Isang Anino sa Buwan
KALAGITNAAN ng Agosto noon sa Brazil—isang gabing hindi gaanong malamig at isang bilog na buwan ang nakabitin sa maaliwalas na langit. Ang mga tao ay nasa kani-kanilang balkon o nagkakatipon sa mga lansangan, itinatayo ang mga kamera sa mga tripod o ipinupokus ang mga largabista. Ang himpapawid ay humihiging dahil sa mga usap-usapan, na pawang may iisang katahimikan ng paghihintay.
Bakit ang labis na pananabik? Noon ay Agosto 16, 1989. Sa ika-10:21 n.g. isang ganap na eklipse ng buwan ang magsisimula. Dito, sa lalawigan kung saan ang hangin ay malinis, ang tanawin ay kahanga-hanga. Tamang-tama sa iskedyul, ang buwan ay nagsimulang gumapang sa anino na inihahagis ng lupa sa kalawakan. Tulad ng lupa, ang anino ay bilog. Noong ikaapat na siglo B.C.E., ang simpleng obserbasyong iyon ay tumulong sa pilosopong Griego na si Aristotle na matiyak na ang lupa ay bilog.
Habang ang buwan ay pumasok pa nang husto sa anino, ang mga nagmamasid ay nagsimulang magsabi ng “ooh” at “ah” nang buong pagpapahalaga. Ang buwan ay nagiging kulay dalandan. Gaya ng ginagawa nito sa magandang paglubog ng araw, ibinabaluktot ng atmospera ng lupa ang sinag ng araw, sinasala ang asul na sinag ng liwanag at hinahayaang lumabas ang sinag na pula at kulay dalandan. Pagkaraan ng 97 minuto, ang buwan ay ganap na nagkubli sa anino. Nang maglaon, ito ay muling lumitaw, unti-unting lumalabas pabalik sa liwanag ng araw.
Ang ilan sa mga nagmamasid sa buwan nang gabing iyon ay nanatili hanggang noong ika-2:00 n.u. upang makita ang buong pagtatanghal. Inaakala nilang ito’y sulit. Nakita nila ang pambihirang pagtatanghal ng kapangyarihan at karunungan ng Maylikha ng sansinukob. Ang Bibliya ay nagsasabi na ginawa niya ‘ang dalawang malaking tanglaw, ang mas malaking tanglaw ay upang magpuno sa araw at ang mas maliit na tanglaw upang magpuno sa gabi,’ upang “maging pinaka-tanda at pinaka-bahagi ng panahon ng mga araw at mga taon.”—Genesis 1:14, 16.