Pag-eeksperimento sa Hayop—Mararahas na Reaksiyon
KUNG ang eksaktong bilang ng apat-na-paang mga kinapal na ginagamit sa mga eksperimento sa laboratoryo at mga modelo sa pananaliksik sa medisina ay bibilangin, ang taunang kabuuang bilang sa buong daigdig ay makalilito. Tinatayang hindi kukulangin sa 17 milyong hayop—mga aso, pusa, unggoy, dagang-puti, at mga kuneho—ang ginagamit taun-taon sa Estados Unidos lamang. Mga daga ang bumubuo ng 85 porsiyento ng bilang na ito. Yamang walang eksaktong ulat kung saan o gaano karaming hayop ang ginagamit, ang mga bilang na ito ay tinataya ng ilang dalubhasa na siyang pinakamababang tantiya. Inilalagay ng ilang reperensiya ang kabuuang bilang sa Estados Unidos na malapit-lapit sa isang daang milyon. Nakasisindak ba sa iyo ang mga bilang na ito?
Bagaman ang sakripisyo ng mabalahibong mga nilikhang ito ay may layunin, nakasisindak ba sa iyo ang pag-iisip lamang nito? Itinuturing mo bang masama ang pagpatay na ito? Kinapopootan ng angaw-angaw na mga tao ang paggamit ng mga hayop sa pag-eeksperimento. Ang iba ay nangangatuwiran na ang pag-abuso sa mga hayop ay speciesism. Ang speciesist ay isa na “may pagkiling sa mga kapakanan ng kaniyang sariling uri at laban sa mga kapakanan ng ibang uri.” (Point/Counterpoint Responses to Typical pro-Vivisection Arguments) Sang-ayon sa mga tagapagpalaya (liberationist) ng hayop, ang mga speciesist “ay naniniwala na binibigyan-matuwid ng resulta ang pamamaraan, at na ang masama ay dapat gawin [sa mga hayop] upang makamit ang mabuti [sa mga tao].”
Sa kabilang dako naman, ang siyentipikong punto de vista ay binubuod sa sumusunod na katanungan: Ikinagagalit mo ba ang isang sistema na nagtataguyod ng pagpatay ng mga hayop upang matutuhan ng mga doktor ang bagong mga pamamaraan sa pag-oopera sa mga tao o upang hadlangan ang pagkalat ng nakamamatay na mga sakit? Handa ka bang talikdan ang bagong nagliligtas-buhay na mga gamot at medisina dahil sa alam mong ito ay sinubok muna sa mga hayop? Handa ka ba, oo pipiliin mo ba, na gamitin ang iyong buháy subalit patay-ang-utak na anak o magulang sa isang eksperimentong pag-oopera sa halip na isang hayop? At sa wakas, ganito iyon: Kung maililigtas ka o ang isang mahal sa buhay ng eksperimento sa isang hayop mula sa napakasakit na karamdaman o kamatayan, tatanggihan mo ba ito dahil sa iyong palagay na ang isakripisyo ang isang hayop upang iligtas ang isang tao ay masama? Sasabihin ng iba na ang problema ay hindi madaling lutasin.
Kilusan ng Pagpapalaya sa Hayop
Gayumpaman, noong dekada ng 1980’s, may tumitinding damdamin laban sa paggamit ng mga hayop sa pag-eeksperimento. Ngayon ang damdaming iyan ay makikita sa pandaigdig na magkakaugnay na grupo ng aktibong mga organisasyon na patuloy na lumalago sa lakas at miyembro. Walang pigil sila sa pagsasalita sa paghiling ng ganap na pag-aalis ng paggamit ng lahat ng uri ng hayop para sa pag-eeksperimento sa medisina o sa laboratoryo.
Ipinaririnig ng mga aktibista sa mga karapatan-ng-hayop ang kanilang mga tinig sa mga demonstrasyon sa lansangan, sa pulitikal na pag-impluwensiya sa mga miyembro ng batasan, sa mga magasin at mga pahayagan, sa radyo at telebisyon, at, kapansin-pansin sa lahat, sa militante at mararahas na taktika. Sabi ng isang kilalang aktibistang taga-Canada tungkol sa kilusan ng pagpapalaya: “Mabilis itong kumakalat sa Europa, Australia at New Zealand. Ang mga Estado ay lumalakas. May pambihirang pagdami sa Canada. May pangkat ng magkakaugnay na grupo na kumakalat sa buong daigdig at ang pangglobong hilig ay suportahan ang mas agresibong mga kilusan sa mga karapatan ng hayop.”
Ang ilan sa ‘agresibong mga grupong’ ito ay handang gumamit ng karahasan upang itaguyod ang kanilang layunin. Sa nakalipas na ilang taon, hindi kukulangin sa 25 laboratoryo sa pananaliksik sa Estados Unidos ang sinira ng mga grupong nagmamalasakit sa mga karapatan-ng-hayop. Ang mga laboratoryo ng pamantasan ay binomba. Ang mga pagsalakay na ito ay nagkahalaga ng milyun-milyong dolyar na pinsala. Ang mahahalagang rekord at impormasyon ay sinira. Ang mga hayop na ginagamit sa eksperimento ay ninakaw at pinakawalan. Sa isang pagkilos na iyon, ang mahalagang pananaliksik tungkol sa pagkabulag ng mga bata ay sinira. Ang mamahaling kagamitan na nagkakahalaga ng daan-daang libong dolyar ay pinagbabasag.
Sa isang bukas na liham sa mga opisyal ng pamantasan at sa news media, ipinagmalaki ng isang militanteng grupo na ang pagwasak sa isang $10,000 mikroskopyo sa loob halos ng 12 segundo sa pamamagitan ng isang $5 na baretang bakal ay “isang magandang kapalit ng aming pamumuhunan.” Sa iba pang mga dako ng pananaliksik, nasumpungan ng mga doktor at mga siyentipiko ang ibinuhos na dugo sa mga salansan at mga materyales sa pananaliksik at ang sawikain ng mga tagapagpalaya na nakapinta sa dingding. Ang isang ulat ay bumabanggit tungkol sa “panliligalig, pati na ang pagbabanta ng kamatayan, sa mga siyentipiko at sa kanilang mga pamilya.” Sa Estados Unidos, ang mga tagapagpalaya ng mga hayop ay nagpalabas ng mahigit isang dosenang mga banta sa kamatayan o karahasan sa indibiduwal na mga siyentipiko. Sa isang brodkast ng London BBC noong 1986, isang komentarista ang nagsabi: “Ang nagbubuklod sa mga aktibista ay ang paniniwala na ang tuwirang pagkilos—ang pagsira sa ari-arian, at kahit na sa buhay—ay moral na binibigyan-matuwid sa isang digmaan upang palayain ang mga hayop.”
Sabi ng isang lider sa pagpapalaya-ng-hayop: “Wala pa namang nasasaktan subalit iyan ay isang mapanganib na banta . . . Sa malao’t madali may gaganti at maaaring may masaktang mga tao.” Noong 1986, sa panayam ding iyon, inihula ng lider sa pagpapalaya ang karahasan sa Britaniya at Kanlurang Alemanya. Mga pangyayari sa anyo ng mga pagbobomba ng apoy at karahasan ay nagpatunay sa kaniyang hula. Sa Estados Unidos, nagkaroon na ng mga pagtatangka sa buhay ng isang tao na ang kompaniya ay nag-eeksperimento sa mga hayop. Ang mabilis na pagkilos sa bahagi ng pulisya ang nagligtas sa kaniya na mabomba. Gayunman, hindi lahat ng mga tagapagpalaya ng hayop ay sumasang-ayon sa marahas, ilegal na mga taktikang ito.
Bakit ang Kanilang Pagsalansang?
Sang-ayon sa The Journal of the American Medical Association, “karamihan ng mga tao ay nababahala sa paggamit ng mga hayop sa biyomedikal na pananaliksik na maaaring hatiin sa dalawang panlahat na kategorya: (1) yaong nababahala sa kapakanan ng hayop na hindi salungat sa biyomedikal na pananaliksik subalit nagnanais ng katiyakan na ang mga hayop ay tinatrato nang mabuti hangga’t maaari, na ang bilang ng mga hayop na ginagamit ay ang ganap na pinakamaliit na bilang na hinihiling, at na ang mga hayop ay ginagamit lamang kung kinakailangan.” Ang grupong ito, ayon sa mga surbey kamakailan, ay binubuo ng hindi gaanong masalitang karamihan.
Ang ikalawang grupo, ayon sa babasahin ding iyon, ay “yaong nababahala sa mga karapatan ng hayop na kumukuha ng mas radikal na katayuan at lubusang salansang sa paggamit ng mga hayop sa biyomedikal na pananaliksik.” “Ang mga hayop ay may pangunahing di maiaalis na karapatan,” sabi ng kasamang-direktor ng isa sa mga grupong iyon. “Kung ang isang hayop ay may kakayahang madama ang kirot o takot, kung gayon may karapatan itong huwag danasin ang mga bagay na iyon.” “Walang makatuwirang saligan sa pagsasabi na ang tao ay may pantanging mga karapatan,” sabi ng isa pang tagapagsalita. “Ang isang daga ay isang baboy ay isang aso ay isang batang lalaki. Silang lahat ay mga mammal.”
Maraming lubhang kumbinsidong mga tagapagpalaya ng hayop ang salansang sa paggamit ng mga hayop para sa pagkain, pananamit, isports, at maging sa mga alagang hayop. Ang mga mangingisda ay itinulak sa dagat niyaong mga salansang sa mga nanghuhuli at kumakain ng isda. Ang mga taong nagsusuot ng mga coat na yari sa balahibo ng hayop at mga kasuotang yari sa balat ng hayop ay inaalimura sa mga lansangan. Ang mga tindahan ay nilolooban at ang mamahaling mga coat na yari sa balahibo ng hayop ay sinisira niyaong mayroong mas radikal na pangmalas sa paggamit at pag-abuso sa mga hayop. “Hindi ako kakain ng itlog sa agahan o magsusuot ng mga yari sa balat ng hayop,” sabi ng isa. “Totoong sa likuran ng bawat hiwa ng bacon at bawat magandang tingnang itlog,” babala ng isang pulyeto ng Humane Society of the United States, “ay nakakubli ang mahaba, natatagong kasaysayan ng di-matiis na paghihirap.” Kompleto na may mga larawan ng inahing baboy at mga manok na nakakulong sa maliliit na kural at mga kulungan, ang pulyeto ay nagparatang na ang mga kalagayang ito, malaganap sa industriya ng baboy at manukan, ay ginagawa ang isang “pinggan ng bacon at itlog na wala kundi ‘ang agahan ng kalupitan.’ ” Maliwanag, may matitindi at taimtim na mga damdaming nasasangkot sa pagtatanggol sa mga karapatan ng hayop.
Nakasisindak na mga Kuwento
Maraming tao ang naniniwala na ang pagsalansang sa pag-eeksperimento sa hayop ay ganap na binibigyan-matuwid. Isa sa ubod ng samang kaso ay kinasangkutan ng Head Injury Laboratory ng isang kilalang pamantasan sa Amerika. Ang ninakaw na mga videotape na kinuha noong pagsalakay ng tagapagpalaya ng hayop ay nagsisiwalat ng “mga unggoy na ang mga ulo’y inihahampas sa isang makinang panampal, na ang mga mananaliksik ay tumatawa sa pabigla-biglang pag-uugali ng mga nilikhang napinsala ang utak,” ulat ng magasing Kiwanis ng Setyembre 1988. Ito ay umakay sa pagbawi ng gobyerno ng tulong nitong salapi sa laboratoryo.
Nariyan din ang napakasamang Draize na pagsubok, pawang pamilyar na pamilyar sa mga industriya ng kosmetik, shampoo, detergent, at lihiya. Ang pagsubok na ito ay ginagamit upang sukatin ang pang-inis ng mga produkto na maaaring pumasok sa mata ng isang tao. Karaniwan na, mula anim hanggang siyam na puting kuneho ang inilalagay sa mga kulungan na ang kanilang ulo at leeg lamang ang nakausli. Humahadlang ito sa kanila na kalmutin ang kanilang mata pagkatapos maibuhos dito ang kemikal. Iniulat na ang mga kuneho ay humihiyaw sa kirot. Kahit na ang maraming mananaliksik ay lubhang salansang sa anyong ito ng pagsubok at sinisikap na ihinto ang gamit nito. Ginawang dokumentado ng mga kilusan sa mga karapatan ng hayop ang maraming kasindak-sindak na mga kuwento na ginagawa sa mga laboratoryong nag-eeksperimento sa mga hayop.
Ang mga tagapagpalaya ng hayop ay walang mataas na opinyon sa sinipi kaninang si Dr. Robert White. Ang American Anti-Vivisection Society ay sumulat na siya “ay napakasamang vivisector mula sa Cleveland na nag-transplant ng mga ulo ng unggoy at iningatang buháy ang mga utak sa likido, na hiwalay sa katawan.”
Gaya ng sa maraming pagtatalo, may dalawang panig, at nariyan din ang gitna na sinisikap kunin ang pinakamabuti at alisin ang pinakamasama sa mga epekto. Halimbawa, may anumang praktikal na mapagpipilian ba sa pag-eeksperimento sa mga hayop? Ang ganap na pagtanggi ba sa pag-eeksperimento sa mga hayop ang tanging mabubuhay, timbang na kasagutan? Isasaalang-alang ng aming susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Kahon sa pahina 9]
Magkaibang Pangmalas
“AKO’Y naniniwala na ang mga hayop ay may karapatan na, bagaman naiiba sa ating sariling karapatan, ay di rin maiaalis. Naniniwala ako na ang mga hayop ay may karapatan na huwag nating saktan, takutin o pagkaitan sa pisikal na paraan. . . . May karapatan sila na huwag pagmalupitan sa anumang paraan bilang pinagmumulan ng pagkain, para sa paglilibang o sa anumang iba pang layunin.”—Naturalistang si Roger Caras, ABC-TV News, E.U.A. (Newsweek, Disyembre 26, 1988.)
“Kung titingnan ang malawak na larawan, hindi ko maiwawalang-bahala ang pagkalaki-laking kabutihan na nagbuhat sa pananaliksik. Ang mga bakuna, paggagamot, mga paraan sa pag-opera, at mga pamamaraang nagawa sa mga laboratoryo ay lubhang nagpahaba sa inaasahang haba ng buhay sa nakalipas na siglo . . . Sa liwanag na ito, ang hindi paggamit ng mga hayop sa pag-eeksperimento ay maaaring malasin bilang isang di-makataong pagpili: May paraan tayo na malaman kung paano mapagiginhawa ang sakit subalit hindi natin ginamit ito.”—Marcia Kelly, Health Sciences, Taglagas ng 1989, University of Minnesota.
“Ang sagot ko ay ‘Hindi’ sa pag-eeksperimento sa hayop. Hindi lamang dahil sa etika, kundi pangunahin nang dahil sa siyentipikong kadahilanan. Naipakita nang ang mga resulta mula sa mga eksperimento sa hayop sa anumang paraan ay hindi kapit sa mga tao. May likas na batas na nauugnay sa metabolismo . . . na kung saan ang isang biyokemikal na reaksiyon, na naitatag para sa isang uri, ay may bisa lamang sa partikular na uring iyon at wala nang iba pa. . . . Ang pag-eeksperimento sa hayop ay kabulaanan, walang silbi, magastos at higit sa lahat malupit.”—Gianni Tamino, mananaliksik sa University of Padua, pangunahing paaralan sa medisina ng Italya.
[Larawan sa pahina 7]
Mga kuneho sa kulungan na ginagamit para sa Draize na mga pagsubok sa mata
[Credit Line]
PETA
[Picture Credit Line sa pahina 8]
UPI/Bettmann Newsphotos