Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 4/8 p. 15-17
  • Handa Na ba Akong Pabautismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Handa Na ba Akong Pabautismo?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Ako ba’y May Sapat Nang Gulang?’
  • ‘Ako ba’y May Sapat Nang Kaalaman?’
  • “Mga Tagatupad ng Salita”
  • ‘Ginawa Ko bang Aking Kaibigan ang Diyos?’
  • Ang Bautismo at ang Iyong Kaugnayan sa Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Mga Kabataan—Handa Na Ba Kayong Magpabautismo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Handa Ka Na Bang Magpabautismo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Gawin Mong Tunguhin ang Maglingkod sa Diyos Magpakailanman
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 4/8 p. 15-17

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Handa Na ba Akong Pabautismo?

Mahal na Samahang Watchtower:

Ang pangalan ko po’y Sharon at ako po’y 13 anyos. Ako po’y nag-iisip kung handa na kaya akong pabautismo. Sa palagay ko po ako’y handa na, ngunit hindi pa rin ako nakatitiyak. Natitiyak ko pong ito’y nasa isipan din ng iba pang kabataang Kristiyano. Maaari po bang sumulat kayo ng isang artikulo upang ako po ay maituwid?

TAMA si Sharon. Ang bautismo ay nasa isipan nga ng maraming kabataang natatakot-sa-Diyos. Sa mga Saksi ni Jehova, natatanto ng mga kabataan na sila’y dapat na gumawa ng kanilang sariling pasiya na maglingkod sa Diyos, na ang kanilang mga magulang ay hindi maaaring magpasiya para sa kanila. Pinahahalagahan din nila na iniutos ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na sagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.​—Mateo 28:​19, 20.

Ang paggawa ng pangmadlang pagpapahayag bilang isang nag-alay na lingkod ng Diyos ay isang malaking pananagutan. Tiyak na hindi mo nanaising magmadali rito upang palugdan lamang ang iyong mga kaibigan o mga magulang. Isa pa, walang sinuman ang dapat na pumilit sa iyo na pabautismo. (Awit 110:3) Gayunman, pinayuhan ni Jesus ang lahat na “tantiyahin ang halaga” ng pagiging alagad niya. (Lucas 14:28) Hindi ito nangangahulugan na dapat mong timbangin kung baga nais mong maging alagad ni Jesus o hindi. Maliwanag, ito ang dapat na gawin. Gayunman, dapat ay alam na alam mo kung ano ang nasasangkot sa pagiging isang Saksi ni Jehova.a Pagkatapos, dapat mong tiyakin kung ikaw nga ba ay handa na sa pananagutang ito.​—Ihambing ang Kawikaan 20:25.

‘Ako ba’y May Sapat Nang Gulang?’

Habang nagkakaedad ang mga tin-edyer, karaniwang nadarama nila na may karapatan silang magtamasa ng ilang pribilehiyo at mga pananagutan. Mabilis nilang iginigiit ang pagmamaneho ng kotse ng pamilya, pahintulutan silang magkaroon ng mga trabaho pagkatapos ng eskuwela, magkaroon ng sariling perang magagastos. Subalit pagdating sa bautismo, maraming kabataan ang nagdadahilan na napakabata pa nila o na hindi pa sila handa sa pananagutang iyon. Isang kabataang nagngangalang Andre ang nagsabi: “Maraming kabataan ang naghihintay hanggang sa sila ay 17 o 18 anyos bago magpabautismo, na medyo may katandaan na.” Bakit? “Sapagkat bago niyan may sapat na silang gulang upang gumawa ng iba pang mga pasiya para sa kanilang mga sarili.”

Oo, ang bagay na ikaw ay isang tin-edyer ay hindi dahilan upang ‘mag-alinlangan sa dalawang magkaibang opinyon,’ ni ito man kaya ay isang mabisang dahilan na umiwas sa paninindigan bilang isang Kristiyano. (1 Hari 18:21) “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha sa mga kaarawan ng iyong kabataan,” payo ng Bibliya. (Eclesiastes 12:1) Ang propetang si Samuel ay isa na nagsimulang maglingkod kay Jehova sa napakamurang gulang. (1 Samuel 3:​1-18; 12:2) Gayundin ang masasabi ng salmistang si David: “Ikaw ang aking pag-asa, Oh Soberanong Panginoong Jehova, ikaw ang aking tiwala mula sa aking kabataan.”​—Awit 71:5.

Sa gayunding paraan, pinatunayan ng libu-libong mga kabataang Kristiyano ngayon​—pati na ang ilan na hindi pa tin-edyer—​na sila’y mapagkakatiwalaang gumawa ng pag-aalay na maglingkod sa Diyos. Ipagpalagay na, ang ilang tin-edyer ay hindi seryoso at masyadong iresponsable at hindi pa maygulang sa emosyonal na paraan upang gumawa ng pangmatagalang pasiya na gaya ng bautismo. (Kawikaan 22:15) Subalit totoo ba ito sa iyong kalagayan? (Walang alinlangan na ang iyong mga magulang ay maraming masasabi tungkol dito.) Hindi inaasahan ng Diyos ang isang tin-edyer na maging maygulang na katulad ng isang 40-anyos. Alam na alam niya na ikaw ay nakalantad sa “masasamang pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Subalit kung ikaw ay may sapat nang gulang upang maging seryoso at responsable, kung gayon ikaw ay malamang na may sapat nang gulang upang pag-isipan ang paggawa ng pag-aalay. Gayunman, may iba pang mga katanungan na dapat mong itanong sa iyong sarili.

‘Ako ba’y May Sapat Nang Kaalaman?’

Binabanggit ng aklat na The Adolescent, ni F. Philip Rice, na “ang mababaw, musmos na ideya tungkol sa relihiyon ay kadalasan nang hindi mananaig sa ilalim ng pagsalakay at pagsubok.” Gayunman, ganito ang sabi ni Mr. Rice: “May ilang pahiwatig na ang mga kabataan ngayon ay nakalulungkot na walang alam. Isinisiwalat ng isang pag-aaral tungkol sa kaalaman sa Bibliya ng Protestante at Judiong mga estudyanteng nasa ikalawang taon sa unibersidad ang totoong kawalang-alam sa Matanda at Bagong Tipan.”

Hindi dapat maging ganito sa isa na magpapabautismo. Ang isa ay dapat munang ‘kumuha ng kaalaman’ upang maging isang alagad, o tinuruan. (Juan 17:​3; Mateo 28:19) Kaya hindi ba makatuwirang asahan na bago magpabautismo, sa paano man ay alam mo na “ang panimulang aral ng banal na salita ng Diyos”? (Hebreo 5:12) Kabilang diyan ang pagkaalam sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa mga bagay na gaya ng kaluluwa, ang kalagayan ng mga patay, ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos, ang Kaharian, at ang pantubos.

Tunay, tiyak na may malalaman ka tungkol sa Bibliya sa basta pagsama mo sa iyong mga magulang sa mga pulong Kristiyano. Subalit ang kaalamang natamo sa gayong paraan ay maaaring pahapyaw at malamang na hindi “makapanaig sa ilalim ng pagsalakay at pagsubok.” Dapat ay makapagbibigay ka sa iba ng “katuwiran tungkol sa pag-asang nasa iyo.”​—1 Pedro 3:15.

Sabi ni Terry na siya’y naniniwala sa mga katotohanan ng Bibliya. Gayunman ang sabi niya: “Hindi ko pa nabigyan ng kasiyahan ang aking sarili sa pagtatanong ng aking sariling mga tanong at pagkatapos ay sagutin ang mga ito. Kamakailan, sinimulan kong gawin ito.” Ang resulta ng gayong programa ng pag-aaral sa Bibliya? “Umuunlad ang aking pananampalataya, at ngayon nasusumpungan ko na nakikipag-usap ako sa mga tao nang may tunay na kombiksiyon. Sinasabi ko sa lahat ng mga kabataang Saksi na huwag silang matakot na tanungin ang kanilang sarili kung ito nga ang katotohanan. Alamin mo! Magsaliksik ka, mag-aral ka. ‘Tiyakin mo ang lahat ng bagay.’ Pagkatapos ay maiaalay mo ang iyong sarili nang buong-puso kay Jehova.”​—1 Tesalonica 5:21.

“Mga Tagatupad ng Salita”

Gayunman, tayo ay dapat na maging “mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.” (Santiago 1:22) Hindi mo maihaharap ang iyong sarili sa bautismo at gayunman ikaw ay isa na ‘nagkukunwari’ sa pagtatago ng malubhang mga kasalanan. (Awit 26:4) Kabilang sa gayong mga pagkakasala ang seksuwal na imoralidad, paglalasing, pag-abuso sa droga, o anumang kasalanang binabanggit sa 1 Corinto 6:​9, 10. Kung may problema ka tungkol dito, bakit hindi mo isaayos sa iyong mga magulang na makipag-usap sa ilang hinirang na matatandang Kristiyano? Makatitiyak ka na ikaw ay bibigyan ng may kabaitang tulong.​—Santiago 5:​14, 15.

Maaari rin na kinakailangan ang ilang pagbabago sa paraan ng iyong pakikitungo sa iyong mga magulang o sa kung paano mo minamalas ang payong nanggagaling sa hinirang na matatandang Kristiyano, kahit na sa pagpili mo ng mga kaibigan. (Kawikaan 6:​20; 13:​20; 1 Corinto 15:​33; Hebreo 13:17) Maaaring hindi madali na gawin ang gayong pagbabago, subalit ang Kawikaan 11:​19 ay nagpapagunita sa atin: “Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay, ngunit siyang humahabol sa kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.”

Hinihiling ba ni Jehova na ikaw ay maging sakdal? Hindi naman. “Sinong makapagsasabi: ‘Nilinis ko ang aking puso; Ako’y naging dalisay sa aking kasalanan’?” tanong ng Kawikaan 20:9. Palibhasa’y di-sakdal, madali tayong makagawa ng pagkakamali. Subalit dahil sa pantubos ni Kristo, maaari tayong manatiling may mabuting katayuan sa Diyos. (1 Juan 2:​1, 2) Halimbawa, ang isang kabataang nakikipagbakang mainam sa isang masamang bisyo, gaya ng maruming gawain ng masturbasyon, ay hindi dapat makadama na siya ay hindi kuwalipikado sa bautismo.b Tunay, sa pamamagitan ng masikap na paglaban sa kasamaan, mapagagalak ng isa ang puso ni Jehova!​—Kawikaan 27:11.

‘Ginawa Ko bang Aking Kaibigan ang Diyos?’

Gayunman, marahil ang pinakakritikal na tanong ay nagsasangkot sa iyong kaugnayan sa Diyos. Tandaan: Inialay mo ang iyong sarili, hindi sa isang trabaho o sa isang layunin, o kaya’y sa isang organisasyon, kundi sa Diyos mismo. Ang Diyos ba ay waring mahirap unawain, malayo? O nakilala mo ba siya at naibig bilang isang Persona? (Exodo 34:​6, 7) Kung gayon, masusumpungan mo ang iyong sarili na madalas na nakikipag-usap sa kaniya, hindi automatiko, kundi mula sa puso.​—Awit 62:8.

Masusumpungan mo rin ang iyong sarili na talagang nagpupumilit na magsalita sa iba tungkol sa Diyos. (Ihambing ang 2 Corinto 5:14.) Sabi ng Kawikaan 15:​7: “Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman.” Ginagawa mo ba iyon sa pamamagitan ng regular na pangangaral sa iba? O hinahayaan mo bang ang paglilibang, dibersiyon, o katamaran pa nga na pigilin ka sa pagtulong sa iba na makilala ang Diyos?​—Kawikaan 19:24.

Oo, upang ang bautismo ay maging makabuluhan, ang Diyos ay dapat na maging iyong pinakamatalik na kaibigan. (Ihambing ang Santiago 2:23.) Kung hindi ganito ang kalagayan ngayon, hindi ito kasalanan ng Diyos, sapagkat masigla niyang inaanyayahan ang lahat na hanapin siya. (Gawa 17:27) At sa pagpapatuloy sa personal na pag-aaral, panalangin, at pakikisama sa kaniyang bayan, darating ang panahon na magiging mas malapit ka sa Diyos. (Roma 12:​12; 1 Timoteo 4:​15; Hebreo 10:​24, 25) Ang bautismo ay magiging natural na resulta ng gayong ‘paglapit sa Diyos.’​—Santiago 4:8.

Kunin halimbawa, ang kabataang babaing nagngangalang Cindy. Sulat niya: “Ako’y nabautismuhan sa gulang na 14. Alam ko kung paano ang maging bantulot sa paggawa niyaon. Subalit nais kong sabihin na ito ang pinakakahanga-hangang bagay na magagawa mo. Isipin mo, ang malaman na sinang-ayunan ka ni Jehova at na ‘sa anumang paraan ay hindi ka niya iiwan at sa anumang paraan ay hindi ka niya pababayaan’! (Hebreo 13:5) Kung may magtatanong sa akin kung dapat ba niyang ialay ang kaniyang sarili kay Jehova, sasabihin kong oo! Ngunit huwag mong gawin ito upang palugdan ang isa. Gawin mo ito sapagkat ibig mo.”

[Mga talababa]

a Tingnan ang “Dapat ba Akong Pabautismo?” sa labas ng Marso 22, 1990, ng Gumising!

b Tingnan ang mga kabanata 25, 26 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 16]

Maraming kabataan ang kuwalipikado sa bautismo. Kuwalipikado ka ba?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share