Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 7/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BAGONG MGA SALIN NG BIBLIYA
  • NASUMPUNGAN ANG KAUGNAYAN NG SAKIT-SA-BUTO
  • ANG PAGSUSO SA INA AY NAGSASANGGALANG
  • KARNABAL NG KRIMEN
  • PANGANIB SA MGA LANSANGAN
  • NATATAKOT SILANG UMUWI NG BAHAY
  • “WALANG DAHILAN UPANG MAGDIWANG”
  • PAGHAHAYDYAK NG KOTSE
  • MADAYANG PALIGSAHAN?
  • INUPAHANG TULONG UPANG LABANAN ANG ABORSIYON
  • DAHILAN NG ISANG HOMOSEKSUWAL
  • Osteoporosis—Isang Tahimik na Sakit
    Gumising!—2010
  • “Osteoporosis”—Ang Sakit na ‘Paglutong ng Buto’
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2002
  • Proteksiyon Mula sa mga Pulis—Mga Inaasahan at Kinatatakutan
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 7/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

BAGONG MGA SALIN NG BIBLIYA

Ang buong Bibliya o ang mga bahagi nito ay makukuha na ngayon ng halos 98 porsiyento ng populasyon ng daigdig, yamang ang bahagi nito o ang kabuuan nito’y naisalin na sa 1,928 iba’t ibang wika. Ang pahayagang Pranses na La Croix ay nag-uulat na 21 bagong salin ng Bibliya ang inilathala noong 1989. Kabilang sa bagong mga salin ang mga wika na gaya ng Tok Pisin, isang uri ng Pidgin English na sinasalita sa ilang bahagi ng Papua New Guinea; Trukese, na sinasalita sa isla ng Truk at sa iba pang isla sa Timog Pasipiko; Lahu, isang di-Intsik na wikang Sino-Tibetano ng Timog-silangang Asia; at ang Bawn, na sinasalita sa Bangladesh. Ginagawa na ngayon ang pagsasalin sa wikang Lappish, na sinasalita sa ilang bahagi ng Unyong Sobyet at ng Scandinavia, at sa Romany, ang wika ng mga Hitano.

NASUMPUNGAN ANG KAUGNAYAN NG SAKIT-SA-BUTO

Apektado ng osteoporosis, kung minsan ay nakalulumpong sakit sa buto, ang sangkapat ng mga babaing Caucasiano na mahigit 60 anyos sa Estados Unidos. Si Dr. Jeanne Freeland-Graves ng University of Texas sa Austin ay nagsasabi na may kaugnayan sa pagitan ng osteoporosis at ng antas ng manganese sa dugo. Ipinakikita ng kaniyang pananaliksik na ang mga matatandang babae na may osteoporosis ay mayroong mas mababang antas ng mineral na iyon sa dugo kaysa malulusog na babae na kasinggulang nila at na ang mababang antas ng manganese ay maaaring siyang sanhi ng sakit. “Ang mga buto ay humihina pagkaraan ng edad na 35,” sabi ni Dr. Freeland-Graves. “Subalit kapag ang mga babae ay magmenopos na, naiwawala nila ang pananggalang na epekto ng estrogen at lalo pang bumibilis ang pagkasira ng buto.” Sinabi niya na bagaman ang calcium ay mahalaga sa mga buto, ang paggamit ng mga suplementong calcium ay hindi hahadlang sa sakit sapagkat ang “buto ay hindi lamang binubuo ng calcium, at ang manganese ay isa sa mga mineral na iniimbak sa buto.” Ang mga pagkaing sagana sa manganese ay ang pinya, pecans, mani, balatong, kanin, espinaka, kamote, oatmeal, at whole-wheat na tinapay.

ANG PAGSUSO SA INA AY NAGSASANGGALANG

Ang mga inang nagpapasuso sa kanilang mga sanggol ay nagbibigay sa kanila ng malaking bentaha​—malamang na hindi magkaroon ng impeksiyon​—hinuha ng mga doktor na pinangungunahan ni Propesor Peter Howie ng Ninewells Hospital and Medical School, sa Dundee, Scotland. Iniulat ng isang pag-aaral sa mga sanggol sa kanilang unang taon, na inilathala sa British Medical Journal, na sa mga sanggol na pinasuso sa ina sa unang 13 linggo ng buhay, wala pang sangkatlo ang dumanas ng gastrointestinal na karamdaman na nagpahirap sa mga pinasuso sa bote. Ang pagpapasuso sa ina ay may kahawig subalit mas kaunting epekto sa pagbabawas ng mga suliranin sa palahingahan. Ang mga doktor ay naghinuha na upang matamo ng mga bata ang mga pakinabang na ito, ang mga ina ay “dapat na magpasuso sa paano man nang hanggang tatlong buwan.”

KARNABAL NG KRIMEN

Isang pahayagan sa Brazil, ang Folha de S.Paulo, ay naglathala kamakailan ng isang listahan ng malubhang mga krimen na ginawa sa São Paulo noong panahon ng karnabal bago ang Kuwaresma. Kabilang sa listahan ang 616 na mga away; isang kabuuan ng 432 pagnanakaw, panloloob, at pambubugbog upang magnakaw; 17 panghahalay; 3 pagkidnap; at 39 na mga pagpatay​—lahat ay sa loob lamang ng 18 oras. Isa pa, noong 18-oras ding iyon, nagkaroon ng 24 na sunog, 12 pagkalunod, at 6 na pagpapatiwakal; 17 mga bata ang pinabayaan; at 23 bangkay ang natagpuan. Ipinakikita rin ng mga ulat na 260 kotse sa katamtaman ang ninanakaw araw-araw noong limang araw ng kapistahan.

PANGANIB SA MGA LANSANGAN

Sang-ayon sa The New York Times, ang lungsod ng New York “ang pinakagrabeng lungsod sa bansa dahil sa mga nakawan sa lansangan.” Binanggit din ng ulat na mas maraming pagpatay ang nangyari sa New York City noong 1989 kaysa kailanman, na may kabuuang 1,905 na mga pagpatay. Noong unang dalawang buwan ng 1990, ang mga pagpatay ay “tumaas ng 20 porsiyento kung ihahambing sa gayunding panahon noong isang taon,” hindi kasali ang 87 tao na namatay sa panununog sa isang sosyal klab sa Bronx noong Marso. Sang-ayon sa Times, inaamin ng mga autoridad ng pulisya na ang kanilang 25,500-tauhan ng pulisya ay kulang na kulang at nasusumpungan nitong mahirap panatilihin ang batas at kaayusan sa mga lansangan. Ang kabuuang bilang ng krimen noong 1989 sa New York City ay kinabibilangan ng 542,932 krimen laban sa pag-aari at 169,487 krimen laban sa mga tao.

NATATAKOT SILANG UMUWI NG BAHAY

Ano ang naging bunga ng mga taon ng mahabang oras na ginugugol sa dako ng trabaho para sa dumaraming lalaking Hapones? Ang damdamin ng pagiging malayo sa kanilang pamilya at kawalan ng autoridad bilang mga asawang lalaki at mga ama. Isinisiwalat ng isang surbey ng Fukoku Mutual Life Insurance Company na 40 porsiyento ng mga empleadong lalaki sa nangungunang mga kompaniya sa Hapón ang pumipiling huwag umuwi ng bahay minsan sa isang linggo. Dalawang-katlo sa kanila ay nagpapalipas ng gabi na kainuman ng mga kaibigan, at sangkatlo ang umiinom na mag-isa. Nakapagtataka pa, ang iba ay basta nawawala. Sa katunayan, sinabi ng Pambansang Ahensiya ng Pulisya sa Gumising! na ang mga problema sa pamilya ang pangunahing dahilan ng waring kusang pagkawala ng 46,577 mga lalaki na hinanap nila noong 1988.

“WALANG DAHILAN UPANG MAGDIWANG”

“Si Stanley Matthews, ang pinakabantog na Ingles na star ng larong soccer, at ang tanging pinagkalooban ng karangalan bilang Kabalyero ng Kaharian, ay hindi nakasusumpong ng dahilan upang magdiwang,” sabi ng pahayagan sa Brazil na O Estado de S.Paulo. “Nasusumpungan niyang ang modernong paraan ng paglalaro na nakapanlulumo sapagkat ang kasiyahan ng isport ay wala na.” Nasusumpungan ni Matthews, na tumigil sa kaniyang propesyonal na karera sa soccer noong 1965 sa edad na 50, na ang modernong mga manlalaro ay walang mabuting pag-uugali at wagas na asal at ang mga ito’y kakikitaan ng karahasan at kawalang-katapatan. “Ang modernong mga manlalaro ay nakagagawa ng higit na foul kaysa noong panahon ko, at wala na ang malaking bahagi ng paglilibang at kasiyahan,” sabi ni Matthews. “Malaki na ang ipinagbago ng lahat. Bago ang Digmaang Pandaigdig II, kung ikaw ay naglalaro sa pambansang koponan at ikaw ay napatalsik, hindi ka na muling tatawagin. Kakantiyawan ka ng iyo mismong mga tagahanga.”

PAGHAHAYDYAK NG KOTSE

Palibhasa’y napakaraming kotse ang kinakabitan ng mga sistema laban sa pagnanakaw, ang mga magnanakaw ngayon ay gumagawa ng ibang taktika. “Dahil sa hindi na nila basta mabasag ang bintana bago paandarin nang walang susi ang isang walang bantay na sasakyan at patakbuhin ito, pinipili ng maraming magnanakaw ng kotse na haydyakin ang di-naghihinalang mga motorista samantalang sila ay nagbibiyahe o nakaupo sa kanilang mga sasakyan,” ulat ng Saturday Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Ang mga magnanakaw ay nagkunwang mga opisyal ng pulis sakay ng mga kotse na may kumikislap na asul na ilaw. Pagkatapos nilang mapahinto ang kanilang biktima, tinututukan nila ng baril at ninanakaw nila ang kotse. Ang ibang kotse ay ninakaw samantalang ang mga tsuper ay nakahinto dahil sa ilaw-trapiko o habang binubuksan nila ang kanilang kotse. Inuulat ng pulis na ang komersiyal na mga sasakyan ay nahaydyak sa layuning nakawin ang mga paninda sa loob gayundin ang sasakyan mismo. Binabalaan nila ang mga motorista na ikandado ang kanilang pinto, huwag buksan nang husto ang bintana, at maging higit na alisto kapag humihinto sa ilaw-trapiko o sa mga karatulang hinto.

MADAYANG PALIGSAHAN?

Mula noong 1928, ang Calaveras County sa California ay nagdaraos ng taunang paligsahan na palayuan ng lukso-ng-palaka. Karamihan ng palakang isinasali ay California bullfrogs, na bihirang tumimbang ng mahigit sa kalahating kilo. Subalit isang tagapag-angkat ng eksotikong mga hayop ay nagsikap na isali ang kaniya mismong mga palaka sa paligsahan: mga palakang goliat mula sa Kanlurang Aprika. Ang mga ito ay tumitimbang ng 7 kilo at umaabot ng halos 1 metro sa haba. Ang kasalukuyang rekord para sa paligsahan ay halos 6.5 metro, sa tatlong lukso; ang tagapag-angkat ng mga palakang goliat ay nagsasabi na ang kaniyang mga palaka ay nakalulukso ng gayon kalayo sa isang lukso. Ang mga tagapagsaayos ng paligsahan ay kumilos upang hadlangan ang mga palakang goliat sa pagsali sa paligsahan, tinatawag itong madayang paligsahan. Tinututulan din nila na baka kainin ng mga goliat ang mas maliliit na palaka at na baka ang iba ay lumukso sa labas ng 11-metro-ang-lalim na arena at tamaan ang isang manonood.

INUPAHANG TULONG UPANG LABANAN ANG ABORSIYON

Inupahan ng mga obispong Romano Katoliko sa Estados Unidos ang nangungunang kompaniya sa public-relations at isang malakas sa pulitika na tagasurbey na magsagawa ng isang pambasang kampaniya upang mahikayat ang mga Katoliko at hindi Katoliko na labanan ang mga aborsiyon. Sa susunod na tatlo hanggang limang taon, inaasahan nilang gumugol ng hanggang $5 milyon sa marketing plan. “Ipinakikita ng mga surbey na karamihan ng mga babae, at maraming babaing Katoliko, ang sumusuporta sa karapatan ng babae sa limitadong pagsasagawa ng aborsiyon,” ulat ng The New York Times.

DAHILAN NG ISANG HOMOSEKSUWAL

Isang binata na pinararatangan ng panggagahasa, mahalay na pagsalakay, simpleng pagsalakay, at labag sa batas na pagbabawal ang pinawalang-sala ng hukuman pagkatapos na ang patunay ng isang di-inaasahang saksi ay magbigay ng isang dahilan. Ang binabanggit na saksi ay isang paring Katoliko na nakadestino sa diyosesis ng lungsod ng Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Sang-ayon sa pahayagang National Catholic Reporter, ang “pari ay tumestigo na siya at ang nasasakdal ay magsing-irog at sila’y magkasama nang maganap ang sinasabing panggagahasa.” Bunga ng nakasisindak na pag-anim na ito sa publiko ng homoseksuwalidad, ang paring homoseksuwal ay inilagay sa isang walang katiyakang bakasyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share