Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 6/8 p. 14-16
  • Kung Paano Makagagawa ng Higit sa Mas Kaunting Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Makagagawa ng Higit sa Mas Kaunting Panahon
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magtakda ng mga Prayoridad
  • Organisahin ang Trabaho
  • Pagpili ng Pinakamahusay na Panahon
  • Maging Makatotohanan
  • Makibagay
  • Humingi ng Tulong
  • Magbigay Nang Maingat na Pansin sa Personal na Organisasyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
  • Kung Paano Magiging Ganap na Maligaya ang Isang Ina
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Napagtatagumpayan ang Matataas na Presyo
    Gumising!—1985
  • Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 6/8 p. 14-16

Kung Paano Makagagawa ng Higit sa Mas Kaunting Panahon

‘Saan napunta ang panahon?’ Gaano kadalas mo na bang naitanong iyan? Kung ika’y gaya ng karamihan, marahil mas madalas mong itinatanong iyan kaysa iyong maaalaala.

Ang sumusunod ay naghaharap ng mga mungkahi mula sa pangmalas ng isang babae, subalit yamang kapuwa babae’t lalaki ay may magkatulad na dami ng panahon sa bawat linggo, ang tanong na, ‘Paano ko higit na pakikinabangan ang panahong taglay ko?’ ay isang katanungang ibig ng mga lalaki’t babae na magkaroon ng kasagutan.

Magtakda ng mga Prayoridad

Yamang bawat gawain sa buhay ay kumukuha ng panahon, may mga bagay na natural lamang na mauuna kaysa iba. Halimbawa, sa isang malamig na umaga kapag tagginaw, wala nang mas ibig pang gawin ang isang ina kaysa magbabad sa kaniyang mainit na higaan. Subalit ang orasan ay humuhudyat na panahon na upang maghanda ng agahan at papasukin ang kaniyang asawa sa trabaho at ang kaniyang mga anak sa paaralan.

Ang mga prayoridad ay kailangang itakda upang ang inyong sambahayan ay makakilos nang maayos. May panahon upang mamilí ng pagkain at panahon upang iluto ito; panahon upang linisin ang bahay at panahon upang maglaba; panahon upang magrelaks at panahon upang mag-aral; panahon upang pangasiwaan ang mga takdang-aralin at mga gawaing-bahay ng mga bata ​—at ang listahan ay patuloy pa.

Ikaw ba’y nagtatrabaho sa labas ng tahanan? Kung gayon, dahil sa karagdagang mga tungkulin, ang panahon ay nagiging higit na mahalaga. Hindi mo magagawang sayangin ito, ni lagi mong maipagpapaliban sa ibang araw ang paggawa ng mga bagay. Iyan ang dahilan kung bakit inaamin ng maraming babae na ang isang iskedyul ay lubusang kailangan upang matapos nila ang kanilang gawain.

“Kung walang iskedyul sa araw-araw,” sabi ni Josephine, ina ng anim na mga anak na mula 2 hanggang 15-anyos ang edad, “hindi ko maisasagawa ang aking mga tunguhin para sa bawat araw.” Si Sandra, na may tatlong anak, ay nagtatrabaho sa labas ng tahanan 25 oras bawat linggo, at siya’y sumasang-ayon: “Aba, kung wala akong iskedyul, sa palagay ko’y mababaliw ako.”

Karagdagan pa, ang iyong mga prayoridad ay tiyak na itinatakda ng halagang inilalagay mo sa panahon mismo. Ganiyan ang mga prayoridad ni Lola. Maliban sa isang asawang lalaki na aasikasuhin, naglalaan rin siya ng mula 90 hanggang 100 oras bawat buwan sa kaniyang gawaing pagtuturo ng Bibliya. Sabi niya: “Ang panahon ay napakahalaga sa akin. Inaakala kong wasto lamang na huwag paghintayin ang mga tao. At kapag yaong mga pabaya ay nakakakitang mataas ang pagpapahalaga ko sa panahon, napakikilos silang igalang nang higit ang aking panahon.”

Organisahin ang Trabaho

Bakit tila hindi matapos ng ilang babae ang kanilang mga gawain? O bakit kaya ang iba ay laging nagrereklamo sa kakulangan ng panahon? Isang dahilan kaya ay ang kanilang pagkabigo na isaayos ang kanilang mga gawain? Sa nakaraang mga salinlahi inaabot ng isang buong araw ang mga babae sa paglalaba at isa pang araw sa pamamalantsa, samantalang sila’y araw-araw na namamalengke at nagluluto. Gayumpaman, sa karamihang mga bansa sa ngayon, maaaring maglinis ng bahay ang isang babae, maglaba at magpatuyo ng mga damit, at magluto, nang sabay-sabay kung siya’y organisado. Pinalaya ng makabagong mga kaalwanan ang maraming babae upang makapagtrabaho sila sa labas ng tahanan at patuloy pa ring asikasuhin ang mga pangangailangan ng pamilya.

Subalit kumusta naman ang panahong ginugugol sa labas ng tahanan? Malaking bahagi nito, bukod sa panahong aktuwal na ginugugol sa pagtatrabaho, ay ginagamit sa pagbibiyahe patungo at mula sa lugar ng trabaho, paghihintay sa mga opisina ng mga doktor at mga dentista at kung saan pa. Magagamit ba ang marami sa panahong ito? Halimbawa, ikaw ba’y marunong magniting, maggantsilyo, manahi, o magburda? Maiiskedyul mo ba sa gayong mga panahon at mga lugar ang mga kakayahang iyan? Maraming babae ang nagbabasa, gumagawa ng listahan ng mga bibilhin, o nagsusulat ng mga liham. Sa katunayan, sa susunod na ika’y uupo upang manood ng TV, bakit hindi manahi o gumawa ng mga bagay para sa pamilya? Pahahalagahan nila ang mga ito nang higit kaysa mga nabibili sa tindahan, at ika’y magkakaroon ng nakikitang pruweba ng hindi pagsasayang ng panahon!

Gayumpaman, may isa pang panig ang bagay na ito. Kailangang iwasan ng isa ang pagiging masyadong mahigpit sa pagsisikap na samantalahin ang bawat minuto. Maaari kang maging alipin ng panahon, at nanakawin niyan ang iyong kagalakan. May mga panahong ibig ng isa na maupo nang tahimik at pag-isipan ang mga bagay na nagawa niya. Tunay na mahalaga ang ganiyang mga sandali!

Ang simulain ding ito ay kumakapit kung tungkol sa pagtitipid ng salapi. Kailangan ang pagkakatimbang. Maaaring ika’y maglibot sa buong lungsod sa iyong sasakyan upang makatipid ng ilang sentimo, subalit sa paggawa nito gumastos ka nang higit na panahon at gasolina. Siyempre pa, kapag ika’y nasa isang mahigpit na badyet, mahalaga ang pagtitipid. Kaya marahil ang pamimili sa isang sentral na pamilihan ay makatutulong. Alam mo kung nasaan ang mga paninda (na nakatitipid ng panahon mo), at alam mo rin kung kailan mayroong mga sale (na nakatitipid ng iyong salapi).

Pagpili ng Pinakamahusay na Panahon

Bawat babae ay may kani-kaniyang panloob na orasan. Ang ilan ay nakagagawa ng mas mahusay sa umaga; ang iba ay hindi makakilos nang mabuti malibang hapon na. Kung ika’y isang morning person (isang taong nakagagawa nang mas mahusay sa umaga), kung gayon ilagay mo ang pinakamahihirap na gawain mo sa iskedyul na yaon. Gamitin ang iyong lakas sa iyong pinakamahuhusay na panahon. Kung ika’y nagtatrabaho sa labas ng tahanan, bakit hindi kausapin ang iyong amo? Maaaring maging sa bentaha mo at ng iyong amo kung isasaayos ang iyong trabaho ayon dito. Sa kabilang dako, kung ika’y mabagal sa umaga, itabi ang iyong pinakamahalagang gawain sa bandang huli kung kailan ika’y makakikilos nang mas mahusay.

Si Mary ay isang morning person. Itinuturing niya na pinakamahalagang bahagi ng kaniyang araw ang panahong ginugugol niya sa kaniyang ministeryo. Kaya kumuha siya ng bahaging-panahong trabaho sa hapon. Pinangyayari nitong ilaan niya ang pinakamabubuting oras sa kaniyang gawaing pagtuturo-ng-Bibliya. Makagagawa ka ba ng katulad niyan sa iyong iskedyul?

Maging Makatotohanan

Upang maging praktikal ang isang iskedyul, hindi ito dapat magtaglay ng napakaraming gawain. Ang pagsisikap na maging isang Super Nanay, Asawang-babae, o Empleada ay maaaring humantong sa pagkasira-ng-loob at pagkabigo. Lalung-lalo na itong totoo kung ika’y may mga problema sa kalusugan. Matutong kumilos ayon sa iyong mga limitasyon.

Si Dolly, na may talamak na karamdaman, ay nagpapaliwanag: “Ang aking panahon ay nakasentro sa mga gawain ng aking asawa. Siya’y isang naglalakbay na ministro. Dahil kami’y nakatira sa isang maliit na mobile home, kapag natapos na niya ang kaniyang mga gawain, ginagawa ko naman ang sa akin. Hinahadlangan ako ng aking karamdaman na gawin ang lahat ng ibig kong gawin. Subalit kapag kaya ko, inuuna ko ang aking ministeryo. Hindi ko muna ginagawa ang ilang mga bagay sa tahanan sa araw na iyon.”

Makibagay

Ang isang pagsubok sa kakayahan ng isang babae ay kung paano siya kumikilos sa ilalim ng kaigtingan. Kung makapananatili siyang kalmante sa ilalim ng isang krisis, mas higit ang kaniyang magagawa kaysa pagmumukmok.

Nasumpungan ni Sandra ang lihim ng pagsupil sa kaigtingan. Sabi niya: “Kapag lumilitaw ang mga biglaang pangyayari at nadarama kong nasusukol ako sa lahat ng panig, ako’y nagrerelaks na lang. Alam kong tila kakatwa iyan, subalit ito’y epektibo. Kapag naiayos ko na ang aking sarili, maaari ko nang tiyakin kung ano ang dapat kong unahin. Kung hindi ako nakapagrelaks, hindi ko maitatakda ang wastong mga prayoridad. Kapag ang mga ito’y naisaayos na, mabilis kong ginagawa ang aking mga gawain upang harapin ang biglaang pangyayari at tapusin ang mga bagay-bagay. Halimbawa, minsan ang ilang bisita ay napaaga ng ilang oras para sa hapunan. Sa halip na mataranta, nagluto na lamang ako habang sinisikap na asikasuhin sila sa buong makakaya ko. Lahat ay nagrelaks at nasiyahan.”

Humingi ng Tulong

Minsa’y may nagsabi na ang pinakamahusay na executive ay ang isa na kumukuha ng mahuhusay na mga alalay. Pinatutulong mo ba ang iba sa trabaho? Kapag batid ng mga kamanggagawa na pinahahalagahan ang kanilang tulong, mas madali silang magkukusa. Totoo rin ito sa tahanan. Nakalulungkot, ang ilang babae ay masyadong metikuloso sa gawaing-bahay at pagluluto na kanilang pinahihina ang loob ng mga gustong tumulong. At marahil ang saloobin mismong iyan ang dahilan kung bakit ang ilang ginang ng tahanan at mga ina ay laging nabibigatan sa gawain samantalang ang mga miyembro ng kanilang pamilya ay paupu-upo na tila walang pakialam.

Ngayon, kumusta ka naman? Kapag kailangan mo ng tulong, pinasisigla mo ba ang iba na tumulong? Ikaw ba’y humihingi ng tulong, o iyo bang ipinag-uutos ito? Mas nakahihikayat pakinggan ang “pakisuyo” kaysa “gusto kong gawin mo ito”​—ang kinakausap mo ma’y ang iyong mga anak o ang iyong asawang-lalaki.

Ang isang babae, na pinasasalamatan ang asawa sa tulong na ibinibigay nito, ay nagsasabi: “Napakahusay niya sa bagay na iyan. Kapag hindi mabuti ang aking pakiramdam, pinahihiga niya ako, at siya ang nagluluto; siya at ang mga bata ay nagtutulungan sa mga gawain. Tunay na pinahahalagahan ko iyan!”

Anong buting saloobin na dapat taglayin ng isang pamilya! Subalit ang pinakaimportanteng tao sa situwasyong ito ay ang ina. Maaari niyang sanayin ang kaniyang mga anak na magpahalaga sa panahon at linangin ang isang positibong saloobin sa paggawa. Kadalasan ang gayong mga bata ay ibig tumulong dahil sa sila’y nagagalak na makibahagi sa isang pampamilyang tunguhin.

Hindi na kailangan pang sabihin, sasayangin talaga ng ilang tao ang panahon anuman ang sabihin o gawin ng iba. Hindi natin sila maaaring baguhin; maaari lamang nating pasulungin ang ating mga sarili. Maaaring ipasiya natin na maging makatotohanan tungkol sa panahon, maging higit na organisado, maglagay ng wastong mga prayoridad, at humingi ng tulong kung kinakailangan.

[Mga larawan sa pahina 15]

Kailangang itakda ang mga prayoridad upang ang inyong sambahayan ay makakilos nang wasto

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share