Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Pabautismo?
ANG trese-anyos na si Susana ay nasa mga huling yugto ng kanser nang daluhan niya ang kaniyang huling kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Hindi niya alam na siya’y mamamatay sa loob lamang ng sampung araw. Gayumpaman, hindi siya mapahinto kahit ng kanser sa pagtupad ng kaniyang pinakahahangad na naisin: ang mabautismuhan bilang isang nag-alay na Saksi ni Jehova at isang alagad ni Jesu-Kristo.
Si Susana ay isa lamang sa libu-libong kabataang mga Saksi ni Jehova nitong mga nakaraang taon na pinakahahangad ang pribilehiyo na mabautismuhan. Subalit marahil ay nasusumpungan mo ang pagkuha ng gayong lakas-loob na paninindigan na medyo nakatatakot. Hindi naman sa hindi ka naniniwala sa salig-Bibliyang mga katotohanan na itinuro sa iyo. Maaaring isa kang regular na dumadalo sa mga pulong Kristiyano at marahil ay regular kang nakikibahagi sa paghahatid ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba. Gayunman, pagdating sa pag-aalay ng iyong buhay sa Diyos, baka ikaw ay nag-aatubili. Gaano kahalaga, kung gayon, ang bautismo? At bakit iniiwasan ito ng napakaraming kabataan?
Relihiyon Nang Walang Pag-aalay
Sa Sangkakristiyanuhan, ang tanong tungkol sa bautismo ay karaniwang sinasagot para sa mga kabataan ng kanilang mga magulang. Pinasisigla ng ilang sekta ang mga magulang na pabautismuhan ang kanilang mga anak na sanggol. At kahit na kung ang ritwal sa bautismo ay inirereserba kapag sila ay may sapat na gulang na, ang mga kabataan ay karaniwang inaasahang susunod sa relihiyon ng kanilang mga magulang, hindi dahil sa ito ang kanilang pinili.
Kapuna-puna, gayunman, isinisiwalat ng isang Gallup surbey sa Estados Unidos na bagaman “halos lahat ng mga tin-edyer (96 porsiyento) ay naniniwala na may isang Diyos,” 39 porsiyento lamang ang madalas na nananalangin. At 52 porsiyento lamang ang nagtitiwala sa organisadong relihiyon. Sa gayon tipikal ang kabataang si Diane sa pagsasabing: “Naniniwala ako sa Diyos at sa lahat ng katulad niyan, subalit mas naniniwala ako sa basta pagsisikap na maging isang mabuting tao kaysa pagbabasa ng bawat linya sa Bibliya.”
Oo, ang relihiyon ay maaaring maging isang mahinang puwersa, totoo, kapag ito ay ipinipilit sa isang kabataan ng kaniyang mga magulang. Inilalarawan pa ito ng isang pag-aaral na ginawa sa isang pangkat ng mga delingkuwenteng kabataang Katoliko. Kalahati sa kanila ang nagsisimba. Nalalaman ng karamihan ang pangunahing mga doktrina ng kanilang relihiyon. At halos 90 porsiyento sa kanila ay hindi sang-ayon sa pagnanakaw. Gayunman, mahigit sa dalawang-katlo ay mga magnanakaw! Ganito ang sabi ng aklat na The Adolescent: “Ang isang dahilan marahil ay sapagkat ang relihiyosong pangako (commitment) ng mga batang lalaki ay pahapyaw lamang. Lahat ay ipinanganak na mga Katoliko; ang kanilang unang pangako ay ginawa para sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang kanilang relihiyon ay hindi kanila mismong relihiyon.”
Bautismo—Kung Bakit Isang Kahilingang Kristiyano
Kung gayon, sa mabuting kadahilanan, hinihiling ng Bibliya na ikaw—hindi ang iyong mga magulang—ang gumawa ng isang personal na pag-aalay sa Diyos.a ‘Mabuti naman,’ maaaring sabihin mo, ‘ngunit kung ang pag-aalay ay personal, isang bagay sa pagitan ko at ng Diyos, bakit kailangan ko pang pabautismo?’
Sapagkat ang bautismo ay nagsasangkot ng ‘kaligtasan ng iyong kaluluwa.’ (1 Pedro 1:9) Nasa isip ng Diyos ang pagpapasapit ng “paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa ng walang hanggang pagkapuksa.” (2 Tesalonica 1:8, 9) Ang lahat ng tanda ay nagpapahiwatig na ang pagkapuksang ito ay darating sa ating kaarawan.b
Gayunman, kalooban ng Diyos na ang “lahat ng uri ng tao ay maligtas.” (1 Timoteo 2:4) Nais niyang maligtasan mo ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay at mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa! (Apocalipsis 21:3, 4) Subalit paano mo maipakikilala ang iyong sarili na isa na sumusunod sa mabuting balita? Hindi sapat ang basta maniwala sa mga katotohanan ng Bibliya na itinuro sa iyo, ni sapat man kaya ang basta sumama sa iyong mga magulang sa mga pulong Kristiyano. (Ihambing ang Santiago 2:19.) Yaong nagnanais ng kaligtasan ay dapat ialay ang kanilang sarili sa Diyos at gawin ang kaniyang kalooban. Sabi ni apostol Pablo sa Roma 12:1: “Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, [“naaalay,” The New English Bible] kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran.”
Subalit ang pag-aalay ay hindi maaaring manatiling isang personal na bagay. Tutal, gaano nga katapat, gaano kadedikado, ang isang lihim na alagad? (Ihambing ang Juan 19:38.) Magtitiwala ka ba sa isang kaibigan na nagnanais panatilihing lihim ang inyong pagkakaibigan? May katalinuhan, kung gayon, hinihiling ng Diyos ang lahat na ‘gumawa ng hayagang pagpapahayag ng kaligtasan.’ (Roma 10:10) Ito’y nagsisimula sa bautismo. Sa panahong iyon, ang isa ay gumagawa ng bibigang pagpapahayag ng pananampalataya. Pagkatapos, sinusundan ito ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:19, 20) Gayunman, ano ba ang halaga ng paglulubog sa tubig?
Ang bautismo ay hindi basta isang paligo; ito ay isang makasagisag na paglilibing. Kapag ikaw ay napaiilalim sa tubig sa pagpapabautismo, ikinikintal nito sa iyo na ikaw ay namatay na sa dati mong landasin ng pamumuhay. Dati, ang iyong personal na mga ambisyon, tunguhin, at mga hangarin ang pangunahin sa iyong buhay. Subalit sinabi ni Jesus na ‘itatakwil [ng kaniyang mga alagad] ang kanilang mga sarili.’ (Marcos 8:34) Kaya kapag ikaw ay iniahon, ipinagugunita sa iyo na ikaw ngayon ay nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang lakas-loob, hayagang pagkilos na ito ay mahalagang bahagi ng pagtatanda na nagpapakilala sa iyo para sa kaligtasan!—Ezekiel 9:4-6; ihambing ang 1 Pedro 3:21.
‘Natatakot Akong Matiwalag’
Kung ang bautismo ay napakahalaga, bakit, kung gayon, nag-aatubili ang ilang kabataan? Tinanong ng Gumising! ang tanong na iyan sa maraming kabataang Kristiyano. Sabi ng isang batang babae: “Ang marami ay nag-aakala na sila ay magkakaroon ng higit na kalayaan kung sila’y hindi bautismado. Inaakala nila na kung sila ay mapasangkot sa gulo, wala silang gaanong pananagutan kaysa kung sila’y bautismado.” Ganiyan din ang komento ng isang kabataang nagngangalang Robert sa pagsasabing: “Sa palagay ko maraming kabataan ang nag-aatubiling pabautismo sapagkat natatakot silang ito ang panghuling hakbang at na hindi na sila makauurong. Inaakala nilang kung makagawa sila ng isang bagay na mali, sila’y aalisin sa kongregasyon.”
Totoo na ang isa’y hindi na makauurong sa isang pag-aalay sa Diyos. (Ihambing ang Eclesiastes 5:4.) Ang taong nag-aalay ng kaniyang sarili sa Diyos ay kumukuha ng isang maselang pananagutan. Siya ay obligadong “lumakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya.” (Colosas 1:10) Ang isa na gumagawa ng malubhang pagkakasala ay nanganganib pa nga na matiwalag sa kongregasyong Kristiyano.—1 Corinto 5:11-13.
Gayunman, hindi maikakatuwiran ng isa na habang ang isa ay hindi pa bautismado, kahit na ano ay puwede. Sapagkat “ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi niya ito ginagawa ay nagkakasala”—bautismado o hindi bautismado! (Santiago 4:17) Maaaring maiwasan ng isa ang pormal na pagtitiwalag sa kongregasyon, subalit hindi matatakasan ng isa ang paghatol ni Jehova. “Huwag kayong magkakamali,” babala ni Pablo, “ang Diyos ay hindi napahahamak; sapagkat ang lahat na ihasik ng tao ay siya namang aanihin niya.”—Galacia 6:7, Byington.
Kadalasan ang takot na matiwalag ang talagang nagtatakip sa lihim na pagnanais na gumawa ng pagkakamali. Isang dalagitang nagngangalang Natalie ay prangkahang nagsabi: “Ako’y pinalaki sa sanlibutan ni Satanas at alam ko kung ano ito. Subalit maraming kabataan ang nagnanais lumabas at maranasan kung ano ang nasa labas.” Sa halip na hayaang pigilan ka ng maling mga naisin sa pagpapabautismo—o hayaan itong maging maling mga pagkilos—bakit hindi ka humingi ng tulong, marahil ay ipakipag-usap mo ang mga bagay-bagay sa isang magulang o sa isang maygulang na Kristiyano.—Santiago 1:14, 15.
Tunay, ang kalayaang iniaalok ng daigdig ni Satanas ay isa lamang ilusyon. Gaya ng sinabi ni apostol Pedro sa ilan na nailigaw noong kaniyang kaarawan: “Samantalang kanilang pinangangakuan sila ng kalayaan, sila naman ay mga alipin ng kabulukan. Sapagkat sino mang nadadaig ng iba ay alipin din naman ng isang ito.” (2 Pedro 2:19) Tunay bang kalayaan na kontrolin ng iba ang iyong pag-iisip, paggawi, at asal? Tunay bang kalayaan ang gumawa ng mga bagay na hahantong sa sakit, kahihiyan, at, sa wakas, sa kamatayan?—Kawikaan 5:8-14.
Hinarap ng isang kabataang Hapones na nagngangalang Hitoshi ang mismong mga katanungang iyon. Siya’y pinalaki ng Kristiyanong mga magulang at nagugunita niya: “Samantalang ang iba’y naglalaro, kailangan kong magtungo sa mga pulong. Nais ko ng higit na kalayaan. Akala ko ako’y pinagkakaitan ng mabuting bagay.” Oo, gaya ng salmistang si Asaph, “nanaghili” siya sa mga manggagawa ng masama. (Awit 73:2, 3) Subalit pagkatapos pag-isipan ang bagay na ito, nagbago ang damdamin ni Hitoshi. Sabi niya: “Natanto ko kung magiging ano ang buhay ko kung wala ang katotohanan—nakikita ko ang aking sarili na nabubuhay ng 70 o 80 taon at pagkatapos ay namamatay. Subalit buhay na walang hanggan ang ipinagkakaloob ni Jehova!” Kaya si Hitoshi ay gumawa ng pag-aalay sa Diyos at nabautismuhan.—Ihambing ang Awit 73:19-28.
Ikaw ba’y napakikilos na gawin din ang gayon? Isang kabataang nagngangalang David ay napakilos. Gunita niya: “Ang pagpapabautismo bilang isang kabataan ay isang proteksiyon sa akin. . . . Ang ibang mga tin-edyer na hindi bautismado sa kongregasyon ay nag-aakalang malaya sila sa autoridad ng mga matatanda at dahil dito sila ay bumaling sa masamang paggawi. Subalit lagi kong tinatandaan na inialay ko na ang aking buhay sa Diyos.” Gayunman, marahil, hindi ka pa nakatitiyak kung handa ka na bang kunin ang hakbang na ito. Ang impormasyon na tutulong sa iyo ay ilalahad sa isang artikulo sa hinaharap.
[Mga talababa]
a Ang kahangalan ng bautismo ng sanggol ay tinatalakay sa artikulong “Dapat bang Bautismuhan ang mga Sanggol?” sa Ang Bantayan ng Marso 15, 1986.
b Tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, (inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.), kabanata 18.
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang pasiya na maglingkod sa Diyos ay isang pasiya na ikaw lamang ang makagagawa. Ipinakikilala ng bautismo ang isa bilang naaalay na alagad ni Kristo Jesus