Ano ang mga Sanhi ng Hika?
  • Kung Paano Iiwasan ang mga Atake
  • Hikain ba ang Iyong Anak?
  • Kung Atakihin ang Isa . . .
  • Paggamot sa Hikain
  • Mga Alerdyi—Ano ang Maaaring Gawin?
    Gumising!—1985
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/22 p. 15-18

Pag-unawa sa Hika

ANG hika ay isang pandaigdig na sakit. Dito sa New Zealand, tinatayang 1 sa 10 ang may sakit na hika. Pinahihirapan nito ang bata’t matanda, tagabayan at tagalalawigan, mga obrero at mga nag-oopisina.

Gayunman, ang hika ay hindi gaanong nauunawaan, lalo na ng mga hindi pinahihirapan nito. Kahit na ang mga hikain ay kadalasang hindi nauunawaan kung ano ang nangyayari sa kanila, at ito ay maaaring lumikha ng kabalisahan na lalo lamang nagpapalalâ sa kalagayan. Marahil ang sumusunod na mga komento, salig sa mga karanasan at pananaliksik sa New Zealand, ay tutulong upang mabawasan ang animo’y kakulangang iyon ng unawa.

Ano ba ang Hika?

Sa isang karaniwang atake ng hika, ang may hika ay nakadarama ng paninikip ng dibdib. Humuhuni at umuubo, siya’y kinakapos ng paghinga. Ang karanasan ay nakatatakot! Ang isang atake ng hika ay maaaring grabe o suwabe lamang. Maaaring iba-iba ang sintomas, kung paanong iba-iba rin ang dalas ng mga atake. Ang ibang tao ay laging may sintomas, bagaman nagkakaiba-iba ang tindi.

Ano ang mga sanhi ng di-kanais-nais na mga pakiramdan na ito? Gaya marahil ng nalalaman mo, ang hangin ay inihahatid sa ating mga bagà sa pamamagitan ng bronchial tubes. Sa maraming pasyente ng hika, ang reaksiyon sa alerdyi ay nagdadala ng sobrang pagkasensitibo sa mga tubong ito. Ang mga kalamnan sa bronchial wall ay maaaring lumiit, ang lamad na sumasapin sa mga tubo ay maaaring mamaga, at ang mga glandula sa bronchial wall ay maaaring gumawa ng labis na uhog. Ang resulta? Ang mga tubo ay kumikipot. Hindi kataka-taka na ang pasyente ay nahihirapang huminga!

Ano ang mga Sanhi ng Hika?

Ano ang nagpapangyari sa pag-atake ng hika? Marahil isang impeksiyon, emosyonal na pagkabalisa, o grabeng pagkaalerdyi sa isang bagay. Gayunman, minsang ang sakit ay magsimula sa isang tao, maaaring may ilang antigen, o espisipikong mga bagay, na lilikha ng labis na pagkasensitibo

sa bronchial tubes. At minsang ang bronchial tubes ay maging sensitibo rito, ang iba pang salik, gaya ng mga pagbabago sa temperatura, pabagu-bagong kahalumigmigan, emosyonal na mga pagkabalisa, o ehersisyo, ay maaaring pagmulan ng mga atake.

Maaaring makilala ng mga doktor ang ilan sa mga antigen na pinagmumulan ng isang atake ng hika, subalit kadalasang hindi posibleng masumpungan ang lahat ng mga ito. At kahit na kung masumpungan ang mga ito, hindi laging posibleng maiwasan ito. Ang masusing pagsisiyasat upang alamin ang mga sanhi ng hika at ang pinakamabuting paraan upang lunasan ito ay maaaring maging matagal. Maaaring mangailangan ito ng maraming pagtitiis sa bahagi ng maysakit at ng doktor. Subalit ang ginugol na panahong iyon ay malamang na magbunga ng higit na kakayahang sugpuin ang mga sintomas.

Kung Paano Iiwasan ang mga Atake

Maraming bagay ang umiinis sa mga bagà at maaaring pagmulan ng isang atake sa isa na pinahihirapan ng hika. Sikaping iwasan ang sumusunod.

Usok ng Tabako: Huwag manigarilyo, at iwasan ang mga silid na punô-ng-usok. Ang mga doktor ay madaling mawalan ng simpatiya sa mga hikain na ipinipilit ang paninigarilyo. At ang mga kaibigan ng isa na pinahihirapan ng hika ay hindi dapat manigarilyo sa harap ng taong may hika. Bagaman ang tao ay maaaring hindi agad sumpungin ng hika, pagkalipas ng mga ilang oras ang isa ay maaaring maghirap nang katakut-takot dahil sa mga epekto ng usok.

Alikabok: Sikaping iwasan ang maalikabok, kulong na mga lugar gayundin ang mga gawain na nagdadala ng alikabok. Kung ang iyong trabaho ay maalikabok, seryosong pag-isipan ang pagpapalit ng trabaho. Nasumpungan ng ilang hikain na ang kanilang mga sintomas ay nangyayari lamang sa gabi o sa silid-tulungan. Maaari kayang ito ay dahilan sa alikabok sa bahay o sa pagkaliliit na mga hayop? Sa maraming kaso ay iyon nga ang dahilan; kaya, ang silid-tulugan ng hikain ay dapat na walang alikabok hangga’t maaari. Ang sumusunod ay ilan sa mga mungkahi sa paglilinis ng bahay lalo na para sa mga hikain.

Linisin ang silid-tulugan araw-araw.

Linggu-linggo, linising mabuti at gamitin ang vacuum sa kutson, ilalim ng kama, kumot, at sahig. Ang sahig na kahoy ay mas maigi kaysa mga rag o alpombra, at ang venetian blinds ay maigi kaysa kurtina.

Punasan ang mga muwebles, ibabaw ng pinto, balangkas ng bintana, at mga pasimano ng mamasa-masa o may langis na basahan.

Ang silid ay dapat na lubusang pahanginan at dapat isara ang mga pinto at bintana pagkatapos pahanginan, hangga’t maaari ay tatlo hanggang apat na oras bago matulog ang tao.

Ang kutson, kumot, at mga unan ay hindi dapat yari sa materyales na pinagmumulan ng alerdyi, at ang mga ito ay dapat na regular na pinahahanginan sa araw kung maaari.a

Isa pang bagay. Huwag ipahintulot ang mga alagang hayop sa silid-tulugan. At kung may anumang katibayan na ikaw ay alerdyi sa iyong alagang hayop, hanapan mo ito ng ibang tirahan​—o, sa paano man, panatilihin ito sa labas ng bahay.

Temperatura at Kahalumigmigan: Ang biglang mga pagbabago sa temperatura at ang sobrang init at lamig ay maaaring pagmulan ng isang atake. Ang huwaran ay ang hangin na bahagya ang init at mahalumigmig. Kaya, kung ikaw ay pinahihirapan ng hika, hangga’t maaari huwag maglalabas sa maulap (foggy) o malamig na panahon. Iwasan ang mainit, tuyong central heating. Kung ang mga pagbabago sa temperatura ang pinagmumulan ng mga atake sa gabi, sikaping magkaroon ng thermostatically controlled heater sa inyong silid kung mga buwan ng taglamig. Kung ang kahalumigmigan ang nagpapangyari ng iyong mga sintomas, subukin mong gumamit ng isang humidity controller.

Emosyonal na Kaigtingan at Pagod: Alinman sa mga ito ay maaaring pagmulan ng isang atake ng hika. Oo, hindi natin maaaring pigilin sa tuwina ang emosyonal na kaigtingan. Ngunit nasumpungan ng maraming hikain na tinulungan sila ng mga simulain sa Bibliya sa bagay na ito. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:​30, The Jerusalem Bible) Gayundin, sinikap ng matatalinong may hika na alamin ang limitasyon ng kanilang katawan, iniiwasang mapagod, na maaari ring pagmulan ng isang atake.

Pagkain: Ang mga alerdyi sa pagkain ay maaaring maging sanhi ng mga sumpong ng hika, lalo na sa mga bata o sa mga adulto na ang hika ay nagsimula sa pagkabata. Kahit na ang karaniwang pagkain, gaya ng gatas, itlog, at cereals, ay maaaring paghinalaan. Subalit maaaring mangailangan ito ng maraming pagsubok upang matiyak ang salarin, lalo na kung ito ay isang bagay na malawakang ginagamit, gaya ng asukal. At, mangyari pa, maaaring higit pa sa isang pagkain ang nasasangkot. Makabubuting isaalang-alang ng mga pasyenteng adulto ang mga inuming may alkohol, lalo na ang beer at alak, na posibleng mga salik na nagpapalubha sa hika.

Ehersisyo: Kung minsan ang isang atake ng hika ay pinangyayari ng labis na pagod, karaniwang sumusumpong pagkatapos ng ehersisyo. Kung ito ang nararanasan mo, iwasan ang mga ehersisyo, gaya ng squash, na nagsasangkot ng pabigla-biglang silakbo ng enerhiya at subukan mo ang mas banayad na anyo ng ehersisyo, gaya ng paglangoy at pagbisikleta. Marahil makatutulong na gumamit ng isang bronchodilator (isang gamot na nagpapaginhawa sa pagbabara sa bronchial tubes) bago ang anumang masigla o mabigat na gawain. Baka makatulong sa iyo ang isang pisyoterapis sa pamamagitan ng isang programa na magdaragdag ng iyong pagtitiis sa ehersisyo. Pangyayarihin ka nitong makibahagi sa higit pang mga gawain nang hindi kinakapos ng hininga.

Impeksiyon: Kadalasan, ang bahagyang mga impeksiyon sa palahingahan, gaya ng sipon o trangkaso, ay pinagmumulan ng mga atake sa hika o palalain pa ang mga sintomas. Ang karaniwang gamot para sa hika ay hindi laging mabisa kung may impeksiyon.

Pakikitungo sa mga “Pollen”: Samantalang ang mga buwan ng taglamig ay nagdudulot ng maraming problema sa mga may sakit sa palahingahan, marami ang pinahihirapan ng tinatawag na pana-panahong hika. Ang pagkaliliit na mga partikula ng pollen na lumulutang-lutang sa himpapawid sa tag-araw ay maaaring pagmulan ng di-masabing kalungkutan at kahirapan sa mga pinahihirapan ng hika. Imposibleng alisin ang mga pinagmumulang ito ng pollen, subalit baka makatulong ang ilang sentido-komon na mga hakbang. Halimbawa, iwasan ang bagong tabas na mga damuhan, gayundin ang iláng o lalawigan kung panahon ng pollen, at hangga’t maaari ay gumamit ng mabisang air-conditioning.

Pakikitungo sa mga Amag: Libu-libong amag, halamang-singaw (fungi), ang nasa ating kapaligiran. Ang mga spore (sangkap sa pagpaparami) ng mga amag at halamang-singaw ay nabubuhay sa mga pananim o sa mga hayop. Sagana rin ito sa trigo, oats, mais, damo, at mga dahon. Bagaman kaunti lamang ang ipinakitang nagdudulot ng problema sa mga pinahihirapan ng hika, iminungkahi ng isang pag-aaral sa New Zealand na ang mga spore ang malamang na pangunahing salik sa alerdyi. Kaya, bagaman imposibleng maalis ang spores sa himpapawid, ang sumusunod na mga hakbang ay maaaring makatulong:

Iwasan ang mamasa-masa, maamag na mga silong at mga gusali.

Huwag kalaykayin o sunugin ang mga dahon o tuyong damo.

Disimpektahin o sirain ang anumang maamag na bagay.

Huwag mag-alaga ng mga halaman sa loob ng bahay o gumawa ng isang bunton ng compost sa hardin.

Linisin ang mga lugar sa bahay na may amag.

Hikain ba ang Iyong Anak?

Kung gayon, kakailanganin niya ang iyong suporta. Kailangang unawain mo, gayundin ng kaniyang mga guro, ang kaniyang problema at tulungang mabata niya ito. Ang bata ay hindi dapat itulak na gumawa nang higit kaysa makakaya niya, subalit hindi rin siya dapat payagang magkubli sa likuran ng kaniyang hika at iwasang gawin ang mga bagay na mabuti sa kaniya.

Ang kaniyang pisikal na mga gawain ay dapat na walang pakikipagkompetensiya, bagaman maraming batang may hika ang nakapaglalaro ng karamihan sa mga laro kung sila ay walang mga sintomas ng hika. Gayunman, ang batang may talamak na hika ay maaaring masiyahan lamang sa limitadong gawain, at dapat mag-ingat ang mga adulto na huwag siyang itulak nang labis. Ang matalinong paggamit ng medikasyon ay baka makatulong sa kaniya na masiyahan sa regular na gawain na gaya ng edukasyon sa pagpapalakas ng katawan, at dapat malaman ng guro kung kailan at kung paano gumamit ng isang bronchodilator na aerosol.

Ang ilang bata ay lubhang apektado ng hika anupa’t sila ay laging nahihirapang huminga at madalas humuni. Ang gayong mga bata ay kadalasang balisa at maigting, at lubhang nag-aalala sa kanila ang kanilang mga magulang at mga guro. Ang mga bata ay madalas na lumiliban sa klase at maaaring hindi makisali sa mga laro.

Maaaring maging labis ang pangangalaga ng isang magulang ang gayong bata. Kung ang isang bata ay galing sa isang tahanan kung saan madalas ang kaigtingan at pagtatalo, baka kulang siya ng suporta, pag-ibig, pag-unawa, at pampatibay-loob na kailangang-kailangan niya. Ang mga magulang na may malusog, punô ng pag-asang paglutas sa hika ay tumutulong upang bawasan ang pagkabalisa sa bata, binabawasan ang tindi ng karamdaman.

Kung Atakihin ang Isa . . .

Ilipat siya sa isang tahimik na dako at bigyan siya ng katiyakan. Maaari siyang tumayo o maupo na nakahilig sa harap, kadalasan ang pinakakomportableng posisyon sa panahon ng isang atake, at dapat niyang gamitin agad ang kaniyang bronchodilator. Kung ang bronchodilator ay nilalanghap, maaaring mas mabilis itong magtrabaho at samakatuwid ay maging mas mabisa kaysa isang gamot na iniinom. Kung grabe ang atake​—lalo na kung ang hinihika ay hindi makapagsalita nang wasto—​siya ay dapat na dalhin kaagad sa isang doktor. Siyanga pala, ang pasyente ay nawawalan ng maraming tubig sa panahon ng isang atake dahilan sa hingal at hapò. Kaya, bigyan mo siya ng maraming maiinom.

Paggamot sa Hikain

Ang pisyoterapi ay isang mahalagang tulong sa hikain, lalo na sa pagpapakita sa kaniya kung paano wastong hihinga (na ginagamit ang diaphragm) at kung paano papawiin ang kapos na paghinga. Maaari rin siyang turuan ng terapis ng pagpapahingalay, mabuting tindig, at mga ehersisyo na tutulong upang masawata ang hika. Ang mga paggamot ay iba-iba. Karaniwan nang isang doktor ang pinakakuwalipikadong magmungkahi kung ano ang pinakamabuti para sa bawat indibiduwal na kaso.

Kabilang sa mga paggamot ang paggamit ng mga gamot, gaya ng sodium cromolyn at steroids, gayundin ng iba’t ibang uri ng bronchodilator. Mangyari pa, sa paggamit ng mga gamot, may posibleng masamang epekto. Ang isang doktor ay maaaring magrekomenda ng ibang paggamot.

Ang hika ay masalimuot. Dapat maunawaan ito ng mga kamag-anak at mga kaibigan kung nais nilang makatulong. Iwasan ang pagsabi ng mga bagay na gaya ng, ‘Basta huwag mong intindihin ito’ o, ‘Ayos naman ang tingin ko sa iyo.’ Ang mga pinahihirapan ng hika na natutong unawain ang kanilang sakit ay makakukuha ng kaaliwan sa pagkaalam na kahit na bago pa gumaling ang sangkatauhan sa lahat ng karamdaman sa bagong sanlibutan ng Diyos, magiging mas handa sila sa mga atake ng hika, mas nasasangkapan upang iwasan ang mga bagay na pinagmumulan nito, at ang kanilang kaigtingan, pagkabalisa, at paghihirap ay lubhang nababawasan. (Isaias 33:​22, 24)​—Isinulat ng isang pinahihirapan ng hika.

[Talababa]

a Kung minsan ang isang hikain ay hindi naman lubhang maysakit upang gawin ang mga gawaing ito sa bahay. Para sa nakatutulong na mga mungkahi, pakisuyong tingnan ang artikulong “A Clean Home Despite Ill Health” sa Awake! ng Pebrero 22, 1982.

[Dayagram/Larawan sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NORMAL

Malambot ang kalamnan

Mucosa

Hindi baradong daanan ng hangin

ATAKE NG HIKA

Umurong na kalamnan

Namamagang mucosa

Baradong daanan ng hangin

Plema

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share