Pagbibiyahe sa “Tunel sa Lupa”
NASUSUMPUNGAN ng mga taga-New York na karaniwan nang ang pinakamabilis na paraan upang makalibot sa lungsod ay sa pamamagitan ng “tunel sa lupa”—ang sistemang subwey ng Lungsod ng New York.
Mahigit na 50 malalaking lungsod sa palibot ng globo ang may sistema ng perokaril sa ilalim ng lupa, o mga subwey, at ang iba ay gumagawa pa ng mga sistema ng subwey. Ang ibang sistema ng subwey ay mas malilinis at mas mahuhusay kaysa subwey ng New York, subalit ganito ang sabi ng autor na si Stan Fischler sa kaniyang aklat na Uptown, Downtown, “walang subwey ang . . . mas nakatutuwa, mas masalimuot, mas nagkakaiba, at mas makulay kaysa yaong sa New York.”
Maagang mga Pasimula
Ang pagsulyap sa mga subwey ay nagpapaliwanag kung bakit ang sistema ng subwey sa New York ay pumupukaw ng masidhing mga damdamin—pabor at kontra rito. Ang mga sistema ng subwey ay ginawa bilang lunas sa nagsisiksikang trapiko sa lungsod. Noong 1863 binuksan ng London ang unang subwey, na ginagamit ang mga tren na pinatatakbo ng singaw. Hindi na kailangan pang sabihin, gayunman, ang singaw, uling, at usok ay gumawa ng hindi gaanong kaaya-ayang atmospera sa mga tunel. Subalit iyon ang halaga ng pagsulong. Di-nagtagal ang Glasgow, Budapest, Boston, Paris, at Berlin ay nagkaroon din ng mga sistema ng subwey.
Ang New York ay baguhan lamang sa tanawin ng subwey, subalit habang dumarami ang populasyon nito, naging maliwanag ang pangangailangan para sa gayong sistema. Gayunman, ang mga mungkahi para sa mabilis na paghahatid ng mga pasahero ay matagumpay na hinarangan ng bulok na mga pulitiko na may pinansiyal na interes sa transportasyon sa ibabaw ng lupa. Samantalang pasagabal nang pasagabal ang kalagayan ng trapiko, ang lungsod ay napilitang kumuha ng pansamantalang hakbang: ang mataas na mga perokaril, o Els, at ang mga ito’y nagsimulang tumakbo noong mga taon ng 1870. Ang mga ito ay hindi magandang tingnan at maingay, at yamang ang mga tren na pinatatakbo ng singaw ang ginagamit, ang uling at abo ay kadalasang umuulan sa mga tao sa ibaba.
Apat na Taon ng Ingay at Gulo
Ang paggawa sa buong subwey ng New York ay sinimulan noong 1900. Subalit sa halip na pagbutas nang malalim sa lupa gaya ng ginawa sa London, lakas-loob na pinili ng New York na gamitin ang mas bagong paraan. Ang plano ay humukay ng malaking bambang; maglagay ng kalsada sa ilalim; patibayin ang ilalim, mga tabi, at ibabaw sa pamamagitan ng mga tahilang bakal; at palitan ang kalsada sa ibabaw ng kayariang ito. Ang mga bentaha? Sa isang bagay, ito’y mas mura at mas mabilis kaysa pagbutas. Karagdagan pa, ang mga nagbibiyahe ay maaaring sumakay sa tren sa paggamit ng hagdan sa halip na sumakay sa isang elebeytor.
Gayunman, may mga problema. Ang kalakal ay lubhang naputol noong panahon ng konstruksiyon. Ang mga linya ng imburnal, tubig, gas, singaw, kuryente, at telepono ay lagi nang naging suliranin sa mga tagapagtayo. Waring isinasapanganib din ng malawakang paghuhukay na humina ang mga pundasyon ng ilang malalaking gusali. Kung minsan, ang sarisaring kalupaan ng Manhattan ay humihiling na ang mga tagapagtayo ay bumutas nang malalim sa matibay at matigas na bato.
Gayumpaman, sa loob ng apat na mahabang taon, tiniis ng mga taga-New York ang ingay, gulo, at pagkabuwag dahil sa paggawa ng subwey. Subalit nang magsimulang tumakbo ang mga tren noong taglagas ng 1904, ang lahat ay pinatawad. Oo, ang subwey ay isang kagyat na tagumpay! Noong unang taon ng pagtakbo nito, isang katamtamang bilang ng mahigit na 300,000 katao isang araw ang nagbiyahe sakay ng mga tren sa ilalim ng lungsod.
Mahalagang Ruta ng New York
Ang isa ay hindi maaaring tumayo at masdan ang buong sistema ng subwey na gaya ng pagmamasid sa Empire State Building o sa Tulay ng Brooklyn. Gayumpaman, pinagtitinging maliit ng sistema ng subwey ang maliwanag na kahanga-hangang mga bagay na ito. Aba, sa isang 80-kilometrong bahagi nito, tatlong beses ang dami ng bakal nito kaysa bakal na ginamit sa Empire State Building! Ang buong sistema ay mahigit na 370 kilometrong ruta na may mahigit 1,300 kilometrong riles, ginagawa itong isa sa pinakamalawak sa daigdig.
Ang sistema ay mayroon ding malaking epekto sa pag-unlad mismo ng lungsod. Karamihan ng sampu-sampung libong mga tao na nagtatrabaho sa mga distrito ng kalakal ay galing sa ibang bahagi ng lungsod o mula sa karatig na mga lugar. Maaaring matakasan ng mga manggagawa ang buhul-buhol na trapiko ng Manhattan at ang mga problema sa pagpaparada sa basta pagsakay sa subwey. Kaya ang subwey ang pinakamahalagang ruta para sa maraming kalakal sa New York.
Sa loob ng maraming taon ang subwey ay naglaan ng ligtas, malinis, at mahusay na pagbibiyahe sa palibot ng lungsod. Subalit nagbago na ang panahon, at “ang lumalagong katampalasanan” na inihula ng Bibliya na sasalot sa daigdig ngayon ay nakakaapekto rin sa sistema ng subwey. (Mateo 24:12) Ang nasasandatahang pagnanakaw at pang-aagaw ng pitaka ay naging pangkaraniwan na lamang na mga pangyayari sa subwey.
Ang mataas na halaga ng pagpapatakbo ay nagpataas sa pasahe ng mahigit na 20-ulit mula nang magsimula ang pagtakbo nito! Gayunman, hindi na ito ang dating lubhang matubong kalakal na gaya noon. Ang pagkalalaking tulong na salapi ng gobyerno ang nagpapanatili sa mga tren na tumatakbo. Gayunman, ang mga kotse ng tren sa subwey at ang mga istasyon ng tren ay kung minsan marumi at hindi gaanong napangangalagaan. Ang mga bagong kagamitan ay mabilis na sinisira. Ang kinakailangang pagkumpuni sa mga riles at sa iba pang kagamitan ay kadalasang napababayaan. Ang mga pag-antala at pagkansela—dati-rati’y bihira—ay pangkaraniwan. Gayumpaman, ang subwey ay isang mahalaga at kailangang bahagi ng buhay sa lungsod, at waring tinatanggap ng mga taga-New York ang gayong mga abala nang may pagtitiis.
Pagsakay sa Subwey
Gusto mo bang sumakay sa “tunel sa lupa”? Dalawa sa mga linya ng subwey ng New York ay mga ilang bloke lamang buhat sa punong tanggapan ng Samahang Watchtower, kung saan ang magasing ito ay inilalathala. Kaya magtungo tayo sa isa sa mga ito.
Ang ating patutunguhan ay ang American Museum of Natural History sa West Side ng Manhattan. Mula sa punong tanggapan ng Watchtower sa Brooklyn, maglalakad tayo ng mga ilang bloke tungo sa pasukan ng istasyon na A train.a Bababa tayo sa change booth, kung saan tayo bibili ng ating mga token—pantanging mga barya na magpapapasok sa atin sa istasyon. Bababa pa tayo ng mga ilang baitang sa hagdan, darating tayo sa plataporma. May mga riles sa magkabilang panig, at mga palatandaan na nagsasabi kung aling panig ang para sa mga tren na patungong Manhattan at aling panig ang para sa mga tren na patungo sa unahan pa ng Brooklyn. Sasakay tayo sa tren na patungong Manhattan.
Naririnig mo ba ang mahinang dagundong? Iyan at ang biglang hangin ay magsasabi sa iyo na dumarating na ang tren. Walang anu-ano bigla itong dumarating sa istasyon, pinaaalimpuyo ang hangin sa palibot at pinupuno ang istasyon ng nakabibinging ingay. Kinakabig ng taong nagpapatakbo ng tren ang preno, at ang tren ay mabilis na humihinto. Pagbukas ng pinto, ang mga tao’y nagsisiksikan sa pagpasok at paglabas. Natutuwa tayo’t nakasumpong tayo ng upuan. Kung pumunta tayo roon nang oras na matao, marahil ay tatayo tayo, siksikan na parang sardinas.
Nagsara ang pinto, at ang tren ay umandar na mula sa istasyon. Nangibabaw sa ingay ang isang tinig na nagsalita sa mikropono. ‘Anong sabi niya?’ tanong mo. Simple. Sinabi niya na ito ay isang uptown A train na patungo sa 207 Street. Ang susunod na hinto ay sa Broadway-Nassau. Masasanay ka rin sa salita ng konduktor pagtagal-tagal.
Sa pagsakay mo sa subwey ay makikita mo ang isang talagang pambihirang grupo ng mga tao: mga negosyanteng nakaamerikanang guhitan, mga obrero, mga pulubi, mga pinabayaan, may balbas na mga Judiong Hasidic patungo sa trabaho, mga magulang at mga anak. Oo, sa subwey, makikita mo ang iba’t ibang tanawin ng mga tao sa Lungsod ng New York.
Subalit ito’y isang maikling tanawin, sapagkat sa loob lamang ng ilang minuto narating na natin ang ating patutunguhan. Dali-dali tayong lumabas, umakyat sa hagdan, at lumabas ng istasyon. Ano ang masasabi mo? Nasumpungan ng ilan ang subwey na kawili-wili at nakatutuwa. Ang iba naman ay nagagalak na makalabas dito. Magugustuhan mo ito o maiinis ka rito, ang ilan ay maaaring sumakay sa subwey at gayunma’y hindi gaanong humanga rito sa paano man.
Marahil magkakaroon ka rin ng pagkakataong sumakay rito balang araw. Tutal, ang isang paglalakbay sa Lungsod ng New York ay hindi kompleto kung hindi kasali rito ang isang biyahe sa “tunel na iyon sa lupa”—ang subwey ng Lungsod ng New York.
[Talababa]
a Ang mga tren sa subwey ay makikilala sa pamamagitan ng mga titik ng abakada o mga bilang.
[Mapa sa pahina 10]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
A
QB
7
M
5
2
[Credit Line]
Mapa/Sa kagandahang-loob ng NYCTA
[Picture Credit Line]
Jim Kalett/Photo Researchers