‘Ang Masamang Bisyong Ito ng Paninigarilyo’
‘KASUKLAM-SUKLAM sa mata, nakayayamot sa ilong, nakapipinsala sa utak, mapanganib sa bagà.’
Isinulat halos apat na raang taon ang nakalipas, winawakasan ng paglalarawang ito ang manipesto laban sa paninigarilyo na pinamagatang A Counterblaste to Tobacco, inilathala ng walang iba kundi ang Haring James I ng Inglatera, ang tagapagtaguyod ng 1611 na salin ng Bibliya na kilala bilang ang King James Version.
Ano ang nag-udyok dito, at anong mga leksiyon ang makukuha natin?
Pangmedisina at Iba Pang Gamit
Nang bumalik si Christopher Columbus sa Europa pagkaraan ng kaniyang pagdalaw sa Amerika noong 1492, nagdala siya ng ilang binhi ng halaman na pinahahalagahang lubha ng mga Indyan sa Amerika dahil sa mga katangian nitong pangmedisina. Nang maglaon, kinilala ni Nicholas Monardes ang damong-gamot na tabaco (o picielt, ayon sa mga Indyan). Natutuhan ng mananakop na mga Kastila ang halaga nito sa paggamot sa mga sugat nila, ‘pinagagaling ang kanilang mga sarili sa laking pakinabang nila.’—Joyful News Out of the New Found World, salin sa Ingles ni John Frampton, 1577.
Gayunman, ang isa pang gamit ng halamang ito ang partikular na nakatawag ng pansin ng mga manggagalugad. Ganito ang sabi ni Monardes:
‘Isa sa kahanga-hangang bagay tungkol sa damong-gamot na ito, at na lubhang hinahangaan, ay ang paraan ng paggamit dito ng mga Saserdote ng mga Indyan. Kapag may anumang negosyo sa gitna ng mga Indyan, na mahalaga, kung saan ang mga pinuno ay kailangang sumangguni sa kanilang mga saserdote, ang kanilang punong Saserdote ay kukuha ng ilang dahon ng Tabaco at ihahagis ito sa apoy, at kaniyang nilalanghap ang usok nito sa kaniyang bibig at sa kaniyang ilong sa pamamagitan ng isang pipa, at sa paglanghap nito, siya’y nagpapatirapa sa lupa, na parang taong patay, at nananatiling gayon, ayon sa dami ng tabakong nalanghap niya. Kapag tapos na ang bisa ng damong-gamot, siya’y magkakamalay na muli at magigising, at ibibigay niya sa kanila ang kanilang mga kasagutan, ayon sa mga pangitain at mga ilusyong nakikita niya. Sa ganitong paraan ang iba pa sa mga Indyan, para sa kanilang pampalipas ng panahon, ay humihitit ng Tabaco.’
Sinakop ni Sir Walter Raleigh ang Virginia noong 1584. Habang lumalawak ang kolonya, ang kaugaliang Indyan na pananabako ay naging popular din sa mga maninirahan doon. Doon sa Inglatera, ‘si Raleigh ang pangunahing may pananagutan sa pagpapakilala sa bisyo at pagtaguyod sa kulto,’ sabi ng mananalaysay na si A. L. Rowse.
Ang “Counterblaste”
Gayunman, tumututol sa bagong tuklas na bisyo ay walang iba kundi ang kaniyang hari, si James. Siya’y sumulat upang babalaan ang kaniyang mga sakop sa mga panganib ng pananabako.
‘Na sana’y makita ang maraming abuso ng napakasamang bisyong ito ng paggamit ng Tobacco, angkop na isaalang-alang mo muna kapuwa ang orihinal, at gayundin ang mga dahilan ng unang pagpasok nito sa bansa.’ Gayon nagsisimula ang bantog na Counterblaste. Pagkatapos repasuhin ang tinawag ng hari na ‘mabaho at di masarap’ na ugali ng paggamit ng usok ng tabako upang gamutin ang mga karamdaman, itinala ni James ang apat na argumentong ginagamit ng mga tao upang bigyan-matuwid ang kanilang bisyo:
1. Na ang utak ng tao ay malamig at basa, at sa gayo’y, lahat ng tuyô at mainit na bagay (gaya ng usok ng tabako) ay mabuti rito.
2. Na ang usok na ito, sa pamamagitan ng init, tapang, at likas na katangian nito, ay dapat na linisin kapuwa ang ulo at sikmura mula sa sipon at paninikmura.
3. Na hindi sana gaanong dinibdib ng mga tao ang bisyo kung hindi nila nasumpungan sa pamamagitan ng karanasan na ito ay mabuti sa kanila.
4. Na marami ang nakasusumpong ng ginhawa mula sa sakit at walang tao ang kailanma’y napinsala mula sa pananabako.
Sa liwanag ng modernong siyentipikong kaalaman, tiyak na sasang-ayon ka sa mga kontrakatuwiran ni James. Ang pananabako ay hindi lamang mainit at tuyô kundi, bagkus, ay may ‘tiyak na nakalalasong sangkap na kasama ng init.’ ‘Hindi nakabubuting langhapin ang usok upang gamutin ang sipon ni nakabubuti man ang pagkain ng karne at uminom ng mga inuming nakapagpapakabag sa iyo upang maiwasan ang sakit kóliko! ’ Maaaring sinasabi ng ibang tao na sila’y nanigarilyo ng mga ilang taon nang walang anumang masamang epekto, subalit ginagawa ba niyan ang paninigarilyo na kapaki-pakinabang?
Mariing ikinatuwiran ni James na ‘bagaman maaaring ipalagay ng matandang mga patutot ang haba ng kanilang buhay sa kanilang imoral na mga gawain, hindi nila kinikilala ang katotohanan na maraming patutot ang maagang namamatay’ mula sa mga sakit na nakukuha nila na naililipat sa pagtatalik. At kumusta naman ang tungkol sa matandang mga lasenggo na naniniwalang pinahahaba nila ang kanilang buhay ‘sa pamamagitan ng kanilang tulad-baboy na diyeta’ subalit hindi isinasaalang-alang kung paanong marami pang iba ang namamatay na ‘lunod sa kaiinom bago pa nila maabot ang kalahating gulang’ ?
Mga Kasalanan at Banidad
Palibhasa’y naibuwag ang mga argumento na pabor sa paninigarilyo, itinatawag-pansin naman ni James ang ‘mga kasalanan at banidad’ na nagagawa niyaong naninigarilyo. Pangunahin sa mga ito, sabi niya, ay ang kasalanan ng kasakiman. Hindi nasisiyahan sa paglanghap ng kaunting usok ng tabako, ang karamihan ay naghahangad ng higit pa. Oo, ang pagkasugapa sa nikotina ay naging pangkaraniwang bagay.
At kumusta naman ang tungkol sa ‘mga banidad’? Binomba ni James ang mananabako ng argumentong: ‘Hindi ba malaking banidad at karumihan na sa mesa, isang dakong iginagalang, ikaw ay nagbubuga ng maruming usok at mabaho, inilalabas ang usok, pinarurumi ang hangin, gayong kinasusuklaman ng iba ang gayong bisyo? ’
Para bang nalalaman ang maraming panganib sa kalusugan na nakakaharap ng mga maninigarilyo, si James ay nangangatuwiran: ‘Tiyak na ginagawa ng usok ang silid na higit na magtinging kusina sa halip na silid kainan, gayunman kadalasang ginagawa rin nitong kusina ang panloob na bahagi ng tao, dinudungisan at dinudumhan ito, ng isang madulas at malangis na uri ng agiw, gaya ng nasumpungan sa ilang malakas manabako pagkatapos na sila’y buksan pagkamatay nila.’
Upang wakasan ang kaniyang argumento, si James ay nagpapatuloy: ‘Kalakip nito hindi lamang ang malaking banidad kundi ang malaking paghamak sa mabubuting kaloob ng Diyos, na ang kabanguhan ng hininga ng tao, na isang mabuting kaloob ng Diyos, ay kusang sinisira ng nakapagpapabahong usok na ito! ’
[Larawan sa pahina 13]
Haring James I
[Credit Line]
Ashmolean Museum, Oxford
[Larawan sa pahina 13]
Sir Walter Raleigh
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Trustees of The British Museum